Mga Gawa ng mga Apostol 2:1-47
Talababa
Study Notes
Pentecostes: Ang salitang Griego na pen·te·ko·steʹ (nangangahulugang “Ika-50 [Araw]”) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa “Kapistahan ng Pag-aani” (Exo 23:16) o “Kapistahan ng mga Sanlinggo” (Exo 34:22) sa Hebreong Kasulatan. Ipinagdiriwang ang kapistahang ito sa pagtatapos ng pitong-linggong pag-aani—una, ng sebada at pagkatapos ay ng trigo. Ang Kapistahan ng Pentecostes ay ipinagdiriwang sa ika-50 araw mula Nisan 16, ang araw kung kailan inihahandog ang tungkos ng mga unang bunga ng sebada. (Lev 23:15, 16) Sa kalendaryong Hebreo, ang Pentecostes ay pumapatak ng Sivan 6. (Tingnan ang Ap. B15.) Ang mga tagubilin para sa kapistahang ito ay mababasa sa Lev 23:15-21; Bil 28:26-31; at Deu 16:9-12. Sa Kapistahan ng Pentecostes, dumadagsa sa Jerusalem ang maraming Judio at proselita mula sa malalayong lupain. Itinuturo ng kapistahang ito na dapat maging mapagpatuloy at mabait sa mga tao, anuman ang estado nila sa buhay o pinagmulan—sila man ay alipin, taong malaya, mahirap, walang ama, biyuda, Levita, o dayuhan. (Deu 16:10, 11) Kaya tamang-tama lang na naitatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. sa Jerusalem, dahil layunin nitong magpatotoo sa lahat ng tao “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” (Gaw 1:8; 2:11) Naniniwala ang mga Judio na Pentecostes noon nang ibigay ng Diyos sa Israel ang Kautusan sa Bundok Sinai noong piliin niya sila bilang bayan niya. Nang pasimula ng ikatlong buwan (Sivan), nagtipon ang mga Israelita sa Bundok Sinai at tinanggap nila ang Kautusan. (Exo 19:1) Si Moises ang tagapamagitan ng Israel nang pumasok sila sa tipang Kautusan, at ngayon, si Jesu-Kristo naman ang Tagapamagitan ng espirituwal na Israel nang ang bagong bansang ito ay pumasok sa bagong tipan.
wika: Lit., “dila.” Sa Bibliya, ang salitang Griego na glosʹsa ay puwedeng tumukoy sa literal na “dila.” (Mar 7:33; Luc 1:64; 16:24) Pero puwede rin itong tumukoy sa isang wika o sa grupo ng mga tao na nagsasalita ng isang partikular na wika. (Apo 5:9; 7:9; 13:7) Ginamit ang salitang Griegong ito sa ekspresyong “dila ng apoy” na nakita ng mga tao. (Gaw 2:3, tlb.) Kaya ang mga “dila” sa ulunan ng bawat alagad at ang pagsasalita nila ng iba’t ibang wika ay katibayan ng pagbubuhos ng banal na espiritu.
wika ng bawat isa sa atin: O “katutubong wika natin.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “wika” ay di·aʹle·ktos. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:4.) Marami sa mga nakarinig sa mga alagad ay malamang na nagsasalita ng isang internasyonal na wika, posibleng Griego. Dahil sila ay “makadiyos na mga Judio,” posibleng naiintindihan din nila ang mga itinuturo sa templo sa Jerusalem na nasa wikang Hebreo. (Gaw 2:5) Pero nakuha ang atensiyon nila nang marinig nila ang mabuting balita sa wikang nakagisnan nila.
lalawigan ng Asia: O “probinsiya ng Asia.” Tingnan sa Glosari, “Asia.”
proselita: Tingnan ang study note sa Mat 23:15.
