Deuteronomio 23:1-25
23 “Hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova ang lalaking kinapon na dinurog ang mga bayag o pinutol ang sangkap na panlalaki.+
2 “Hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova ang anak sa labas.+ Maging ang mga inapo niya hanggang sa ika-10 henerasyon ay hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova.
3 “Hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova ang isang Ammonita o Moabita.+ Maging ang mga inapo nila hanggang sa ika-10 henerasyon ay hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova kahit kailan,
4 dahil hindi nila kayo binigyan ng tinapay at tubig noong lumabas kayo sa Ehipto,+ at dahil binayaran nila si Balaam na anak ni Beor mula sa Petor ng Mesopotamia para sumpain kayo.+
5 Pero hindi nakinig kay Balaam ang Diyos ninyong si Jehova.+ Sa halip, ang sumpa ay ginawang pagpapala ng Diyos ninyong si Jehova+ dahil mahal kayo ng Diyos ninyong si Jehova.+
6 Kahit kailan, huwag ninyo silang tutulungang magkaroon ng payapa at saganang buhay.+
7 “Huwag kayong mapopoot sa isang Edomita, dahil kapatid ninyo siya.+
“Huwag kayong mapopoot sa isang Ehipsiyo, dahil nanirahan kayo bilang dayuhan sa lupain nila.+
8 Ang ikatlong henerasyon ng mga anak nila ay puwedeng makapasok sa kongregasyon ni Jehova.
9 “Kapag nagkampo kayo para labanan ang inyong mga kaaway, dapat kayong umiwas sa anumang bagay na masama.*+
10 Kung maging marumi ang isang lalaki dahil nilabasan siya ng semilya sa gabi,+ dapat siyang lumabas ng kampo at huwag munang pumasok muli.
11 Kapag malapit nang gumabi, dapat siyang maligo; pagkatapos, puwede na siyang bumalik sa kampo paglubog ng araw.+
12 Dapat na mayroon kayong isang pribadong lugar* sa labas ng kampo, at doon kayo pupunta para dumumi.
13 Dapat na mayroon kayong panghukay bukod sa inyong mga sandata. Kung dudumi kayo sa labas, humukay kayo gamit iyon at saka tabunan ang inyong dumi.
14 Dahil ang Diyos ninyong si Jehova ay lumalakad sa loob ng inyong kampo+ para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo; kaya dapat maging banal ang inyong kampo+ para hindi siya makakita ng anumang marumi sa inyo at hindi niya kayo iwan.
15 “Huwag mong ibabalik ang isang alipin sa panginoon niya kung tumakas siya rito at pumunta sa iyo.
16 Puwede siyang tumira sa gitna ninyo, saanman niya piliin sa mga lunsod ninyo. Huwag mo siyang mamaltratuhin.+
17 “Hindi puwedeng maging babaeng bayaran sa templo ang mga babaeng Israelita;+ hindi rin puwedeng maging lalaking bayaran sa templo ang mga lalaking Israelita.+
18 Huwag mong dalhin sa bahay ng Diyos ninyong si Jehova ang bayad sa* isang babaeng bayaran o ang bayad sa lalaking bayaran* para tuparin ang isang panata, dahil kasuklam-suklam ang mga iyon sa Diyos ninyong si Jehova.
19 “Huwag mong sisingilin ng interes ang kapatid mo,+ interes man sa pera, pagkain, o sa anumang bagay na puwedeng patubuan.
20 Puwede mong singilin ng interes ang isang dayuhan,+ pero huwag mong sisingilin ng interes ang kapatid mo,+ para pagpalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng pagsisikap mo sa lupain na magiging pag-aari mo.+
21 “Kung mananata ka kay Jehova na iyong Diyos,+ huwag kang maging mabagal* sa pagtupad nito.+ Dahil sisingilin iyon sa iyo ni Jehova na iyong Diyos; kung hindi mo iyon tutuparin, magiging kasalanan mo iyon.+
22 Pero kung hindi ka mananata, wala kang magiging kasalanan.+
23 Dapat mong isagawa ang lumabas sa bibig mo,+ at dapat mong tuparin ang ipinanata mo bilang kusang-loob na handog kay Jehova na iyong Diyos.+
24 “Kung pupunta ka sa ubasan ng kapuwa mo, puwede kang kumain ng ubas hanggang sa masiyahan ka,* pero huwag ka nang maglagay sa sisidlan mo.+
25 “Kung pupunta ka sa bukid ng kapuwa mo na may tanim na mga butil, puwede kang kumuha ng hinog na mga uhay gamit ang kamay mo, pero huwag kang gagamit ng karit para kumuha nito.+
Talababa
^ O “marumi.”
^ Palikuran.
^ O “kita ng.”
^ Lit., “sa aso.”
^ O “huwag kang magdalawang-isip.”