Mga Gawa ng mga Apostol 19:1-41
Talababa
Study Notes
Sa bautismo ni Juan: Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.
Daan: Tingnan ang study note sa Gaw 9:2; 19:23 at Glosari.
awditoryum ng paaralan ni Tirano: Walang detalyeng mababasa kung anong paaralan ito, pero lumilitaw na ipinagamit ang mga pasilidad nito kay Pablo, posibleng nang ilang oras bawat araw. Sa ilang sinaunang manuskrito, idinagdag ang “mula sa ika-5 hanggang sa ika-10 oras,” o mula mga 11:00 n.u. hanggang mga 4:00 n.h. Dahil hindi mababasa ang pariralang ito sa maraming sinaunang manuskrito, lumilitaw na hindi ito bahagi ng orihinal na teksto. Pero ayon sa ilan, kahit idinagdag lang ito, makatuwiran ang oras na ito at posibleng ito ang pang-araw-araw na iskedyul ni Pablo noong nasa Efeso siya. Kung totoo iyan, lumilitaw na sinamantala ni Pablo ang pagkakataong turuan ang mga alagad habang mainit at tahimik ang paligid at marami ang nagpapahinga.
lalawigan ng Asia: O “probinsiya ng Asia.” Tingnan sa Glosari, “Asia.”
mga tela at damit: Ang mga telang ito ay posibleng mga panyo na itinali ni Pablo sa noo niya para hindi tumulo ang pawis niya sa mata. Ang damit naman ay tumutukoy sa epron na isinusuot ng mga manggagawa, na nagpapakitang gumagawa ng tolda si Pablo sa libreng oras niya, posibleng habang maagang-maaga pa.—Gaw 20:34, 35.
mahika: Ang salitang Griego para sa “mahika” ay pe·riʹer·ga, na nangangahulugang “pagkamausisa.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay “tumutukoy sa pagkamausisa sa mali o di-angkop na mga bagay . . . gaya ng mahika.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, Ikatlong Edisyon, 2000) Lumalarawan ito sa paggawa ng ipinagbabawal na mga bagay sa tulong ng masasamang espiritu. Marami ang nagsasagawa ng mahika at ng iba pang anyo ng demonismo sa Efeso. Kaya sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, pinayuhan niya silang isuot ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos para malabanan nila ang masasamang espiritu.—Efe 6:11, 12.
50,000 pirasong pilak: Kung ang “pirasong pilak” dito ay tumutukoy sa drakma o denario, kakailanganin ng isang manggagawa na magtrabaho nang 50,000 araw, o pitong araw kada linggo sa loob ng mga 137 taon, para kitain ang perang iyon.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 19:20.
Daan: Gaya ng makikita sa study note sa Gaw 9:2, ang ekspresyong “Daan” ay tumutukoy sa kongregasyong Kristiyano noon. Ang tunay na Kristiyanismo ay hindi lang pormalidad o pakitang-taong pagsamba. Isa itong paraan ng pamumuhay na nakasentro sa pagsamba sa Diyos at ginagabayan ng kaniyang espiritu. (Ju 4:23, 24) Ang mababasa sa Syriac na Peshitta ay “daan ng Diyos”; ang mababasa naman sa Latin na Vulgate na nirebisa ni Clement ay “daan ng Panginoon.” At sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17, 18 sa Ap. C4), ginamit ang pangalan ng Diyos at ang mababasa ay “daan ni Jehova.”
Artemis: Si Artemis ng Efeso ang diyosa ng pag-aanak, na sinasamba sa mga lunsod sa Asia Minor. (Gaw 19:27) Ang mga estatuwa ni Artemis ay nadedekorasyunan ng alinman sa maraming suso, itlog, at bayag ng inihaing mga toro. Ang ibabang bahagi naman ng katawan nito ay gaya ng mummy at nadedekorasyunan ng iba’t ibang simbolo at larawan ng hayop. Ang mga Griego ay may birheng diyosa ng pangangaso na nagngangalan ding Artemis, pero iba ito sa Artemis ng Efeso. Ang pangalang Romano na katumbas ng Artemis ay Diana.
ilan sa mga opisyal ng mga kapistahan at palaro: Lit., “ilan sa mga Asiarch.” Lumilitaw na napili ang matataas na opisyal na ito o prominenteng mga lalaki sa Romanong lalawigan ng Asia dahil sa impluwensiya at yaman nila. Sila ang nangunguna at gumagastos sa mga pampublikong palaro sa lalawigan.
mga proconsul: Ang proconsul ang pinakamataas na gobernador ng isang lalawigan na nasa ilalim ng Senado ng Roma. Puwede siyang humatol, at may kapangyarihan din siya sa militar. At kahit puwedeng repasuhin ng Senado ang mga desisyon niya, siya pa rin ang pinakamataas na opisyal sa lalawigan. Isa lang ang proconsul sa bawat lalawigan; maliwanag na kaya lang ginamit ang anyong pangmaramihan ay dahil walang espesipikong proconsul na tinutukoy rito. Efeso ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Asia, at doon nakatira ang proconsul.—Tingnan sa Glosari, “Asia.”