Liham sa mga Taga-Efeso 5:1-33
Talababa
Study Notes
Kaya tularan ninyo ang Diyos: Sa naunang kabanata, tinalakay ni Pablo ang ilan sa mga katangian ng Diyos, gaya ng pagiging mabait, mapagmalasakit, at mapagpatawad. (Efe 4:32) Kaya nang simulan ni Pablo ang kabanatang ito sa salitang “kaya,” ipinapakita niya na makakatulong sa mga Kristiyano ang pagbubulay-bulay sa magagandang katangian ng Diyos para matularan nila siya, dahil siya ang pinakamahusay na huwaran. (Aw 103:12, 13; Isa 49:15; Efe 1:3, 7) Nang sabihin ni Pablo na dapat “tularan” ng mga Kristiyano ang Diyos, hindi ito nangangahulugang kailangan nila Siyang tularan nang eksakto, kundi “bilang minamahal na mga anak.” Hindi matutularan ng anak ang magulang niya nang eksaktong-eksakto. Pero kapag nagsisikap siya, siguradong mapapasaya niya ang magulang niya.—Ihambing ang Aw 147:11.
inibig tayo: Sa ilang manuskrito, “inibig kayo” ang mababasa dito, pero kung pagbabatayan ang iba pang mga manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito.
para sa atin: Sa ilang manuskrito, “para sa inyo” ang mababasa dito, pero kung pagbabatayan ang iba pang mga manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito.
Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo: Katanggap-tanggap noon sa Efeso ang bulgar na pananalita at “malaswang pagbibiro.” (Efe 5:4) May malaswang pananalita na maririnig sa mga palabas sa teatro at sa relihiyosong mga kapistahan, gaya ng Thesmophoria, isang kapistahan na para sa diyosang Griego na si Demeter. Sinasabing napapatawa ng ganitong malalaswang pagbibiro ang diyosa. Sinasabi ni Pablo na hindi man lang dapat banggitin ng mga Kristiyano ang ganoong imoral na mga bagay, kaya lalo nang hindi sila dapat matuwa doon. Ang pananalitang Griego na ginamit dito ay puwede ring mangahulugan na hindi dapat gumawa ng imoralidad ang mga Kristiyano.—Efe 5:3-5.
seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa sinasabi ng Bibliya, kasama na ang pangangalunya, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at iba pang malubhang kasalanang may kaugnayan sa pagtatalik.—Tingnan ang Glosari at study note sa Gal 5:19.
kasakiman: Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay nagpapahiwatig ng di-nasasapatang kagustuhan na magkaroon ng higit pa.—Tingnan ang study note sa Luc 12:15; Ro 1:29; Col 3:5.
taong imoral: Salin ito ng pangngalang Griego na porʹnos, na kaugnay ng pangngalang por·neiʹa (seksuwal na imoralidad).—Tingnan sa Glosari, “Seksuwal na imoralidad,” at study note sa Efe 5:3.
sakim, na katumbas ng sumasamba sa idolo: Ginagawang diyos ng isang taong sakim ang bagay na gusto niyang makuha dahil mas mahalaga pa ito sa kaniya kaysa pagsamba niya kay Jehova. Nakapokus siya sa pagkuha nito. (Ro 1:24, 25; Col 3:5) Karaniwan nang ang dahilan ng kasakiman ng tao ay pag-ibig sa pera at materyal na mga bagay, pero puwede ring pagkain at inumin, posisyon at awtoridad, pakikipagtalik, o anumang bagay na puwedeng makahadlang sa pagsamba niya kay Jehova.—Tingnan ang study note sa Ro 1:29.
Kaharian ng Kristo at ng Diyos: Sinasabi dito ni Pablo na parehong namamahala ang Diyos at si Kristo sa Kaharian. Si Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala sa buong uniberso dahil siya ang Diyos at Maylalang. (Aw 103:19; Isa 33:22; Gaw 4:24) Hindi mapapalitan si Jehova bilang Hari. (Aw 145:13) Pero kung minsan, binibigyan niya ang iba ng awtoridad at kapangyarihan. Binigyan ng Diyos ang Anak niyang si Kristo Jesus ng “awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian” para magawa ang kalooban Niya. (Dan 7:13, 14) Ang malaking kapangyarihan ni Kristo bilang Hari ay galing mismo sa Diyos na Jehova. (Mat 28:18) Kahit na ang lahat sa uniberso ay sakop ng pamamahala ng Kristo, mananatili siyang sakop ng kaniyang Ama at Diyos.—1Co 15:27, 28; Efe 1:20-22.
mga masuwayin: O “mga anak ng pagsuway.” Tingnan ang study note sa Gaw 4:36.
gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong: Ang sinabing ito ni Pablo ay karugtong ng pagtalakay niya sa kung paano dapat ‘kumilos’ ang “mga anak ng liwanag.” (Efe 5:8) Dahil sa katotohanan sa Salita ng Diyos, nagkakaroon sila ng karunungan na di-hamak na nakahihigit sa sariling karunungan o sa karunungan ng sanlibutan na itinuturing ng Diyos na kamangmangan. (1Co 1:19, 20; 3:19) Ang matinding paggalang kay Jehova ang pundasyon ng makadiyos na karunungan. (Kaw 9:10) Pinapakilos nito ang mga Kristiyano na “patuloy [na] alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.” Gustong-gusto nilang tiyakin “kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.” Alam nilang kaunti na lang ang natitirang panahon. Kaya ibang-iba ang paglakad nila sa mga “di-marunong” at “di-makatuwiran.”—Efe 5:10, 15-17; Col 4:5.
gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo: O “bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.” Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa Col 4:5. Kailangang magsakripisyo para masunod ang payong ito, dahil nangangahulugan ito na kailangang bawasan ng isa ang panahon niya sa ibang bagay na di-gaanong mahalaga para magamit niya ang oras niya sa espirituwal na mga gawain. Espesipiko ang tinutukoy dito ni Pablo na oras, o panahon. Nang panahong iyon, maganda ang kalagayan ng mga Kristiyano sa Efeso dahil malaya nilang naisasagawa ang kanilang ministeryong Kristiyano. Kaya pinasigla sila ni Pablo na huwag sayangin ang napakagandang panahong iyon, kundi samantalahin ito at gamitin sa pinakamabuting paraan.
kalooban ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 21:14 at introduksiyon sa Ap. C3; Efe 5:17.
Huwag . . . kayong magpakalasing sa alak: Sa babalang ito ni Pablo, iniugnay niya ang paglalasing sa terminong Griego para sa “magulong pamumuhay” (Efe 5:18, tlb.), dahil kapag nasobrahan sa pag-inom ng alak ang isa, kadalasan nang nawawalan siya ng kontrol sa sarili. Tamang-tama ang babalang ito sa mga taga-Efeso dahil may mga kapistahan doon para kay Dionysus (o Bacchus), ang diyos ng alak. Sa mga kapistahang iyon, hindi nawawala ang paglalasing, di-disenteng pagsasayaw, at kalaswaan.
masamang pamumuhay: Ang salitang Griego para dito, na lumitaw rin sa Tit 1:6 at 1Pe 4:4, ay puwede ring isaling “magulong pamumuhay” o “pagpapakasasa.” Ang kaugnay nitong salitang Griego ay ginamit sa Luc 15:13 (tingnan ang study note) para tumukoy sa pamumuhay ng alibughang anak.
mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit: Naging bahagi rin ng pagsamba ng unang-siglong mga Kristiyano ang pag-awit ng papuri kay Jehova. Ang salitang Griego para sa “salmo” (psal·mosʹ), na ginamit din sa Luc 20:42; 24:44; at Gaw 13:33, ay tumutukoy sa mga awit sa Hebreong Kasulatan. Pero may mga nagawa ring awit ang mga Kristiyano noon—mga “papuri sa Diyos,” o himno, at “espirituwal na mga awit,” o mga awit tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Colosas, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na turuan at patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng “mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit.”—Col 3:16.
umawit ng papuri: O “gumawa ng musika para.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (psalʹlo) ay nangangahulugan noong una na “tumugtog ng instrumentong de-kuwerdas.” Madalas itong ipinanunumbas ng Septuagint sa terminong Hebreo na nangangahulugang “gumawa ng musika” o “umawit ng papuri,” sinasabayan man ito ng instrumento (Aw 33:2; 98:5) o hindi (Aw 7:17; 9:11; 108:3). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumitaw rin ang pandiwang ito sa Ro 15:9; 1Co 14:15 (“aawit . . . ng papuri”); at San 5:13 (“umawit . . . ng mga salmo”). Ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “umawit ng mga awit ng papuri, may instrumento man o wala, gaya ng pagkakagamit nito [sa Lumang Tipan].”
umawit . . . kay Jehova: Ang pariralang ito at ang iba pang kahawig na ekspresyon ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Tumutukoy ang mga ito sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit. (Exo 15:1; 1Cr 16:23; Aw 13:6; 96:1; 104:33; 149:1; Jer 20:13) Mga 10 porsiyento ng nilalaman ng Bibliya ay mga awit para sa pagsamba kay Jehova; ang karamihan nito ay makikita sa Awit, Awit ni Solomon, at Panaghoy. Lumilitaw na umaawit din ng papuri sa Diyos ang mga lingkod niya noong panahon ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 26:30.) Ipinapahiwatig ng sinabi ni Pablo sa 1Co 14:15 na regular na bahagi ng pagsamba ng mga Kristiyano ang pag-awit.—Gaw 16:25; Col 3:16; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 5:19.
mula sa inyong puso: O “sa inyong puso.” Sa Bibliya, kapag ginagamit ang terminong “puso” sa makasagisag na paraan, karaniwan nang tumutukoy ito sa panloob na pagkatao, kasama na ang mga kaisipan, motibo, katangian, damdamin, at emosyon. (Ihambing ang Aw 103:1, 2, 22.) Malawak ang kahulugan ng ekspresyong Griego na ginamit dito at sa Col 3:16, at puwede itong tumukoy sa pag-awit nang tahimik. Ibig sabihin, punô ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ang puso at isip ng isa na umaawit ng papuri sa Diyos, na sinasaliwan ng musika. Puwede ring isalin ang ekspresyong Griegong ito na “nang may puso,” at nagpapahiwatig ito ng taos-pusong pag-awit nang may tamang saloobin.
