Esther 9:1-32
9 Noong ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar,*+ kung kailan nakatakdang isagawa ang utos ng hari,+ at kung kailan inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na matatalo nila ang mga ito, kabaligtaran ang nangyari. Tinalo ng mga Judio ang mga napopoot sa kanila.+
2 Ang mga Judio ay nagtipon-tipon sa mga lunsod nila sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero+ para labanan ang mga magtatangkang manakit sa kanila, at walang sinuman ang makalaban sa mga Judio dahil natatakot sa kanila ang lahat ng tao.+
3 At ang lahat ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito, mga satrapa,+ mga gobernador, at ang mga nag-aasikaso ng gawain ng hari ay tumutulong sa mga Judio, dahil natatakot sila kay Mardokeo.
4 Naging makapangyarihan sa palasyo si Mardokeo,+ at patuloy siyang nakikilala sa lahat ng distrito dahil lalo siyang nagiging makapangyarihan.
5 Pinabagsak ng mga Judio ang lahat ng kaaway nila gamit ang espada at pinuksa ang mga ito; ginawa nila ang anumang gusto nilang gawin sa mga napopoot sa kanila.+
6 Sa palasyo ng Susan,*+ 500 ang napatay ng mga Judio.
7 Pinatay rin nila sina Parsandata, Dalpon, Aspata,
8 Porata, Adalia, Aridata,
9 Parmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata,
10 ang 10 anak na lalaki ni Haman na anak ni Hamedata, ang kaaway ng mga Judio.+ Pero pagkatapos nilang patayin ang mga ito, hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito.+
11 Nang araw na iyon, iniulat sa hari ang bilang ng mga napatay sa palasyo ng Susan.*
12 Sinabi ng hari kay Reyna Esther: “Sa palasyo ng Susan,* 500 lalaki ang napatay ng mga Judio, pati ang 10 anak ni Haman. Paano pa kaya sa ibang distrito?+ Ano pa ang gusto mong hingin? Ibibigay iyon sa iyo. Ano pa ang gusto mong hilingin? Gagawin iyon.”
13 Sumagot si Esther: “Kung sang-ayon ang hari,+ payagan sana ninyo ang mga Judio sa Susan* na ipagpatuloy hanggang bukas ang batas na ipinatutupad ngayon,+ at ipabitin ninyo sa tulos ang 10 anak ni Haman.”+
14 Kaya iniutos ng hari na gawin iyon. Isang batas ang inilabas sa Susan,* at ang 10 anak ni Haman ay ibinitin.
15 Ang mga Judio sa Susan* ay muling nagtipon-tipon sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar,+ at 300 lalaki ang napatay nila sa Susan,* pero hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito.
16 Ang iba pang Judio sa mga distritong sakop ng hari ay nagtipon-tipon din at ipinagtanggol ang sarili nila.+ Tinalo nila ang kanilang kaaway+—75,000 napopoot sa kanila ang napatay nila; pero hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito.
17 Naganap ito noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, at nagpahinga sila nang ika-14 na araw at ginawa itong isang araw ng mga handaan at pagsasaya.
18 Ang mga Judio sa Susan* ay nagtipon-tipon sa ika-13 araw+ at ika-14 na araw,+ at nagpahinga sila sa ika-15 araw at ginawa itong isang araw ng mga handaan at pagsasaya.
19 Iyan ang dahilan kung bakit itinakda ng mga Judiong nakatira sa mga lunsod sa labas ng Susan* ang ika-14 na araw ng buwan ng Adar bilang isang araw ng pagsasaya at mga handaan, isang araw ng pagdiriwang,+ at isang panahon ng pagbibigayan ng pagkain.+
20 Isinulat ni Mardokeo+ ang mga pangyayaring ito at nagpadala siya ng opisyal na mga liham sa mga Judio sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero, malayo man o malapit.
21 Inutusan niya sila na ipagdiwang taon-taon ang ika-14 na araw ng buwan ng Adar, pati na ang ika-15 araw nito,
22 dahil mula nang mga araw na iyon, ang mga Judio ay hindi na ginulo ng mga kaaway nila, at sa buwang iyon, napalitan ng pagsasaya ang pagdadalamhati nila at ng pagdiriwang ang kalungkutan nila.+ Ang mga ito ay magiging mga araw ng handaan at pagsasaya at panahon para magbigay ng pagkain sa isa’t isa at ng regalo para sa mahihirap.
23 Sumang-ayon ang mga Judio na ipagpatuloy ang pagdiriwang na sinimulan nila at sundin ang iniutos sa kanila ni Mardokeo.
24 Dahil si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ na kaaway ng lahat ng Judio, ay nagplanong puksain ang mga Judio,+ at ipinahagis niya ang Pur,+ ang pitsa sa palabunutan, para takutin sila at puksain.
25 Pero nang humarap si Esther sa hari, nagbigay ito ng nasusulat na utos:+ “Gawin mismo sa kaniya* ang masama niyang pakana laban sa mga Judio”;+ at ibinitin nila siya at ang mga anak niya sa tulos.+
26 Iyan ang dahilan kung bakit ang mga araw na ito ay tinawag nilang Purim, na galing sa salitang Pur.*+ Kaya dahil sa lahat ng nakasulat sa liham na ito at bilang pag-alaala sa mga nasaksihan at naranasan nila,
27 ipinasiya ng mga Judio na ang dalawang araw na ito ay lagi nilang ipagdiriwang pati na ng kanilang mga inapo at ng lahat ng sumasama sa kanila,+ at susundin nila ang mga nasusulat na tagubilin tungkol sa pagdiriwang na ito sa itinakdang panahon taon-taon.
28 Ang mga araw na ito ay dapat alalahanin at ipagdiwang ng lahat ng henerasyon, ng bawat pamilya, bawat distrito, at bawat lunsod; at ang mga araw na ito ng Purim ay hindi dapat kalimutan ng mga Judio at patuloy itong gugunitain ng kanilang mga inapo.
29 Pagkatapos, may ikalawang liham na isinulat tungkol sa Purim, at pinagtibay ito ni Reyna Esther, anak ni Abihail, at ng Judiong si Mardokeo, ayon sa awtoridad na ibinigay sa kanila.
30 Nagpadala si Mardokeo ng opisyal na mga liham sa lahat ng Judio sa 127 distritong+ sakop ni Ahasuero,+ na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,
31 para pagtibayin ang pagdiriwang ng mga araw ng Purim sa takdang panahon nito, gaya ng itinagubilin sa kanila ng Judiong si Mardokeo at ni Reyna Esther,+ at gaya ng ipinasiya nilang gawin at ng kanilang mga inapo,+ kasali na ang pag-aayuno+ at pagsusumamo.+
32 Pinagtibay ng utos ni Esther ang mga bagay na ito tungkol sa Purim,+ at isinulat iyon sa isang aklat.
Talababa
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ O “Susa.”
^ Lit., “Ibalik sa sarili niyang ulo.”