Mga Gawa ng mga Apostol 1:1-26

1  Ang unang ulat na binuo ko, O Teofilo, ay tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus+ 2  hanggang sa araw na dalhin siya sa langit,+ pagkatapos niyang magbigay ng tagubilin sa pamamagitan ng banal na espiritu sa pinili niyang mga apostol.+ 3  Pagkatapos niyang magdusa, ipinakita niya sa kanila na buháy siya sa pamamagitan ng maraming nakakukumbinsing katibayan.+ Nakita nila siya sa loob ng 40 araw, at nagsasalita siya tungkol sa Kaharian ng Diyos.+ 4  Nang minsang makipagkita siya sa kanila, inutusan niya sila: “Huwag kayong umalis sa Jerusalem+ kundi patuloy ninyong hintayin ang ipinangako ng Ama,+ na narinig ninyo sa akin; 5  si Juan ay nagbautismo sa tubig, pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu+ pagkalipas lang ng ilang araw mula ngayon.” 6  Kaya nang magtipon sila, tinanong nila siya: “Panginoon, ibabalik mo ba sa Israel ang kaharian sa panahong ito?”+ 7  Sinabi niya: “Hindi ninyo kailangang alamin ang mga panahon o kapanahunan na ang Ama lang ang may karapatang magpasiya.+ 8  Pero tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu,+ at magiging mga saksi+ ko kayo sa Jerusalem,+ sa buong Judea at Samaria,+ at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”+ 9  Pagkasabi nito, iniakyat siya sa langit habang nakatingin sila, at isang ulap ang tumakip sa kaniya kaya hindi na nila siya nakita.+ 10  Habang nakatitig sila sa kaniya noong paakyat siya sa langit, bigla na lang na may nakatayong dalawang lalaki na nakaputing* damit+ sa tabi nila, 11  at sinabi ng mga ito: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa langit? Ang Jesus na ito na kasama ninyo noon at iniakyat sa langit ay darating din sa katulad na paraan kung paano ninyo siya nakitang umakyat sa langit.” 12  Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem+ mula sa Bundok ng mga Olibo, na malapit sa Jerusalem—mga isang kilometro lang ang layo. 13  Pagdating nila, umakyat sila sa silid sa itaas, kung saan sila tumutuloy—si Pedro, gayundin sina Juan at Santiago at Andres, sina Felipe at Tomas, sina Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na masigasig, at si Hudas na anak ni Santiago.+ 14  Silang lahat ay paulit-ulit na nanalangin nang may iisang kaisipan, kasama ang ilang babae,+ si Maria na ina ni Jesus, at ang mga kapatid ni Jesus.+ 15  Sa isa sa mga araw na iyon, tumayo si Pedro sa gitna ng mga kapatid (ang bilang ng mga tao ay mga 120). Sinabi niya: 16  “Mga kapatid na lalaki, kinailangang matupad ang nasa Kasulatan na inihula ni David sa patnubay ng banal na espiritu tungkol kay Hudas,+ na nagsama sa mga aaresto kay Jesus.+ 17  Dahil kabilang siya sa amin+ at may bahagi siya sa ministeryong ito. 18  (At ang taong ito mismo ay bumili ng isang bukid gamit ang bayad para sa kasamaan niya,+ at bumagsak siya na una ang ulo,* nabiyak ang katawan, at lumabas ang mga laman-loob.+ 19  Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya ang bukid ay tinawag nilang Akeldama, o “Bukid ng Dugo,” ayon sa wika nila.) 20  Dahil nakasulat sa aklat ng mga Awit, ‘Maging tiwangwang nawa ang tirahan niya, at wala nawang manirahan doon’+ at, ‘Kunin nawa ng iba ang katungkulan niya bilang tagapangasiwa.’+ 21  Kaya kailangan nating pumili ng isa mula sa mga lalaking nakasama natin noong* isinasagawa ng Panginoong Jesus ang kaniyang gawain kasama natin, 22  mula nang bautismuhan siya ni Juan+ hanggang sa araw na kunin siya mula sa atin at dalhin sa langit.+ At ang isang ito ay dapat na nakasaksi rin sa kaniyang pagkabuhay-muli tulad natin.”+ 23  Kaya nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas at tinatawag ding Justo, at si Matias. 24  Pagkatapos, nanalangin sila: “Ikaw, O Jehova, ang nakababasa ng puso ng lahat,+ ipaalám mo kung sino sa dalawang lalaking ito ang pinili mo 25  para sa ministeryo at pagkaapostol na tinalikuran ni Hudas dahil sa pagtahak ng ibang landasin.”+ 26  Kaya nagpalabunutan sila,+ at si Matias ang nabunot; ibinilang siyang kasama ng 11 apostol.

