Liham sa mga Taga-Efeso 4:1-32
Talababa
Study Notes
mapagpakumbaba: O “may kababaan ng isip.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:19.
mapanatili ang kapayapaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kayang magbuklod o nagsisilbing pandikit.” Sa ganitong diwa ginamit ang salitang ito sa Col 2:19, kung saan isinalin itong “litid,” isang matibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto. Parang ganiyan ang kapayapaan dahil kaya nitong pagbuklurin ang mga miyembro ng kongregasyon. Hindi lang ito basta nangangahulugang walang awayan. Ang ganitong kapayapaan ay nakasalig sa pag-ibig, at kailangan ang pagsisikap para mapanatili ito. (Efe 4:2) Ginamit din ni Pablo ang salitang Griego na ito sa Col 3:14, kung saan sinabi niya na ‘lubusang pinagkakaisa’ ng pag-ibig ang mga tao.
maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu: Kung sinusunod ng isang Kristiyano ang payong ito, hahayaan niyang gabayan siya ng espiritu ng Diyos para maipakita niya ang bunga nito. Makapangyarihan ang “espiritu” na galing sa Diyos, at kaya nitong pagkaisahin ang mga tao. (1Co 2:12; Gal 5:22, 23) Sa naunang talata, binanggit ni Pablo ang kapakumbabaan, kahinahunan, pagkamatiisin, at pag-ibig—mga katangiang nagtataguyod ng pagkakaisa.—Efe 4:2.
iisang: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, idiniin niya na mahalaga ang pagkakaisa. Sa Efe 4:4-6, binanggit niya ang mga bagay na nagbubuklod sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano.
iisang katawan: Dito, ikinumpara sa katawan ng tao ang kongregasyong Kristiyano. Si Jesu-Kristo ang “ulo” ng katawang ito.—Efe 1:22, 23.
iisang espiritu: Tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos.—1Co 12:13; 2Co 5:5.
iisang gantimpala: O “iisang pag-asa.” Sa konteksto, tumutukoy ito sa pag-asa ng pinahirang mga Kristiyano na mabuhay sa langit. (Heb 3:1) At kapag naging hari na at saserdote sa langit ang mga pinahiran, lahat ng tao na nananampalataya sa Diyos at gustong maglingkod sa kaniya ay magiging malaya “mula sa pagkaalipin sa kabulukan” at magkakaroon ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”—Ro 8:20, 21, 24.
iisang Panginoon: Tumutukoy kay Jesu-Kristo.—1Co 8:6.
iisang pananampalataya: Tumutukoy sa nag-iisang paraan ng pagsamba na katanggap-tanggap sa Diyos. Salig ito sa nag-iisang mensahe tungkol kay Kristo na ipinapangaral ng mga Kristiyano.—Ju 3:16; 4:23, 24; Ro 10:16, 17; 2Co 4:13.
iisang bautismo: Naunawaan ng mga taga-Efeso na kailangan ang “iisang bautismo” na isinasagawa “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu” para magkaisa sila. (Mat 28:19, 20) Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, may mga nakilala siya sa Efeso na nabautismuhan sa “bautismo ni Juan.” Pero lumilitaw na nabautismuhan sila noong panahong wala nang bisa ang bautismong iyon. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.) Kilala nila ang Diyos, pero hindi pa nila narinig ang tungkol sa Kristiyanong bautismo. Matapos ipaliwanag ni Pablo ang tungkol kay Kristo at sa banal na espiritu, “nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.” (Gaw 19:1-6) Dahil diyan, naging kaisa na sila ng lahat ng iba pang Kristiyano sa Efeso at sa iba pang lugar sa paglilingkod kay Jehova.
iisang Diyos at Ama ng lahat: Tumutukoy sa Diyos na Jehova.—Deu 6:4.
mga tao bilang regalo: Ibinatay ito ni Pablo sa Aw 68:18. Sa tekstong iyon, pinasalamatan ni David si Jehova dahil nasakop nila ang Jerusalem. Makasagisag na “umakyat . . . sa kaitaasan” si Jehova nang lupigin niya ang lunsod na nasa Bundok Sion. Nagbigay din siya sa mga Israelita ng mga bihag mula sa lunsod na iyon—malalakas na lalaking naglingkod sa kanila bilang trabahador. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo na tinupad ni Jesus ang hula sa awit na ito nang manlupig siya alang-alang sa kongregasyong Kristiyano. (Efe 4:10) Nang “umakyat [si Jesus] sa kaitaasan,” o sa langit, tumanggap siya ng malaking awtoridad. (Mat 28:18; Efe 1:20, 21) Ginamit niya ito para makapagbigay siya ng “mga tao bilang regalo” sa kaniyang kongregasyon na magsisilbing mapagmahal na mga pastol at maaasahang mga tagapangasiwa ng kawan ng Diyos.—Efe 4:11; tingnan ang study note sa Gaw 20:28; ihambing ang Isa 32:1, 2.
