Introduksiyon sa Filemon
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 60-61 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Ang liham kay Filemon ang pinakamaikli sa mga liham ni Pablo. Isa rin ito sa pinakapersonal. Pangunahin nang para ito sa kaibigan niyang si Filemon, na nakatira sa Colosas, sa Asia Minor. (Flm 1, 2; ihambing ang Col 4:9 sa Flm 10-12.) Lumilitaw na natulungan ni Pablo si Filemon para maging Kristiyano. (Flm 19) Malamang na mayaman si Filemon, dahil may alipin siya at puwedeng magtipon sa bahay niya ang kongregasyon sa lugar nila. Kilalá si Filemon sa pagiging mapagpatuloy at mapagmahal.—Flm 1, 2, 7.
Personal at maselan ang isyung ipinapakipag-usap dito ni Pablo. Tumakas papuntang Roma si Onesimo, na alipin sa sambahayan ni Filemon. Lumilitaw na napangaralan siya ni Pablo at naging Kristiyano doon. (Flm 10, 12, 16) Sa batas ng Roma, puwede sanang parusahan nang matindi ni Filemon si Onesimo dahil tumakas ito, pero hinimok siya ni Pablo na mabait na tanggaping muli si Onesimo. Ayaw ng apostol na utusan si Filemon. Kaya nakiusap siya rito na tanggapin si Onesimo dahil sa pag-ibig na pangkapatid, pagkakaibigan nila ni Filemon, at kaugnayan ni Filemon sa Diyos. (Flm 8, 9, 14-17) Lumilitaw na si Pablo mismo ang nagsulat ng liham na ito, na nagdagdag pa ng bigat sa pakiusap niya.—Flm 19.
Malamang na isinulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 60-61 C.E., bago matapos ang dalawang-taóng pagkabilanggo niya sa bahay niya sa Roma. (Gaw 28:16, 30; Flm 1, 9, 13) Nagtagal din si Pablo sa Roma kaya may mga nakumberte siya; umaasa rin siyang malapit na siyang makalaya. (Flm 10, 22 at study note) Sa panahon ding ito, isinulat ni Pablo ang mga liham niya sa kongregasyon sa Efeso, Filipos, at Colosas. Posibleng ang liham kay Filemon, pati na ang mga liham para sa mga taga-Efeso at mga taga-Colosas, ay inihatid nina Tiquico at Onesimo.—Efe 6:21, 22; Col 4:7-9.
Marami tayong matututuhan tungkol sa unang-siglong mga Kristiyano mula sa liham kay Filemon. Halimbawa, nagtitipon sila sa mga bahay at “kapatid” ang tawagan nila. (Flm 1, 2, 7, 20) Ipinapanalangin nila ang isa’t isa. (Flm 4, 22) Napapatibay sila sa pananampalataya at pag-ibig ng mga kapananampalataya nila.—Flm 5-7.
Kinikilala ng mga manunulat noon na sina Tertullian (ikalawa hanggang ikatlong siglo C.E.) at Origen (ikatlong siglo C.E.) na si Pablo ang sumulat ng liham na ito. Sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E., isinama rin ito sa mga liham ni Pablo.