Exodo 3:1-22

3  Si Moises ay naging pastol ng kawan ng biyenan niyang si Jetro,+ na saserdote ng Midian. Habang inaakay niya ang kawan sa bandang kanluran ng ilang, nakarating siya sa bundok ng tunay na Diyos, sa Horeb.+ 2  Pagkatapos, nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova bilang isang nagliliyab na apoy sa gitna ng matinik na halaman.*+ Habang tinitingnan niya ito, napansin niyang nagliliyab ang matinik na halaman pero hindi natutupok. 3  Kaya sinabi ni Moises: “Kakaiba ito! Bakit hindi natutupok ang matinik na halaman? Lalapitan ko nga ito.” 4  Nang makita ni Jehova na lumapit siya rito, tinawag siya ng Diyos mula sa matinik na halaman: “Moises! Moises!” Sumagot siya: “Narito ako.” 5  At sinabi ng Diyos: “Hanggang diyan ka na lang. Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal ang lupang kinatatayuan mo.” 6  Sinabi pa niya: “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham,+ ang Diyos ni Isaac,+ at ang Diyos ni Jacob.”+ At tinakpan ni Moises ang mukha niya, dahil natatakot siyang tumingin sa tunay na Diyos. 7  Idinagdag ni Jehova: “Nakita ko ang paghihirap ng bayan ko na nasa Ehipto, at narinig ko ang pagdaing nila dahil sa mga nagpapatrabaho sa kanila nang puwersahan; alam na alam ko ang hirap na dinaranas nila.+ 8  Bababa ako para iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo+ at para ilabas sila sa lupaing iyon at dalhin sa isang lupaing mataba at maluwang, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ ang teritoryo ng mga Canaanita, Hiteo, Amorita, Perizita, Hivita, at Jebusita.+ 9  Oo, nakarating sa akin ang pagdaing ng bayang Israel, at nakita ko rin kung paano sila pinagmamalupitan ng mga Ehipsiyo.+ 10  Kaya ngayon ay isusugo kita sa Paraon, at ilalabas mo sa Ehipto ang bayan kong Israel.”+ 11  Pero sinabi ni Moises sa tunay na Diyos: “Sino ako para pumunta sa Paraon at ilabas sa Ehipto ang mga Israelita?” 12  Sinabi niya: “Ako ay sasaiyo,+ at ito ang magiging tanda para sa iyo na ako nga ang nagsugo sa iyo: Pagkatapos mong mailabas ang bayan sa Ehipto, maglilingkod* kayo sa tunay na Diyos sa bundok na ito.”+ 13  Pero sinabi ni Moises sa tunay na Diyos: “Kung puntahan ko ang mga Israelita at sabihin kong ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’+ ano ang isasagot ko sa kanila?” 14  Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin* Ko.”*+ Idinagdag pa niya: “Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Isinugo ako sa inyo ni Ako ay Magiging.’”+ 15  At muling sinabi ng Diyos kay Moises: “Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham,+ ang Diyos ni Isaac,+ at ang Diyos ni Jacob.’+ Ito ang pangalan ko magpakailanman,+ at dapat itong tandaan ng lahat ng henerasyon. 16  Kaya kumilos ka, tipunin mo ang matatandang lalaki ng Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Nagpakita sa akin si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob, at sinabi niya: “Binigyang-pansin ko kayo+ at ang ginagawa sa inyo sa Ehipto. 17  Kaya nagpasiya akong iligtas kayo mula sa pagpapahirap+ ng mga Ehipsiyo at dalhin sa lupain ng mga Canaanita, Hiteo, Amorita,+ Perizita, Hivita, at Jebusita,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”’+ 18  “Tiyak na makikinig sila sa tinig mo,+ at ikaw at ang matatandang lalaki ng Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at sasabihin ninyo sa kaniya: ‘Nakipag-usap sa amin si Jehova na Diyos ng mga Hebreo.+ Kaya pakisuyo, payagan mo kaming maglakbay sa ilang nang tatlong araw para makapaghain kami sa Diyos naming si Jehova.’+ 19  Pero alam kong hindi talaga kayo papayagang umalis ng hari ng Ehipto malibang mapilitan siya dahil sa makapangyarihan kong kamay.+ 20  Kaya iuunat ko ang kamay ko at paparusahan ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat ng himala* na gagawin ko rito, at pagkatapos ay paaalisin na niya kayo.+ 21  At ang bayang ito ay magiging kalugod-lugod sa paningin ng mga Ehipsiyo dahil sa akin, at kapag umalis kayo, tiyak na hindi kayo aalis nang walang dala.+ 22  Bawat babae ay hihingi sa kapitbahay niya at sa babaeng nakatira sa kaniyang bahay ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit, at isusuot ninyo iyon sa inyong mga anak na lalaki at babae; at kukunin ninyo ang kayamanan ng mga Ehipsiyo.”+

Talababa

O “palumpong.”
O “sasamba.”
Tingnan ang Ap. A4.
O “Gustuhin.”
O “kamangha-manghang gawa.”

Study Notes

Media