umakyat nang mas mataas pa sa langit: Inilagay si Jesus sa isang posisyon sa langit na mas mataas kaysa sa lahat ng iba pang nilalang sa langit.—Efe 1:20-23; Fil 2:9-11.
ebanghelisador: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag, o mángangarál, ng mabuting balita.” Ang salitang ito ay kaugnay ng terminong Griego para sa “ebanghelyo,” o “mabuting balita,” at lumitaw lang ito dito at sa dalawa pang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2Ti 4:5; tingnan ang study note sa Gaw 21:8.) Inatasan ang lahat ng Kristiyano na ipahayag ang mabuting balita. (Mat 24:14; 28:19, 20) Pero sa tekstong ito, malamang na ginamit ni Pablo ang terminong “ebanghelisador” para tumukoy partikular na sa mga “misyonero.” Halimbawa, naglakbay nang malayo sina Pablo, Timoteo, Bernabe, at Silas para mangaral sa mga lugar na hindi pa napapaabutan ng mabuting balita.—Gaw 13:2-4; 15:40, 41; 16:3, 4.
ituwid: Ang pangngalang Griego na isinalin ditong “ituwid” (ka·tar·ti·smosʹ) ay tumutukoy sa pagbabalik sa ayos ng isang bagay. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasanay sa isa para magampanan ang atas niya. Ginagamit kung minsan sa medisina ang salitang ito para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang buto, biyas, o kasukasuan. (Tingnan ang study note sa 2Co 13:9.) ‘Itinuwid,’ o sinanay, ni Jesus “ang mga banal” para ‘makapaglingkod’ sila—tinulungan niya silang iayon sa kaisipan at kalooban ng Diyos ang kanilang kaisipan, ugali, at paggawi. Para magawa ito, ginamit niya ang mga tagapangasiwang inatasan sa pamamagitan ng espiritu, ang mga taong ibinigay niya sa kongregasyon “bilang regalo.”—Efe 4:8, 11, 12; 1Co 16:15-18; 2Ti 2:2; Tit 1:5.
hanggang sa magkaisa tayong lahat: O “hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa.” Ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na dapat magsikap ang bawat Kristiyano na sumulong sa espirituwal at maging kaisa ng kanilang mga kapananampalataya.—Tingnan ang study note sa adulto sa talatang ito.
magkaisa tayong lahat sa pananampalataya: Idinidiin ng pananalitang ito ang pagkakaisa sa mga paniniwala at turo. (Efe 4:5; Col 1:23; 2:7) Kaya ang salitang Griego na ginamit dito ay isinaling “magkaisa.”
tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.
adulto: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na maging “adulto,” o “maygulang,” sa espirituwal. (1Co 14:20) Dapat nilang sikapin na “maging maygulang . . . gaya ng Kristo” sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos. Kapag ganoon, hindi sila basta-basta maiimpluwensiyahan ng maling mga paniniwala at turo. Nakatulong sa mga Kristiyano sa Efeso ang buong kongregasyon—kasama na ang mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at guro—para maging maygulang sila sa espirituwal.—Efe 4:11-14.
mga taong nandaraya: Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay literal na tumutukoy sa mga taong nandaraya kapag naglalaro ng dice. Karaniwan ito noon kaya naging idyoma ito para tumukoy sa mga taong nandaraya. (Tingnan sa Media Gallery, “Dice ng mga Romano.”) Dito, binabalaan ni Pablo ang mga taga-Efeso na huwag maging gaya ng “mga bata” pagdating sa espirituwal na mga bagay. Kapag walang karanasan at kaunawaan ang isang tao, puwede siyang maimpluwensiyahan ng “mga turo ng mga taong nandaraya” at hindi sumulong sa espirituwal. Naglaan si Jehova ng “mga tao bilang regalo” para maprotektahan ang mga Kristiyano mula sa huwad na mga guro.—Efe 4:8; tingnan ang Ap. A1.
