Mga Gawa ng mga Apostol 17:1-34

17  At naglakbay sila sa Amfipolis at Apolonia at pumunta sa Tesalonica,+ kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2  At gaya ng nakagawian ni Pablo,+ pumasok siya sa sinagoga, at tatlong magkakasunod na sabbath siyang nangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan;+ 3  ipinaliwanag niya at pinatunayan gamit ang mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa+ at buhaying muli.+ Sinabi niya: “Ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo, siya ang Kristo.” 4  Dahil dito, ang ilan sa kanila ay naging mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas,+ gayundin ang maraming Griego na sumasamba sa Diyos at mga babaeng kilala sa lipunan. 5  Pero nainggit ang mga Judio,+ kaya tinawag nila ang ilang masasamang lalaki na nakatambay sa pamilihan para bumuo ng grupo ng mang-uumog, at nagpasimula sila ng gulo sa lunsod. Sinalakay nila ang bahay ni Jason para ilabas sina Pablo at Silas sa mga mang-uumog.+ 6  Nang hindi nila makita ang mga ito, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod, at isinisigaw nila: “Nakarating na rito ang mga lalaking nanggugulo sa lahat ng lugar,+ 7  at tinanggap sila ni Jason sa bahay niya. Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar, dahil sinasabi nilang may ibang hari, si Jesus.”+ 8  Nang marinig ito ng mga tao at mga tagapamahala ng lunsod, naalarma sila; 9  kaya matapos pagpiyansahin si Jason at ang iba pa, pinaalis na nila ang mga ito. 10  Kinagabihan, agad na pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, pumunta sila sa sinagoga ng mga Judio. 11  Mas gustong matuto* ng mga tagaroon kaysa sa mga taga-Tesalonica, dahil buong pananabik nilang tinanggap ang salita at maingat na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para matiyak kung totoo ang mga narinig nila. 12  Kaya naging mananampalataya ang marami sa kanila, pati na ang marami-raming babaeng Griego na kilala sa lipunan at ang ilang lalaki. 13  Pero nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinahayag din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, pumunta sila roon para sulsulan ang mga tao laban sa mga ito.+ 14  Agad na ipinahatid ng mga kapatid si Pablo sa may dagat,+ pero naiwan sina Silas at Timoteo. 15  Pero sumama hanggang sa Atenas ang mga naghatid kay Pablo, at umalis sila nang sabihin ni Pablo na papuntahin agad sa kaniya sina Silas at Timoteo.+ 16  Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nakita niyang punô ng idolo ang lunsod kaya nainis siya. 17  Pumunta siya sa sinagoga at nakipagkatuwiranan doon sa mga Judio at sa iba pa na sumasamba sa Diyos, at araw-araw din siyang nakikipagkatuwiranan sa sinumang nasa pamilihan. 18  Pero nagsimulang makipagtalo sa kaniya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico, at sinasabi ng ilan: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” Ang iba naman: “Nangangaral yata siya tungkol sa mga bathala* ng mga banyaga.” Ganiyan ang sinasabi nila dahil ipinahahayag niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.+ 19  Kaya dinala nila siya sa Areopago at sinabi: “Puwede bang malaman kung ano ang bagong turong ito na sinasabi mo? 20  Bago sa pandinig namin ang mga sinasabi mo, at gusto naming malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.” 21  Sa katunayan, ang tanging pampalipas-oras ng lahat ng taga-Atenas at mga banyagang naroon ay ang pagsasabi o pakikinig sa anumang bago. 22  Kaya tumayo si Pablo sa gitna ng Areopago,+ at sinabi niya: “Mga lalaki ng Atenas, kumpara sa ibang tao, napansin ko na mas may takot kayo sa mga bathala.*+ 23  Halimbawa, habang naglalakad ako at pinagmamasdan ang mga bagay na sinasamba ninyo, may nakita akong isang altar kung saan nakasulat, ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Ang Diyos na ito na sinasamba ninyo pero hindi ninyo kilala, ito ang ipinahahayag ko sa inyo. 24  Ang Diyos na gumawa ng mundo at ng lahat ng narito, ang Panginoon ng langit at lupa,+ ay hindi naninirahan sa mga templong gawa ng tao;+ 25  hindi rin siya pinagsisilbihan ng mga tao na para bang may kailangan siya,+ dahil siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga,+ at lahat ng bagay. 26  At mula sa isang tao,+ ginawa niya ang lahat ng bansa para manirahan sa ibabaw ng lupa,+ at nagtakda siya ng panahon para sa mga bagay-bagay at ng mga hangganan kung saan maninirahan ang mga tao,+ 27  nang sa gayon ay hanapin nila ang Diyos. Kung sisikapin nilang hanapin siya,+ talagang makikita nila siya, dahil ang totoo, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28  Dahil sa kaniya,* tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral,+ gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata ninyo, ‘Dahil tayo rin ay mga anak* niya.’ 29  “Dahil tayo ay mga anak* ng Diyos,+ hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay gawa sa ginto o pilak o bato, gaya ng isang imahen na ginawa at dinisenyo ng mga tao.+ 30  Totoo, pinalampas noon ng Diyos ang gayong kawalang-alam,+ pero ngayon, sinasabi niya sa lahat ng tao* na dapat silang magsisi. 31  Dahil nagtakda siya ng isang araw kung kailan hahatulan niya+ ang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking inatasan niya, at bilang garantiya sa lahat ng tao, binuhay niya siyang muli.”+ 32  Nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli, tinuya siya ng ilan,+ pero sinabi naman ng iba: “Makikinig ulit kami sa sasabihin mo tungkol dito.” 33  Kaya umalis si Pablo, 34  pero may mga sumama sa kaniya at naging mananampalataya. Kabilang sa kanila si Dionisio na hukom sa korte ng Areopago, ang babaeng si Damaris, at iba pa.

