Ezekiel 38:1-23

38  Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2  “Anak ng tao, titigan mo si Gog ng lupain ng Magog,+ ang pangunahing pinuno* ng Mesec at Tubal,+ at humula ka laban sa kaniya.+ 3  Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kikilos ako laban sa iyo, O Gog, ang pangunahing pinuno* ng Mesec at Tubal. 4  Ililihis kita sa landas mo at lalagyan ko ng mga kawit ang mga panga mo+ at ilalabas kita kasama ang iyong buong hukbo,+ mga kabayo at mangangabayo, na magaganda ang pananamit, isang napakalaking hukbo na may malalaking kalasag at mga pansalag,* lahat ay humahawak ng espada; 5  kasama nila ang Persia, Etiopia, at Put,+ lahat sila ay may pansalag at helmet; 6  pati ang Gomer at lahat ng hukbo nito, ang sambahayan ni Togarma+ na mula sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga, kasama ang lahat ng hukbo nito—maraming bayan ang kasama mo.+ 7  “‘“Maghanda kayo, ikaw at ang iyong buong hukbo, na nagkakatipong kasama mo, at ikaw ang magiging kumandante* nila. 8  “‘“Bibigyang-pansin* ka pagkalipas ng maraming araw. Sa huling bahagi ng mga taon, lulusubin mo ang lupain ng bayan na naibalik at nailigtas mula sa espada, na tinipon mula sa maraming bayan at dinala sa mga bundok ng Israel, na matagal na naging wasak. Ang mga nakatira sa lupaing ito ay inilabas mula sa ibang bayan, at lahat sila ay naninirahan nang panatag.+ 9  Lulusubin mo silang gaya ng bagyo, at tatakpan mo ang lupain na gaya ng mga ulap, ikaw at ang lahat ng hukbo mo at ang maraming bayan na kasama mo.”’ 10  “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sa araw na iyon, may mga bagay na papasok sa puso mo, at bubuo ka ng masamang plano. 11  Sasabihin mo: “Lulusubin ko ang lupaing hantad ang mga pamayanan.+ Sasalakayin ko ang mga naninirahan nang panatag at walang nanggugulo, lahat sila na naninirahan sa mga pamayanang walang pader, halang, o pintuang-daan.” 12  Ang plano ay ang makakuha ng maraming samsam at masalakay ang wasak na mga lugar na tinitirhan na ngayon+ at ang bayang tinipon mula sa ibang bansa,+ na lumalaki ang yaman at dumarami ang ari-arian,+ ang mga naninirahan sa gitna ng lupa. 13  “‘Sasabihin sa iyo ng Sheba+ at Dedan,+ ang mga mangangalakal ng Tarsis+ at lahat ng mandirigma* nito: “Nanlulusob ka ba para makakuha ng maraming samsam? Tinitipon mo ba ang mga hukbo mo para makakuha ng pilak at ginto, ng yaman at ari-arian, at ng napakaraming samsam?”’ 14  “Kaya humula ka, anak ng tao, at sabihin mo kay Gog, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova: “Sa araw na naninirahan nang panatag ang aking bayang Israel, hindi ba mapapansin mo iyon?+ 15  Darating ka mula sa iyong lugar, mula sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga,+ ikaw at ang maraming bayan na kasama mo, lahat ay nakasakay sa kabayo, isang malaking puwersang militar, isang napakalaking hukbo.+ 16  Sasalakayin mo ang aking bayang Israel gaya ng mga ulap na tumatakip sa lupain. Sa huling bahagi ng mga araw, ipasasalakay ko sa iyo ang lupain ko+ para makilala ako ng mga bansa kapag pinabanal ko ang sarili ko sa harap nila sa pamamagitan mo, O Gog.”’+ 17  “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Hindi ba ikaw rin ang binabanggit ko noon sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na maraming taóng humula na sasalakayin mo sila?’ 18  “‘Sa araw na iyon, sa araw na lumusob si Gog sa lupain ng Israel,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘sisiklab ang matinding galit ko.+ 19  Dahil sa nag-aapoy kong galit at nag-aalab na poot, magsasalita ako; at lilindol nang napakalakas sa lupain ng Israel sa araw na iyon. 20  Dahil sa akin, manginginig ang mga isda sa dagat, mga ibon sa langit, maiilap na hayop sa parang, lahat ng reptilyang gumagapang sa lupa, at lahat ng tao sa lupa, at babagsak ang mga bundok,+ at guguho ang mga dalisdis, at babagsak sa lupa ang bawat pader.’ 21  “‘Magpapadala ako ng isang espada laban sa kaniya sa lahat ng aking bundok,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Magiging laban sa sarili niyang kapatid ang espada ng bawat isa.+ 22  Hahatulan ko siya na may kasamang salot+ at pagpatay; at magbubuhos ako ng napakalakas na ulan na may kasamang mga tipak ng yelo*+ at apoy+ at asupre+ sa kaniya at sa mga hukbo niya at sa maraming bayan na kasama niya.+ 23  At dadakilain ko at pababanalin ang sarili ko, at ipapakilala ko ang sarili ko sa harap ng maraming bansa; at malalaman nila na ako si Jehova.’

Talababa

O “prinsipe.”
O “prinsipe.”
Maliit na kalasag na karaniwang dala ng mga mamamanà.
Lit., “bantay.”
O “Ipapatawag.”
O “may-kilíng na batang leon.”
O “Soberanong.”
O “mga graniso.”

Study Notes

Media