magsalita tayo ng katotohanan: Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na ginamit dito, at puwede rin itong isalin na “maging tapat.” Kaya isinalin ito ng ilang Bibliya na “mamuhay ayon sa katotohanan” at “isabuhay ang katotohanan.” Dito, ipinakita ni Pablo ang malaking pagkakaiba ng paggawi ng tunay na mga Kristiyano at ng pandaraya at panlilinlang ng huwad na mga guro na tinuligsa niya sa talata 14. Halos ganiyan din ang sinabi niya sa Efe 4:25, na lumilitaw na galing sa Zac 8:16. Hindi nagbabago ang pamantayan ni Jehova sa pagiging tapat; isang kahilingan sa mga lingkod niya na laging itaguyod ang katotohanan sa salita at sa gawa.—Lev 19:11; Kaw 19:9.
nagkakabuklod: Gumamit dito si Pablo ng isang pandiwang Griego na sa kontekstong ito ay lumalarawan sa pagtutulungan ng iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao. May papel na ginagampanan ang bawat bahagi para gumana nang maayos ang katawan. Sa katulad na paraan, nagtutulungan din ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa pangangasiwa ng kanilang ulo, si Kristo. (Efe 1:22, 23; 4:4, 15) Kapag nagkakaisa ang lahat at ginagampanan ng bawat isa ang atas niya at nagpapasakop siya sa pagkaulo ni Kristo, sumusulong ang kongregasyon at napapanatili ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (1Co 12:14-27; Col 2:19; 3:14) Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa Efe 2:21 (tingnan ang study note), kung saan ikinumpara niya ang kongregasyon sa isang gusali na “matibay ang pagkakadugtong-dugtong.”
nagtutulungan: Lit., “nagsama-sama.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang Griego para dito ay nangangahulugang “magsama-sama bilang isang grupo, magkaisa.”
bawat kasukasuan: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Inilalaan ni Jesu-Kristo sa mga bahagi ng katawan, o ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, ang mga kailangan nila “sa pamamagitan ng bawat kasukasuan.” Gumawa siya ng mga kaayusan sa pagpapakain sa espirituwal at pagbibigay ng mga tagubilin, at isinaayos niya rin ang mga gawain ng kongregasyon. Dahil dito, napapakaing mabuti sa espirituwal ang “katawan,” at nalalaman ng bawat bahagi kung paano niya dapat gampanan ang atas niya. (Efe 4:7-16; tingnan ang study note sa Col 2:19.) Ang terminong ginamit ni Pablo para sa “kasukasuan” ay ang karaniwang ginagamit ng mga doktor noon. May mga natagpuang ebidensiya na may paaralan sa medisina noon sa Efeso, na posibleng dahilan kung bakit ginamit ni Pablo ang katawan ng tao sa ilustrasyon niya.
walang-saysay: O “walang-kabuluhan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ipinapahiwatig ng talatang ito na ang pamumuhay ng mga tao ng ibang mga bansa ay “nakapokus sa walang-saysay na mga bagay.” Dahil diyan, nadidismaya lang sila at hindi nakokontento, at isa iyan sa mga dahilan kung bakit pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘huwag nang mamuhay gaya ng mga bansa.’—Para sa higit na impormasyon tungkol sa salitang Griego na isinaling “walang-saysay,” tingnan ang study note sa Ro 8:20.
Nasa dilim ang isip: Hindi sinasabi dito ni Pablo na hindi matalino ang mga di-sumasampalataya. Madalas ihalintulad ng Bibliya sa kadiliman ang kakulangan sa unawa, partikular na sa espirituwal na mga bagay. (Job 12:24, 25; Isa 5:20; 60:2; Ju 8:12; 2Co 4:6; Efe 1:17, 18; 5:8, 11; 1Pe 2:9; 1Ju 2:9-11) “Nasa dilim ang isip” ng mga hindi nakakakilala sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo dahil walang liwanag na gumagabay sa kanila.—Ju 17:3; Ro 1:21, 28; 2Co 4:4.
buhay na nagmumula sa Diyos: Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego dito na isinaling “buhay” ay hindi tumutukoy sa paraan o istilo ng pamumuhay, kundi sa buhay mismo. (May ibang salitang Griego para sa paraan o istilo ng pamumuhay. Tingnan ang 1Ti 2:2; 1Ju 2:16, tlb.) Kaya sinasabi dito ni Pablo na dahil nasa dilim ang isip ng mga tao, naging malayo sila kay Jehova, o wala silang magandang kaugnayan sa Bukal ng buhay at nagbibigay ng pag-asang buhay na walang hanggan.—Aw 36:9; Ro 1:21; Gal 6:8; Col 1:21.
