Mga Gawa ng mga Apostol 20:1-38

20  Nang humupa ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinatibay niya sila at nagpaalam, saka siya naglakbay papuntang Macedonia.+ 2  Pagkatapos niyang malibot ang mga lugar doon at makapagbigay ng maraming pampatibay sa mga naroon, pumunta siya sa Gresya. 3  Nanatili siya roon nang tatlong buwan, at noong maglalayag na siya papuntang Sirya, nalaman niyang may pakana ang mga Judio laban sa kaniya,+ kaya ipinasiya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. 4  Sinamahan siya ni Sopatro na anak ni Pirro na taga-Berea, nina Aristarco+ at Segundo na mga taga-Tesalonica, ni Gayo ng Derbe, ni Timoteo,+ at nina Tiquico+ at Trofimo+ na mula sa lalawigan* ng Asia. 5  Nauna na ang mga ito at hinintay kami sa Troas;+ 6  kami naman ay naglayag mula sa Filipos pagkatapos ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ at nagkita-kita kami sa Troas makalipas ang limang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw. 7  Noong unang araw ng sanlinggo, nang magkakasama kami para kumain, nagsimulang magpahayag si Pablo, dahil aalis na siya kinabukasan; at nagpahayag siya hanggang hatinggabi. 8  Kaya maraming lampara sa silid sa itaas kung saan kami nagkakatipon. 9  Nakaupo sa bintana ang kabataang lalaki na si Eutico, at habang nagsasalita si Pablo, nakatulog siya nang mahimbing kaya nahulog siya mula sa ikatlong palapag at namatay. 10  Pero bumaba si Pablo, dumapa sa kabataan at niyakap ito+ at sinabi: “Huwag na kayong mag-alala, dahil buháy siya.”+ 11  Pagkatapos, umakyat si Pablo at pinasimulan ang kainan. Nakipag-usap pa siya hanggang magbukang-liwayway* at saka umalis. 12  Umuwi sila kasama ang kabataan at masayang-masaya sila dahil buháy ito. 13  Nauna kaming sumakay ng barko patungong Asos, at si Pablo naman ay naglakad papunta roon. Doon namin siya hihintayin at pasasakayin ng barko, gaya ng bilin niya. 14  Kaya nang magkita kami sa Asos, sumakay rin siya sa barko at pumunta kami sa Mitilene. 15  Kinabukasan, naglayag kami at nakarating sa tapat ng Kios, at nang sumunod na araw, dumaong kami sa Samos, at nang sumunod pang araw, dumating kami sa Mileto. 16  Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso+ para hindi siya matagalan sa lalawigan ng Asia, dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem+ sa araw ng Kapistahan ng Pentecostes+ kung posible. 17  Pero mula sa Mileto, nagpadala siya ng mensahe sa Efeso para ipatawag ang matatandang lalaki ng kongregasyon. 18  Pagdating nila, sinabi niya: “Alam na alam ninyo kung paano ako namuhay kasama ninyo mula nang unang araw na dumating ako sa lalawigan ng Asia.+ 19  Nagpaalipin ako sa Panginoon nang buong kapakumbabaan,+ na may mga luha at pagsubok dahil sa mga pakana ng mga Judio; 20  hindi rin ako nag-atubiling sabihin sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang* o turuan kayo nang hayagan+ at sa bahay-bahay.+ 21  Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi+ at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.+ 22  At ngayon, dahil itinutulak ako ng espiritu, pupunta ako sa Jerusalem,+ kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23  Ang alam ko lang, pagkabilanggo at mga kapighatian ang naghihintay sa akin, gaya ng paulit-ulit na sinasabi sa akin ng banal na espiritu sa bawat lunsod.+ 24  Gayunman, hindi ko itinuturing na mahalaga* ang sarili kong buhay, matapos ko lang ang aking takbuhin+ at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus,+ na lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos. 25  “At alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli, kayong lahat na pinangaralan ko tungkol sa Kaharian. 26  Kaya kinukuha ko kayo ngayon bilang saksi na ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao,+ 27  dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban ng Diyos.+ 28  Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili+ at ang buong kawan; inatasan kayo ng banal na espiritu para maging mga tagapangasiwa+ nila, para magpastol sa kongregasyon ng Diyos,+ na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.+ 29  Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang malulupit na lobo*+ na hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, 30  at mula sa inyo mismo ay may lilitaw na mga taong pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.+ 31  “Kaya manatili kayong gisíng, at isaisip ninyo na sa loob ng tatlong taon,+ gabi at araw, walang-sawa kong pinaalalahanan ang bawat isa sa inyo nang may pagluha. 32  At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan; ang salitang ito ay makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na para sa mga pinabanal.+ 33  Hindi ko hinangad ang pilak o ginto o damit ng sinuman.+ 34  Alam ninyo na ang mga kamay kong ito ang naglaan sa mga pangangailangan ko+ at ng mga kasama ko. 35  Sa lahat ng bagay, ipinakita ko sa inyo na kailangan ninyong magpagal+ sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay+ kaysa sa pagtanggap.’” 36  Nang masabi na niya ito, lumuhod siyang kasama nila at nanalangin. 37  Nag-iyakan silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan, 38  dahil lungkot na lungkot sila nang sabihin niyang hindi na sila magkikitang muli.+ Pagkatapos, inihatid nila siya sa barko.

