Exodo 20:1-26
20 Pagkatapos, sinabi ng Diyos ang lahat ng ito:+
2 “Ako si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo sa Ehipto, kung saan ka naging alipin.*+
3 Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin.*+
4 “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa o nasa tubig.+
5 Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon,+ dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon,*+ nagpaparusa sa mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin,
6 pero nagpapakita ng tapat na pag-ibig hanggang sa ikasanlibong henerasyon ng mga umiibig sa akin at sumusunod sa mga utos ko.+
7 “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan,+ dahil tiyak na paparusahan ni Jehova ang gumagamit ng pangalan niya sa walang-kabuluhang paraan.+
8 “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal.+
9 Puwede kang magtrabaho sa loob ng anim na araw,+
10 pero ang ikapitong araw ay sabbath para kay Jehova na iyong Diyos. Hindi ka gagawa ng anumang trabaho, ikaw, ang iyong anak na lalaki at babae, aliping lalaki at babae, at alagang hayop, o ang dayuhang naninirahan sa inyong mga pamayanan.*+
11 Dahil sa loob ng anim na araw ay ginawa ni Jehova ang langit, lupa, dagat, at lahat ng naroon, at nagsimula siyang magpahinga sa ikapitong araw.+ Kaya naman pinagpala ni Jehova ang araw ng Sabbath at ginawa itong banal.
12 “Parangalan* mo ang iyong ama at ina+ para mabuhay ka nang mahaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+
13 “Huwag kang papatay.+
14 “Huwag kang mangangalunya.+
15 “Huwag kang magnanakaw.+
16 “Huwag kang magsisinungaling kapag tumetestigo ka laban sa kapuwa mo.+
17 “Huwag mong nanasain ang bahay ng kapuwa mo. Huwag mong nanasain ang kaniyang asawa,+ aliping lalaki o babae, toro, asno, o anumang pag-aari niya.”+
18 At nasaksihan ng buong bayan ang kulog at kidlat, ang tunog ng tambuli, at ang bundok na umuusok; nanginig sila nang makita nila iyon at nanatili silang nakatayo sa malayo.+
19 Kaya sinabi nila kay Moises: “Ikaw na lang ang makipag-usap sa amin, at makikinig kami; huwag mo nang pagsalitain ang Diyos sa amin dahil baka mamatay kami.”+
20 Kaya sinabi ni Moises sa bayan: “Huwag kayong mag-alala, dahil dumating ang tunay na Diyos para subukin kayo+ at para patuloy kayong matakot sa kaniya nang hindi kayo magkasala.”+
21 Kaya ang bayan ay nanatiling nakatayo sa malayo, pero lumapit si Moises sa madilim na ulap na kinaroroonan ng tunay na Diyos.+
22 At sinabi ni Jehova kay Moises: “Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Nakita ninyo mismo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit.+
23 Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na sasambahin ninyo bukod sa akin, at huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.+
24 Magtatayo ka para sa akin ng isang altar na gawa sa lupa, at ihahain mo sa ibabaw nito ang iyong mga handog na sinusunog, haing pansalo-salo,* tupa, at baka. Sa lahat ng lugar kung saan gusto* kong maalaala ang pangalan ko,+ pupuntahan kita at pagpapalain.
25 Kung magtatayo ka para sa akin ng isang altar na gawa sa bato, huwag mo itong gagamitan ng tinabas na mga bato.+ Dahil kapag ginamit mo roon ang iyong pait, malalapastangan mo iyon.
26 At huwag kang maglalagay ng mga baytang paakyat sa aking altar, para hindi malantad sa ibabaw nito ang iyong pribadong mga bahagi.’*
Talababa
^ Lit., “sa bahay ng mga alipin.”
^ O “bilang paglaban sa akin.”
^ O “na hindi pumapayag na magkaroon ng kahati.”
^ Lit., “pintuang-daan.”
^ O “Igalang.”
^ O “handog para sa kapayapaan.”
^ O “pinangyari.”
^ Lit., “ang iyong kahubaran.”