Liham sa mga Taga-Galacia 1:1-24
Study Notes
Liham sa mga Taga-Galacia: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito, gaya ng papirong codex na tinatawag na P46, na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. (Tingnan sa Media Gallery, “Liham ni Pablo sa mga Taga-Galacia.”) Ang pamagat na ito sa P46 codex ay makikita rin sa iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E.
sa mga kongregasyon sa Galacia: Sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero sa Galacia (tingnan ang study note sa Galacia sa talatang ito) noong mga 47-48 C.E., nagpunta sila ni Bernabe sa Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe—mga lunsod na nasa timog na bahagi ng rehiyon. (Gaw 13:14, 51; 14:1, 5, 6) Marami silang natagpuang interesado sa mabuting balita, kaya nagtatag sila ng mga kongregasyong Kristiyano sa mga lunsod na iyon. (Gaw 14:19-23) Lumilitaw na maganda ang naging bunga ng mga binhi ng katotohanang naitanim sa Galacia. Isang patunay si Timoteo, na taga-Galacia. (Gaw 16:1) Sa “mga kongregasyon sa Galacia” na sinulatan ni Pablo, may mga Judio at di-Judio, na kinabibilangan ng tuling mga proselita at di-tuling mga Gentil. (Gaw 13:14, 43; 16:1; Gal 5:2) Walang dudang ang ilan sa kanila ay may lahing Celtic. Nabanggit din ang mga kongregasyon sa rehiyong ito sa ibang mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, nang sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto noong mga 55 C.E., binanggit niya ang tagubiling ibinigay niya “sa mga kongregasyon sa Galacia” tungkol sa pagbubukod ng abuloy para sa mahihirap. (1Co 16:1, 2; Gal 2:10) Pagkalipas ng ilang taon (mga 62-64 C.E.), isinulat ni Pedro ang unang liham niya, at kasama sa mga pinadalhan niya ang “mga nakapangalat at pansamantalang nakatira sa . . . Galacia.”—1Pe 1:1; tingnan ang study note sa Gal 3:1.
Galacia: Noong unang siglo C.E., Galacia ang rehiyon at ang Romanong lalawigan na nasa gitnang bahagi ng tinatawag ngayon na Asia Minor.—Tingnan sa Glosari.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
sistemang ito: Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na ai·onʹ ay “panahon.” Puwede itong tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. (2Ti 4:10; tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Ang tinatawag dito ni Pablo na ‘masamang sistema’ ay lumilitaw na nagsimula mga ilang panahon pagkatapos ng Baha. Nagkaroon ang mga tao ng di-matuwid na paraan ng pamumuhay dahil sa pagiging makasalanan nila at pagrerebelde sa Diyos at sa kalooban niya. Nabuhay ang mga Kristiyano noong unang siglo C.E. sa ‘masamang sistema,’ pero hindi sila naging bahagi nito. Nailigtas sila mula rito ng haing pantubos ni Jesu-Kristo.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:4.
Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.
ngayon pa lang ay tumatalikod na kayo: Binanggit dito ni Pablo ang isang mahalagang dahilan kung bakit niya isinulat ang liham na ito. Kahit hindi pa natatagalan mula nang bumisita si Pablo sa rehiyon, may ilan na sa mga kongregasyon sa Galacia na tumalikod sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, kasama sa mga sinabi ni Pablo na ‘nanlilinlang’ sa kanila (Gal 3:1) ang “nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik” sa mga kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:4; 3:1.) Ang ilan sa mga ito ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo; ipinipilit nila na dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Hindi pa rin sila nanahimik kahit na sinabi na ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na hindi obligado ang mga Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:1, 2, 23-29; Gal 5:2-4) Ipinahiwatig ni Pablo na natatakot sila sa pag-uusig ng mga Judio at ayaw nilang magalit sa kanila ang mga ito. (Gal 6:12, 13) Posible ring pinaparatangan si Pablo ng nagkukunwaring mga kapatid na ito na hindi siya totoong apostol, at gusto nilang ilayo sa kaniya ang mga kongregasyon. (Gal 1:11, 12; 4:17) Posibleng may ilan sa mga taga-Galacia na imoral, mahilig makipag-away, at mapagmataas. Sa dulong bahagi ng liham ni Pablo, sinabi niya na ang makalamang mga gawaing ito ay maglalayo sa kanila sa Diyos.—Gal 5:13–6:10.
