Mga Gawa ng mga Apostol 15:1-41

15  May ilang lalaking dumating mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid: “Maliligtas lang kayo kung tutuliin kayo ayon sa Kautusan ni Moises.”+ 2  Pagkatapos magkaroon ng mainitang pagtatalo at di-pagkakasundo sa pagitan nila at nina Pablo at Bernabe, napagpasiyahan na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pa para iharap ang usaping ito sa mga apostol at matatandang lalaki.+ 3  Sinamahan sila ng kongregasyon sa simula ng paglalakbay. Pagkatapos, nagpatuloy sila at dumaan sa Fenicia+ at Samaria, at inilahad nila roon nang detalyado ang pagkakumberte ng mga tao ng ibang mga bansa, kaya tuwang-tuwa ang lahat ng kapatid. 4  Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng kongregasyon at ng mga apostol at ng matatandang lalaki, at ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.+ 5  Pero ang ilan sa dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo na naging mananampalataya ay tumayo at nagsabi: “Dapat silang tuliin at utusan na sundin ang Kautusan ni Moises.”+ 6  Kaya nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki para pag-usapan ang bagay na ito. 7  Pagkatapos ng mahaba at mainitang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsabi: “Mga kapatid, alam na alam ninyo na ako ang pinili noon ng Diyos sa gitna natin para sabihin sa mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng mabuting balita, at sa gayon ay maniwala sila.+ 8  At pinatotohanan ito ng Diyos, na nakababasa ng puso,+ sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu,+ gaya rin ng ginawa niya sa atin. 9  At pantay ang tingin niya sa atin at sa kanila,+ at dinalisay niya ang mga puso nila dahil sa kanilang pananampalataya.+ 10  Kaya bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga alagad ng mabigat na pasan*+ na hindi natin kayang dalhin o ng mga ninuno natin?+ 11  Kung paanong iniligtas tayo, nananampalataya tayo na maliligtas din sila sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus.”+ 12  Kaya natahimik ang buong grupo, at nakinig ang mga ito kina Bernabe at Pablo habang ikinukuwento nila ang maraming tanda at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng ibang mga bansa. 13  Pagkatapos, sinabi ni Santiago:+ “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.+ 14  Inilahad ni Symeon+ na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.+ 15  At kaayon ito ng sinasabi sa aklat ng mga Propeta: 16  ‘Pagkatapos nito, babalik ako at itatayo ko ulit ang nakabuwal na tolda ni David; itatayo kong muli at aayusin ang nawasak na mga bahagi nito, 17  para buong pusong hanapin si Jehova ng mga taong nalabi, kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa, mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko, ang sabi ni Jehova, na gumagawa ng mga bagay na ito,+ 18  na alam na niya noon pa man.’+ 19  Kaya ang pasiya ko ay huwag nang pahirapan ang mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa,+ 20  kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo,+ sa seksuwal na imoralidad,+ sa mga binigti, at sa dugo.+ 21  Dahil noon pa man,* mayroon nang nangangaral sa bawat lunsod tungkol sa mga sinabi ni Moises, at ang mga ito ay binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath.”+ 22  At nagpasiya ang mga apostol at matatandang lalaki, kasama ang buong kongregasyon, na pumili mula sa kanila ng mga lalaking isusugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe; isinugo nila si Hudas na tinatawag na Barsabas at si Silas,+ mga lalaking nangangasiwa sa mga kapatid. 23  Isinulat nila ito at ipinadala sa mga lalaking iyon: “Mula sa mga kapatid ninyong apostol at matatandang lalaki, para sa mga kapatid sa Antioquia,+ Sirya, at Cilicia na mula sa ibang mga bansa: Tanggapin ninyo ang aming pagbati! 24  Narinig namin na may ilan mula sa amin na nanggugulo sa inyo dahil sa mga sinasabi nila,+ at tinatangka nilang iligaw kayo; hindi namin iniutos na ituro nila iyon. 25  Kaya nagpasiya kaming lahat na pumili ng mga lalaking isusugo sa inyo kasama ng mahal naming sina Bernabe at Pablo, 26  mga taong ibinigay na ang buhay nila para sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 27  Kaya isinugo namin sina Hudas at Silas, para masabi rin nila sa inyo ang mga bagay na ito.+ 28  Tinulungan kami ng banal na espiritu+ na magpasiya na huwag nang magdagdag ng higit na pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29  patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo,+ sa dugo,+ sa mga binigti,+ at sa seksuwal na imoralidad.+ Kung patuloy ninyong iiwasan ang mga ito, mapapabuti kayo. Hanggang sa muli!” 30  Kaya pumunta ang mga lalaking ito sa Antioquia, at tinipon nila ang mga alagad at ibinigay ang liham. 31  Pagkabasa rito, nagsaya sila dahil sa pampatibay na tinanggap nila. 32  At pinatibay at pinalakas nina Hudas at Silas, na mga propeta rin, ang mga kapatid+ sa pamamagitan ng maraming pahayag. 33  Nanatili sila roon nang ilang panahon, at noong paalis na sila, sinabi sa kanila ng mga kapatid na makabalik sana sila nang payapa sa mga nagsugo sa kanila. 34  —— 35  Pero sina Pablo at Bernabe ay nanatili sa Antioquia, at itinuro nila at ipinahayag ang mabuting balita ng salita ni Jehova kasama ang maraming kapatid. 36  Pagkalipas ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: “Balikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa lahat ng lunsod kung saan natin ipinahayag ang salita ni Jehova para makita ang kalagayan nila.”+ 37  Ipinipilit ni Bernabe na isama si Juan, na tinatawag na Marcos.+ 38  Pero ayaw ni Pablo na isama ito, dahil iniwan sila nito sa Pamfilia at hindi na sumama sa kanila sa gawain.+ 39  Dahil dito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at naghiwalay ng landas; at isinama ni Bernabe+ si Marcos at naglayag papuntang Ciprus. 40  Pinili ni Pablo si Silas, at umalis si Pablo matapos siyang maipagkatiwala ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. + 41  Lumibot siya sa Sirya at Cilicia, at pinatibay niya ang mga kongregasyon.

