Esther 1:1-22
1 Naganap ang mga pangyayaring ito noong panahon ni Ahasuero,* ang Ahasuero na namamahala sa 127 distrito+ mula India hanggang Etiopia.*
2 Namamahala noon si Haring Ahasuero mula sa kaniyang palasyo sa Susan.*+
3 Noong ikatlong taon ng paghahari niya ay nagdaos siya ng isang malaking handaan para sa lahat ng matataas na opisyal at mga lingkod niya. Naroon ang hukbo ng Persia+ at Media,+ ang mga prominenteng tao, at ang matataas na opisyal ng mga distrito,
4 at sa loob ng maraming araw, 180 araw, ipinakita niya sa kanila ang kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang kaniyang karangalan at kadakilaan.
5 Pagkaraan nito, ang hari ay nagdaos ng malaking handaan sa loob ng pitong araw para sa lahat ng nasa palasyo ng Susan,* para sa mga prominente at ordinaryong tao, sa hardin ng palasyo ng hari.
6 May mga kurtinang gawa sa lino, magandang klase ng koton, at asul na tela na tinalian ng mga lubid na gawa sa magandang klase ng tela at lanang purpura.* Nakatali ang mga lubid na ito sa hugis-singsing na mga pilak na nasa mga haliging marmol. May mga higaan ding yari sa ginto at pilak, at ang sahig ay gawa sa batong porfido,* puting marmol, perlas, at itim na marmol.
7 Isinisilbi ang alak sa mga gintong kopa; walang kopa na magkapareho. At sagana ang alak, na kayang-kayang ilaan ng hari.
8 Nang pagkakataong iyon, walang nagtatakda kung gaano karami ang puwedeng inumin ng isa, dahil ipinag-utos ng hari sa mga opisyal ng palasyo na hayaan ang bawat isa na gawin kung ano ang gusto niya.
9 Si Reyna Vasti+ ay nagdaos din sa palasyo ni Haring Ahasuero ng malaking handaan para sa mga babae.
10 Nang ikapitong araw, nang ang puso ng hari ay sumaya dahil sa alak, sinabihan niya sina Mehuman, Bizta, Harbona,+ Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong opisyal ng palasyo na tagapaglingkod ni Haring Ahasuero,
11 na dalhin sa harap ng hari si Reyna Vasti na suot ang korona para ipakita sa mga tao at sa matataas na opisyal ang kaniyang kagandahan, dahil napakaganda niya.
12 Pero paulit-ulit na tumangging magpunta si Reyna Vasti at ayaw niyang sundin ang utos ng hari na ipinarating sa kaniya ng mga opisyal ng palasyo. Kaya galit na galit ang hari.
13 Nakipag-usap ang hari sa marurunong na taong nakaaalam ng mga patakaran* (dahil laging kinokonsulta ng hari ang lahat ng eksperto sa batas at mga kaso,*
14 at ang pinakamalalapít sa kaniya ay sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, pitong matataas na opisyal+ ng Persia at Media, na nakalalapit sa hari at may pinakamatataas na posisyon sa kaharian).
15 Nagtanong ang hari: “Ayon sa kautusan, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sumuway siya sa utos ni Haring Ahasuero na ipinarating sa kaniya ng mga opisyal ng palasyo?”
16 Sumagot si Memucan sa harap ng hari at ng matataas na opisyal: “Hindi lang sa hari nagkasala si Reyna Vasti,+ kundi sa lahat ng matataas na opisyal at mga mamamayan sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero.
17 Dahil malalaman ng lahat ng asawang babae ang ginawa ng reyna, at mamaliitin nila ang kani-kanilang asawang lalaki at sasabihin, ‘Nag-utos si Haring Ahasuero na dalhin sa harap niya si Reyna Vasti, pero tumanggi itong magpunta.’
18 At sa araw na ito, ang mga asawa ng lahat ng matataas na opisyal ng Persia at Media na nakaaalam sa ginawa ng reyna ay makikipag-usap sa kanila sa ganoong paraan, at darami ang magpapakita ng kawalang-respeto at galit.
19 Kung papayag ang hari, maglabas siya ng utos at isama ito sa mga batas ng Persia at Media, na hindi puwedeng baguhin.+ Isasaad sa utos na ito na hindi na muling makahaharap si Vasti kay Haring Ahasuero. Iminumungkahi ko rin na pumili ang hari ng bagong reyna na mas mabuti kaysa sa kaniya.
20 At kapag ang utos ng hari ay narinig sa bawat panig ng kaniyang malawak na nasasakupan, igagalang ng lahat ng asawang babae ang kani-kanilang asawa, prominente man o ordinaryo.”
21 Nagustuhan ng hari at ng matataas na opisyal ang mungkahing ito, at ginawa ng hari ang sinabi ni Memucan.
22 Kaya nagpadala siya sa lahat ng distritong sakop ng kaharian ng mga liham+ na ayon sa istilo ng pagsulat ng bawat distrito at sa wika ng bawat bayan. Sinasabi rito na ang bawat asawang lalaki ay dapat maging panginoon sa kaniyang sariling pamilya at magsalita sa wika ng kaniyang sariling bayan.
Talababa
^ Pinaniniwalaang si Jerjes I, anak ni Dariong Dakila (Dario Hystaspis).
^ O “Cus.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ Isang mamahaling klase ng bato na napakatigas at karaniwan nang matingkad na pula at may batik-batik na puti.
^ Lit., “panahon.”
^ O “usapin sa batas.”