Introduksiyon sa Efeso
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 60–61 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Si Tiquico, na isa sa mga kamanggagawa ni Pablo, ang nagdala ng liham na ito na isinulat sa Roma para sa kongregasyon sa Efeso. (Efe 6:21, 22) Si Tiquico rin ang pinakisuyuan ni Pablo na magdala ng liham niya para sa mga Kristiyano sa Colosas.—Col 4:7-9.
Maraming pagkakatulad ang liham na ito at ang liham para sa mga taga-Colosas. Halos sabay na isinulat ni Pablo ang mga liham na ito noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. At maliwanag na halos pareho ang kalagayan ng mga kongregasyong ito. Bilang halimbawa, paghambingin ang Efe 5:19 at Col 3:16.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Colosas.”
Pagkakaisa ang tema ng liham na ito. Ipinakita dito ni Pablo na layunin ni Jehova na ibalik ang pagkakaisa ng lahat ng matatalino Niyang nilalang, at sinabi niya rin ang papel ng hain ni Kristo at ng ‘mga taong ibinigay bilang regalo’ para matupad ang layuning ito. (Efe 1:9-11; 2:11-16; 4:1-6, 8, 11-13) Nakakatulong ang pagsunod sa halimbawa ni Kristo at ang ‘pagpapasakop sa isa’t isa’ para magkaisa ang mga pamilyang Kristiyano.—Efe 5:21–6:4.
Angkop sa kalagayan noon ng mga Kristiyano sa Efeso ang mga payong ibinigay ni Pablo sa kanila. Halimbawa, tingnan ang sumusunod na impormasyon.
Noong unang siglo C.E., kilalá sa pagiging mayaman ang lunsod ng Efeso. Ito ay isang malaking daungang-lunsod, at ito rin ang dulo ng mga kalsadang dinadaanan ng mga kalakal mula sa Silangan. Sinabi ng isang awtor noon na ang lunsod na ito ang “pangunahing kabang-yaman ng Asia.” Dinadala ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar ang mga kayamanan nila sa mga templo nito. Pero sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso na ang tunay na kayamanan ay ang espirituwal na kayamanan.—Efe 1:7, 18; 2:7; 3:8, 16.
Kilalá ang Efeso sa laganap na seksuwal na imoralidad dito. Nagbabala si Pablo laban sa seksuwal na imoralidad at sinabing huwag man lang itong mabanggit sa gitna ng mga Kristiyano. (Efe 5:3-5) Kailangang isuot ng mga Kristiyano “ang bagong personalidad.”—Efe 4:20-24.
Sumasamba rin ang lunsod na ito sa diyosa ng pag-aanak na si Artemis sa templo nito, na itinuturing na isa sa mga kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig. (Gaw 19:19, 27) Sa kabaligtaran, sinabi ni Pablo na ang mga pinahirang Kristiyano ay bahagi ng “isang banal na templo,” kung saan naninirahan si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—Efe 2:21.
Ang Efeso ay sentro ng demonismo. (Gaw 19:11-20) Pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na labanan ang masasamang espiritu sa pamamagitan ng pagsusuot ng “kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos.”—Efe 6:11, 12.
Kinumpirma ng mga manunulat noon na si Pablo ang sumulat ng liham na ito at na isinulat niya ito para “sa mga Taga-Efeso.” Ang ilan sa mga manunulat na ito ay sina Irenaeus (ikalawang siglo C.E.), Clement ng Alejandria (ikalawang siglo C.E.), at Origen (ikatlong siglo C.E.).