Talababa

O “pamatok.”
O “Dahil mula pa sa mga henerasyon noon.”

Study Notes

usaping: O “pagtatalong.” Ang salitang Griego na zeʹte·ma ay madalas na tumutukoy sa isang kontrobersiyal na tanong o isyu na pinagdedebatihan. Kaugnay ito ng isang salitang Griego na nangangahulugang “hanapin” (ze·teʹo).—Tingnan ang study note sa Gaw 15:7.

matatandang lalaki: Dito, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay tumutukoy sa mga lalaking may malaking pananagutan sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Binanggit sa talata na ang matatandang lalaki sa kongregasyon sa Jerusalem at ang mga apostol ang nilapitan nina Pablo, Bernabe, at ng iba pang kapatid sa Antioquia ng Sirya para iharap ang usapin tungkol sa pagtutuli. Kaya kung paanong may matatandang lalaki noon na nangangasiwa sa buong bansang Israel, ang matatandang lalaking ito at ang mga apostol ang nagsilbing lupong tagapamahala para sa lahat ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Ipinapakita nito na lumaki ang orihinal na lupong tagapamahala, na binubuo lang noon ng 12 apostol.—Gaw 1:21, 22, 26; tingnan ang study note sa Mat 16:21; Gaw 11:30.

pagkakumberte: Ang salitang Griego na ginamit dito, e·pi·stro·pheʹ, ay galing sa isang pandiwa na nangangahulugang “bumalik; tumalikod.” (Ju 12:40; 21:20; Gaw 15:36) Sa espirituwal na diwa, puwede itong tumukoy sa paglapit o panunumbalik sa tunay na Diyos at sa pagtalikod sa mga idolo at diyos-diyusan. (Ginamit ang pandiwang ito sa Gaw 3:19; 14:15; 15:19; 26:18, 20; 2Co 3:16.) Sa 1Te 1:9, ang pandiwang ito ay ginamit sa pariralang “kung paanong tinalikuran ninyo ang inyong mga idolo.” Nauuna ang pagsisisi bago ang pagkakumberte.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8; Gaw 3:19; 26:20.

dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo: Lumilitaw na ang mga Kristiyanong ito ay naiuugnay pa rin sa pagiging Pariseo nila noon.—Ihambing ang study note sa Gaw 23:6.

mahaba at mainitang pag-uusap: O “maraming pagtatalo.” Ang salitang Griego na ginamit para sa “mainitang pag-uusap” ay kaugnay ng isang pandiwa na nangangahulugang “maghanap” (ze·teʹo). Kaya ang salitang Griego na ito ay nangangahulugang “maghanap; magtanong.” (Kingdom Interlinear) Ipinapakita nito na pinag-aralang mabuti ng mga apostol at matatandang lalaki ang isyung ito sa pamamagitan ng pagtatanong at masusing pag-iimbestiga, at siguradong tapatan din nilang sinabi ang magkakaibang opinyon nila.

kamangha-manghang bagay: O “himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.