Talababa

O “Mas bukás ang isip.”
O “diyos.”
O “mas relihiyoso kayo.”
O “Sa kaniya.”
O “supling.”
O “supling.”
O “sa lahat ng tao saanmang lugar.”

Study Notes

nangatuwiran: Hindi lang basta sinabi ni Pablo sa kanila ang mabuting balita. Ipinaliwanag niya ito at nagbigay siya ng mga patunay mula sa Kasulatan, o Hebreong Kasulatan. Hindi lang niya basta binasa ang Kasulatan; nangatuwiran siya mula rito at ibinagay niya sa mga tagapakinig ang kaniyang argumento. Ang pandiwang Griego na di·a·leʹgo·mai ay nangangahulugang “pakikipag-usap; pakikipagtalakayan.” Ibig sabihin, parehong nagsasalita ang dalawang panig. Ang salitang Griegong ito ay ginamit din sa Gaw 17:17; 18:4, 19; 19:8, 9; 20:7, 9.

pinatunayan gamit ang mga reperensiya: Ang salitang Griego ay literal na nangangahulugang “ilagay sa tabi.” Posibleng ipinapahiwatig nito na maingat na pinaghambing ni Pablo ang mga hula tungkol sa Mesiyas sa Hebreong Kasulatan at ang mga pangyayari sa buhay ni Jesus para ipakitang natupad kay Jesus ang mga hulang iyon.

tagapamahala ng lunsod: Lit., “politarch,” na nangangahulugang “tagapamahala ng mga mamamayan.” Hindi ginagamit ang terminong Griego na ito (po·li·tarʹkhes) sa mga klasikal na literaturang Griego. Pero may natagpuan sa Tesalonica at sa iba pang lugar sa lalawigan ng Macedonia na mga inskripsiyong may ganitong titulo, at ang ilan sa mga ito ay mula pa noong unang siglo B.C.E. Ipinapakita ng mga ito na totoo ang ulat ng Gawa at na maaasahan si Lucas bilang isang istoryador.

ni Cesar: O “ng Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Claudio, na namahala noong 41 hanggang 54 C.E.​—Gaw 11:28; 18:2; tingnan ang study note sa Mat 22:17 at Glosari, “Cesar.”

