Exodo 18:1-27
18 At narinig ni Jetro, na saserdote ng Midian at biyenan ni Moises,+ ang tungkol sa lahat ng ginawa ng Diyos para kay Moises at para sa bayan niyang Israel, kung paanong inilabas ni Jehova ang Israel sa Ehipto.+
2 Si Jetro, na biyenan ni Moises, ang nag-alaga sa asawa nitong si Zipora nang pauwiin ito ni Moises,
3 pati na ang dalawang anak nito.+ Ang pangalan ng isa ay Gersom,*+ dahil ang sabi ni Moises, “Nanirahan ako sa isang banyagang lupain,”
4 at ang pangalan ng isa pa ay Eliezer,* dahil ang sabi niya, “Ang Diyos ng ama ko ang aking katulong, ang nagligtas sa akin mula sa espada ng Paraon.”+
5 Kaya si Jetro, na biyenan ni Moises, pati na ang mga anak at asawa ni Moises, ay pumunta sa ilang kung saan nagkakampo si Moises, sa bundok ng tunay na Diyos.+
6 At ipinasabi niya kay Moises: “Paparating na ako, ang biyenan mong si Jetro,+ kasama ang asawa mo at dalawang anak.”
7 Kaagad na lumabas si Moises para salubungin ang biyenan niya, at yumukod siya at hinalikan ito. Kinumusta nila ang isa’t isa, at pagkatapos ay pumasok sila sa tolda.
8 Ikinuwento ni Moises sa biyenan niya ang lahat ng ginawa ni Jehova sa Paraon at sa Ehipto alang-alang sa Israel,+ ang lahat ng pinagdaanan nila sa paglalakbay,+ at kung paano sila iniligtas ni Jehova.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ni Jehova para sa Israel nang iligtas niya ito mula sa Ehipto.*
10 At sinabi ni Jetro: “Purihin si Jehova, na nagligtas sa inyo mula sa Ehipto at sa Paraon at nagligtas sa bayan mula sa kapangyarihan ng Ehipto.
11 Alam ko na ngayon na mas dakila si Jehova kaysa sa lahat ng iba pang diyos,+ dahil sa ginawa niya sa mapagmataas na mga kaaway ng bayan niya.”
12 Pagkatapos, ang biyenan ni Moises na si Jetro ay nagdala ng handog na sinusunog at ng mga hain para sa Diyos, at dumating si Aaron at ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel para kumain sa harap ng tunay na Diyos kasama ang biyenan ni Moises.
13 Kinabukasan, umupo si Moises gaya ng dati para maglingkod sa bayan bilang hukom, at naghihintay ang mga tao mula umaga hanggang gabi para iharap kay Moises ang mga usapin nila.
14 Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng ginagawa niya para sa bayan, sinabi nito: “Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit ikaw lang ang nakaupo rito para humatol habang naghihintay ang mga tao mula umaga hanggang gabi?”
15 Sinabi ni Moises: “Dahil laging lumalapit sa akin ang bayan para humingi ng patnubay ng Diyos.
16 Kapag may bumangong usapin sa pagitan ng dalawang tao, inilalapit nila iyon sa akin para mahatulan ko, at ipinaaalam ko sa kanila ang pasiya ng tunay na Diyos at ang mga kautusan niya.”+
17 Sinabi kay Moises ng biyenan niya: “Hindi dapat ganiyan ang ginagawa mo.
18 Siguradong mapapagod ka, ikaw at ang bayang ito, dahil napakabigat ng pasaning ito para kayanin mong mag-isa.
19 Kaya makinig ka sa akin. Papayuhan kita, at ang Diyos ay sasaiyo.+ Magsilbi kang kinatawan ng bayan sa harap ng tunay na Diyos,+ at iharap mo sa tunay na Diyos ang mga usapin.+
20 Ituro mo sa kanila ang mga tuntunin at kautusan,+ at ipaalám mo sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran at kung ano ang dapat nilang gawin.
21 Pero dapat kang pumili mula sa bayan ng mga lalaking may kakayahan,+ natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at hindi tiwali;+ at atasan mo sila bilang mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.+
22 Sila ang hahatol sa bayan kapag may bumangong usapin; ilalapit nila sa iyo ang mahihirap na usapin,+ pero sila na ang hahatol sa maliliit na usapin. Gagaan ang iyong trabaho kapag ibinahagi mo sa kanila ang iyong pasan.+
23 Kung gagawin mo ito—at kung kaayon ito ng utos ng Diyos—hindi ka masyadong mapapagod, at ang lahat ay uuwing payapa ang isip.”
24 Pinakinggan ni Moises ang biyenan niya at agad na ginawa ang lahat ng sinabi nito.
25 Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan mula sa buong Israel, at inatasan niya sila na maging mga pinuno ng bayan, bilang mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.
26 Kaya sila ang humahatol sa bayan kapag may bumabangong usapin. Inilalapit nila kay Moises ang mahihirap na usapin,+ pero sila ang humahatol sa maliliit na usapin.
27 Pagkatapos, nagpaalam na si Moises sa biyenan niya,+ at bumalik na si Jetro sa sarili nitong lupain.
Talababa
^ Ibig sabihin, “Isang Naninirahang Dayuhan Doon.”
^ Ibig sabihin, “Ang Aking Diyos ay Katulong.”
^ Lit., “mula sa kamay ng Ehipto.”