ibang uri ng mabuting balita: May itinuturo ang “nagkukunwaring mga kapatid” (Gal 2:4) na “iba sa mabuting balita” na natutuhan ng mga Kristiyano sa Galacia. Kasama sa mabuting balita na inihayag sa kanila ni Pablo ang “mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gal 1:7, 8) Tungkol ito sa kalayaang naging posible dahil kay Kristo—kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at mula sa Kautusang Mosaiko. (Gal 3:13; 5:1, 13 at study note) Ang mabuting balitang ito ay “hindi galing sa tao.”—Gal 1:8, 9, 11, 12; 2Co 11:4; tingnan ang study note sa Gal 1:8.
nanggugulo sa inyo: Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay nangangahulugang “ligaligin; guluhin; lituhin.” Dito at sa iba pang konteksto, tumutukoy ang ekspresyong ito sa kalituhan ng isip at pagkaligaw sa espirituwal. (Gaw 15:24; Gal 5:10) Ito rin ang pandiwang ginamit sa Gaw 17:13 tungkol sa mga Judiong ‘nanulsol sa mga tao’ sa Berea.
sumpain siya: Nagbabala si Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na “may ilan” na “gustong pilipitin ang mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gal 1:7) Lumilitaw na itinataguyod ng mga lalaking ito ang tradisyong Judio sa halip na ang mensahe ng mabuting balita. Sinasabi ni Pablo na dapat “sumpain” ng mga Kristiyano ang sinuman, kahit pa mga anghel, na naghahayag ng mabuting balita na iba sa natanggap nila. Inulit niya ang babalang ito sa talata 9. Ang salitang Griego para sa “isinumpa” (a·naʹthe·ma) ay literal na nangangahulugang “itinalaga.” Noong una, tumutukoy ito sa mga ipinanatang handog na itinalaga, o ibinukod, bilang sagradong bagay para sa templo. Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa isang bagay na ibinukod dahil sa pagiging masama nito. (1Co 12:3; 16:22; tingnan ang study note sa Ro 9:3.) Sa Septuagint, karaniwang ginagamit ng mga tagapagsalin ang salitang Griegong ito para tumbasan ang salitang Hebreo na cheʹrem, na tumutukoy sa isang bagay o tao na “karapat-dapat sa pagpuksa,” o itinalaga sa pagkapuksa.—Deu 7:26; 13:17.
Pabor nga ba ng tao ang sinisikap kong makuha o pabor ng Diyos?: Ipinagtanggol ni Pablo ang sarili niya dahil lumilitaw na sinasabi ng “nagkukunwaring mga kapatid” sa Galacia na binabago niya ang mensahe niya para kampihan siya ng mga Kristiyano sa Galacia. (Gal 2:4) Halimbawa, lumilitaw na sinasabi ng mga kaaway ni Pablo na itinataguyod niya ang pagtutuli kapag pabor ito sa kaniya. (Gal 5:11) Ang salitang Griego na peiʹtho, na isinalin ditong ‘sinisikap makuha ang pabor,’ ay nangangahulugan ding “pakiusapan; kumbinsihin.” Siyempre, ang mahalaga kay Pablo ay ang pabor ng Diyos, hindi ng tao. Totoo, ibinabagay ni Pablo sa mga tao ang paraan ng paghaharap niya ng mabuting balita (tingnan ang study note sa 1Co 9:22), pero hindi niya binabago ang mismong mensahe para lang makuha ang pabor ng iba’t ibang grupo ng tao. (Tingnan ang study note sa Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao sa talatang ito.) Sa naunang mga talata, nilinaw niya na iisa lang ang mensahe ng katotohanan, “ang mabuting balita tungkol sa Kristo.”—Gal 1:6-9.
Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao?: May mga nagsasabi na nambobola si Pablo para paboran siya ng mga tao. Ang sagot sa tanong na ito ni Pablo ay “Siyempre, hindi!” Kung sinisikap niyang palugdan ang mga tao, hindi na siya magpapaalipin kay Kristo.—1Te 2:4.
isiniwalat: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na a·po·kaʹly·psis, na literal na nangangahulugang “pagsisiwalat” o “paghahayag.” Gaya ng pagkakagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ito ay madalas na tumutukoy sa pagsisiwalat ng Diyos at ni Jesus ng espirituwal na mga bagay sa mga tao. Sa talatang ito, sinabi ni Pablo na ang mabuting balitang ipinapangaral niya ay isiniwalat sa kaniya ni Jesu-Kristo mismo, hindi ng tao. Lalo pa nitong napagtibay na tunay na apostol si Pablo. Gaya ng ibang apostol, natutuhan ni Pablo ang mabuting balita at tinanggap ang atas niya mula mismo kay Jesus. (1Co 9:1; Efe 3:3) Sa sumunod na bahagi ng liham na ito, sinabi ni Pablo na sa pamamagitan ng pangitain, inutusan siya ni Kristo na dalhin ang isyu ng pagtutuli sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Gal 2:2.
Judaismo: Ito ang relihiyon ng maraming Judio noong panahon ni Pablo. Sa Gal 1:13, 14 lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na sinusunod nilang mabuti ang Hebreong Kasulatan, pero ang Judaismo noong unang siglo ay mas nakapokus sa “mga tradisyon ng mga ninuno” nila. (Tingnan ang study note sa Gal 1:14.) Binatikos ni Jesus ang mga tradisyong ito at ang mga taong nagwawalang-halaga sa Salita ng Diyos.—Mar 7:8, 13.
matindi: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na hy·per·bo·leʹ para ilarawan kung gaano ‘katindi’ (lit., “sobra-sobra”) ang pag-uusig niya noon sa kongregasyong Kristiyano. (Gaw 8:1, 3; 9:1, 2; 26:10, 11; Fil 3:6) Ang salitang Griego na ito ay walong beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:7; 12:7 at Glosari, “Eksaherasyon.”
tradisyon ng mga ninuno ko: Ang salitang Griego para sa “tradisyon” (pa·raʹdo·sis) ay tumutukoy sa impormasyon, tagubilin, o mga kaugaliang ipinasa para sundin ng iba. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga relihiyosong tradisyon ng mga Judiong lider ng relihiyon, partikular na ang mga Pariseo at eskriba. Nakabatay ang relihiyon nila sa Hebreong Kasulatan, pero maraming di-makakasulatang tradisyon na idinagdag ang mga relihiyosong lider na iyon. (Mat 15:2, 3; Mar 7:3, 5, 13; tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Bilang “isang anak ng mga Pariseo,” tinuruan si Pablo ng mga Judiong guro sa relihiyon, gaya ni Gamaliel, na isang tinitingalang guro ng mga tradisyon ng Pariseo. (Gaw 22:3; 23:6; Fil 3:5; tingnan ang study note sa Gaw 5:34.) Pero sinabi ni Pablo na dahil sa sigasig niya para sa tradisyon at paniniwala ng mga ninuno niya, “pinag-usig [niya] nang matindi at ipinahamak ang kongregasyon ng Diyos.”—Gal 1:13; Ju 16:2, 3.
sinumang tao: Lit., “laman at dugo,” isang karaniwang idyomang Judio. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa tao.—1Co 15:50; Efe 6:12; tingnan ang study note sa Mat 16:17.
