Liham sa mga Taga-Filipos 3:1-21
Talababa
Study Notes
patuloy kayong magsaya dahil sa Panginoon: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Filipos, ilang beses niyang binanggit na masaya siya at pinasigla niya rin ang mga kapananampalataya niya na magsaya. (Fil 1:18; 2:17, 18, 28, 29; 4:1, 4, 10) Kahanga-hangang idinidiin ni Pablo ang pagiging masaya, dahil lumilitaw na isinulat niya ang liham na ito habang nakabilanggo siya sa sarili niyang bahay. Ang ekspresyong “dahil sa Panginoon” ay puwedeng mangahulugang “may kaugnayan sa [o “kaisa ng”] Panginoon.” Ang titulong “Panginoon” sa kontekstong ito ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, pero posibleng kinuha ni Pablo ang payo niya mula sa Hebreong Kasulatan, kaya masasabing tumutukoy ito kay Jehova.—Aw 32:11; 97:12; tingnan ang “Introduksiyon sa Filipos” at study note sa Fil 4:4.
Mag-ingat: Sa talatang ito, tatlong beses inulit ni Pablo ang pandiwang Griego na isinaling “mag-ingat,” na laging sinusundan ng salitang nagsisimula sa pare-parehong katinig na Griego. (Tingnan ang Kingdom Interlinear.) Ipinapakita ng ganitong istilo ng pagsulat na napakaimportante ng mensahe at kailangan itong sundin agad. Mapapansin din na ang tatlong paglalarawan niya sa mga nagsasapanganib sa pananampalataya ng mga taga-Filipos ay tinapatan niya sa sumunod na talata ng tatlo ring paglalarawan sa mga tapat.
maruruming tao: Lit., “mga aso.” Dito, ginamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang terminong “aso” para babalaan ang mga taga-Filipos laban sa huwad na mga guro. Marami sa mga gurong ito ang nagtataguyod ng Judaismo. Sa Kautusang Mosaiko, marumi ang mga aso, at madalas gamitin sa Kasulatan ang terminong ito sa negatibong diwa. (Lev 11:27; tingnan ang study note sa Mat 7:6.) Sa mga lunsod, kadalasan nang tira-tira lang ang kinakain ng mga aso, kaya para sa marami, partikular na sa mga nanghahawakan sa Kautusang Mosaiko, marumi ang kinakain ng mga hayop na ito. (Exo 22:31; 1Ha 14:11; 21:19; Kaw 26:11) Sa Hebreong Kasulatan, tinatawag kung minsan na mga aso ang mga kaaway ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (Aw 22:16; 59:5, 6) Nang tawagin ni Pablo na aso ang huwad na mga guro, ipinapakita niya na marumi ang mga taong ito at hindi karapat-dapat na maging tagapagturo ng mga Kristiyano.
nagtataguyod ng pagtutuli: O “pumuputol ng laman.” Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong “pumuputol ng laman” para ipakita ang malaking kaibahan nila sa mga “tunay na tinuli” (lit., “pumuputol sa palibot”) sa sumunod na talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:3.
tayo ang mga tunay na tinuli: Ang pariralang ito ay puwedeng literal na isaling “tayo ang pagtutuli.” Tinutukoy dito ni Pablo ang mga Kristiyano, dahil sila lang ang grupo na tinuli ayon sa nag-iisang paraang sinasang-ayunan ng Diyos—ang pagtutuli sa puso. (Tingnan ang study note sa Ro 2:29.) Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakita ang kaibahan ng mga tunay na tinuli sa grupong binanggit niya sa naunang talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:2.
naglilingkod: O “nag-uukol ng sagradong paglilingkod; sumasamba.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “maglingkod.” Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa pagsasagawa ng anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya.—Mat 4:10; Luc 2:37; Gaw 7:7; Ro 1:9; 2Ti 1:3; Heb 9:14; Apo 22:3.
ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman: Sa paggamit ng salitang “laman,” ipinakita ni Pablo na sa mata ng tao, nakahihigit siya kung pagbabatayan ang mga bagay na binanggit niya sa Fil 3:5, 6.
mula sa tribo ni Benjamin: Sa talatang ito at sa Ro 11:1, binanggit ni Pablo na mula siya sa tribo ni Benjamin para idiin na isa talaga siyang Judio. Iginagalang na tribo ang Benjamin. Ganito ang inihula ng patriyarkang si Jacob bago siya mamatay tungkol sa mga inapo ni Benjamin: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Kakainin niya sa umaga ang nahuling hayop, at hahatiin niya sa gabi ang samsam.” (Gen 49:27) Talaga namang maraming Benjaminita na mahusay na mandirigma. Matapang sila na gaya ng mga lobo, at ipinagtanggol nila ang bayan ni Jehova. May ilang Benjaminita na tumupad sa hulang ito “sa umaga,” o sa pasimula ng paghahari na itinatag ni Jehova sa Israel; tinupad naman ito ng ibang Benjaminita “sa gabi,” o nang magtapos na ang linya ng mga hari sa Israel. (1Sa 9:15-17; 1Cr 12:2; Es 2:5-7) Masasabi ring matapang na mandirigma si Pablo; sa espirituwal na pakikipagdigma niya, ipinagtanggol niya ang katotohanan laban sa maling mga turo at kaugalian. Tinuruan niya rin ang napakaraming Kristiyano kung paano maging mahusay na mandirigma sa espirituwal.—Efe 6:11-17.
isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo: Ang punto dito ni Pablo ay katulad ng sinabi niya sa 2Co 11:22, kung saan idinidiin niya ang pagiging Judio niya. (Tingnan ang study note.) Sinasabi dito ni Pablo na isa siyang purong Hebreo at walang dugo na di-Judio. Posibleng sinabi ito ni Pablo bilang sagot sa huwad na mga guro na ipinagyayabang ang lahi nila at kumukuwestiyon sa pagiging Judio ni Pablo. Pero idiniin ni Pablo na hindi gaanong mahalaga sa kaniya ang lahi niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:7, 8.
kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo: Tinutukoy dito ni Pablo ang edukasyong tinanggap niya sa Judaismo. Posibleng ang ibig niyang sabihin ay pinalaki siya ng mga magulang niya ayon sa turo ng mga Pariseo, na isa sa mga grupong nagtataguyod ng Judaismo. (Tingnan ang study note sa Gaw 23:6.) May iba pang mga Kristiyano na mga Pariseo din noon. Sa Gaw 15:5 (tingnan ang study note), sila ang tinutukoy na mga “dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo.”
walang halaga . . . napakahalaga: Sa orihinal na Griego, mga terminong pangnegosyo ang ginamit dito ni Pablo para tukuyin ang mga iniisip niya noon na lamáng niya sa ibang tao. Pinalaki siya bilang isang Judiong Pariseo. (Fil 3:5, 6) Nasa kaniya ang lahat ng karapatan at probisyon para sa isang mamamayang Romano. (Gaw 22:28) Tumanggap siya ng mataas na edukasyon bilang estudyante ni Gamaliel, at matatas siya sa Griego at Hebreo; posible ring nagkaroon siya ng prominenteng posisyon sa Judaismo. (Gaw 21:37, 40; 22:3) Pero tinalikuran ni Pablo ang lahat ng iyon. Itinuring niya iyon na walang halaga at naging isa siyang masigasig na tagasunod ni Kristo. Ang ginawa ni Pablo ay kaayon ng payo ni Jesus sa mga alagad niya—dapat nilang pag-isipan kung ano talaga ang importante sa buhay nila.—Mat 16:26.
basura: Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “basura.” Puwede rin itong isaling “dumi ng hayop.” Sa paggamit nito, ipinakita ni Pablo kung ano na lang ang tingin niya sa mga tagumpay at tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon bago siya maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Sinabi niya kung gaano siya kadeterminadong huwag nang balikan at panghinayangan ang lahat ng tinalikuran niya noon. Kung napakahalaga sa kaniya noon ng mga bagay na ito, basura na lang ang tingin niya dito ngayon kung ikukumpara sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”
katuwirang mula sa pananampalataya kay Kristo: Tingnan ang study note sa Gal 2:16.
maranasan ang kamatayang katulad ng sa kaniya: Ang kamatayan ng pinahirang mga Kristiyano ay katulad ng kay Jesus dahil pinili nila ang buhay na punô ng pagsasakripisyo, at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asa nilang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Gaya ni Jesus, nananatili silang tapat sa harap ng pagsubok sa buong buhay nila, kahit na ang ilan sa kanila ay nalalagay sa bingit ng kamatayan araw-araw. Dahil sa ganitong paraan ng pamumuhay, mapapanatili nila ang katapatan nila hanggang kamatayan, gaya ni Kristo. At bubuhayin silang muli bilang espiritu.—Mar 10:38, 39; Ro 6:4, 5; tingnan ang study note sa Ro 6:3.
