Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa Galacia

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Corinto o Antioquia ng Sirya

  • Natapos Isulat: mga 50-52 C.E.

Mahahalagang Impormasyon:

  • Ang liham na ito ay para sa “mga kongregasyon sa Galacia.” (Gal 1:2) Lumilitaw na kasama rito ang mga kongregasyon sa Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe—mga lunsod sa timog ng Galacia. Ang mga kongregasyong ito ay binubuo ng mga Judio at di-Judio, at siguradong kasama dito ang mga Celt at Gaul.

  • Lumilitaw na isinulat ang liham na ito noong mga 50-52 C.E. Kaya isa ito sa mga unang aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naisulat pagkatapos ng Ebanghelyo ni Mateo (malamang na isinulat noong mga 41 C.E.) at halos kasabay ng 1 at 2 Tesalonica (mga 50 at 51 C.E.). Naitatag ang mga kongregasyon sa Galacia noong mga 47-48 C.E., sa unang paglalakbay nina Pablo at Bernabe bilang misyonero. (Gaw 13:1–14:28) Noong mga 49 C.E., pagkatapos ng pagpupulong sa Jerusalem tungkol sa pagtutuli, bumalik si Pablo sa Galacia kasama si Silas. (Gaw 15:36–16:6) Lumilitaw na pagkatapos nito, habang nasa ikalawang paglalakbay si Pablo bilang misyonero, natanggap niya ang balita na may ilang Kristiyano sa Galacia na “tumatalikod” sa Diyos. Dahil sa pag-aalala, agad na isinulat ni Pablo ang liham na ito para payuhan sila nang deretsahan at patibayin. (Gal 1:6; 3:1; 5:7, 8) Posibleng isinulat niya ito habang nasa Corinto siya (50-52 C.E.). Dahil nanatili siya doon nang 18 buwan, may sapat na panahon para makaabot sa kaniya ang balita mula sa Galacia. Posible ring sa Antioquia ng Sirya niya ito isinulat, dahil nanatili siya roon “nang ilang panahon,” lumilitaw na noong tag-araw ng 52 C.E.—Gaw 18:18-23.

  • Ang isang dahilan kung bakit isinulat ni Pablo ang liham na ito ay para ipagtanggol ang pagiging apostol niya. (Gal 1:1; 2:7-9) Kailangan niya ring kontrahin ang maling mga turo ng mga nagtataguyod ng Judaismo. Sinisikil ng mga lalaking iyon ang kalayaan ng mga Kristiyano dahil iginigiit nila ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko, kasama na ang pagtutuli at iba pang tradisyon ng Judaismo. (Gal 4:17; 6:12, 13) Ipinakita rin ni Pablo na nagiging matuwid ang isang tao dahil sa pananampalataya kay Kristo Jesus, hindi sa pagsunod sa Kautusan, kaya hindi na kailangang magpatuli ng mga Kristiyano. (Gal 2:16, 21; 5:5, 6; 6:15) Idiniin sa liham na ito ang kahanga-hangang kalayaan na natatanggap ng mga Kristiyano sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Gal 5:1, 13) Ipinakita rin ni Pablo na dahil sa kalayaang ito, napapakilos ang mga tapat na magpagabay sa banal na espiritu at tulungan ang isa’t isa.—Gal 5:16, 22-24; 6:1-5.

  • Maraming bagay tungkol sa buhay at pagiging apostol ni Pablo ang mababasa lang sa liham sa mga kongregasyon sa Galacia.—Gal 1:1, 13-24; 2:1-14.

  • Sinabi ni Pablo na ang liham na ito ay isinulat ng “sarili [niyang] kamay,” posibleng para ipakita na siya mismo ang sumulat nito, di-gaya ng iba niyang mga liham na ipinasulat niya sa iba.—Gal 6:11.

  • Walang kuwestiyon na bahagi ng Bibliya ang liham na ito. Espesipiko itong binanggit ng mga manunulat na sina Irenaeus, Clement ng Alejandria, Tertullian, at Origen. Sa Muratorian Fragment, ang pinakamatandang listahan ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na mula pa noong mga 170 C.E., tinukoy si Pablo na manunulat ng liham na ito. Isa pa, makikita ang liham na ito sa mahahalagang manuskrito ng Bibliya gaya ng papirong codex na tinatawag na P46, Codex Sinaiticus, Codex Vaticanus, Codex Alexandrinus, Codex Ephraemi Syri rescriptus, at Codex Claromontanus.