Talababa

O “nagliliwanag ang.”
O posibleng “at namaga siya.”
O “sa buong panahong.”

Study Notes

Mga Gawa ng mga Apostol: Ang Griegong pamagat na Praʹxeis A·po·stoʹlon ay makikita sa ilang manuskrito na mula pa noong ikalawang siglo C.E., pero walang ebidensiya na may pamagat talaga ang aklat na ito. Ang aklat na ito ay karugtong ng Ebanghelyo na isinulat ni Lucas. (Tingnan ang study note sa Gaw 1:1.) Pangunahin nang tungkol ito sa mga ginawa nina Pedro at Pablo, hindi ng lahat ng apostol. Makikita sa aklat na ito ang isang maaasahan at detalyadong ulat ng kamangha-manghang pasimula ng kongregasyong Kristiyano at ng mabilis na pagsulong nito, una sa mga Judio, sumunod ay sa mga Samaritano, at pagkatapos ay sa mga Gentil. (Tingnan ang study note sa Mat 16:19.) Makikita rin sa aklat na ito ang mga pangyayari noong isinusulat ang mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Ang unang ulat: Ang tinutukoy dito ni Lucas ay ang Ebanghelyo niya ng buhay ni Jesus. Doon, nagpokus si Lucas sa “lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus.” Sa aklat ng Gawa, ipinagpatuloy ni Lucas ang ulat at nagpokus siya sa mga sinabi at ginawa ng mga tagasunod ni Jesus. Pareho ang istilo at pananalita na ginamit sa mga ulat na ito, at pareho itong para kay Teofilo. Hindi tuwirang sinabi kung talagang alagad ni Kristo si Teofilo. (Tingnan ang study note sa Luc 1:3.) Sinimulan ni Lucas ang aklat ng Gawa sa pagsusumaryo ng marami sa mga pangyayaring nakaulat sa katapusan ng Ebanghelyo niya. Kaya maliwanag na ang ikalawang ulat na ito ay karugtong ng naunang ulat niya. Pero sa sumaryong ito, ibang pananalita ang ginamit ni Lucas at nagbigay siya ng karagdagang mga detalye.—Ihambing ang Luc 24:49 sa Gaw 1:1-12.

Teofilo: Para sa taong ito ang Ebanghelyo ni Lucas at ang Gawa ng mga Apostol. Sa Luc 1:3, tinawag siyang “kagalang-galang.”—Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Teofilo at sa paggamit ng ekspresyong “kagalang-galang,” tingnan ang study note sa Luc 1:3.

Kaharian ng Diyos: Itinatampok sa aklat ng Gawa ang pinakatema ng buong Bibliya, ang Kaharian ni Jehova. (Gaw 8:12; 14:22; 19:8; 20:25; 28:31) Ipinapakita sa aklat na ‘lubusang nagpatotoo’ ang mga apostol tungkol sa Kahariang iyon at lubusan nilang isinagawa ang kanilang ministeryo.—Gaw 2:40; 5:42; 8:25; 10:42; 20:21, 24; 23:11; 26:22; 28:23.

mga panahon o kapanahunan: Ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na khroʹnos, na isinaling mga panahon, ay puwedeng tumukoy sa isang yugto ng panahon na walang espesipikong haba. Puwede itong maging maikli o mahaba. Ang salitang Griego na kai·rosʹ (isinasalin kung minsan na “takdang panahon”; ang pangmaramihang anyo ay isinalin ditong kapanahunan) ay madalas gamitin para tumukoy sa panahon sa hinaharap, na nasa talaorasan o kaayusan ng Diyos, partikular na ang may kaugnayan sa presensiya ni Kristo at sa kaniyang Kaharian.—Gaw 3:19; 1Te 5:1; tingnan ang study note sa Mar 1:15; Luc 21:24.

may karapatang magpasiya: O “may awtoridad.” Ipinapakita ng ekspresyong ito na hindi ibinigay ni Jehova sa iba ang karapatang magtakda ng “mga panahon o kapanahunan” kung kailan matutupad ang mga layunin niya. Siya ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Bago mamatay si Jesus, sinabi niya na wala pang ibang nakakaalam noon sa “araw at oras” kung kailan darating ang wakas, “kahit ang Anak, kundi ang Ama lang.”—Mat 24:36; Mar 13:32.

banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.” Sa aklat ng Gawa, lumitaw nang 41 beses ang ekspresyong “banal na espiritu,” at ang ekspresyon namang “espiritu” (sa Griego, pneuʹma) na tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos ay lumitaw nang di-bababa sa 15 beses. (Para sa mga halimbawa, tingnan ang Gaw 2:4, 17, 18; 5:9; 11:28; 21:4; tingnan din sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Kaya paulit-ulit na ipinapakita ng aklat na ito sa Bibliya na ang pambuong-daigdig na pangangaral at pagtuturo na iniatas sa mga tagasunod ni Jesus ay magtatagumpay lang sa tulong ng aktibong puwersa ng Diyos.—Ihambing ang study note sa Mar 1:12.

mga saksi ko: Bilang tapat na mga Judio, ang mga alagad ni Jesus noon ay mga saksi na ni Jehova at nagpapatotoo na sila na Siya lang ang tunay na Diyos. (Isa 43:10-12; 44:8) Pero mula nang pagkakataong iyon, ang mga alagad ay magiging mga saksi na ni Jehova at ni Jesus. Ihahayag nila ang mahalagang papel ni Jesus sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, na isang bagong bahagi ng layunin ni Jehova. Mas maraming beses na ginamit ng aklat ng Gawa ang mga terminong Griego na marʹtys (“saksi”), mar·ty·reʹo (“magpatotoo”), di·a·mar·tyʹro·mai (“lubusang magpatotoo”), at ang kaugnay na mga salita kumpara sa iba pang aklat ng Bibliya, maliban sa Ebanghelyo ni Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:7.) Ang pagiging saksi at ang lubusang pagpapatotoo tungkol sa mga layunin ng Diyos—kasama na ang Kaharian ng Diyos at ang mahalagang papel ni Jesus—ang pinakatema ng aklat ng Gawa. (Gaw 2:32, 40; 3:15; 4:33; 5:32; 8:25; 10:39; 13:31; 18:5; 20:21, 24; 22:20; 23:11; 26:16; 28:23) May ilang unang-siglong Kristiyano na nagpatotoo, o nagpatunay, sa mga detalyeng iniulat tungkol sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus dahil personal nila itong nasaksihan. (Gaw 1:21, 22; 10:40, 41) Ang mga sumunod naman na nanampalataya kay Jesus ay naging saksi, o nagpatotoo, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kahalagahan ng buhay niya, kamatayan, at pagkabuhay-muli.—Gaw 22:15; tingnan ang study note sa Ju 18:37.

hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa: O “hanggang sa pinakadulo ng lupa.” Ang ekspresyong ito sa Griego ay ginamit din sa hula sa Gaw 13:47 na sinipi mula sa Isa 49:6, at ito rin ang ekspresyong ginamit ng Griegong Septuagint sa tekstong iyon. Nang sabihin ni Jesus ang nasa Gaw 1:8, posibleng ang nasa isip niya ay ang hulang iyon, na nagsasabing ang lingkod ni Jehova ay magiging “liwanag ng mga bansa” para ang pagliligtas ay umabot sa “mga dulo ng lupa.” Kaayon ito ng naunang sinabi ni Jesus na ang gagawin ng mga tagasunod niya ay “makahihigit” sa mga ginawa niya. (Tingnan ang study note sa Ju 14:12.) Kaayon din ito ng paglalarawan ni Jesus sa pambuong-daigdig na pangangaral ng mga Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Mat 24:14; 26:13; 28:19.

dalawang lalaki na nakaputing damit: Tumutukoy sa mga anghel. (Ihambing ang Luc 24:4, 23.) Sa aklat ng Gawa, 21 beses lumitaw ang terminong Griego na agʹge·los (isinaling “anghel”); ang unang paglitaw ay nasa Gaw 5:19.

langit: Ang salitang Griego na ou·ra·nosʹ, na tatlong beses lumitaw sa talatang ito, ay puwedeng tumukoy sa literal o sa espirituwal na langit.