maingat na sinusuri: O “pinag-aaralang mabuti.” Ang terminong Griego na a·na·kriʹno ay nangangahulugang “salain; paghiwa-hiwalayin; himay-himayin.” Ginagamit ito kung minsan para tumukoy sa mga hudisyal na paglilitis. (Luc 23:14; Gaw 4:9; 28:18; 1Co 4:3) Kaya sa kontekstong ito, nagpapahiwatig ito ng masusing pagsasaliksik, gaya ng sa mga legal na proseso. Ibig sabihin, hindi mababaw ang pagsusuring ginawa ng mga Judio sa Berea; nagsuri silang mabuti para matiyak na totoo ang mga itinuturo nina Pablo at Silas mula sa Kasulatan tungkol kay Jesus bilang ang Mesiyas na matagal nang ipinangako.

pamilihan: Ang pamilihan (sa Griego, a·go·raʹ) ng Atenas, na matatagpuan sa hilagang-kanluran ng Akropolis, ay may lawak na mga limang ektarya. Hindi lang ito isang lugar para mamilí at magbenta. Sentro din ito ng ekonomiya, politika, at kultura ng lunsod. Gustong-gusto ng mga taga-Atenas na magtipon-tipon dito para pag-usapan ang intelektuwal na mga paksa.

mga pilosopong Epicureo: Mga tagasunod ng pilosopong Griego na si Epicurus (341-270 B.C.E.). Itinuturo nila na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang masiyahan sa buhay. Naniniwala ang mga Epicureo na may mga diyos, pero iniisip nila na walang pakialam ang mga ito sa mga tao at hindi rin nagbibigay ng gantimpala o parusa ang mga ito. Kaya para sa kanila, walang saysay ang pananalangin o paghahandog. Makikita sa kaisipan at pagkilos ng mga Epicureo na wala silang sinusunod na mga pamantayang moral. Pero itinuturo din nilang huwag magpakasasa sa anumang bagay para maiwasan ang masasamang epekto nito. At naniniwala sila na kailangan lang nilang kumuha ng kaalaman para hindi sila maimpluwensiyahan ng mga pamahiin o matakot dahil sa mga itinuturo ng relihiyon. Hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang mga Epicureo at Estoico.​—Tingnan ang study note sa mga pilosopong . . . Estoico sa talatang ito.

mga pilosopong . . . Estoico: Grupo ng mga pilosopong Griego na naniniwalang ang kaligayahan ay nakadepende sa pamumuhay ayon sa lohika at kalikasan. Ang tunay na matalino, ayon sa kanila, ay hindi nagpapaapekto sa kirot o saya. Naniniwala ang mga Estoico na ang lahat ng bagay ay bahagi ng isang bathala na hindi isang persona at na ang diumano’y kaluluwa ng tao ay galing doon. Iniisip ng ilang Estoico na ang kaluluwang ito ay mapupuksa rin kasama ng uniberso. Naniniwala naman ang ibang Estoico na ang kaluluwang ito ay muling kukunin ng bathala. Hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang mga Estoico at Epicureo.​—Tingnan ang study note sa mga pilosopong Epicureo sa talatang ito.

daldalerong: Lit., “mamumulot ng binhing.” Ang salitang Griego na ginamit dito, sper·mo·loʹgos, ay tumutukoy sa isang ibong tumutuka ng binhi. Pero ginagamit din ito para laitin ang isang tao na nangunguha ng mga tira-tira sa pamamagitan ng pamamalimos o pagnanakaw, gayundin ang isang mababang klase ng tao na nagsasalita ng mga bagay na napulot lang niya sa kung saan. Kaya parang sinasabi ng edukadong mga lalaking iyon na ignorante si Pablo at nagsasalita ng mga bagay na hindi naman niya talaga naiintindihan.

Areopago: O “Burol ni Ares.” Si Ares ang Griegong diyos ng digmaan. Ang Areopago ay nasa hilagang-kanluran ng Akropolis, at dito karaniwang nagtitipon ang pangunahing konseho ng Atenas. Ang terminong “Areopago” ay puwedeng tumukoy sa mismong burol o sa konseho. (Gaw 17:34) Kaya ipinapalagay ng ilang iskolar na dinala si Pablo sa burol na ito o malapit dito para pagtatanungin. Naniniwala naman ang ibang iskolar na dinala siya sa pulong ng konseho sa ibang lugar, posibleng sa pamilihan. Dahil ang katumbas ni Ares na Romanong diyos ay si Mars, ang lugar na ito ay tinawag sa ilang salin na “Burol ni Mars.”

naroon: O “dumadayo roon.” Ang salitang Griego na ginamit dito, e·pi·de·meʹo, ay nangangahulugang “manatili sa isang lugar bilang estranghero o bisita.”