Magpasakop kayo: Ipinapahiwatig ng ekspresyong Griego na ginamit dito na hindi sapilitan ang pagpapasakop na ito. Bago talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpapasakop sa asawa (Efe 5:22-33), ipinakita niya na ang prinsipyo ng pagpapasakop ay sinusunod sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Heb 13:17; 1Pe 5:5.) Kaya maliwanag na gusto rin ng Diyos ng kapayapaan na sundin ang prinsipyong ito sa loob ng pamilya.—1Co 11:3; 14:33; Efe 5:22-24.
dahil sa takot kay Kristo: Sa Bibliya, dito lang lumitaw ang pananalitang ito. Ang ekspresyong ginamit para sa “takot” ay nangangahulugang “matinding paggalang.” (1Pe 3:2, 15) Maliwanag na hindi ito tumutukoy sa pagkasindak kay Jesus. (Ihambing ang Luc 5:9, 10.) Lubos na iginagalang ng mga Kristiyano si Jehova at si Jesus, na inatasan ni Jehova bilang Hari at Hukom. (Apo 19:13-15) Mapapakilos ng ganitong uri ng pagkatakot ang isa na magpasakop.
patuloy na mahalin ang inyong asawang babae: Sa talatang ito, ang pandiwang Griego na a·ga·paʹo (mahalin) ay nasa panahunang pangkasalukuyan, kaya isinalin ito ditong“patuloy na mahalin.” Ganito rin ang pagkakasalin ng terminong ito sa Col 3:19. Ang mga asawang lalaki ay dapat na magpakita ng di-nagmamaliw na pag-ibig sa kanilang asawang babae. (Efe 5:28, 33) Sa paggawa niyan, tinutularan nila si Jesus, na patuloy na nagpapakita ng pag-ibig sa kongregasyong Kristiyano.
sa pamamagitan ng tubig, ang salita ng Diyos: Inihalintulad ni Pablo ang salita ng Diyos sa tubig na nakakapagpalinis. Kung paanong naliligo at nagpapaganda ang ikakasal na babaeng Israelita, kailangan din ng kasintahang babae ni Kristo, ang kongregasyong Kristiyano, na maging malinis. Titiyakin ni Jesu-Kristo na bago ang kasal, ang kongregasyon ay malinis, o walang batik, sa moral at espirituwal. (Ju 15:3; Efe 5:22, 23, 27; 2Pe 3:11, 14) Dahil may tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ang mga alagad ni Kristo, nakikita nila ang mga kapintasan nila sa paggawi at pag-iisip. Habang isinasabuhay nila ang mga prinsipyo sa Bibliya, ‘nahuhugasan’ ng Salita ng Diyos kahit ang malulubha nilang kasalanan at ‘nagiging malinis’ sila.—1Co 6:9-11; Heb 10:21, 22.
mahalin: Maraming beses na ginamit ni Pablo ang pandiwang Griego na a·ga·paʹo (mahalin) sa kontekstong ito para ilarawan ang pag-ibig na dapat ipakita ng isang lalaki sa asawa niya. (Efe 5:25, 33) Inihalintulad ni Pablo ang pag-ibig na iyan sa pag-ibig ni Kristo sa kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Efe 5:25.) Detalyadong inilarawan ang katumbas nitong pangngalan na a·gaʹpe (pag-ibig) sa 1Co 13:4-8. Ang Kristiyanong pag-ibig na ipinapakita sa loob ng pamilya ay kombinasyon ng magiliw na pagmamahal at ng determinasyong gawin ang tama sa paningin ng Diyos na Jehova.—Tingnan ang study note sa 1Co 13:4.
katawan: Lit., “laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy sa pisikal na katawan.—Ihambing ang study note sa Ro 3:20.
mamumuhay kasama: Tingnan ang study note sa Mat 19:5, kung saan ginamit ang isang kaugnay na pandiwang Griego.
dapat magkaroon ng matinding paggalang: Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na ginamit dito, at sa maraming Bibliya, isinalin itong “igalang.” Sa ibang konteksto, madalas itong nangangahulugang “katakutan.” Pero dahil mahal ng asawang lalaki ang kabiyak niya gaya ng sarili niya, hindi niya ito dadaanin sa sindak. Ipinapakita ng konteksto na hindi pipilitin ng isang mapagmahal na asawang lalaki ang asawa niya na igalang siya. Sa halip, nagkakaroon ng matinding paggalang sa kaniya ang asawa niya dahil tinutularan niya ang pag-ibig ni Kristo sa kongregasyon. (Efe 5:25) Binanggit din ng mga iskolar na ang sinabi ni Pablo para sa mga asawang babae ay hindi pautos; mas mabait ang pagkakasabi niya nito kumpara sa utos na ibinigay niya sa mga asawang lalaki.