darating din sa katulad na paraan: Madalas gamitin sa Kasulatan ang salitang Griego para sa “darating” (erʹkho·mai), at iba-iba ang kahulugan nito. Sa ilang konteksto, tumutukoy ito sa pagdating ni Jesus bilang Hukom para maghayag at maglapat ng hatol sa panahon ng malaking kapighatian. (Mat 24:30; Mar 13:26; Luc 21:27) Pero ginamit din ang salitang Griego na ito sa iba pang konteksto na may kaugnayan kay Jesus. (Mat 16:28; 21:5, 9; 23:39; Luc 19:38) Kaya ang ibig sabihin ng terminong “darating” sa talatang ito ay nakadepende sa konteksto. Sinabi ng mga anghel na si Jesus ay “darating,” o babalik, sa katulad na “paraan” (sa Griego, troʹpos) kung paano siya umalis. Ang terminong troʹpos ay hindi tumutukoy sa katulad na anyo, hugis, o katawan, kundi sa katulad na paraan. Gaya ng makikita sa konteksto, ang paraan ng pag-alis ni Jesus ay hindi nakita ng maraming tao. Ang mga apostol lang ang nakakaalam na wala na si Jesus sa lupa at bumalik na sa kaniyang Ama sa langit. Ipinahiwatig na noon ni Jesus na ang pagbabalik niya bilang Hari ng “Kaharian ng Diyos” ay hindi magiging kapansin-pansin sa lahat—mga alagad lang niya ang makakaalam na nangyari ito. (Luc 17:20; tingnan ang study note.) Iba rin ang ‘pagdating’ na binabanggit sa Apo 1:7. Sa pagkakataong iyon, “makikita siya ng bawat mata.” (Apo 1:7) Kaya batay sa konteksto ng Gaw 1:11, ang terminong “darating” ay maliwanag na tumutukoy sa di-nakikitang pagdating ni Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos sa pasimula ng kaniyang presensiya.—Mat 24:3.

mga isang kilometro lang ang layo: O “ang layo ay kasinghaba ng paglalakbay na ipinapahintulot sa araw ng Sabbath.” Distansiya ito sa pagitan ng Bundok ng mga Olibo at ng lunsod ng Jerusalem. Sa Kautusan, limitado lang ang distansiya na puwedeng lakbayin tuwing Sabbath, pero hindi ito nagbigay ng eksaktong layo. (Exo 16:29) Sa paglipas ng panahon, itinakda na sa mga akda ng mga rabbi ang distansiya na puwedeng lakbayin ng isang Judio sa araw na iyon—mga 2,000 siko (890 m; 2,920 ft). Interpretasyon nila ito sa Bil 35:5: “Susukat kayo ng 2,000 siko sa silangan” at sa utos na nasa Jos 3:3, 4 na nagsasabing dapat na mga 2,000 siko ang distansiya ng mga Israelita mula sa “kaban ng tipan.” Nangangatuwiran ang mga rabbi na puwede namang maglakbay ang isang Israelita nang ganoon kalayo kapag Sabbath para makasamba sa tabernakulo. (Bil 28:9, 10) Posibleng tinuos ni Josephus ang distansiya mula sa dalawang magkaibang lokasyon na puwedeng panggalingan, kaya dalawang distansiya sa pagitan ng Jerusalem at ng Bundok ng mga Olibo ang binanggit niya. Ang isa ay limang estadyo (925 m; 3,034 ft) at ang isa ay anim na estadyo (1,110 m; 3,640 ft). Magkaiba mang distansiya ang binanggit niya, pareho itong malapit sa distansiyang itinakda ng mga rabbi na puwedeng lakbayin tuwing sabbath, at kaayon ito ng sinabi ni Lucas sa tekstong ito.

masigasig: Itinatawag kay apostol Simon para ipakitang iba siya sa apostol na si Simon Pedro. (Luc 6:14, 15) Ang salitang Griego, ze·lo·tesʹ, na ginamit dito at sa Luc 6:15 ay nangangahulugang “panatiko; masigasig.” Sa Mat 10:4 at Mar 3:18, ginamit ang terminong “Cananeo,” na ipinapalagay na mula sa salitang Hebreo o Aramaiko, na nangangahulugan ding “Panatiko; Masigasig.” Posibleng si Simon ay dating kasama sa Mga Panatiko, isang partidong Judio na kontra sa mga Romano, pero posible ring ito ang tawag sa kaniya dahil sa kaniyang sigasig.

mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Sa apat na Ebanghelyo, Gawa ng mga Apostol, at dalawang liham ni Pablo, may binanggit na “mga kapatid ng Panginoon,” “kapatid ng Panginoon,” “mga kapatid niya,” at “lahat ng kapatid niyang babae.” Pinangalanan ang apat na “kapatid na lalaki” ni Jesus—sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. (1Co 9:5; Gal 1:19; Mat 12:46; 13:55, 56; Mar 3:31; Luc 8:19; Ju 2:12) Ipinanganak silang lahat pagkatapos na makahimalang ipanganak si Jesus. Tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar ng Bibliya ang mga patunay na si Jesus ay may di-bababa sa apat na kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae at na lahat sila ay naging mga anak nina Jose at Maria sa natural na paraan.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55.

bilang ng mga tao: Lit., “pulutong ng pangalan.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “pangalan” (oʹno·ma) ay tumutukoy sa isang tao. Ganito rin ang pagkakagamit sa terminong ito sa Apo 3:4, tlb.

Mga kapatid na lalaki: Di-gaya sa naunang talata, ginamit dito ang terminong “mga kapatid na lalaki” dahil sa salitang Griego para sa “mga lalaki” (a·nerʹ). Sa kontekstong ito, kung saan pinagdedesisyunan ang papalit kay Hudas Iscariote bilang apostol, ipinapakita ng paggamit sa ekspresyong ito na mga lalaking miyembro lang ng kongregasyon ang kinakausap.

bumagsak siya na una ang ulo, nabiyak ang katawan: Iniulat ni Mateo kung paano nagpakamatay si Hudas; sinabi niya na “nagbigti” ito. (Mat 27:5) Pero dito, inilarawan naman ni Lucas ang resulta. Kung titingnan ang dalawang ulat na ito, lumilitaw na nagbigti si Hudas malapit sa isang bangin. Pero napatid ang lubid o nabali ang sanga ng puno na pinagtalian niya, kaya bumagsak siya at nabiyak ang katawan niya sa batuhan. Ang ganiyang konklusyon ay sinusuportahan ng matarik at mabatong topograpiya sa palibot ng Jerusalem.

ang katungkulan niya bilang tagapangasiwa: O “ang atas niya bilang tagapangasiwa.” Ang salitang Griego na ginamit dito, e·pi·sko·peʹ, ay kaugnay ng pangngalang Griego para sa “tagapangasiwa,” e·piʹsko·pos, at ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na isinaling “mag-ingat” sa Heb 12:15. Sinipi ni Pedro ang Aw 109:8 bilang basehan ng rekomendasyon niyang punan ang nabakanteng katungkulan ng di-tapat na apostol na si Hudas. Sa tekstong iyon, ginamit ang salitang Hebreo na pequd·dahʹ, na puwedeng isaling “katungkulan bilang tagapangasiwa; pangangasiwa; tagapangasiwa.” (Bil 4:16; Isa 60:17) Sa salin ng Septuagint (108:8, LXX) sa Aw 109:8, ang salitang Hebreong ito ay tinumbasan ng salitang Griego na ginamit din ni Lucas sa Gaw 1:20. Mula sa sinabing ito ni Pedro, maliwanag na ang mga apostol ay may katungkulan, o atas, bilang tagapangasiwa. Si Jesus mismo ang nag-atas sa kanila. (Mar 3:14) Noong Pentecostes 33 C.E., may 12 tagapangasiwa ang kongregasyong Kristiyano, na binubuo sa pasimula ng mga 120 alagad pero naging mga 3,000 sa loob lang ng isang araw. (Gaw 1:15; 2:41) Kaya kailangang mag-atas ng iba pang tagapangasiwa para mapangalagaan ang lumalaking kongregasyon. Pero espesyal pa rin ang pangangasiwa ng mga apostol, dahil maliwanag na gusto ni Jehova na ang 12 apostol ang bumuo sa “12 batong pundasyon” ng Bagong Jerusalem.—Apo 21:14; tingnan ang study note sa Gaw 20:28.

isinasagawa . . . ang kaniyang gawain kasama natin: Lit., “pumapasok at lumalabas . . . sa gitna natin.” Isa itong idyomang Semitiko na tumutukoy sa paggawa ng mga bagay kasama ng ibang tao. Puwede rin itong isaling “namuhay kasama natin.”—Ihambing ang Deu 28:6, 19, tlb.; Aw 121:8, tlb.