Talababa

O “probinsiya.”
O “mag-umaga.”
O “na ikabubuti ninyo.”
O “di-sana-nararapat.”
O “na may anumang halaga.”
Mababangis na aso.

Study Notes

kami: Ipinapakita ng paggamit ni Lucas ng panghalip na “kami” na nagkasama sila ulit ni Pablo sa Filipos; nagkahiwalay kasi sila noon sa Filipos nang ilang panahon. (Gaw 16:10-17, 40) Magkasama silang naglakbay mula Filipos papuntang Jerusalem, kung saan inaresto si Pablo nang maglaon. (Gaw 20:5–21:18, 33) Ito ang ikalawang seksiyon ng aklat ng Gawa kung saan isinama ni Lucas ang sarili niya sa kaniyang salaysay.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:10; 27:1.

mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Tingnan sa Glosari, “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.”—Tingnan ang Ap. B15.

kumain: Lit., “magpira-piraso ng tinapay.” Karaniwang pagkain ang tinapay sa sinaunang Gitnang Silangan; kaya nang maglaon, tumutukoy na ito sa kahit anong pagkain. Karaniwan nang lapád at matigas ang tinapay noon. Kaya naman pinagpipira-piraso ito kapag kinakain imbes na kutsilyuhin. Madalas na ganiyan ang ginagawa ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 14:19; tingnan din ang Mat 15:36; Luc 24:30.) Nang pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, kumuha siya ng tinapay at pinagpira-piraso ito. Dahil karaniwan namang pinagpipira-piraso ang tinapay, wala itong makasagisag na kahulugan. (Tingnan ang study note sa Mat 26:26.) May mga nagsasabi na ang paglitaw ng ekspresyong ito sa ilang bahagi ng aklat ng Gawa ay tumutukoy sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. (Gaw 2:42, 46; 20:7, 11) Pero sa tuwing binabanggit ang Hapunan ng Panginoon, laging iniuugnay ang pagpipira-piraso ng tinapay sa pag-inom ng alak sa kopa. (Mat 26:26-28; Mar 14:22-25; Luc 22:19, 20; 1Co 10:16-21; 11:23-26) Magkasinghalaga ang dalawang ito. Kaya sa tuwing babanggitin ang pagpipira-piraso ng tinapay nang walang kasamang pag-inom sa kopa, hindi ito tumutukoy sa Hapunan ng Panginoon, kundi sa karaniwang pagkain lang. Isa pa, walang ipinapahiwatig sa Kasulatan na gusto ni Jesus na alalahanin ang kamatayan niya nang mas madalas sa pagdiriwang ng kapistahang pinalitan nito, ang Paskuwa, na isang beses lang ipinagdiriwang sa isang taon.