pumunta ako sa Arabia at saka bumalik sa Damasco: Sa maikling ulat ni Lucas tungkol sa mga pangyayari pagkatapos makumberte ni Pablo sa Damasco, hindi niya binanggit ang pagpunta ni Pablo sa Arabia. (Gaw 9:18-20, 23-25) Kaya ang sinabi dito ni Pablo ay karagdagan sa ulat ni Lucas. Posibleng ipinangaral ni Pablo sa Damasco ang tungkol sa bago niyang pananampalataya bago siya pumunta sa Arabia, posibleng sa disyerto ng Sirya. (Tingnan sa Glosari, “Arabia.”) Pagkatapos, posibleng bumalik siya sa Damasco at patuloy na nangaral doon. “Makalipas ang maraming araw, nagplano ang mga Judio na patayin siya.” (Gaw 9:23) Hindi isiniwalat kung bakit pumunta si Pablo sa Arabia, pero posibleng naghanap siya ng tahimik na lugar para bulay-bulayin ang Kasulatan dahil bagong kumberte siya.—Ihambing ang Mar 1:12.
Pagkalipas ng tatlong taon: Posibleng sinasabi dito ni Pablo na pagkatapos niyang makumberte, lumipas ang halos tatlong taon; posibleng dumating siya sa Jerusalem noong 36 C.E. Malamang na iyon ang unang pagbisita ni Pablo sa Jerusalem bilang Kristiyano.
dalawin: Sinasabi ng ilang iskolar na ang pandiwang Griego na isinaling “dalawin” ay puwedeng tumukoy sa pagdalaw para kumuha ng impormasyon. Nang bisitahin ni Saul sina Pedro at Santiago, siguradong marami siyang tanong sa kanila, at tiyak na marami rin silang tanong sa kaniya tungkol sa pangitain at atas niya.
Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.
apostol: Malamang na tumutukoy kina Pedro (“Cefas,” Gal 1:18; 2:9) at Santiago na kapatid ng Panginoon, o kapatid ni Jesus sa ina. (Tingnan ang study note sa Mat 13:55; Gaw 1:14; 12:17.) Ang terminong “apostol” ay pangunahin nang nangangahulugang “isinugo,” at kadalasan nang tumutukoy sa 12 apostol ni Jesus. (Luc 8:1; tingnan ang study note sa Ju 13:16 at Glosari.) Pero may mas malawak din itong kahulugan, gaya ng pagkakagamit nito kay Santiago. Lumilitaw na itinuturing din siyang apostol—pinili at isinugo bilang kinatawan ng kongregasyon sa Jerusalem. Dahil sa ganitong pagkakagamit ng salitang “apostol,” maiintindihan natin kung bakit nasa anyong pangmaramihan ito sa Gaw 9:26, 27, na nagsasabing isinama si Pablo sa “mga apostol.”
Sirya at Cilicia: Lumilitaw na malawak ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang rehiyon dito. Ang “Sirya” ay posibleng tumutukoy lang sa lugar sa palibot ng Antioquia, at ang “Cilicia” naman, sa lugar sa palibot ng Tarso, kung saan lumaki si Pablo. (Tingnan ang Ap. B13.) Pagkagaling ni Pablo sa Jerusalem noong mga 36 C.E., pinabalik siya sa Tarso, at isinama siya ni Bernabe sa Antioquia noong mga 45 C.E., kung saan sila nangaral nang isang buong taon. (Gaw 9:28-30; 11:22-26) Wala tayong masyadong alam sa mga ginawa ni Pablo sa mahigit walong taóng iyon, pero lumilitaw na napakaabala niya sa pangangaral kaya umabot hanggang sa Judea ang balita tungkol sa gawain niya. (Gal 1:21-24) Marami sa mga pagsubok at problema na dinanas ni Pablo na nakaulat sa 2Co 11:23-27 ang hindi mababasa sa aklat ng Gawa. Posibleng nangyari ang ilan sa mga iyon sa loob ng mahigit walong taóng iyon. (Tingnan ang study note sa 2Co 11:25.) Nang panahon ding iyon, lumilitaw na nakakita siya ng isang kamangha-manghang pangitain na nagkaroon ng malaking epekto sa pagtuturo niya.—2Co 12:1-4; tingnan ang study note sa 2Co 12:2, 4.