Santiago: Malamang na ang kapatid ni Jesus sa ina at ang Santiago na binabanggit sa Gaw 12:17. (Tingnan ang study note sa Mat 13:55; Gaw 12:17.) Lumilitaw na nang iharap “sa mga apostol at matatandang lalaki” ang isyu tungkol sa pagtutuli, si Santiago ang nanguna sa pag-uusap na iyon. (Gaw 15:1, 2) Malamang na ang pangyayaring iyon ang nasa isip ni Pablo nang banggitin niya na sina Santiago, Cefas (Pedro), at Juan ang “kinikilalang mga haligi” ng kongregasyon sa Jerusalem.—Gal 2:1-9.

Symeon: Si Simon Pedro. Ang anyong Griego na Sy·me·onʹ ay napakalapit sa anyong Hebreo nito (Simeon). Ang paggamit ng anyong Griego ng pangalang ito na napakalapit sa anyong Hebreo ay nagpapahiwatig na posibleng Hebreo ang wikang ginamit sa pag-uusap na ito. Sa Bibliya, isang beses lang tinawag sa pangalang ito si apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa Mat 10:2.

isang bayan na magdadala ng pangalan niya: Ang ekspresyong ito ay posibleng galing sa mga pananalita sa Hebreong Kasulatan kung saan sinasabing pumili si Jehova ng isang bayan bilang kaniyang espesyal na pag-aari. (Exo 19:5; Deu 7:6; 14:2; 26:18, 19) Kabilang na ngayon sa bagong bayan na ito na nagdadala ng pangalan ni Jehova, na tinatawag na “Israel ng Diyos,” o espirituwal na Israel, ang mga di-Judiong mánanampalatayá. (Gal 6:16; Ro 11:25, 26a; Apo 14:1) Pupurihin nila ang Diyos na kinakatawan nila at luluwalhatiin ang pangalan niya sa harap ng mga tao. (1Pe 2:9, 10) Gaya ng literal na Israel noon, ang mga miyembro ng espirituwal na Israel ay tinawag ni Jehova na ‘bayan na nilikha niya para sa kaniyang sarili para maghayag ng papuri sa kaniya.’ (Isa 43:21) Ang mga Kristiyanong iyon ay lakas-loob na naghayag na si Jehova ang nag-iisang tunay na Diyos at nagpatunay na huwad ang lahat ng diyos na sinasamba nang panahong iyon.—1Te 1:9.

sinasabi sa aklat ng mga Propeta: Ang sinabi ni Symeon, o Simon Pedro (Gaw 15:7-11), at ang mga katibayang ipinakita nina Bernabe at Pablo (Gaw 15:12) ay malamang na nagpaalala kay Santiago ng mahahalagang teksto na nakatulong para malutas ang isyung pinag-uusapan nila. (Ju 14:26) Pagkatapos sabihin ni Santiago na ang “sinasabi sa aklat ng mga Propeta” ay kaayon ng mga katibayang iniharap, sinipi niya ang Am 9:11, 12, isang aklat sa bahagi ng Hebreong Kasulatan na kilalá sa tawag na “mga Propeta.”—Mat 22:40; Gaw 15:16-18; tingnan ang study note sa Luc 24:44.

tolda ni David: O “kubol (bahay) ni David.” Ipinangako ni Jehova na ang kaharian ni David ay “magiging matatag . . . magpakailanman.” (2Sa 7:12-16) Ang “tolda ni David,” o ang dinastiya niya, ay bumagsak nang alisin sa trono si Haring Zedekias. (Eze 21:27) Mula noon, wala nang hari mula sa linya ni David na umupo sa “trono ni Jehova” sa literal na Jerusalem. (1Cr 29:23) Pero itatayong muli ni Jehova ang makasagisag na tolda ni David sa pamamagitan ng pagluklok sa inapo ni David na si Jesus bilang ang permanenteng Hari. (Gaw 2:29-36) Ipinakita ni Santiago na isang bahagi ng katuparan ng muling pagtatayo na inihula ni Amos (ang muling pagtatatag ng pagkahari sa linya ni David) ang pagtitipon ng mga Judio at Gentil na mga alagad ni Jesus (mga tagapagmana ng Kaharian).—Am 9:11, 12.