buháy siya: O “nasa kaniya ang hininga niya.” Ibig sabihin, binuhay-muli ang kabataang lalaki. Ang salitang Griego dito na psy·kheʹ, gaya ng pagkakagamit nito sa maraming bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay nangangahulugang “buhay, o hininga, ng isang tao.”—Mat 6:25; 10:39; 16:25, 26; Luc 12:20; Ju 10:11, 15; 13:37, 38; 15:13; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

pinasimulan ang kainan: Lit., “pinagpira-piraso ang tinapay.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:7.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Kung paanong mga lalaking may-gulang sa espirituwal ang nangunguna at nangangasiwa sa mga lunsod sa sinaunang bansang Israel, mga lalaking may-gulang din sa espirituwal ang nanguna sa iba’t ibang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Sa ulat na ito, kung saan ipinatawag ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang matandang lalaki sa kongregasyong iyon. Ang bilang ng matatandang lalaki sa bawat kongregasyon ay nakadepende sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikado sa atas na ito. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-8) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, na malamang na nakatira noon sa Efeso, may binanggit siyang “lupon ng matatandang lalaki.”—1Ti 1:3; 4:14.

kapakumbabaan: Ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi mapagmataas o arogante. Makikita ang kapakumbabaan sa pananaw ng isang tao sa sarili niya kung ikukumpara sa Diyos at sa iba. Hindi ito kahinaan, kundi isang kalagayan ng isip na kalugod-lugod sa Diyos. Ang mga Kristiyanong tunay na mapagpakumbaba ay nakakagawang magkakasama nang may pagkakaisa. (Efe 4:2; Fil 2:3; Col 3:12; 1Pe 5:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne, na isinalin ditong “kapakumbabaan,” ay mula sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang isip.” Kaya ang literal na salin nito ay “kababaan ng isip.” Ang kaugnay na terminong ta·pei·nosʹ ay isinalin ding “mapagpakumbaba.”—Mat 11:29; San 4:6; 1Pe 5:5; tingnan ang study note sa Mat 11:29.

sa bahay-bahay: O “sa iba’t ibang bahay.” Makikita sa konteksto na pinuntahan ni Pablo ang mga taong ito sa bahay para turuan sila “tungkol sa pagsisisi at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gaw 20:21) Kaya hindi lang siya nagpunta sa kanila para makipagkumustahan o patibayin ang mga kapuwa niya Kristiyano matapos silang maging mánanampalatayá, dahil nagsisi na sila at nananampalataya na kay Jesus. Ito ang komento ni Dr. A. T. Robertson tungkol sa Gaw 20:20 sa aklat niyang Word Pictures in the New Testament: “Kapansin-pansin na ang pinakamahusay na mángangarál na ito ay nagbahay-bahay para mangaral at hindi lang para makipagkumustahan.” (1930, Tomo III, p. 349-350) Sa aklat namang The Acts of the Apostles With a Commentary (1844), sinabi ni Abiel Abbot Livermore tungkol sa pananalita ni Pablo sa Gaw 20:20: “Hindi lang siya basta nagbibigay ng pahayag sa harap ng maraming tao . . . kundi masigasig din siyang nangangaral sa bahay-bahay at literal na dinadala ang katotohanan sa mga [bahay] at puso ng mga taga-Efeso.” (p. 270)—Para sa paliwanag tungkol sa salin ng ekspresyong Griego na katʼ oiʹkous (lit., “ayon sa bahay”), tingnan ang study note sa Gaw 5:42.

itinutulak: Lit., “iginapos.” Obligado si Pablo na sumunod sa pag-akay ng espiritu ng Diyos sa Jerusalem, at gusto niya ring gawin iyon.

sarili kong buhay: Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa buhay ng isang tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe,” at Ap. A2.

pinangaralan: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag, na karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo. Hindi nagbago ang paksang ipinangangaral ng mga Kristiyano: “ang Kaharian ng Diyos.”—Gaw 28:31.

