Mga Gawa ng mga Apostol 22:1-30
Talababa
Study Notes
sa wikang Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.
Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 5:34.—Tingnan ang study note sa Gaw 5:34.
kapulungan ng matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito ginagamit para sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan ang study note sa Luc 22:66.
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig: O “hindi nila narinig ang tinig.” Sa Gaw 9:3-9, inilarawan ni Lucas ang karanasan ni Pablo sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Gaw 9:7, tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita. Hindi nila narinig ang tinig gaya ng pagkakarinig dito ni Pablo. Kaayon ito ng pagkakagamit sa salitang Griego para sa “narinig” sa Gaw 22:7, kung saan sinabi ni Pablo na “may narinig [siyang] tinig,” ibig sabihin, narinig at naintindihan niya ang sinasabi nito. Pero hindi naintindihan ng mga lalaking naglalakbay kasama ni Pablo ang mensahe ng nagsasalita, posibleng dahil kulob o malabo ang datíng ng tinig sa kanila. Kaya ang ekspresyong “hindi nila narinig ang tinig” ay isinalin ditong “hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig.”—Ihambing ang Mar 4:33; 1Co 14:2, kung saan ang salitang Griego para sa “narinig” ay puwedeng isaling “makinig” o “maintindihan.”
makakita kang muli!: Lit., “tumingala ka!” Ang salitang Griego para dito ay pangunahin nang nangangahulugang “tumingin sa itaas” (Mat 14:19; Luc 19:5), pero puwede rin itong mangahulugang “makakita sa unang pagkakataon” (Ju 9:11, 15, 18) o “muling makakita” (Mar 10:52; Luc 18:42; Gaw 9:12).
hugasan mo ang mga kasalanan mo sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan niya: Hindi ang tubig na ginagamit sa bautismo ang nakakapag-alis sa kasalanan ng isang tao, kundi ang pagtawag sa pangalan ni Jesus. Magagawa ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus at pagpapakita nito sa gawa.—Gaw 10:43; San 2:14, 18; tingnan ang study note sa Ro 10:13.
nakakita ako ng pangitain: Para sa pagtalakay tungkol sa terminong Griego na ekʹsta·sis, na isinalin ditong “pangitain,” tingnan ang study note sa Gaw 10:10. Ganito ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J14, 17, 22 sa Ap. C4): “Sumaakin ang kamay ni Jehova.” Ito naman ang mababasa sa isa pang salin (may code na J18): “Dinamtan ako ng espiritu ni Jehova.”
ang saksi mong: Ang terminong Griego para sa “saksi,” marʹtys, ay tumutukoy sa isa na nakakita sa isang pagkilos o pangyayari. May ilang unang-siglong Kristiyano na nagpatotoo, o nagpatunay, sa mga detalyeng iniulat tungkol sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus dahil personal nila itong nasaksihan. (Gaw 1:21, 22; 10:40, 41) Ang mga sumunod naman na nanampalataya kay Jesus ay naging saksi, o nagpatotoo, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kahalagahan ng buhay niya, kamatayan, at pagkabuhay-muli. (Gaw 22:15) Iyan ang ibig sabihin ni Pablo nang tawagin niya si Esteban na “saksi” noong kausap niya si Jesus. Nagbigay si Esteban ng mapuwersang patotoo tungkol kay Jesus sa harap ng Sanedrin. Si Esteban ang unang nagpatotoo na nakita niya sa isang espesyal na pangitain na nasa langit si Jesus at nakatayo sa kanan ng Diyos, gaya ng inihula sa Aw 110:1. (Gaw 7:55, 56) Dahil sa pangangaral ng mga Kristiyano, madalas silang makaranas ng oposisyon, pag-aresto, pambubugbog, at kamatayan pa nga, gaya ng nangyari kina Esteban, Santiago, at iba pa. Nang maglaon, ang terminong Griego na marʹtys ay tumutukoy na sa “isa na nagpapatotoo kahit mamatay siya; isang martir,” ibig sabihin, mas pipiliin pa niyang mamatay kaysa itakwil ang pananampalataya niya. Kaya si Esteban ang unang Kristiyanong martir, na ipinapatay dahil sa pagpapatotoo niya tungkol kay Kristo.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:8.
kumandante ng militar: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang Romanong kumandante ng militar na tinatawag na tribuno. (Tingnan ang study note sa Ju 18:12.) Noong mga 56 C.E., si Claudio Lisias ang kumandante ng militar sa garison ng Jerusalem. (Gaw 23:22, 26) Gaya ng mababasa sa Gawa kabanata 21-24, siya ang nagligtas kay Pablo mula sa mga mang-uumog at sa nagkakagulong Sanedrin. Siya rin ang sumulat kay Gobernador Felix noong palihim niyang ipadala si Pablo sa Cesarea.
opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.
isang Romano: Ibig sabihin, isang mamamayang Romano. Ito ang ikalawa sa tatlong nakaulat na pagkakataon na ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. Kadalasan nang hindi gaanong nakikialam ang Romanong mga awtoridad sa mga Judio. Pero nakialam ang mga Romano sa kaso ni Pablo, hindi lang dahil nagkaroon ng malaking gulo nang magpunta siya sa templo, kundi dahil isa rin siyang mamamayang Romano. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Halimbawa, hindi puwedeng igapos o bugbugin ang isang Romanong hindi pa nahahatulan, dahil sa mga alipin lang ito ginagawa.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 25:11.
Nagbayad ako . . . para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan: O “Nagbayad ako . . . para sa pagkamamamayang ito.” Gaya ng ipinapakita ng ulat na ito, posibleng bilhin ang pagkamamamayang Romano sa ilang kaso. Pero sinabi ni Pablo kay Claudio Lisias na ipinanganak siyang Romano, na nagpapakitang nakakuha ng pagkamamamayang Romano ang isa sa mga lalaking ninuno ni Pablo. May iba pang paraan para maging mamamayang Romano. Puwedeng ibigay ng emperador ang isang klase ng pagkamamamayang ito sa isang indibidwal o sa lahat ng malayang tao sa isang lunsod o distrito. Puwedeng magkaroon nito ang isang alipin matapos niyang bilhin ang kalayaan niya o matapos siyang palayain ng isang mamamayang Romano. Puwede ring mabigyan nito ang isang di-Romano at retiradong miyembro ng hukbong Romano. At puwede ring mamana ang pagkamamamayang ito. Malamang na kaunti lang ang mamamayang Romano na nakatira sa Judea noong unang siglo C.E. Noong ikatlong siglo C.E. lang binigyan ng pagkamamamayang Romano ang lahat ng nasa mga lalawigang sakop ng Roma.