manhid: Manhid ang puso ng mga taong naiimpluwensiyahan ng pag-iisip at espiritu ng masamang sanlibutang ito. (1Co 2:12; Efe 2:2; 4:17) Kaya hindi sila interesadong makilala ang Diyos. Dito, ang pangngalang Griego na isinaling “manhid” ay galing sa isang termino sa medisina na puwedeng tumukoy sa balat na naging manhid dahil sa kalyo. Ginamit ito para ipakita kung paano puwedeng tumigas, o mamanhid, ang puso ng isang tao at mawalan ng ganang lumapit sa Diyos.
hindi na sila nakokonsensiya: Salin ito ng salitang Griego na literal na nangangahulugang “hindi na nakakaramdam ng sakit.” Dito, tumutukoy ito sa isang tao na hindi na nababagabag sa ginagawa niyang mali. Hindi na nakokonsensiya at natatakot sa Diyos ang ganitong tao.—1Ti 4:2.
paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas o lapastangan.—Tingnan ang Glosari at study note sa Gal 5:19.
bawat uri ng karumihan: Malawak ang kahulugan ng terminong “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa). Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tukuyin ang anumang uri ng karumihan pagdating sa seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang 1Co 7:14; 2Co 6:17; 1Te 2:3.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain. (Tingnan ang study note sa Gal 5:19.) Sinabi ni Pablo na ang nagtutulak sa gumagawa nito ay kasakiman. Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa, na isinaling “kasakiman,” ay tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Dahil iniugnay ni Pablo ang “kasakiman” sa “karumihan,” ipinakita niyang may iba’t ibang antas ang kasalanang ito.—Tingnan ang study note sa Ro 1:29.
patuloy ninyong baguhin: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, na nagpapakitang patuluyan ang pagbabago ng takbo ng isip ng isang tao.—Fil 3:12, 13.
takbo ng inyong isip: O “puwersang nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” Ang ekspresyong Griegong ito ay literal na nangangahulugang “espiritu ng inyong isip.” Dito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa puwersang nagpapakilos sa isang tao na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Kaya ang “espiritu ng . . . isip” ay ang puwersang humuhubog at umiimpluwensiya sa takbo ng isip ng isang tao at mga kagustuhan niya. Dahil makasalanan ang tao, napakadaling mapunta ng isip niya sa maling mga bagay—mga bagay na materyal, makalaman, at di-espirituwal. (Gen 8:21; Ec 7:20; Col 1:21; 2:18) Kung gustong maging Kristiyano ng isa, kailangan niyang “baguhin ang takbo ng [kaniyang] isip” papunta sa tamang direksiyon para maimpluwensiyahan siyang pag-isipan ang mga bagay na kaayon ng kaisipan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Co 2:15.) At kapag lingkod na siya ng Diyos, kailangan niyang “patuloy [na] baguhin” ang takbo ng isip niya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagpapagabay sa espiritu ng Diyos.
bagong personalidad: Lit., “bagong tao.” Hindi lang aalisin ng isang Kristiyano ang “lumang personalidad” (lit., “lumang tao”) niya kasama ang masasamang gawain niya noon (Efe 4:22), kundi dapat din niyang “isuot ang bagong personalidad.” Nakikita sa bagong personalidad “na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos” ang personalidad ng Diyos na Jehova. (Col 3:9, 10) Gusto ng Diyos na tularan siya ng mga lingkod niya at ipakita ang magagandang katangian niya, gaya ng mga binanggit sa Gal 5:22, 23.—Tingnan ang study note sa Gal 5:22; Efe 4:23.
kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.
napoot: Sinipi ni Pablo ang Aw 4:4 para ipakitang hindi mali na magalit ang isang Kristiyano. Nagagalit din si Jehova at si Jesus dahil sa kasamaan at kawalang-katarungan, pero balanse iyon dahil laging matuwid ang hatol nila. (Eze 38:18, 19; tingnan ang study note sa Mar 3:5.) May mga pagkakataong tama lang na magalit ang mga Kristiyano, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag . . . magkasala. Hindi hinahayaan ng mga Kristiyano na sumiklab ang galit nila at mauwi ito sa masakit na pananalita at karahasan. (Efe 4:31) Sa Aw 4:4, pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na sabihin sa personal na panalangin nila kay Jehova ang dahilan kung bakit sila nagagalit.
huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo: Ang isang buong araw ng mga Judio noon ay nagtatapos sa paglubog ng araw. Kaya nagbababala si Pablo dito na huwag paabutin ng susunod na araw ang galit. Ang totoo, binabalaan din ni Jesus ang mga alagad niya na hindi tamang patuloy na magalit sa kapuwa nila. (Mat 5:22) Kapag nagkikimkim ng galit ang isa, hindi mawawala ang sama ng loob niya, masisira ang kaugnayan niya sa kapuwa niya, at puwede itong maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (Lev 19:18; Aw 36:4; Gal 5:19-21) Nagbigay ng payo si Pablo kung ano ang puwedeng gawin para maayos agad ng mga Kristiyano ang mga di-pagkakasundo, sa mismong araw ding iyon kung posible.—Ro 12:17-21; Efe 4:2, 3.
huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang Diyablo: Ang pananalitang ito, na puwedeng literal na isaling “huwag kayong magbigay ng dako sa Diyablo,” ay mas nagdiriin sa babala ni Pablo tungkol sa pagkikimkim ng galit. (Tingnan ang study note sa Efe 4:26.) Kapag naghihinanakit ang isang Kristiyano, para bang binibigyan niya ng puwesto, o dako, sa puso niya ang Diyablo. Kaya nagkakaroon ng pagkakataon si Satanas na impluwensiyahan siyang makagawa ng malubhang kasalanan. (Aw 37:8) Kapag nagkabaha-bahagi ang kongregasyon dahil sa galit ng Kristiyanong iyon, para bang tinulungan niya ang Diyablo na magawa ang gusto nito.—San 4:1, 7.
huwag nang magnakaw pa: Malamang na malaki ang epekto ng mga salitang ito ni Pablo sa mahihirap na Kristiyano sa Efeso. Walang makuhang permanenteng trabaho ang ilan, at hindi laging sapat ang kinikita nila para buhayin ang kanilang pamilya, kaya baka marami ang natutuksong magnakaw. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag magnakaw kahit ano pa ang dahilan nila. Sa halip, dapat silang magtrabaho nang husto. (Deu 5:19; 1Te 4:11) Bago nito, ipinaalala ni Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso na siya mismo ay nagtrabahong mabuti. (Gaw 20:17, 34; tingnan din ang study note sa Gaw 18:3.) Para masunod ng mga taga-Efeso ang payong ito, kailangan nilang magtiwala sa pangako ni Kristo na ilalaan ng Diyos ang pangangailangan nila.—Mat 6:25-33.
bulok na pananalita: Ang salitang Griego para sa “bulok” ay puwedeng tumukoy sa prutas, isda, o karne na umaalingasaw dahil nabubulok na ito. (Mat 7:17, 18; 12:33; Luc 6:43) Malinaw na nailalarawan ng terminong ito ang di-kaayaaya, mapang-abuso, o malaswang pananalita na dapat iwasan ng isang Kristiyano. Ang dapat lang na lumabas sa bibig niya ay “mabubuting bagay na nakapagpapatibay” at ‘kapaki-pakinabang’ sa iba—mga pananalitang ‘tinimplahan ng asin.’—Col 4:6 at study note.
Huwag . . . pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos: Ang salitang Griego para sa “pighatiin” ay puwede ring isaling “palungkutin.” Gumamit dito si Pablo ng personipikasyon nang sabihin niyang ang banal na espiritu, na isang puwersa, ay nasasaktang gaya ng isang tao. (Ihambing ang study note sa Ju 16:8, 13; Ro 8:27.) Ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu para gabayan at palakasin ang bayan niya. Dahil sa banal na espiritu, naipapakita ng isa ang magagandang katangian na tinatawag na “bunga ng espiritu.” (Gal 5:22-24) Ang mga hindi nagpapahalaga sa banal na espiritu, mga sadyang sumasalungat dito, at sumusuway sa mga payo sa Bibliya na isinulat sa patnubay ng espiritu ay ‘pumipighati’ rito.—Efe 4:17-29; 5:1-5; Isa 63:10; Gaw 7:51.
ipinantatak sa inyo para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos: Ang mga pinahirang Kristiyano ay tinatakan ng banal na espiritu ni Jehova. Ipinapakita ng pagtatatak na pag-aari sila ng Diyos at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Tingnan ang mga study note sa 2Co 1:22.
Maging mabait: Sa Efe 4:31, bumanggit si Pablo ng ilang pangit na mga ugali. Dito, pinasigla naman niya ang mga Kristiyano sa Efeso na magpakita ng magagandang katangian, gaya ng kabaitan. (Col 3:12, 13) Posibleng ipinapahiwatig ng pandiwang Griego na isinaling “maging” na kailangan pa nilang pasulungin ang katangiang ito.