Kaharian: Tumutukoy sa Kaharian ng Diyos. Ito ang pinakatema ng buong Bibliya, at itinatampok ito sa aklat ng Gawa. (Gaw 1:3; 8:12; 14:22; 19:8; 20:25; 28:23, 31) Sa ilang sinaunang salin, gaya ng Latin na Vulgate at Syriac na Peshitta, ang mababasa ay “Kaharian ng Diyos.” Sa isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17 sa Ap. C4), ginamit ang pangalan ng Diyos at ang buong ekspresyon ay puwedeng isalin na “Kaharian ni Jehova.”

ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao: Si Pablo ay malinis sa dugo ng tao sa harap ng Diyos dahil ipinangangaral niya ang mabuting balita ng Kaharian. Hindi niya ipinagkait sa iba ang nagliligtas-buhay na mensaheng ito. (Gaw 18:6; ihambing ang Eze 33:6-8) Sinabi ni Pablo sa mga alagad sa Efeso ang “lahat ng kalooban ng Diyos” dahil ayaw niyang may mamatay sa araw ng paghuhukom ng Diyos. (Gaw 20:27) Magkakasala rin sa dugo ang isang Kristiyano sa harap ng Diyos kung papatay siya ng isang tao o susuporta, kahit sa maliit na paraan, sa mga gawain ng organisasyong nagkakasala sa dugo, gaya ng “Babilonyang Dakila” (Apo 17:6; 18:2, 4), o ng ibang organisasyong nagiging dahilan ng kamatayan ng inosenteng mga tao (Apo 16:5, 6; ihambing ang Isa 26:20, 21). Nagkakasala rin sa dugo ang kumakain o umiinom ng dugo sa anumang paraan.—Gaw 15:20.

lahat ng kalooban ng Diyos: O “lahat ng layunin ng Diyos.” Tumutukoy ito sa lahat ng gustong gawin ng Diyos sa pamamagitan ng Kaharian niya, kasama na ang lahat ng nakita niyang kailangan para sa kaligtasan. (Gaw 20:25) Ang salitang Griego na bou·leʹ ay isinaling “payo [o, “kalooban; patnubay,” tlb.]” sa Luc 7:30 at “layunin” sa Heb 6:17.

Bigyang-pansin: O “Bantayan.” Mahal ni Jehova ang mga tupa sa kawan niya, dahil wala nang mas tataas pa sa halagang ipinambili niya rito—ang “dugo ng sarili niyang Anak.” Kaya binabantayan ng mapagpakumbabang mga tagapangasiwa ang bawat miyembro nito at isinasaisip kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang mga tupa.—1Pe 5:1-3.

tagapangasiwa: Ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay kaugnay ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na nangangahulugang “mag-ingat” (Heb 12:15), at ng pangngalang e·pi·sko·peʹ, na nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44; 1Pe 2:12), “maging tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20). Kaya ang mga tagapangasiwa noon ay dumadalaw, nagsisiyasat, at gumagabay sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang terminong Griego na e·piʹsko·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa pangangasiwa nang may kasamang pagprotekta. Pananagutan ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano na ingatan sa espirituwal ang mga kapananampalataya nila. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong “mga tagapangasiwa” sa pakikipag-usap sa “matatandang lalaki” sa kongregasyon ng Efeso. (Gaw 20:17) At sa liham niya kay Tito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” nang banggitin niya ang mga kuwalipikasyon para sa “matatandang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:5, 7) Kaya ang mga terminong ito ay tumutukoy lang sa iisang atas; ipinapakita ng pre·sbyʹte·ros ang pagiging may-gulang ng isang tagapangasiwa, at ipinapakita naman ng e·piʹsko·pos ang mga pananagutang kasama sa atas na ito. Sa ulat na ito, kung saan kausap ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang tagapangasiwa sa kongregasyong iyon. Walang takdang bilang ang mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Nakadepende ito sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.” Gayundin, sa pagsulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, tinawag niya silang “mga tagapangasiwa” (Fil 1:1), na nagpapakitang isa silang lupon na nangangasiwa sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:20.