para buong pusong hanapin si Jehova ng mga taong nalabi: Gaya ng makikita sa study note sa Gaw 15:15, sumipi si Santiago mula sa Am 9:11, 12. Pero may ilang bahagi sa pagsiping ito na may kaunting kaibahan sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon. May mga nagsasabi na ang pagkakaibang ito ay dahil sa sumipi si Santiago sa Septuagint, isang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan. Pero nang tukuyin ni Santiago si Pedro, ginamit niya ang anyong Griego ng pangalan nito na napakalapit sa anyong Hebreo na Simeon, na nagpapakitang posibleng Hebreo ang wikang ginamit sa pag-uusap na iyon. (Gaw 15:14) Kung gayon, posible rin na sinipi ni Santiago ang mga talata mula sa tekstong Hebreo pero iniulat ni Lucas ang pagsipi gamit ang Septuagint. Ginawa iyan ni Lucas, ni Santiago, at ng iba pang manunulat ng Bibliya nang sumipi sila mula sa Hebreong Kasulatan. Kahit na ang ilang siniping talata mula sa Septuagint ay may kaunting kaibahan sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon, pinahintulutan ni Jehova ang mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang saling ito, kaya ang pananalita ng saling ito ay naging bahagi ng Banal na Kasulatan. (2Ti 3:16) Sa pagsiping ito mula sa Am 9:12, kapansin-pansin na sa Septuagint, ang mababasa ay “mga taong nalabi,” samantalang ang mababasa sa mga manuskritong Hebreo na makukuha sa ngayon ay “ang natitira sa Edom.” Sinasabi ng ilan na may ganitong kaibahan dahil ang salita sa sinaunang Hebreo para sa “tao” ay kamukhang-kamukha ng salitang Hebreo para sa “Edom.” Magkamukha rin ang mga salitang Hebreo para sa “hanapin” at “taglayin.” May mga nagsasabi na ang salin ng Septuagint sa Am 9:12 ay batay sa isang sinaunang tekstong Hebreo na iba sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon, pero hindi pa iyan sigurado. Anuman ang dahilan ng pagkakaiba, parehong sinusuportahan ng Septuagint at ng Hebreong Masoretiko ang pinakapunto ng argumento ni Santiago; pareho nitong ipinapakita na inihula ni Amos na ang mga Gentil ay tatawagin sa pangalan ni Jehova.

Jehova: Sa Gaw 15:14, sinabi ni Santiago na inilahad ni Symeon na “binigyang-pansin . . . ng Diyos ang ibang mga bansa,” at sa talata 19, may binanggit si Santiago na “mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa.” Dito, sumipi si Santiago mula sa Am 9:11, 12. Sa orihinal na tekstong Hebreo, isang beses lang lumitaw ang pangalan ng Diyos, sa ekspresyong “ang sabi ni Jehova.” Pero dalawang beses lumitaw sa Gaw 15:17 ang terminong Griego na Kyʹri·os (Panginoon), at pareho itong tumutukoy kay Jehova. Kaya batay sa konteksto, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa pagkakagamit ng terminong Kyʹri·os sa Septuagint at sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa dalawang paglitaw ng Kyʹri·os sa talatang ito.—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 15:17.

kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa: Mga di-Judio, o Gentil. Ang isang Gentil na nagpatuli ay hindi na itinuturing na mula sa ibang bansa kundi gaya na ng isang Judio, “katulad ng katutubo sa lupain.” (Exo 12:48, 49) Noong panahon ni Esther, maraming Gentil ang “nagsasabing Judio sila.” (Es 8:17) Kapansin-pansin na sa salin ng Septuagint sa Es 8:17, sinasabing ang mga Gentil na ito ay “tinuli at naging Judio.” Ang hula sa Am 9:11, 12, na sinipi dito sa Gawa, ay nagsasabing ang “mga tao ng lahat ng iba pang bansa” (mga di-tuling Gentil) ay sasama sa “mga taong nalabi” sa sambahayan ng Israel (mga Judio at tuling proselita) at sila ay magiging isang bayan na “tinatawag ayon sa pangalan” ni Jehova. Dahil sa hulang ito, naunawaan ng mga alagad na hindi na kailangang magpatuli ng mga tao mula sa ibang mga bansa para tanggapin sila ng Diyos.

mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko: Sa Hebreong Kasulatan, ang pangalan ni Jehova ay itinatawag sa mga Israelita para ipakitang sila ang bayan niya. (Deu 28:10; 2Cr 7:14; Isa 43:7; 63:19; Dan 9:19) Inilagay rin ni Jehova ang pangalan niya sa Jerusalem, kung nasaan ang templo, na nagpapakitang tinatanggap niya ito bilang sentro ng pagsamba sa kaniya.—2Ha 21:4, 7.

ang sabi ni Jehova: Sa pagsiping ito sa Am 9:12, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

gumagawa ng mga bagay na ito, [tal. 18] na alam na niya noon pa man: Ayon sa ibang pagkaunawa sa tekstong Griego, puwede rin itong isalin na “dati nang gumagawa ng mga bagay na ito [tal. 18] na alam na niya noon pa man.”

ang pasiya ko: O “ang opinyon (konklusyon) ko.” Lit., “ang hatol ko.” Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay hindi nangangahulugang ipinipilit ni Santiago sa buong grupo ang opinyon niya, kahit na lumilitaw na siya ang nangunguna sa pag-uusap na ito. Sa halip, nagmumungkahi lang siya ng puwedeng gawin, batay sa mga katibayang iniharap at sa sinasabi ng Kasulatan. Sinasabi ng isang diksyunaryo na batay sa konteksto, ang salitang Griegong ito ay nangangahulugang “magpasiya matapos isaalang-alang ang iba’t ibang bagay.” Kaya ang pandiwang ginamit dito ay hindi tumutukoy sa isang pormal na hudisyal na desisyon, kundi sa opinyon ni Santiago na nakabatay sa tekstong sinipi niya.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.

binigti: O “hayop na pinatay na hindi pinatulo ang dugo.” Maliwanag na kasama sa mga ipinagbabawal ang mga hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop. Sa dalawang kasong ito, malamang na hindi napatulo nang maayos ang dugo ng hayop.—Exo 22:31; Lev 17:15; Deu 14:21.

Moises: Ang tinutukoy ni Santiago na mga sinabi ni Moises ay hindi lang ang Kautusan, kundi pati ang ulat tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa bayan Niya at sa iba pang bagay na nagpapakita ng kalooban ng Diyos bago pa ibigay ang Kautusan. Halimbawa, malinaw na makikita sa aklat ng Genesis ang pananaw ng Diyos tungkol sa pagkain ng dugo, pangangalunya, at idolatriya. (Gen 9:3, 4; 20:2-9; 35:2, 4) Sa ganitong paraan, nakapagbigay si Jehova ng mga prinsipyo na dapat sundin ng lahat ng tao, Judio man o Gentil. Ang desisyong nakaulat sa Gaw 15:19, 20 ay hindi ‘makakapagpahirap’ sa mga Kristiyanong Gentil, dahil hindi sila inuutusang sundin ang maraming kahilingan sa Kautusang Mosaiko. Isinaalang-alang din nito ang konsensiya ng mga Judiong Kristiyano, na maraming taon nang nakikinig sa mga sinabi ni Moises na binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath. (Tingnan ang study note sa Luc 4:16; Gaw 13:15.) Ang mungkahing iyon ay magpapatibay sa ugnayan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil.

binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath: Tingnan ang study note sa Luc 4:16; Gaw 13:15.

ang mga apostol at matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Gaw 15:2.

Tanggapin ninyo ang aming pagbati!: Ang salitang Griego na khaiʹro, na literal na nangangahulugang “magsaya,” ay ginamit dito bilang pagbati at nangangahulugang “sana ay nasa mabuting kalagayan kayo.” Makikita sa panimulang bahagi ng liham na ito tungkol sa pagtutuli, na ipinadala sa mga kongregasyon, ang karaniwang paraan ng pagsulat noon. Una, babanggitin ang pangalan ng taong sumulat, pagkatapos, ang taong sinusulatan, at ikatlo, ang karaniwang pagbati. (Tingnan ang study note sa Gaw 23:26.) Sa lahat ng liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa liham lang ni Santiago ginamit bilang pagbati ang terminong Griego na khaiʹro, gaya ng pagkakagamit dito sa liham na ito mula sa lupong tagapamahala noong unang siglo. (San 1:1) Kasama ang alagad na si Santiago sa pagbuo ng liham na ito. Karagdagang patunay ito na ang Santiago na sumulat ng liham na nakapangalan sa kaniya ay ang Santiago rin na nanguna sa pag-uusap na nakaulat sa Gawa kabanata 15.