Lasing lang sila: O “Lango lang sila sa bagong alak.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na gleuʹkos, na isinaling “bagong alak.” Tumutukoy ito sa manamis-namis na bagong alak na nasa proseso ng pagkasim (fermentation).
ikatlong oras pa lang ng araw: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
sa mga huling araw: Sa pagsiping ito ni Pedro sa hula ni Joel, ginamit niya ang pariralang “sa mga huling araw” sa halip na “pagkatapos,” ang ekspresyong ginamit sa orihinal na Hebreo at sa Septuagint. (Joe 2:28 [3:1, LXX]) Natupad ang hula ni Joel nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. Ibig sabihin, ang “mga huling araw” na tinutukoy ni Pedro ay nagsimula na, at ipinapahiwatig ng paggamit niya ng ekspresyong ito na magaganap ito bago ang “dakila at maluwalhating araw ni Jehova.” At lumilitaw na ang “mga huling araw” ay magtatapos sa “araw ni Jehova.” (Gaw 2:20) Ang kausap dito ni Pedro ay likas at proselitang mga Judio, kaya lumilitaw na sa kanila unang matutupad ang hulang ito. Maliwanag sa sinabi ni Pedro na ang mga Judio ay nabubuhay na noon sa “mga huling araw” ng sistema ng mga bagay kung kailan ang sentro ng pagsamba ay nasa Jerusalem pa. Bago nito, inihula mismo ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito. (Luc 19:41-44; 21:5, 6) Natupad iyon noong 70 C.E.
espiritu ko: Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa Joe 2:28, na sinipi dito, ginamit ang katumbas nitong salitang Hebreo na ruʹach. Ang Hebreo at Griegong salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang bagay na di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
bawat uri ng tao: Lit., “lahat ng laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx (madalas isaling “laman”) ay tumutukoy sa mga tao, kaya ang “lahat ng laman” ay para bang tumutukoy sa lahat ng tao. (Tingnan ang study note sa Ju 17:2.) Pero sa kontekstong ito, mas espesipiko ang ibig sabihin ng pariralang Griego para sa “lahat ng laman.” Hindi ibinuhos ng Diyos ang espiritu niya sa lahat ng tao sa lupa o kahit sa lahat ng tao sa Israel, kaya ang ekspresyong ito ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao. Sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng uri ng tao. Ibinuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa ‘mga anak na lalaki at babae, kabataang lalaki, matatandang lalaki, at mga aliping lalaki at babae,’ ibig sabihin, sa lahat ng uri ng tao. (Gaw 2:17, 18) Ganito rin ang pagkakagamit ng salitang Griego para sa “lahat” (pas) sa 1Ti 2:3, 4, na nagsasabing gusto ng Diyos na “maligtas ang lahat ng uri ng tao.”—Tingnan ang study note sa Ju 12:32.
manghuhula: Ang terminong Griego na pro·phe·teuʹo ay literal na nangangahulugang “magsalita.” Sa Kasulatan, ginagamit ito para tumukoy sa paghahayag ng mensahe mula sa Diyos. Madalas na nangangahulugan itong pagsasabi ng mangyayari sa hinaharap, pero hindi iyan ang pangunahing kahulugan ng terminong ito. Ang salitang Griegong ito ay puwede ring mangahulugang malalaman ng isang tao ang isang bagay dahil sa pagsisiwalat ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 26:68; Mar 14:65; Luc 22:64.) Sa kontekstong ito, pinakilos ng banal na espiritu ang ilan na manghula. Sa pamamagitan ng paghahayag ng “makapangyarihang mga gawa” ni Jehova at ng mga gagawin pa niya, sila ay magsisilbing mga tagapagsalita ng Kataas-taasan. (Gaw 2:11) Ganito rin ang kahulugan ng salitang Hebreo para sa “manghula.” Halimbawa, sa Exo 7:1, si Aaron ay sinabing “propeta” ni Moises, hindi dahil sa sasabihin niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap, kundi dahil magiging tagapagsalita siya nito.
matatandang lalaki: Dito, ang terminong pre·sbyʹte·ros ay malamang na tumutukoy sa mga lalaking may-edad, na kabaligtaran ng “mga kabataang lalaki” na naunang binanggit sa talata. Sa ibang konteksto, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga lalaking may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa.—Gaw 4:5; 11:30; 14:23; 15:2; 20:17; tingnan ang study note sa Mat 16:21.