Diyos: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa rito ay “Panginoon,” pero “Diyos” ang mababasa sa maaasahang mga manuskrito, at sang-ayon sa saling iyan ang maraming iskolar.

dugo ng sarili niyang Anak: Lit., “dugo ng sariling kaniya.” Sa gramatikang Griego, ang ekspresyong ito ay puwedeng mangahulugang “dugo ng sariling kaniya” o “sarili niyang dugo,” kaya kailangang tingnan ang konteksto. Sa Griego, ang ekspresyong ho iʹdi·os ay puwedeng gamitin nang walang kasamang pangngalan o panghalip, gaya ng makikita sa pagkakasalin dito sa Ju 1:11 (“sarili niyang bayan”); sa Ju 13:1 (“sariling kaniya”); sa Gaw 4:23 (“kapananampalataya nila”); at sa Gaw 24:23 (“mga kasamahan nito”). Sa mga sekular na Griegong papiro, ginagamit ang pariralang ito bilang malambing na tawag sa malalapít na kamag-anak. Kahit walang kasamang pangngalan ang ekspresyong ho iʹdi·os dito, malinaw na makikita sa konteksto na may karugtong itong pangngalan na nasa pang-isahang anyo at na tumutukoy iyon sa kaisa-isang anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang dugo. Dahil diyan, maraming iskolar at tagapagsalin ang naniniwala na tumutukoy ito sa “anak” at isinalin nila ang pariralang ito na “dugo ng sarili niyang Anak.”

Diyos: Sa ilang manuskrito, “Panginoon” ang mababasa rito, pero “Diyos” ang mababasa sa karamihan ng manuskrito.

ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: Si apostol Pablo lang ang sumipi sa sinabi ni Jesus sa talatang ito, pero ang diwa nito ay makikita rin sa mga Ebanghelyo at sa iba pang bahagi ng Kasulatan. (Aw 41:1; Kaw 11:25; 19:17; Mat 10:8; Luc 6:38) Posibleng sinabi ito kay Pablo ng isa na nakarinig kay Jesus, o ang binuhay-muling si Jesus mismo ang nagsabi nito sa kaniya. Puwede ring isiniwalat ito sa kaniya ng Diyos.—Gaw 22:6-15; 1Co 15:6, 8.

niyakap nila si Pablo: Lit., “sumubsob sila sa leeg ni Pablo.” Sa Kasulatan, ang pagyakap na may kasamang paghalik at pag-iyak ay tanda ng matinding pagmamahal, at siguradong iyan ang nararamdaman ng matatandang lalaking ito para kay Pablo.—Tingnan din ang Gen 33:4; 45:14, 15; 46:29; Luc 15:20.

hinalikan: O “magiliw na hinalikan.” Napalapít si Pablo sa mga kapatid dahil sa mainit na pag-ibig niya para sa kanila. Sa Bibliya, kadalasan nang hinahalikan ng malapít na magkakaibigan ang isa’t isa. (Gen 27:26; 2Sa 19:39) Kung minsan, ang paghalik ay may kasamang mahigpit na yakap at pag-iyak. (Gen 33:4; 45:14, 15; Luc 15:20) Sinasabing ang terminong Griego na puwedeng isaling “magiliw na hinalikan” ay isang pinatinding anyo ng pandiwang phi·leʹo, na isinasalin kung minsan na “halikan” (Mat 26:48; Mar 14:44; Luc 22:47) pero mas madalas na nangangahulugang “mahalin” (Ju 5:20; 11:3; 16:27).—Ihambing ang study note sa Mat 26:49.

Media