nang mas maaga ang pagkabuhay-muli: Sa maraming Bibliya, isinalin lang itong “ang pagkabuhay-muli.” Pero hindi ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na karaniwang ginagamit para sa pagkabuhay-muli (a·naʹsta·sis). Gumamit siya ng isang kaugnay na salita (e·xa·naʹsta·sis; lit., “naunang pagkabuhay-muli,” Kingdom Interlinear) na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dahil diyan, iniisip ng ilang iskolar na tumutukoy ito sa isang espesyal na pagkabuhay-muli. Sa mga klasikal na literaturang Griego, tumutukoy ito sa pagbangon nang maaga. Ang paggamit dito ni Pablo ng naiibang termino ay nagpapakita na mas maagang pagkabuhay-muli ang nasa isip niya (1Co 15:23; 1Te 4:16), bago ang pagkabuhay-muli sa lupa (Ju 5:28, 29; Gaw 24:15). Tinatawag din itong “unang pagkabuhay-muli,” at tumutukoy ito sa pagbuhay-muli sa mga pinahirang tagasunod ni Kristo tungo sa langit.—Apo 20:4-6.
Kristo Jesus: Inalis sa ilang manuskrito ang “Jesus,” pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, mas matibay ang basehan ng saling ito.
Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran: Ang salitang Griegong ginamit ni Pablo na isinalin ditong “hindi . . . na inaalaala” ay puwedeng mangahulugang “wala nang pakialam.” Hindi naman talaga nakalimutan ni Pablo ang “mga bagay na nasa likuran,” dahil kababanggit pa lang niya ng ilan sa mga ito. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Nangangahulugan lang ito na nang maging Kristiyano si Pablo, nagpokus na siya sa mga bagay na nasa unahan, kung paanong nakapokus ang isang mananakbo sa unahan at hindi na tinitingnan ang nadaanan na niya. (Tingnan ang study note sa buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan sa talatang ito.) Ang desisyon ni Pablo na magpokus sa unahan ay nakatulong sa kaniya na malimutan ang “mga bagay na nasa likuran,” o ang mga tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon at ang posisyong nakamit niya dahil sa pagiging panatiko sa Judaismo. Hindi na niya iniisip ang mga ito dahil wala nang halaga ang mga ito sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:8.
buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan: Makikita sa pananalita ni Pablo na ikinukumpara niya ang sarili niya sa isang mananakbo, posibleng sa isang atleta sa mga palarong Griego. (Tingnan ang mga study note sa 1Co 9:24.) Pamilyar sa mga Griego at Romano ang ganitong paglalarawan; karaniwan nang may mga estatuwa noon ng mga mananakbo, at makikita rin ang larawan nila sa mga banga. Hindi dapat tumingin sa likuran ang isang mananakbo dahil babagal siya. Ginamit din ng manunulat na Griego noong ikalawang siglo na si Lucian ang ganitong ilustrasyon. Sinabi niya: “Kapag ibinaba na ang harang sa [simula ng] takbuhan, wala nang ibang nasa isip ang isang mahusay na mananakbo kundi ang umabante, maabot ang dulo ng takbuhan, at umasa sa lakas ng mga binti niya para manalo.” Ibibigay ng mananakbo ang buo niyang makakaya para matapos ang takbuhan. Nagpokus si Pablo, hindi sa mga tunguhin sa sanlibutan na iniwan na niya, kundi sa gantimpalang nasa harapan niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:14.
gantimpala ng makalangit na pagtawag: Alam ni Pablo na gaya ng mga kapuwa niya pinahirang Kristiyano, may pag-asa siyang mamahala sa Mesiyanikong Kaharian sa langit kasama ni Kristo. (2Ti 2:12; Apo 20:6) Ang “makalangit na pagtawag” ay tumutukoy sa paanyaya na maging bahagi ng Kaharian sa langit. Pero kailangan ng “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag [o “paanyaya,” tlb.]” (Heb 3:1, 2) na manatiling “tapat” sa pagtawag na iyon (Apo 17:14) “para matiyak na mananatili [silang] kasama sa mga tinawag at pinili.” (2Pe 1:10) Kapag ginawa nila iyan, saka lang nila makukuha ang “gantimpala” ng pagtawag sa kanila.—Tingnan ang study note sa Fil 3:20.
patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “lumakad nang maayos sa gayong landasin” ay pangunahin nang nangangahulugang “pumila.” Isa rin itong terminong pangmilitar noon na tumutukoy sa maayos at sabay-sabay na pagmamartsa ng mga sundalo na nasa unahan ng hukbo. Pero nang maglaon, nangangahulugan na rin itong “sumunod sa; maging kaayon ng; manghawakan sa” isang landasin o pamantayan. Maliwanag na ang nasa isip ni Pablo ay isang paraan ng pamumuhay na tuloy-tuloy ang pagsulong. Kailangan ng mga taga-Filipos na patuloy na mamuhay bilang Kristiyano at manghawakan sa mga katotohanan at pamantayang natutuhan nila. Ang ekspresyong “lumakad nang maayos” ay ginagamit din para isalin ang iba pang paglitaw ng pandiwang Griegong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Gal 5:25, tlb.; Gal 6:16.
kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo: Tumutukoy ito sa mga dating Kristiyano na tumalikod sa pananampalataya nila at namuhay sa makasalanan at makasariling paraan. Kaya naman naging kaaway sila ng tunay na pagsamba. (Fil 3:19) Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay lumalarawan sa sakripisyong ginawa ni Jesus nang mamatay siya sa tulos. (Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Namatay si Jesus sa ganitong paraan para mapalaya ang mga tao sa pagkaalipin sa kasalanan at magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos. Pero makikita sa mga ginagawa ng mga “kaaway ng pahirapang tulos” na hindi nila pinapahalagahan ang mga pagpapalang resulta ng kamatayan ni Jesus.—Heb 10:29.
kahihinatnan: O “ganap na wakas.” Ibig sabihin, “pagkapuksa” ang kahihinatnan ng mga “kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.”—Fil 3:18.
ang kanilang tiyan ang diyos nila: Ang salitang Griego na koi·liʹa, na isinalin ditong “tiyan,” ay literal na tumutukoy sa sikmura o mga lamang-loob ng isang tao. Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18.) Sa mga Griegong palabas sa teatro noong panahon ni Pablo, may tinutukoy na “diyos na tiyan,” at sinasabi ng mga karakter sa palabas na iyon na ang tiyan nila ang “pinakadakilang diyos.” Binabatikos ng Latinong pilosopo na si Seneca, na kakontemporaryo ni Pablo, ang mga taong “alipin ng kanilang tiyan.” Lumilitaw na para sa mga taong binanggit ni Pablo sa Fil 3:18, mas mahalagang masapatan ang makalamang pagnanasa nila kaysa makapaglingkod kay Jehova. May ilan na posibleng naging napakatakaw at lasenggo. (Kaw 23:20, 21; ihambing ang Deu 21:18-21.) Baka inuna naman ng iba noong unang siglo ang mga ambisyon nila sa halip na ang paglilingkod kay Jehova. Sinasabi rin ng ilang iskolar na posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang mga mahigpit na sumusunod sa mga kautusang Judio pagdating sa pagkain. Masyado silang nakapokus sa pagsunod sa mga kautusang iyon kaya para bang naging diyos na nila ang pagkain, dahil iyon na ang naging pinakamahalaga sa kanila.
pagkamamamayan natin: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:12, 21.) Posibleng ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Filipos ay may pagkamamamayang Romano, na talagang pinahahalagahan ng mga tao noon. Malaki ang kaibahan noon ng mga mamamayang Romano at hindi. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkamamamayan sa langit, na di-hamak na nakahihigit. (Efe 2:19) Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano na magpokus, hindi sa mga bagay sa lupa (Fil 3:19), kundi sa buhay na naghihintay sa kanila bilang “mamamayan” ng langit.—Tingnan ang study note sa Fil 1:27.
babaguhin niya ang mahinang katawan natin para maging gaya ng kaniyang maluwalhating katawan: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagbabagong kailangang mangyari sa pinahirang mga Kristiyano para maging posible na mabuhay sila sa langit bilang espiritu at maging kasamang tagapagmana ng Panginoong Jesu-Kristo. Kailangan muna nilang mamatay bilang tao. Pagkatapos, sa itinakdang panahon ng Diyos, bubuhayin silang muli na may isang bagong katawan na ibang-iba sa dati. (2Co 5:1, 2) Magkakaroon sila ng isang katawang espiritu na di-nasisira, at magiging imortal sila. (1Co 15:42-44, 53; tingnan ang study note sa 1Co 15:38.) Ganiyan ang kailangang mangyari sa mahina at di-perpektong katawan nila para ito ay “maging gaya ng” (lit., “maiayon sa”) maluwalhating espiritung katawan ni Kristo.—Ro 8:14-18; 1Ju 3:2.