iligaw kayo: O “lituhin kayo.” Dito, ang salitang Griego na ginamit para sa “kayo” ay psy·kheʹ. Sa kontekstong ito, tumutukoy ang salitang ito sa mismong tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

nagpasiya kaming lahat: Lit., “iisa ang naisip namin.” Ilang beses lumitaw sa aklat ng Gawa ang salitang Griego na ho·mo·thy·ma·donʹ, at kadalasan nang inilalarawan nito ang natatanging pagkakaisa ng mga Kristiyano noon. Ang ilang halimbawa ay makikita sa Gaw 1:14, “may iisang kaisipan”; at sa Gaw 4:24, “sama-sama.”

ibinigay na ang buhay nila: Dito, ginamit ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na psy·kheʹ, at isinalin itong “buhay.” Puwede itong tumukoy sa mismong tao o sa buhay ng isang tao. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Ang buong parirala ay puwedeng mangahulugang “isinapanganib ang buhay nila” o “inialay ang buhay (o, sarili) nila.”

patuloy na umiwas: Ang pandiwang ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa lahat ng gawaing binanggit. Dapat iwasan ng mga Kristiyano ang idolatriya, seksuwal na imoralidad, at pagkain ng karne ng hayop na binigti at hindi napatulo nang mabuti ang dugo. May kinalaman sa pag-iwas sa dugo, ang pandiwang ginamit ay hindi lang basta tumutukoy sa hindi pagkain nito. Saklaw nito ang pag-iwas sa lahat ng maling paggamit ng dugo para maipakita ang paggalang sa kabanalan nito.—Lev 17:11, 14; Deu 12:23.

patuloy na umiwas . . . sa dugo: Ang pinakabatayan ng tagubiling ito ay ang utos ng Diyos na huwag kumain ng dugo, isang utos na ibinigay niya kay Noe at sa mga anak nito; kaya sa diwa, utos ito para sa lahat ng tao. (Gen 9:4-6) Pagkalipas ng walong siglo, isinama ng Diyos ang utos na ito sa Kautusang ibinigay niya sa Israel. (Lev 17:13-16) At makalipas pa ang 15 siglo, inulit niya ang utos na iyan sa kongregasyong Kristiyano, gaya ng mababasa rito. Para sa Diyos, ang pag-iwas sa dugo ay kasinghalaga ng pag-iwas sa idolatriya at seksuwal na imoralidad.

binigti: Tingnan ang study note sa Gaw 15:20.

seksuwal na imoralidad: Tingnan ang study note sa Gaw 15:20.

Hanggang sa muli!: O “Mabuting kalusugan sa inyo!” Karaniwan lang sa mga liham noon ang ekspresyong Griego na ginamit dito. Hindi naman ito nangangahulugan na kapag sinunod ang nabanggit na mga tagubilin ay magiging malusog ang isang tao. Isang pagbati lang ito na nagpapakitang gusto ng sumusulat na maging malakas, malusog, at masaya ang sinusulatan niya. Katulad ito ng Hebreong ekspresyon na sha·lohmʹ (“kapayapaan”) na ginagamit din sa pagbati. (Exo 4:18; Huk 18:6; 19:20; 1Sa 1:17) Sa katunayan, sa isang makabagong Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J22 sa Ap. C4), ang ekspresyong ito ay tinumbasan ng sha·lohmʹ la·khemʹ, “Sumainyo nawa ang kapayapaan!”

Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at sinaunang salin sa iba’t ibang wika, makikita ang pananalitang ito: “Pero naisip ni Silas na mas mabuting manatili muna roon; si Hudas naman ay umalis nang mag-isa papuntang Jerusalem.” Pero hindi ito lumitaw sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, kaya hindi talaga ito bahagi ng Gawa. Posibleng isa lang itong marginal note na nagpapaliwanag sa Gaw 15:40, pero nang maglaon, idinagdag ito sa mismong teksto ng iilang manuskrito.—Tingnan ang Ap. A3.

salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 15:35.

salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 15:36.

ni Jehova: Sa aklat ng Gawa, ang ekspresyong walang-kapantay na kabaitan ay pinakamadalas na iniuugnay sa Diyos. (Gaw 11:23; 13:43; 20:24, 32) Sa Gaw 14:26, mababasa ang katulad na ekspresyon na “ipinagkatiwala . . . sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 15:40.

Media