tanda: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na teʹras ay palaging ginagamit kasama ng se·meiʹon (“himala”), na parehong nasa anyong pangmaramihan. (Mat 24:24; Ju 4:48; Gaw 7:36; 14:3; 15:12; 2Co 12:12) Ang teʹras ay pangunahin nang tumutukoy sa anumang bagay na kamangha-mangha.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Joe 2:31, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Joe 2:32, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.” Ang mga himalang ginawa ni Jesus sa tulong ng Diyos ay nagsilbing patunay na isinugo siya ng Diyos. Ang kaniyang makahimalang pagpapagaling at pagbuhay sa mga patay ay patikim lang ng mga gagawin niya sa hinaharap.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
layunin: O “kalooban.” Ang salitang Griego na bou·leʹ ay isinaling “payo [o, “kalooban; patnubay,” tlb.]” sa Luc 7:30 at “layunin” sa Heb 6:17.—Tingnan ang study note sa Gaw 20:27.
kapangyarihan ng kamatayan: Lit., “hapdi ng kamatayan.” Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na wala nang alam at hindi na nakakaramdam ng kirot ang mga patay (Aw 146:4; Ec 9:5, 10), pero dito, sinasabing ang kamatayan ay may “hapdi.” Ginamit ang ekspresyong ito dahil ang kamatayan ay isang mapait at nakakatakot na karanasan. (1Sa 15:32, tlb.; Aw 55:4; Ec 7:26) Totoo iyan dahil karaniwan nang nakakaramdam ng kirot ang isang tao bago mamatay (Aw 73:4, 5), at kapag patay na siya, maituturing siyang paralisado dahil wala na siyang anumang magagawa (Aw 6:5; 88:10). Kaya nang sabihing si Jesus ay pinalaya sa “hapdi ng kamatayan,” nangangahulugan itong pinalaya siya sa gapos, o kapangyarihan, nito. Ang salitang Griego na ginamit dito (o·dinʹ), na puwedeng isaling “hapdi,” ay tumutukoy kung minsan sa kirot ng panganganak (1Te 5:3), pero puwede rin itong tumukoy sa anumang kirot, kalamidad, o paghihirap (Mat 24:8). Ang ekspresyong “hapdi ng kamatayan” ay mababasa sa salin ng Septuagint sa 2Sa 22:6 at Aw 18:4 (17:5, LXX), pero ang ginamit sa Hebreong Masoretiko ay “lubid ng Libingan” at “lubid ng kamatayan.” Kapansin-pansin na sa sinaunang mga manuskritong Hebreo, kung saan ang mga salita ay puro katinig lang, pareho ang ispeling ng salita para sa “lubid” (cheʹvel) at ng terminong Hebreo para sa “hapdi.” Posibleng ito ang dahilan kaya ganoon ang pagkakasalin ng Septuagint. Kahit magkaiba ang ekspresyong ginamit, ang “hapdi ng kamatayan” at “lubid ng kamatayan” ay parehong tumutukoy sa isang mapait at nakakatakot na karanasan.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 16:8, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
mabubuhay akong: Lit., “maninirahan ang laman ko nang.” Bago sipiin ni Pedro ang Aw 16, isinulat niya: “Sinabi ni David tungkol sa kaniya,” o tungkol sa Mesiyas, kay Jesus. (Gaw 2:25) Sa talatang ito (Gaw 2:26) at sa Aw 16:9, ginamit sa mga tekstong Griego at Hebreo ang terminong “laman,” na puwedeng tumukoy sa katawan ng isang tao o sa mismong tao. Kahit na alam ni Jesus na siya ay papatayin bilang haing pantubos, nabuhay siya nang may pag-asa. Alam ni Jesus na bubuhayin siyang muli ng kaniyang Ama, na matutubos ang sangkatauhan dahil sa hain niya, at na ang kaniyang laman, o katawan, ay hindi mabubulok.—Gaw 2:27, 31.
ako: Sa pagsiping ito sa Aw 16:10, ang salitang Griego na psy·kheʹ ang ginamit na panumbas sa salitang Hebreo na neʹphesh. Ginamit ng salmista ang salitang ito para tumukoy sa sarili niya. Noong Pentecostes naman, nang inihahayag ni Pedro sa mga Judio ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Kristo, sinipi niya ang awit na ito ni David para tumukoy kay Jesus.—Gaw 2:24, 25; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe,” at Ap. A2.
