Ezekiel 23:1-49
23 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, may dalawang babae na mga anak ng isang ina.+
3 Naging babaeng bayaran sila sa Ehipto+ mula pa noong kabataan nila. Doon ay pinisil ang mga suso nila at hinipo ang dibdib ng kanilang pagkadalaga.
4 Ang pangalan ng nakatatanda ay Ohola* at ang nakababata ay Oholiba.* Naging akin sila, at nagsilang sila ng mga anak na lalaki at babae. Si Ohola ang Samaria,+ at si Oholiba ang Jerusalem.
5 “Naging babaeng bayaran si Ohola+ habang akin siya. Pinagnasaan niya ang mga kalaguyo niya,+ ang kalapít na mga Asiryano.+
6 Mga gobernador sila na nakaasul at mga kinatawang opisyal—kaakit-akit na mga kabataang lalaki na nakasakay sa kabayo.
7 Patuloy siyang nakiapid sa lahat ng pinakaprominenteng anak ng Asirya, at dinungisan niya ang sarili niya+ sa pamamagitan ng karima-rimarim na mga idolo* ng mga pinagnasaan niya.
8 Hindi niya tinalikuran ang pakikiapid na sinimulan niya sa Ehipto, dahil sinipingan nila siya noong kabataan siya, at hinipo nila ang dibdib ng kaniyang pagkadalaga at nagpakasasa sa paggawa ng kahalayan* sa kaniya.+
9 Kaya ibinigay ko siya sa kamay ng mga kalaguyo niya, sa pinagnasaan niyang mga anak ng Asirya.+
10 Hinubaran nila siya+ at kinuha ang kaniyang mga anak na lalaki at babae+ at pinatay siya gamit ang espada. Masama ang reputasyon niya sa mga babae, at nilapatan nila siya ng hatol.
11 “Nang makita ito ni Oholiba, naging mas mahalay pa siya kaysa sa kapatid niya, at ang pagiging babaeng bayaran niya ay mas masahol pa kaysa sa kapatid niya.+
12 Pinagnasaan niya ang mga anak ng Asirya na kalapít niya,+ ang mga gobernador at mga kinatawang opisyal na maganda ang pananamit at nakasakay sa kabayo—kaakit-akit na mga kabataang lalaki.
13 Nang dungisan niya ang sarili niya, nakita kong pareho sila ng tinahak na landas.+
14 Pero patuloy pa siyang nakiapid. Nakita niya ang mga lalaking nakaukit sa pader, mga larawan ng mga Caldeo na inukit at pininturahan ng pula,
15 na nakasinturon at may suot sa ulo na mahahabang turbante at mukhang mga mandirigma, at lahat ng ito ay mga Babilonyo, na ipinanganak sa lupain ng mga Caldeo.
16 Pagkakita niya rito, pinagnasaan niya sila at nagsugo siya ng mga mensahero sa Caldea.+
17 Kaya paulit-ulit siyang pinuntahan at sinipingan ng mga anak ng Babilonya sa kaniyang kama, at dinungisan nila siya ng kahalayan nila.* Nang madungisan siya, lumayo siya sa kanila dahil sa pagkasuklam.
18 “Nang magpakasasa siya sa pakikiapid nang walang kahihiyan at ilantad niya ang hubad niyang katawan,+ nilayuan ko siya dahil sa pagkasuklam, kung paanong nilayuan ko ang kapatid niya dahil sa pagkasuklam.+
19 At patuloy pa siyang nakiapid+ at inalaala ang kabataan niya noong naging babaeng bayaran siya sa Ehipto.+
20 Pinagnasaan niya sila; gaya siya ng mga kalaguyo ng mga lalaking ang ari ay katulad ng sa asno at sa kabayo.
21 Hinanap-hanap mo ang iyong kahalayan noong kabataan ka pa sa Ehipto+ nang hinihipo nila ang iyong dibdib, ang iyong mga suso noong kabataan ka.+
22 “Kaya, Oholiba, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Gagalitin ko ang iyong mga kalaguyo+ na nilayuan mo dahil sa pagkasuklam, at sasalakayin ka nila mula sa lahat ng direksiyon,+
23 ang mga anak ng Babilonya+ at lahat ng Caldeo,+ ang mga lalaki ng Pekod+ at Soa at Koa, pati ang lahat ng anak ng Asirya. Lahat sila ay kaakit-akit na mga kabataang lalaki, mga gobernador at mga kinatawang opisyal, mga mandirigma na piling-pili,* at nakasakay silang lahat sa kabayo.
24 Sasalakayin ka nila nang may dagundong ng mga karwaheng* pandigma at napakaraming sundalo, na may malalaking kalasag at pansalag* at helmet. Papalibutan ka nila, at bibigyan ko sila ng awtoridad na hatulan ka, at hahatulan ka nila ayon sa nakikita nilang nararapat.+
25 Ilalabas ko ang galit ko sa iyo, at kikilos sila laban sa iyo nang may poot. Tatagpasin nila ang iyong ilong at mga tainga, at ang mga natira sa iyo ay mamamatay sa espada. Kukunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae, at ang natira sa iyo ay lalamunin ng apoy.+
26 Huhubarin nila sa iyo ang damit mo+ at kukunin ang magaganda mong alahas.*+
27 Wawakasan ko ang iyong kahalayan at prostitusyon,+ na nagsimula sa Ehipto.+ Hindi mo na sila titingnan, at hindi mo na aalalahanin ang Ehipto.’
