Ezekiel 10:1-22

10  Habang nakatingin ako, sa ibabaw ng malapad na sahig na nasa itaas ng ulo ng mga kerubin ay may nakita akong gaya ng batong safiro, na parang isang trono.+ 2  At sinabi niya sa lalaking nakasuot ng lino:+ “Pumunta ka sa pagitan ng mga gulong,+ sa ilalim ng mga kerubin, at punuin mo ang mga kamay mo ng baga+ na nasa pagitan ng mga kerubin at isaboy mo sa lunsod.”+ Kaya pumunta ito roon habang nakatingin ako. 3  Ang mga kerubin ay nakatayo sa may kanan ng bahay nang pumasok ang lalaki, at napuno ng ulap ang maliit na looban. 4  At ang kaluwalhatian ni Jehova+ ay pumaitaas mula sa mga kerubin at lumipat sa may pinto ng bahay, at unti-unting napuno ng ulap ang bahay,+ at ang looban ay punô ng ningning ng kaluwalhatian ni Jehova. 5  At ang pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay naririnig sa malaking looban, gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat kapag nagsasalita siya.+ 6  Inutusan niya ang lalaking nakasuot ng lino: “Kumuha ka ng apoy* sa pagitan ng mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” at pumunta siya at tumayo sa tabi ng gulong. 7  At iniunat ng isa sa mga kerubin ang kamay niya tungo sa apoy* na nasa pagitan ng mga kerubin.+ Kumuha siya nito at inilagay sa mga kamay ng lalaking nakasuot ng lino,+ na nagdala nito at umalis. 8  Ang mga kerubin ay may mga kamay na gaya ng sa tao sa ilalim ng mga pakpak nila.+ 9  Habang nakatingin ako, may nakita akong apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isang gulong sa tabi ng bawat kerubin, at ang mga gulong ay nagniningning na tulad ng batong crisolito.+ 10  Magkakamukha ang apat, gaya ng gulong sa loob ng isa pang gulong. 11  Kapag umaalis ang mga ito, kayang pumunta ng mga ito sa apat na direksiyon nang hindi bumabaling, dahil saanman nakaharap ang ulo, pumupunta roon ang mga gulong nang hindi bumabaling. 12  Punô ng mata ang kanilang katawan, likod, mga kamay, at mga pakpak, at ang mga gulong nilang apat.+ 13  At may narinig akong tumawag sa mga gulong, “Mga gulong!” 14  Ang bawat isa* ay may apat na mukha. Ang una ay mukha ng kerubin, ang ikalawa ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng agila.+ 15  At pumapaitaas ang mga kerubin—sila rin ang buháy na mga nilalang* na nakita ko sa may ilog ng Kebar+ 16  at kapag umaalis ang mga kerubin, sumasama rin ang mga gulong; at kapag itinataas ng mga kerubin ang mga pakpak nila para pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong ay hindi bumabaling o umaalis sa tabi nila.+ 17  Kapag humihinto sila, humihinto ang mga ito; at kapag pumapaitaas sila, pumapaitaas din ang mga ito, dahil ang espiritung nasa buháy na mga nilalang* ay nasa mga ito rin. 18  At ang kaluwalhatian ni Jehova+ ay umalis sa may pinto ng bahay at tumigil sa ibabaw ng mga kerubin.+ 19  Nakita kong itinaas ng mga kerubin ang mga pakpak nila, at pumaitaas sila mula sa lupa. Sumama rin ang mga gulong nang umalis sila. Huminto sila sa silangang pintuang-daan ng bahay ni Jehova, at nasa ibabaw nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.+ 20  Sila ang buháy na mga nilalang* na nakita ko sa ilalim ng Diyos ng Israel sa may ilog ng Kebar,+ kaya nalaman kong mga kerubin sila. 21  Silang apat ay may apat na mukha, apat na pakpak, at mga kamay na gaya ng sa tao na nasa ilalim ng mga pakpak nila.+ 22  At ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukhang nakita ko sa tabi ng ilog ng Kebar.+ Deretso lang ang bawat isa kapag umaalis sila.+

Talababa

O “baga.”
O “baga.”
Kerubin.
Lit., “ito ang buháy na nilalang.”
Lit., “ang espiritu ng buháy na nilalang.”
Lit., “Ito ang buháy na nilalang.”

Study Notes

Media