Libingan: O “Hades.” Ang terminong Griego na haiʹdes, na posibleng nangangahulugang “ang di-nakikitang lugar,” ay lumitaw nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang Mat 11:23; 16:18; Luc 10:15; 16:23; Gaw 2:27, 31; Apo 1:18; 6:8; 20:13, 14.) Sinipi sa talatang ito ang Aw 16:10, kung saan ginamit ang katumbas na terminong Hebreo na “Sheol,” na isinalin ding “Libingan.” Karaniwan nang ipinanunumbas ng Septuagint ang Griegong “Hades” sa Hebreong “Sheol.” Sa Kasulatan, ang mga terminong ito ay parehong tumutukoy sa libingan ng mga tao sa pangkalahatan; ibang Hebreo o Griegong termino ang ginagamit para tumukoy sa indibidwal na mga libingan. Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 11, 12, 14-18, 22 sa Ap. C4), “Sheol” ang ginamit dito.—Tingnan ang Ap. A2.
sa iyong presensiya: Lit., “sa (harap ng) iyong mukha.” Sa pagsiping ito mula sa Aw 16:11, literal na isinalin sa tekstong Griego ang tekstong Hebreo. Ang ekspresyong Hebreo na “sa mukha ng isa” ay isang idyoma na nangangahulugang “sa presensiya ng isa.”
Diyos: Sa mga natitirang manuskritong Griego sa ngayon, ginamit dito ang salitang The·osʹ, “Diyos.” Kapansin-pansin na sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10 sa Ap. C4), ginamit dito ang Tetragrammaton.
isa sa mga supling niya: Ipinangako kay David na isa sa mga inapo niya ang magiging Mesiyas, ang “supling” na ipinangako sa Gen 3:15. (2Sa 7:12, 13; Aw 89:3, 4; 132:11) Natupad ang pangakong ito kay Jesus dahil ang kaniyang ina at ama-amahan ay parehong inapo ni Haring David. Ang pariralang Griego na isinaling “supling” ay kahawig ng idyomang Hebreo na puwedeng literal na isaling “bunga ng balakang.” Sa mga tao, nasa bandang balakang ang mga bahagi ng katawan na may kaugnayan sa pag-aanak. (Gen 35:11, tlb.; 1Ha 8:19, tlb.) Ang anak ng isang tao ay tinatawag ding “bunga ng sinapupunan,” at may iba pang kahawig na mga ekspresyon kung saan ang “bunga” ay tumutukoy sa anak.—Gen 30:2, tlb.; Deu 7:13, tlb.; Aw 127:3; Pan 2:20, tlb.
Libingan: O “Hades,” ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:27 at Glosari.
hindi mabubulok ang katawan nito: Hindi hinayaan ni Jehova na mabulok at bumalik sa alabok ang katawan ni Jesus, di-gaya ng mga katawan nina Moises at David, na mga lalaking lumalarawan kay Kristo. (Deu 34:5, 6; Gaw 2:27; 13:35, 36) Para si Jesus ay maging “huling Adan” (1Co 15:45) at katumbas na “pantubos” para sa lahat ng tao (1Ti 2:5, 6; Mat 20:28), kinailangan niyang magkaroon ng totoong katawan ng tao. At kailangan na perpekto ito dahil ihaharap ito sa Diyos na Jehova bilang pambayad para mabawi ang naiwala ni Adan. (Heb 9:14; 1Pe 1:18, 19) Dahil hindi perpekto ang lahat ng inapo ni Adan, wala sa kanilang makapagbibigay ng halaga ng pantubos. (Aw 49:7-9) Iyan ang dahilan kaya hindi ipinagbuntis si Jesus sa normal na paraan. Sa halip, binigyan siya ni Jehova ng perpektong katawan bilang tao na ihahandog niya, gaya ng sinabi niya sa kaniyang Ama, maliwanag na noong binabautismuhan siya: “Naghanda ka [Jehova] ng katawan para sa akin.” (Heb 10:5) Nang magpunta ang mga alagad ni Jesus sa libingan niya, wala na doon ang katawan niya, pero nakita nila ang mga telang lino na ipinambalot sa katawan niya. Maliwanag na hindi hinayaan ni Jehova na mabulok ang katawan ng minamahal niyang Anak.—Luc 24:3-6; Ju 20:2-9.