28 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Malapit na kitang ibigay sa kamay ng mga kinapopootan mo, ang mga nilayuan mo dahil sa pagkasuklam.+
29 Pakikitunguhan ka nila nang may poot at kukunin ang lahat ng pinaghirapan mo+ at iiwan kang hubo’t hubad. Malalantad ang iyong kahiya-hiyang imoralidad at kahalayan at prostitusyon.+
30 Gagawin sa iyo ang mga ito dahil hinabol mo ang mga bansa na gaya ng babaeng bayaran,+ dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng kanilang karima-rimarim na mga idolo.+
31 Tinahak mo ang landas ng kapatid mo,+ at ibibigay ko sa iyo ang kopa niya.’+
32 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
‘Iinuman mo ang malalim at malapad na kopa ng kapatid mo,+At magiging tampulan ka ng panghahamak at kahihiyan, dahil punô ng mga ito ang kopa.+
33 Malalasing ka at mamimighati nang husto;Iinuman mo ang kopa ng pagkatakot at pagkatiwangwang,Ang kopa ng iyong kapatid na Samaria.
34 Kailangan mong inumin at sairin ito+ at ngatngatin ang mga piraso ng basag na kopang luwad;Pagkatapos, hatakin mo ang iyong mga suso hanggang sa matanggal.
“Dahil ako mismo ang nagsalita,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’
35 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dahil lubusan mo akong kinalimutan at binale-wala,*+ aanihin mo ang bunga ng iyong kahalayan at prostitusyon.’”
36 At sinabi ni Jehova: “Anak ng tao, ihahayag mo ba ang hatol kina Ohola at Oholiba+ at sasabihin sa kanila ang karima-rimarim na mga gawain nila?
37 Nangalunya* sila+ at may dugo sa mga kamay nila. Hindi lang sila nangalunya sa pamamagitan ng karima-rimarim na mga idolo nila, kundi sinunog din nila ang mga anak nila sa akin bilang pagkain ng mga idolo nila.+
38 Ito pa ang ginawa nila sa akin: Dinungisan nila ang santuwaryo ko nang araw na iyon at nilapastangan ang mga sabbath ko.
39 Nang mapatay na nila ang mga anak nila bilang hain sa kanilang karima-rimarim na mga idolo,+ pumunta sila sa santuwaryo ko para lapastanganin ito+ nang mismong araw na iyon. Iyan ang ginawa nila sa loob ng bahay ko.
40 Nagsugo pa sila ng mensahero para magtawag ng mga lalaki mula sa malayo.+ Nang paparating na ang mga ito, naligo ka at pinintahan mo ang iyong mga mata at nagsuot ka ng mga palamuti.+
41 At umupo ka sa isang maringal na upuan,+ na may mesa sa harap,+ kung saan mo inilagay ang aking insenso+ at langis.+
42 Maririnig doon ang ingay ng mga taong nagpapakasaya, kasama na ang mga lasenggong dinala mula sa ilang. Sinuotan nila ng pulseras at magagandang korona ang mga babae.
43 “At sinabi ko tungkol sa kaniya na hapong-hapo sa pangangalunya: ‘Ngayon ay patuloy pa siyang makikiapid.’
44 Kaya patuloy silang pumunta sa kaniya, gaya ng isa na pumupunta sa babaeng bayaran. Gayon sila pumupunta kina Ohola at Oholiba, mahahalay na babae.
45 Pero ang mga lalaking matuwid ay maglalapat sa kaniya ng nararapat na hatol para sa kaniyang pangangalunya+ at pagpatay;+ dahil mga mangangalunya sila, at may dugo sa mga kamay nila.+
46 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Isang hukbo ang sasalakay sa kanila, at sasamsaman sila nito, at mangingilabot ang mga tao.+
47 Pagbababatuhin sila ng hukbo+ at papatayin gamit ang espada. Papatayin ng mga ito ang kanilang mga anak na lalaki at babae+ at susunugin ang mga bahay nila.+
48 Wawakasan ko ang kahalayan sa lupain, at matututo ang lahat ng babae at hindi nila gagayahin ang kahalayan ninyo.+
49 Ipararanas nila sa inyo ang resulta ng inyong kahalayan at mga kasalanan dahil sa karima-rimarim na mga idolo ninyo; at malalaman ninyo na ako ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.’”+
Talababa
^ Ibig sabihin, “Ang Kaniyang Tolda.”
^ Ibig sabihin, “Ang Aking Tolda ay Nasa Kaniya.”
^ Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
^ O “sa pakikipagtalik.”
^ O “sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kaniya.”
^ Lit., “ipinatawag.”
^ O “karong.”
^ Maliit na kalasag na karaniwang dala ng mga mamamanà.
^ O “palamuti.”
^ Lit., “at inihagis sa likuran mo.”
^ Espirituwal na pangangalunya.