Eclesiastes 7:1-29
7 Ang magandang pangalan* ay mas mabuti kaysa sa mamahaling langis,+ at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa sa bahay na may handaan,+ dahil iyon ang wakas ng lahat ng tao, at dapat itong isapuso ng mga buháy.
3 Mas mabuti ang paghihirap ng kalooban kaysa sa pagtawa,+ dahil ang malungkot na mukha ay nakakabuti sa puso.+
4 Ang puso ng marurunong ay nasa bahay ng namatayan, pero ang puso ng mga mangmang ay nasa bahay na may kasayahan.*+
5 Mas mabuting makinig sa saway ng marunong+ kaysa makinig sa awit ng mga mangmang.
6 Dahil ang tawa ng mangmang ay gaya ng lagitik ng nasusunog na mga tinik sa ilalim ng palayok;+ ito rin ay walang kabuluhan.
7 Pero puwedeng mabaliw ang marunong dahil sa pang-aapi, at ang suhol ay nakapagpapasama sa puso.+
8 Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito. Mas mabuting maging matiisin kaysa maging mapagmataas.*+
9 Huwag kang maghinanakit agad,*+ dahil mangmang ang nag-iipon ng hinanakit sa dibdib niya.*+
10 Huwag mong sabihin, “Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?” dahil hindi katalinuhang itanong ito.+
11 Ang karunungan na may kasamang mana ay mabuting bagay, at kapaki-pakinabang ito sa mga nakakakita ng liwanag ng umaga.*
12 Dahil ang karunungan ay proteksiyon+ kung paanong ang pera ay proteksiyon,+ pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.+
13 Bigyang-pansin mo ang gawa ng tunay na Diyos, dahil sino ang makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?+
14 Sa isang araw na punô ng kabutihan,+ ipakita mo sa iba ang kabutihang ito, pero sa isang araw na punô ng problema,* isipin mo na parehong ginawa ng Diyos ang mga araw na ito,+ para hindi matiyak* ng mga tao kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap.+
15 Sa buhay kong ito na walang kabuluhan,+ nakita ko na ang lahat ng bagay—may matuwid na maagang namamatay kahit matuwid siya+ at may masama na nabubuhay nang matagal sa kabila ng kasamaan niya.+
16 Huwag kang maging sobrang matuwid+ o mag-astang napakatalino.+ Bakit mo ipapahamak ang sarili mo?+
17 Huwag kang magpakasama o maging mangmang.+ Bakit kailangan mong mamatay nang maaga?+
18 Mas mabuting pakinggan ang* isang babala nang hindi kinalilimutan* ang isa pa;+ dahil pareho itong pinakikinggan ng may takot sa Diyos.
19 Dahil sa karunungan, ang isang matalinong tao ay nagiging mas malakas kaysa sa 10 malalakas na lalaki sa isang lunsod.+
20 Dahil walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa at hindi nagkakasala.+
21 Huwag mo ring dibdibin ang lahat ng sinasabi ng mga tao,+ para hindi mo marinig na isinusumpa ka ng lingkod mo;
22 dahil alam na alam mong* isinumpa mo rin nang maraming beses ang ibang tao.+
23 Gamit ang karunungan ko, pinag-isipan ko ang lahat ng ito at sinabi: “Magiging mas marunong pa ako.” Pero hindi ko naabot ang karunungang hinahanap ko.
24 Ang anumang naganap na ay hindi maabot ng isip at napakalalim. Sino ang makauunawa nito?+
25 Itinuon ko ang puso ko na alamin, saliksikin, at hanapin ang karunungan at ang dahilan ng mga bagay-bagay, at unawain ang kasamaan ng kamangmangan at ang kahangalan ng kabaliwan.+
26 At natuklasan ko ito: Mas malala pa sa kamatayan ang babaeng gaya ng lambat ng mangangaso, na ang puso ay gaya ng lambat ng mangingisda at ang mga kamay ay gaya ng mga tanikala sa bilangguan. Ang nagpapasaya sa tunay na Diyos ay tatakas sa kaniya,+ pero ang makasalanan ay mahuhuli niya.+
27 “At ito ang nakita ko,” ang sabi ng tagapagtipon.+ “Sinuri kong mabuti ang bawat bagay para makabuo ng konklusyon,
28 pero hindi ko nakita ang hinahanap ko noon pa. Sa isang libong tao, may nakita akong isang matuwid na lalaki, pero wala kahit isang matuwid na babae.
29 Ito lang ang nakita ko: Ginawa ng tunay na Diyos na matuwid ang mga tao,+ pero sarili nilang mga plano ang sinusunod nila.”+
Talababa
^ O “Ang magandang reputasyon.” Lit., “Ang pangalan.”
^ O “bahay ng paglilibang.”
^ Lit., “mapagmataas ang espiritu.”
^ O posibleng “dahil tanda ng kamangmangan ang pag-iipon ng hinanakit sa dibdib.”
^ Lit., “Huwag magmadali ang iyong espiritu na mainis.”
^ Tumutukoy sa mga buháy.
^ O “malaman.”
^ O “kapahamakan.”
^ O “binibitiwan.”
^ O “manghawakan sa.”
^ O “dahil alam mo sa puso mo na.”