Ezekiel 46:1-24

46  “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dapat na manatiling nakasara ang silangang pintuang-daan ng maliit na looban+ sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho,+ pero dapat na nakabukas ito sa araw ng Sabbath at sa araw ng bagong buwan. 2  Papasok ang pinuno sa beranda ng pintuang-daan,+ at tatayo siya sa tabi ng poste ng pintuang-daan. Ihahain ng mga saserdote ang kaniyang buong handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo, at yuyukod siya sa may bungad ng pintuang-daan at saka lalabas. Pero hindi isasara ang pintuang-daan hanggang sa gabi. 3  Kapag mga araw ng Sabbath at bagong buwan, ang mga tao sa lupain ay yuyukod sa harap ni Jehova sa pasukan ng pintuang-daang iyon.+ 4  “‘Anim na malulusog na lalaking kordero* at isang malusog na lalaking tupa ang dapat ihandog ng pinuno kay Jehova sa araw ng Sabbath bilang buong handog na sinusunog.+ 5  Ang handog na mga butil ay isang epa* para sa lalaking tupa at anumang kaya niyang ibigay para sa mga lalaking kordero, na may kasamang isang hin* ng langis para sa bawat epa.+ 6  Isang malusog na batang toro* mula sa bakahan, anim na lalaking kordero, at isang lalaking tupa ang ihahandog sa araw ng bagong buwan; dapat na malulusog ang mga iyon.+ 7  Ang ihahain niyang handog na mga butil ay isang epa para sa batang toro, isang epa para sa lalaking tupa, at anumang kaya niyang ibigay para sa mga lalaking kordero. At dapat siyang maghandog ng isang hin ng langis para sa bawat epa. 8  “‘Papasok ang pinuno sa beranda ng pintuang-daan, at doon din siya lalabas.+ 9  At kapag ang mga tao sa lupain ay humaharap kay Jehova para sumamba sa panahon ng mga kapistahan,+ ang mga pumapasok sa hilagang pintuang-daan+ ay dapat lumabas sa timugang pintuang-daan,+ at ang mga pumapasok sa timugang pintuang-daan ay dapat lumabas sa hilagang pintuang-daan. Walang sinuman ang puwedeng lumabas sa pintuang-daang pinasukan niya, dahil dapat silang lumabas sa pintuang-daang katapat ng pinasukan nila. 10  Kung tungkol sa pinunong kasama nila, dapat siyang pumasok kapag pumasok sila, at dapat siyang lumabas kapag lumabas sila. 11  Kapag panahon ng mga kapistahan,* ang handog na mga butil ay dapat na isang epa para sa batang toro, isang epa para sa lalaking tupa, at anumang kaya niyang ibigay para sa mga lalaking kordero, na may kasamang isang hin ng langis para sa bawat epa.+ 12  “‘Kung ang pinuno ay magbibigay ng buong handog na sinusunog+ o ng mga haing pansalo-salo bilang kusang-loob na handog kay Jehova, bubuksan para sa kaniya ang pintuang-daan na nakaharap sa silangan, at ibibigay niya ang kaniyang buong handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo gaya ng ginagawa niya kapag araw ng Sabbath.+ Pagkalabas niya, isasara ang pintuang-daan.+ 13  “‘Dapat kang mag-alay araw-araw ng isang malusog na lalaking kordero na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang buong handog na sinusunog para kay Jehova.+ Dapat mo itong gawin tuwing umaga. 14  Kasama nito, magbibigay ka rin tuwing umaga ng sangkanim ng epa bilang handog na mga butil at sangkatlong hin ng langis na iwiwisik sa magandang klase ng harina para sa araw-araw na paghahain ng handog na mga butil para kay Jehova. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda. 15  Dapat nilang ihanda tuwing umaga ang isang lalaking kordero, handog na mga butil, at langis bilang regular na buong handog na sinusunog.’ 16  “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Kung ang pinuno ay magregalo ng lupain sa bawat isa sa mga anak niya bilang mana, magiging pag-aari iyon ng mga anak niya. Iyon ay minanang pag-aari nila. 17  Kung regaluhan niya ang isa sa mga lingkod niya mula sa kaniyang mana, magiging pag-aari lang iyon ng lingkod hanggang sa taon ng paglaya;+ pagkatapos, babalik iyon sa pinuno. Pero ang pamana niya sa mga anak niya ay mananatiling kanila. 18  Hindi puwedeng palayasin ng pinuno ang bayan sa pag-aari nila para kunin ang mana nila. Dapat na mula sa sarili niyang pag-aari ang ibibigay niyang mana sa mga anak niya, para walang sinuman sa bayan ko ang mapaalis sa pag-aari nito.’” 19  At idinaan niya ako sa pasukan+ na nasa tabi ng pintuang-daan na papunta sa mga banal na silid-kainan* ng mga saserdote, na nakaharap sa hilaga,+ at may nakita akong isang lugar sa likuran sa gawing kanluran. 20  Sinabi niya sa akin: “Dito pakukuluan ng mga saserdote ang handog para sa pagkakasala at handog para sa kasalanan, at dito nila lulutuin ang handog na mga butil,+ para hindi na nila dalhin sa malaking looban ang alinman sa mga ito at mapasahan ng kabanalan* ang mga tao.”+ 21  Dinala niya ako sa malaking looban at idinaan sa apat na kanto ng looban, at nakakita ako ng isang looban sa tabi ng bawat kanto ng malaking looban. 22  Sa apat na kanto ng looban ay may maliliit na looban, 40 siko* ang haba at 30 siko ang lapad. Magkakapareho ng sukat ang mga ito. 23  May mga hanay ng bato sa palibot ng apat na ito, at sa ilalim ng mga iyon ay may mga pakuluan para sa mga handog. 24  At sinabi niya sa akin: “Ito ang mga lugar kung saan pinakukuluan ng mga lingkod sa templo ang hain ng bayan.”+

Talababa

O “batang tupa.”
Tingnan ang Ap. B14.
Tingnan ang Ap. B14.
O “lalaking baka.”
Lit., “At sa mga kapistahan at sa mga kapanahunan ng pista.”
O “silid.”
Lit., “at mapabanal.”
Mahabang siko. Tingnan ang Ap. B14.

Study Notes

Media