Exodo 17:1-16

17  Ang buong bayan ng Israel ay umalis sa ilang ng Sin+ at nagpatuloy sa paglalakbay, na humihinto sa iba’t ibang lugar ayon sa utos ni Jehova.+ Nagkampo sila sa Repidim.+ Pero walang tubig na mainom ang bayan. 2  Kaya nakipag-away ang bayan kay Moises,+ at sinabi nila: “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” Pero sinabi ni Moises: “Bakit kayo nakikipag-away sa akin? Bakit lagi ninyong sinusubok si Jehova?”+ 3  Uhaw na uhaw roon ang bayan, at lagi silang nagbubulong-bulungan laban kay Moises+ at nagsasabi: “Bakit mo kami inilabas sa Ehipto para lang patayin kami sa uhaw, pati na ang mga anak at alagang hayop namin?” 4  Kaya humingi na ng tulong si Moises kay Jehova: “Ano ang gagawin ko sa bayang ito? Malapit na nila akong batuhin!” 5  Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Dumaan ka sa harap ng bayan, at isama mo ang ilan sa matatandang lalaki ng Israel at dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo.+ Hawakan mo iyon at lumakad ka. 6  Tatayo ako doon sa harap mo sa ibabaw ng bato sa Horeb. Hampasin mo ang bato, at may lalabas na tubig doon, at iyon ang iinumin ng bayan.”+ Gayon ang ginawa ni Moises sa harap ng matatandang lalaki ng Israel. 7  Kaya tinawag niyang Masah*+ at Meriba*+ ang lugar na iyon dahil sa pakikipag-away ng mga Israelita at dahil sinubok nila si Jehova,+ na sinasabi: “Kasama ba natin si Jehova o hindi?” 8  At dumating ang mga Amalekita+ at nakipaglaban sa Israel sa Repidim.+ 9  Kaya sinabi ni Moises kay Josue:+ “Pumili ka ng mga lalaki at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa tuktok ng burol habang hawak ang tungkod ng tunay na Diyos.” 10  Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kaniya,+ at nakipaglaban siya sa mga Amalekita. At sina Moises, Aaron, at Hur+ ay umakyat sa tuktok ng burol. 11  Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang mga kamay niya, ang mga Amalekita naman ang nananalo. 12  Nang mangawit na ang mga kamay ni Moises, kumuha sila ng bato at pinaupo siya roon; at pumuwesto sina Aaron at Hur sa magkabilang panig at inalalayan ang mga kamay niya para manatiling nakataas ang mga ito hanggang sa paglubog ng araw. 13  Kaya natalo ni Josue ang mga Amalekita gamit ang espada.+ 14  Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Isulat mo ito sa aklat para hindi malimutan,* at ulitin mo ito kay Josue, ‘Lilipulin ko ang mga Amalekita sa ibabaw ng lupa,* at wala nang makakaalaala sa kanila.’”+ 15  Pagkatapos, nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag itong Jehova-nisi,* 16  at sinabi niya: “Dahil ang kamay ng mga Amalekita ay laban sa trono ni Jah,+ makikipagdigma si Jehova sa kanila at sa lahat ng susunod na henerasyon nila.”+

Talababa

Ibig sabihin, “Pakikipag-away.”
Ibig sabihin, “Pagsubok.”
O “bilang alaala.”
Lit., “sa silong ng langit.”
Ibig sabihin, “Si Jehova ang Aking Posteng Pananda.”

Study Notes

Media