Liham sa mga Taga-Efeso 3:1-21
Study Notes
akong si Pablo ay bilanggo ni Kristo Jesus: Galit na galit kay apostol Pablo ang mga kababayan niya dahil nakapokus ang pangangaral niya sa mga di-Judio bilang alagad ni Jesu-Kristo. Humantong ito sa pagkabilanggo niya, una sa Judea, pagkatapos ay sa Roma. (Gaw 21:33-36; 28:16, 17, 30, 31) Kaya masasabi niyang isa siyang bilanggo ni Kristo Jesus alang-alang sa . . . mga tao ng ibang mga bansa. Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma nang dalawang taon (mga 59-61 C.E.), nakapagsulat siya ng ilang liham. (Tingnan ang study note sa Gaw 28:30.) Sa liham niya sa mga taga-Efeso, dalawang beses niya pang binanggit na nakabilanggo siya o nakatanikala.—Efe 4:1; 6:20.
katiwala ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: Isang espesyal na pananagutan ang ipinagkatiwala kay Pablo bilang “apostol para sa ibang mga bansa.” (Ro 11:13) Para bang sinasabi niya sa mga tao ng ibang mga bansa: “Pananagutan kong tulungan kayo na makinabang sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “katiwala” (oi·ko·no·miʹa) ay puwede ring isaling “administrasyon.”—Efe 1:10; 3:9.
gaya ng isinulat ko sa maikli noong una: Lumilitaw na hindi ibang liham ang tinutukoy dito ni Pablo, kundi ang mga nauna niyang binanggit sa liham ding ito, gaya ng mababasa sa Efe 1:9, 10 at 2:11-22.
mga tao ng ibang mga bansa: Mga di-Judio. Sa talatang ito, idiniin ni Pablo ang isang bahagi ng sagradong lihim na isiniwalat sa kaniya, gaya ng sinabi niya sa Efe 3:3. (Tingnan ang study note sa Mat 13:11; Efe 1:9.) Nilinaw dito na bukod sa mánanampalatayáng mga Judio gaya ni Pablo, ang mga di-Judio ay puwede ring maging bahagi . . . ng katawan ni Kristo, o ng kongregasyong Kristiyano na si Jesus ang ulo.—Efe 1:22, 23; Col 1:18.
lingkod ng lihim na ito: Tumutukoy sa “sagradong lihim,” na binabanggit sa talata 3 at 4. Pero puwede ring tumukoy ang ekspresyong ito sa isang lingkod ng “mabuting balita” (Efe 3:6), na may kaugnayan din sa sagradong lihim (Efe 6:19). Sa mga liham ni Pablo, madalas niyang tawaging lingkod ang sarili niya at ang mga kamanggagawa niya.—Tingnan ang study note sa 1Co 3:5; 2Co 6:4.
walang-kapantay na kabaitan ng Diyos . . . walang-bayad na regalong ito: Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”
kung paano pinangangasiwaan ang sagradong lihim: O “ang pangangasiwa sa sagradong lihim.”—Para sa impormasyon tungkol sa salitang Griego para sa “pangangasiwa” (oi·ko·no·miʹa) na ginamit dito, tingnan ang study note sa Efe 1:10.
sa pamamagitan ng kongregasyon: Ang kongregasyong Kristiyano ay bahagi ng sagradong lihim ng Diyos dahil kalooban niyang makasama ni Kristo sa langit ang ilang tao bilang mga tagapagmana. (Efe 3:5-9) Naisisiwalat sa “mga pamahalaan at awtoridad sa langit” ang karunungan ng Diyos dahil sa mga ginagawa niya sa kongregasyon at naisasagawa niya sa pamamagitan nito at para dito. Manghang-mangha ang mga anghel sa unti-unting pagsisiwalat ng Diyos sa sagradong lihim na ito. Kaya masasabi na “sa pamamagitan ng kongregasyon,” nakikita ng mga anghel ang “karunungan ng Diyos” sa “napakaraming iba’t ibang paraan” na ngayon lang nila nakita.—Ihambing ang 1Pe 1:10-12.
walang-hanggang layunin: Sa kontekstong ito, ang terminong “layunin” ay tumutukoy sa isang espesipikong tunguhin na puwedeng maisakatuparan sa maraming paraan. May kaugnayan ito sa kagustuhan ni Jehova na maibalik ang orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa sa kabila ng rebelyon sa Eden. (Gen 1:28) Pagkatapos ng rebelyon, agad na binuo ni Jehova ang layunin niyang ito may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon. Inihula niya ang pagdating ng isang “supling” na mag-aalis sa lahat ng pinsalang nagawa ng mga rebelde. (Gen 3:15; Heb 2:14-17; 1Ju 3:8) May di-kukulangin sa dalawang dahilan kung bakit tinatawag itong “walang-hanggang layunin”: (1) Hinayaan ni Jehova, ang “Haring walang hanggan” (1Ti 1:17), na lumipas ang napakahabang panahon bago lubusang matupad ang layunin niya, at (2) walang hanggan ang epekto ng katuparan ng layuning ito.—Tingnan ang study note sa Ro 8:28.
kalayaan sa pagsasalita: May “kalayaan sa pagsasalita” (o, “lakas ng loob”) ang isang Kristiyano dahil may magandang kaugnayan siya sa Diyos na Jehova. Malaya niyang nakakausap ang Diyos sa panalangin dahil nananampalataya siya sa Kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at sa haing pantubos. (Heb 4:16; 1Ju 5:14) Sa ilang konteksto, ang terminong Griego na isinalin ditong “kalayaan sa pagsasalita” ay puwede ring tumukoy sa hayagang pagsasalita ng isang Kristiyano tungkol sa pananampalataya niya.—Tingnan ang study note sa Gaw 4:13; 28:31; 2Co 7:4.
