Eclesiastes 10:1-20
10 Kung paanong bumabaho at bumubula ang mabangong langis dahil sa patay na mga langaw, nasisira ang reputasyon ng taong marunong at marangal dahil sa kaunting kamangmangan.+
2 Ang marunong ay inaakay ng puso niya sa tamang landas, pero ang mangmang ay inaakay ng puso niya sa maling landas.*+
3 Saanmang landas lumakad ang mangmang, lagi siyang kulang sa unawa,*+ at ipinaaalam niya sa lahat na mangmang siya.+
4 Kung sumiklab ang galit* ng isang tagapamahala dahil sa iyo, huwag kang umalis sa puwesto mo,+ dahil ang kahinahunan ay nakapipigil sa malalaking kasalanan.+
5 May nakita akong nakakadismayang bagay sa ilalim ng araw, ang pagkakamaling nagagawa ng mga nasa kapangyarihan:+
6 Maraming mangmang ang nabibigyan ng mataas na posisyon, pero ang mga may kakayahan* ay nananatili sa mababang puwesto.
7 May nakikita akong mga lingkod na nakakabayo samantalang naglalakad lang ang mga prinsipe na parang mga lingkod.+
8 Ang gumagawa ng hukay ay puwedeng mahulog doon;+ at ang bumubutas sa batong pader ay puwedeng matuklaw ng ahas.
9 Ang tumitibag ng mga bato ay puwedeng masaktan dahil sa mga iyon, at ang nagsisibak ng kahoy ay puwedeng mapahamak dahil dito.*
10 Kapag mapurol ang palakol* at hindi ito hinasa, mas kailangan ng puwersa sa paggamit nito. Pero ang karunungan ay nakatutulong para maging matagumpay ang isa.
11 Kung ang ahas ay manuklaw bago pa ito mapaamo, walang saysay ang kakayahan ng engkantador.*
12 Tumatanggap ng pabor ang marunong dahil sa mga salitang lumalabas sa bibig niya,+ pero ang mga labi ng mangmang ay nagpapahamak sa kaniya.+
13 Ang mga unang salitang lumalabas sa bibig niya ay kamangmangan,+ at ang mga huling salita ay kabaliwan at nagdudulot ng kapahamakan.
14 Pero tuloy pa rin sa pagsasalita ang mangmang.+
Hindi alam ng tao kung ano ang mangyayari; sino ang makapagsasabi sa kaniya ng mangyayari kapag wala na siya?+
15 Ang pagsisikap ng mangmang ay umuubos sa lakas niya, dahil hindi man lang niya alam kung paano pumunta sa lunsod.
16 Talagang kaawa-awa ang lupain kung isang bata ang hari nito+ at umaga pa lang ay nagkakasayahan na ang mga prinsipe!
17 Maligaya nga ang lupain kung ang hari ay anak ng maharlika at ang mga prinsipe ay kumakain sa tamang panahon para lumakas, hindi para maglasing!+
18 Dahil sa sobrang katamaran ay lumulundo ang biga, at dahil sa mga kamay na walang ginagawa ay tumutulo ang bubong.+
19 Ang tinapay* ay nagbibigay ng kasiyahan,* at ang alak ay nagpapasaya sa buhay;+ pero pera ang sagot sa lahat ng pangangailangan.+
20 Huwag mong sumpain ang hari kahit sa isip lang,*+ at huwag mong sumpain sa iyong silid ang mayaman, dahil puwedeng ibunyag ng ibon* ang sinabi* mo, at puwede itong ulitin ng nilalang na may pakpak.
Talababa
^ Lit., “Ang puso ng marunong ay nasa kanang kamay niya, at ang puso ng mangmang ay nasa kaliwang kamay niya.”
^ Lit., “kapos ang puso niya.”
^ Lit., “espiritu; hininga.”
^ Lit., “ang mayayaman.”
^ O posibleng “ay dapat maging maingat dito.”
^ O “kasangkapang bakal.”
^ O “eksperto sa paggamit ng dila.”
^ O “pagkain.”
^ Lit., “ay para sa pagtawa.”
^ O posibleng “sa higaan mo.”
^ Lit., “lumilipad na nilalang sa langit.”
^ Lit., “tinig.”