Jehova: Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo sa Aw 110:1, na sinipi dito. Pero gaya ng ipinaliwanag sa Ap. A5, hindi ginamit ang pangalan ng Diyos sa karamihan ng salin ng Bagong Tipan, kahit pa nga sa mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Gayunman, kapansin-pansin na sa ilang edisyon ng King James Version noong ika-17 siglo, ginamit ang “PANGINOON” na nasa malaking letra at pinaliit na malalaking letra sa tekstong ito at sa tatlong iba pang teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung saan sinipi ang Aw 110:1. (Mat 22:44; Mar 12:36; Luc 20:42) Ganito rin ang ginawa sa mas bagong mga edisyon. Dahil ginagamit ng saling iyon ang “PANGINOON” sa mga teksto sa Hebreong Kasulatan kung saan ang orihinal na mababasa ay ang pangalan ng Diyos, ang paggamit nito ng “PANGINOON” sa mga teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagpapakitang iniisip ng mga tagapagsalin na si Jehova ang tinutukoy sa mga talatang iyon. Kapansin-pansin din na sa New King James Version, na unang inilathala noong 1979, ginamit na ang “PANGINOON” sa lahat ng pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C.
ipinako ninyo sa tulos: O “ibinitin ninyo sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
Magsisi: Ang salitang Griego na ginamit dito, me·ta·no·eʹo, ay puwedeng literal na isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Noon, ipinangangaral ni Juan Bautista ang “bautismo bilang sagisag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Tingnan ang study note sa Mar 1:4.) Sa pagpapabautismong ito, kailangang magsisi ng isang tao sa mga kasalanang nagawa niya laban sa Kautusan ni Moises, at inihanda ng pagsisising ito ang bayan ng Diyos sa mga bagay na darating. (Mar 1:2-4) Pero itinuturo ni Pedro dito na kaayon ng utos ni Jesus sa Mat 28:19, kailangang magsisi ng bayan ng Diyos at magpabautismo . . . sa pangalan ni Jesu-Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Dahil hindi tinanggap ng mga Judio si Jesus bilang Mesiyas, kailangan nila ngayong magsisi at manampalataya sa kaniya para mapatawad ng Diyos. Maipapakita nila sa mga tao ang ganoong pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig sa pangalan ni Jesu-Kristo. Sagisag iyon ng personal na pag-aalay nila sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Tingnan ang study note sa Mat 3:8, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”
Jehova: Sa mga natitirang manuskritong Griego sa ngayon, “Panginoon” (sa Griego, Kyʹri·os) ang ginamit dito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, maraming dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto. Gaya ng makikita sa Gaw 2:33-38, ang pangakong tinutukoy ni Pedro sa talatang ito ay ang binabanggit sa Joe 2:28-32 na pagbubuhos ng banal na espiritu. Kaya ang pariralang sa sinumang piliin ng Diyos nating si Jehova ay lumilitaw na galing sa dulong bahagi ng Joe 2:32. Tatlong beses na ginamit sa tekstong Hebreo ng Joe 2:32 ang pangalan ng Diyos, at espesipiko nitong binanggit na si Jehova ang tumatawag sa sinumang piliin niya.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 2:39.
nakipagsamahan sila sa isa’t isa: O “ibinahagi nila sa isa’t isa ang taglay nila.” Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na koi·no·niʹa ay “pagbabahagi; pakikipagsamahan.” Ilang beses na ginamit ni Pablo ang salitang ito sa mga liham niya. (1Co 1:9; 10:16; 2Co 6:14; 13:14) Ipinapakita ng konteksto na ang tinutukoy dito ay hindi lang basta pagiging magkakilala kundi pagiging matalik na magkaibigan.
kumain: Lit., “nagputol ng tinapay.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:7.
kamangha-manghang bagay: O “himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
sa iba’t ibang tahanan: O “sa bahay-bahay.” Dito, ang pagkakagamit ng pang-ukol na ka·taʹ sa pariralang Griego na katʼ oiʹkon (lit., “ayon sa bahay”) ay nagpapakitang nagpapalipat-lipat sila ng bahay. Lumilitaw na sa panahong ito ng pangangailangan, nagkikita-kita ang mga alagad at nagsasalo-salo sa iba’t ibang bahay ng mga kapananampalataya nila na nakatira sa Jerusalem at sa palibot nito.—Tingnan ang study note sa Gaw 5:42; 20:20.
Jehova: Sa mga natitirang manuskritong Griego sa ngayon, “Panginoon” (sa Griego, ho . . . Kyʹri·os) ang ginamit dito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 2:47.