Matias: Ang pangalang Griego na Math·thiʹas ay posibleng pinaikling Mat·ta·thiʹas, na kinuha sa pangalang Hebreo na isinasaling “Matitias” (1Cr 15:18), na nangangahulugang “Regalo ni Jehova.” Ayon kay Pedro (Gaw 1:21, 22), si Matias ay isa sa mga tagasunod ni Kristo sa buong tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo ni Jesus. Malapít siya sa mga apostol, at malamang na isa siya sa 70 alagad na isinugo ni Jesus para mangaral. (Luc 10:1) Pagkapili kay Matias, “ibinilang siyang kasama ng 11 apostol” (Gaw 1:26), kaya mula noon, sa tuwing babanggitin sa aklat ng Gawa ang “mga apostol” o ang “12 apostol,” kasama na doon si Matias.—Gaw 2:37, 43; 4:33, 36; 5:12, 29; 6:2, 6; 8:1, 14.

Jehova: Sa mga makukuhang manuskritong Griego sa ngayon, “Panginoon” (sa Griego, Kyʹri·os) ang ginamit dito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.

ang nakababasa ng puso ng lahat: Sa Hebreong Kasulatan, madalas na tinutukoy ang Diyos na Jehova bilang ang isa na nakababasa ng puso. (Deu 8:2; 1Sa 16:7; 1Ha 8:39; 1Cr 28:9; Aw 44:21; Jer 11:20; 17:10) Kaya sa kontekstong ito, kung saan nananalangin ang mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, natural lang na gamitin nila ang pangalan ng Diyos. Ang terminong Griego na isinaling “nakababasa ng puso,” kar·di·o·gnoʹstes (lit., “nakakakilala sa puso”), ay dito lang lumitaw at sa Gaw 15:8, kung saan mababasa, “Diyos, na nakababasa ng puso.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 1:24.

nagpalabunutan: Kapag nagdedesisyon noon ang mga lingkod ng Diyos bago ang panahon ng mga Kristiyano, nagpapalabunutan sila para malaman ang kalooban ni Jehova. (Lev 16:8; Bil 33:54; 1Cr 25:8; Kaw 16:33; 18:18; tingnan sa Glosari, “Palabunutan.”) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit na nagpalabunutan ang mga tagasunod ni Jesus. Nagpalabunutan ang mga alagad para malaman kung sino sa dalawang lalaking inirekomenda ang dapat pumalit kay Hudas Iscariote. Alam ng mga alagad na kailangan nila ng patnubay ni Jehova. Bawat isa sa 12 apostol ay pinili ni Jesus pagkatapos niyang manalangin nang magdamag sa kaniyang Ama. (Luc 6:12, 13) Kaya kapansin-pansin na bago “nabunot” si Matias, binasa muna ng mga alagad ang Kasulatan at espesipiko silang nanalangin na “ipaalám” ni Jehova sa kanila kung sino ang pinili niya. (Gaw 1:20, 23, 24) Pero pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., wala nang mababasa sa Bibliya na nagpalabunutan ang mga Kristiyano sa pagpili ng mga tagapangasiwa at ng mga katulong nila o sa pagdedesisyon sa mahahalagang bagay. Hindi na kailangang magpalabunutan dahil kumikilos na ang banal na espiritu sa kongregasyong Kristiyano. (Gaw 6:2-6; 13:2; 20:28; 2Ti 3:16, 17) Ang mga lalaki ay hinihirang bilang tagapangasiwa, hindi dahil napili sila sa palabunutan, kundi dahil nagpapakita sila ng mga katangian na bunga ng banal na espiritu. (1Ti 3:1-13; Tit 1:5-9) May ibang kultura din na gumagamit ng palabunutan. (Es 3:7; Joe 3:3; Ob 11) Halimbawa, gaya ng inihula sa Aw 22:18, pinagpalabunutan ng mga sundalong Romano ang kasuotan ni Jesus. Pero maliwanag na ginawa nila ito, hindi para tuparin ang hula sa Bibliya, kundi para sa personal na pakinabang.—Ju 19:24; tingnan ang study note sa Mat 27:35.

ibinilang siyang kasama ng 11 apostol: Pagdating ng Pentecostes, mayroon nang 12 apostol na magsisilbing pundasyon ng espirituwal na Israel. Kaya siguradong kasama na si Matias sa “12 apostol” na tumulong sa paglutas ng problemang may kinalaman sa mga alagad na nagsasalita ng Griego.—Gaw 6:1, 2.

Media