Sa Isang Di-kilalang Diyos: Ang mga salitang Griego na A·gnoʹstoi the·oiʹ ay mababasa sa inskripsiyon sa isang altar sa Atenas. Takót sa mga bathala ang mga taga-Atenas kaya gumawa sila ng maraming templo at altar para sa mga ito. Gumawa pa nga sila ng mga altar para sa Kasikatan, Kapakumbabaan, Lakas, Panghihikayat, at Awa, na itinuturing din nilang mga bathala. Posibleng sa takot na may diyos na hindi sila maparangalan at magalit ito sa kanila, nagtayo sila ng isang altar para sa “Isang Di-kilalang Diyos.” Sa pamamagitan ng altar na ito, inaamin nila na may isang Diyos na hindi pa nila kilala. Ginamit ni Pablo ang altar na ito para makapangaral at maipakilala sa mga tagapakinig ang Diyos—ang tunay na Diyos—na hindi pa nila kilala hanggang sa pagkakataong iyon.

mundo: Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. (Tingnan ang study note sa Ju 1:10.) Pero sa mga sekular na akdang Griego, ang terminong ito ay tumutukoy rin sa uniberso at sa lahat ng nilalang. Posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito sa ganitong diwa para magkaroon sila ng mapagkakasunduan ng mga tagapakinig niyang Griego.

mga templong gawa ng tao: O “mga templong gawa ng kamay ng tao.” Ang salitang Griego na khei·ro·poiʹe·tos ay ginamit din sa Gaw 7:48 at Heb 9:11, 24, kung saan isinalin itong “gawa ng mga kamay.” Ang kaluwalhatian ng Griegong diyosa na si Athena o ng iba pang bathala ay nakadepende sa mga templo, dambana, at altar na gawa ng tao, samantalang ang Kataas-taasang Panginoon ng langit at lupa ay hindi man lang magkasya sa mga pisikal na templo. (1Ha 8:27) Ang tunay na Diyos ay mas maluwalhati kaysa sa anumang idolong makikita sa mga templong gawa ng tao. (Isa 40:18-26) Posibleng sinabi ito ni Pablo dahil nakita niya ang maraming templo, dambana, at santuwaryo na inialay sa iba’t ibang bathala.

tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral: Sinasabi ng ilan na makikita sa pananalitang ito ang istilong Griego na tinatawag na tricolon, na gumagamit ng tatlong magkakaugnay na salita para ipahayag ang iisang ideya. Ginamit ng mga awtor na sina Plato, Sophocles, at Aristotle ang istilong ito. Iniuugnay naman ito ng ilan sa isang tula ni Epimenides, isang makatang Cretense noong ikaanim na siglo B.C.E.

ilan sa mga makata ninyo: Lumilitaw na ang ekspresyong “dahil tayo rin ay mga anak niya” ay sinipi ni Pablo mula sa tulang Phaenomena ng makatang Estoico na si Aratus, at may kahawig din itong pananalita sa iba pang akdang Griego, gaya ng Hymn to Zeus ng manunulat na Estoico na si Cleanthes. Posibleng isinama ni Pablo sa mga katibayang iniharap niya ang pagsipi sa ilang makatang Griego dahil iyan ang inaasahan noon sa isang edukadong tagapagsalita.

lupa: Dito, ang salitang Griego para sa “lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio.​—Gaw 24:5.

garantiya: O “patunay.” Lit., “pananampalataya.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na piʹstis, na pinakamadalas na isinasaling “pananampalataya,” ay lumilitaw na tumutukoy sa isang patunay para lubusang magtiwala ang isa sa isang pangako.

hukom sa korte ng Areopago: O “Areopagita,” miyembro ng konseho o korte ng Areopago.​—Tingnan ang study note sa Gaw 17:19.

Media