Deuteronomio 31:1-30
31 At humarap si Moises sa buong Israel, at sinabi niya:
2 “Ngayon ay 120 taóng gulang na ako.+ Hindi ko na kayo puwedeng akayin* dahil sinabi sa akin ni Jehova, ‘Hindi ka tatawid sa Jordan.’+
3 Ang Diyos ninyong si Jehova ang mangunguna sa pagtawid ninyo, at siya mismo ang lilipol sa mga bansang ito sa harap ninyo, at itataboy ninyo sila.+ Si Josue ang aakay sa inyo sa pagtawid,+ gaya ng sinabi ni Jehova.
4 Lilipulin din sila ni Jehova, gaya ng ginawa niya sa mga hari ng mga Amorita na sina Sihon+ at Og+ at sa lupain ng mga ito.+
5 Tatalunin sila ni Jehova para sa inyo, at gagawin ninyo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa inyo.+
6 Lakasan ninyo ang loob ninyo at magpakatatag kayo.+ Huwag kayong matakot o masindak sa harap nila,+ dahil nagmamartsang kasama ninyo ang Diyos ninyong si Jehova. Hindi niya kayo iiwan o pababayaan.”+
7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa harap ng buong Israel: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka,+ dahil ikaw ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ipinangako ni Jehova sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, at ikaw ang magbibigay nito sa kanila bilang mana.+
8 Si Jehova ang nagmamartsa sa unahan mo, at lagi ka niyang sasamahan.+ Hindi ka niya iiwan o pababayaan. Huwag kang matakot o masindak.”+
9 Pagkatapos, isinulat ni Moises ang Kautusang ito+ at ibinigay sa mga saserdoteng Levita, na tagapagdala ng kaban ng tipan ni Jehova, at sa lahat ng matatandang lalaki ng Israel.
10 Iniutos sa kanila ni Moises: “Tuwing matatapos ang pitong taon, sa itinakdang panahon sa taon ng pagpapalaya,+ sa Kapistahan ng mga Kubol,*+
11 kapag humaharap ang buong Israel sa Diyos ninyong si Jehova+ sa lugar na pinili niya, dapat ninyong basahin ang Kautusang ito para marinig ng buong Israel.+
12 Tipunin ninyo ang bayan,+ ang mga lalaki, babae, bata,* at dayuhang naninirahan sa mga lunsod* ninyo, para makapakinig sila at matuto tungkol sa Diyos ninyong si Jehova at matakot sa kaniya at sa gayon ay sundin nilang mabuti ang lahat ng salita sa Kautusang ito.
13 At maririnig ito ng kanilang mga anak na hindi nakaaalam ng Kautusang ito,+ at matututo ang mga ito na matakot sa Diyos ninyong si Jehova sa lahat ng araw ng inyong buhay sa lupaing magiging pag-aari ninyo pagtawid ng Jordan.”+
14 At sinabi ni Jehova kay Moises: “Malapit ka nang mamatay.+ Tawagin mo si Josue, at pumunta* kayo sa tolda ng pagpupulong para maatasan ko siya.”+ Kaya pumunta sina Moises at Josue sa tolda ng pagpupulong.
15 At nagpakita si Jehova sa tolda sa pamamagitan ng haliging ulap, at pumuwesto ang haliging ulap sa pasukan ng tolda.+
16 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Malapit ka nang mamatay,* at ang bayang ito ay sasamba* sa mga diyos ng mga banyaga sa palibot ng lupaing pupuntahan nila.+ Iiwan nila ako,+ at hindi sila tutupad sa pakikipagtipan ko sa kanila.+
17 Sa panahong iyon, lalagablab ang galit ko sa kanila,+ at iiwan ko sila+ at hindi tutulungan*+ hanggang sa maubos sila. At kapag dumanas na sila ng maraming kapahamakan at paghihirap,+ sasabihin nila, ‘Wala na sa gitna natin ang ating Diyos kaya dinanas natin ang mga kapahamakang ito.’+
18 Pero hindi ko pa rin sila tutulungan* sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaan nila, dahil sumamba sila sa ibang mga diyos.+
19 “Isulat ninyo ngayon ang awit na ito para sa inyong sarili+ at ituro ninyo sa mga Israelita.+ Sabihin ninyo sa kanila na sauluhin ito* para magsilbi itong saksi ko laban* sa bayang Israel.+
20 Kapag dinala ko na sila sa lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila+—isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan+—at kumain sila hanggang sa mabusog at naging sagana,*+ tatalikod sila sa akin at maglilingkod sa ibang mga diyos at lalapastanganin nila ako at hindi sila tutupad sa pakikipagtipan ko.+
21 Kapag dumanas na sila ng maraming kapahamakan at paghihirap,+ ang awit na ito ay magsisilbing saksi laban sa kanila (dahil hindi ito dapat malimutan ng mga inapo nila), dahil alam ko na ang takbo ng isip nila+ bago ko pa sila dalhin sa lupaing ipinangako ko.”
22 Kaya isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw na iyon at itinuro sa mga Israelita.
23 Pagkatapos, inatasan niya* si Josue+ na anak ni Nun at sinabi: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka,+ dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupaing ipinangako ko sa kanila,+ at lagi kitang sasamahan.”
24 Nang matapos isulat ni Moises sa aklat ang lahat ng salita sa Kautusang ito,+
25 inutusan ni Moises ang mga Levita, na tagapagdala ng kaban ng tipan ni Jehova:
26 “Kunin ninyo ang aklat na ito ng Kautusan+ at ilagay sa tabi ng kaban+ ng tipan ng Diyos ninyong si Jehova, at doon ay magsisilbi itong saksi laban sa inyo.
27 Dahil alam na alam kong talagang mapaghimagsik kayo+ at matigas ang ulo*+ ninyo. Kung mapaghimagsik na kayo kay Jehova ngayong buháy pa ako, paano pa kaya pagkamatay ko?
28 Tipunin ninyo sa harap ko ang lahat ng matatandang lalaki sa inyong mga tribo at ang mga opisyal ninyo. Sasabihin ko sa kanila ang mga salitang ito, at magiging saksi ang langit at lupa laban sa kanila.+
29 Dahil alam na alam kong pagkamatay ko, magiging napakasama ninyo+ at lilihis kayo mula sa daang itinuro ko sa inyo. At siguradong mapapahamak kayo+ balang-araw, dahil gagawin ninyo ang masama sa paningin ni Jehova at gagalitin ninyo siya dahil sa mga gagawin ninyo.”*
30 At binigkas ni Moises ang buong awit na ito sa harap ng buong kongregasyon ng Israel:+
Talababa
^ Lit., “Hindi na ako puwedeng lumabas at pumasok.”
^ O “Pansamantalang Tirahan.”
^ Lit., “maliliit na bata.”
^ Lit., “sa loob ng mga pintuang-daan.”
^ O “pumuwesto.”
^ O “magsasagawa ng espirituwal na prostitusyon.”
^ Lit., “humigang kasama ng iyong mga ama.”
^ Lit., “at itatago ko ang aking mukha mula sa kanila.”
^ Lit., “itatago ko pa rin ang aking mukha.”
^ Lit., “Ilagay mo ito sa bibig nila.”
^ O “para maipaalaala nito ang mga babala ko.”
^ Lit., “at tumaba.”
^ Lumilitaw na tumutukoy sa Diyos.
^ Lit., “leeg.”
^ Lit., “ng mga kamay ninyo.”