dahil sa mga paghihirap ko alang-alang sa inyo: Maraming tiniis na pagsubok si Pablo dahil sa paglilingkod niya sa mga taga-Efeso. Ipinakita niyang sulit ang pagdurusa niya kung makikinabang naman sila sa espirituwal. Dahil sa halimbawa ni Pablo, napatibay ang mga taga-Efeso na huwag sumuko, kaya nasabi niyang alang-alang sa kanila ang paghihirap niya. (Ihambing ang Col 1:24.) Kung susuko si Pablo dahil sa mga pag-uusig sa kaniya, posibleng gayahin siya ng ilang Kristiyano sa Efeso at isiping hindi sulit na maghirap para sa pananampalataya nila.
ang pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya: O “ang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya.” Ang salitang Griego para sa “pamilya” (pa·tri·aʹ), na galing sa salita para sa “ama” (pa·terʹ), ay tatlong beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Luc 2:4; Gaw 3:25) Malawak ang kahulugan nito at hindi lang tumutukoy sa mismong pamilya ng isang tao. Maraming beses itong ginamit sa Septuagint para ipanumbas sa terminong Hebreo na hindi lang tumutukoy sa isang pamilya, kundi puwede rin sa isang tribo, bayan, o bansa. (Bil 1:4; 1Cr 16:28; Aw 22:27 [21:28 (27), LXX]) Nang sabihin ni Pablo na ang Diyos “ang pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya,” ipinapakita niya na ang Diyos na Jehova ang Ama, o pinagmulan, ng lahat ng tao, Judio man o hindi.
bawat pamilya sa langit: Para sa Diyos na Jehova, ang Ama ng pamilya niya sa langit, anak niya ang mga anghel. (Job 1:6; 2:1; 38:7) Kung pinangalanan niya ang di-mabilang na mga bituin (Aw 147:4), siguradong pinangalanan niya rin ang mga anghel.—Huk 13:18.
bawat pamilya . . . sa lupa: Ang Diyos ang “pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya” o angkan sa lupa dahil siya ang bumuo ng unang pamilya ng tao, sina Adan at Eva, at pinayagan niya silang magkaroon ng mga anak. (Gen 1:28; Mat 19:4, 5) Pero hindi sinasabi ni Pablo na si Jehova ang nagbigay ng pangalan sa bawat pamilya.
manatili sa inyong puso ang pag-ibig at ang Kristo: Dito, pinapasigla ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na kilalanin at mahalin nang higit si Jesus sa pamamagitan ng pagtulad sa pananaw niya at mga ginawa. (1Co 2:16; 1Pe 2:21) Kapag hinahayaan ng mga Kristiyano na makaapekto ang halimbawa at turo ni Jesus sa kanilang iniisip, nadarama, at ginagawa, para bang pinapanatili nila si Jesus sa kanilang puso, o pagkatao. Habang lumalalim ang pag-ibig nila kay Jesus, lumalalim din ang pag-ibig nila kay Jehova (Col 1:15) at mas tumatatag sila (Efe 3:16) sa pagharap sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya.
Maging matibay . . . ang pagkakaugat ninyo at pagkakatatag sa pundasyon: Dito, gumamit si Pablo ng dalawang paglalarawan para idiin ang isang punto, gaya ng ginawa niya sa ibang bahagi ng liham niya sa Efeso. (Efe 2:20-22; 4:16) Ipinakita niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintatag ng isang puno na malalim ang pagkakaugat sa lupa at ng isang gusali na may matibay na pundasyon. Gumamit si Pablo ng katulad na paglalarawan sa Col 2:7 nang sabihin niyang “dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,” o kay Kristo Jesus. (Col 2:6) Sa 1Co 3:11, ikinumpara niya rin ang gawain niya sa isang proyekto ng pagtatayo, kung saan si Jesus ang “pundasyon.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:10.) Para maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag ng mga taga-Efeso, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, lalo na ang buhay at mga turo ni Jesus. (Efe 3:18; Heb 5:12) Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova.—Ju 14:9.
malaman ninyo ang pag-ibig ng Kristo: Sa Bibliya, ang terminong “malaman” ay kadalasan nang higit pa sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa isang indibidwal o isang bagay. (Tingnan ang study note sa Ju 17:3; Gal 4:9.) Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong dapat maunawaan ng isa ang “pag-ibig ng Kristo” at maintindihan ito sa pamamagitan ng sariling karanasan at pagsasabuhay niya nito. Hindi sapat ang pagkakaroon lang ng “kaalaman” para lubusang maintindihan ng isang tao ang personalidad ni Kristo. Kapag maraming alam ang isang tao, puwede pa nga niyang madama na nakakataas siya. (1Co 8:1) Para masabing alam ng isang Kristiyano “ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman,” sinisikap niyang tularan ang pag-iisip at pagkilos ni Jesus udyok ng pag-ibig. Makakatulong ito para magamit niya ang kaalaman niya sa balanse, maibigin, at nakakapagpatibay na paraan.
magagawa niya ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat: Sa Efe 3:14, nanalangin si Pablo. Sa katapusan ng panalanging iyon sa talata 20 at 21, pinuri niya si Jehova. Ipinakita ni Pablo na ang mga sagot ng Diyos sa panalangin ay hindi limitado sa mga solusyong naiisip ng taong nananalangin. Baka wala pa ngang maisip na solusyon ang isang Kristiyano, pero “magagawa [ng Diyos] ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” Kaya niyang sumagot ng panalangin at tumupad ng pangako sa paraang hindi abót ng isip o hindi inaasahan ng isang tao.
Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.