Mga Gawa ng mga Apostol 25:1-27
Study Notes
lalawigan: Ang Romanong lalawigan ng Judea. Nandito ang Cesarea, kung saan naninirahan ang gobernador. Ang ekspresyong Griego na isinaling pagkarating . . . para mamahala ay sinasabing tumutukoy sa pamamahala ni Festo bilang gobernador ng lalawigan.
kay Cesar: O “sa Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Nero. Namahala siya noong 54 hanggang 68 C.E., kung kailan nagpakamatay siya noong mga 31 taóng gulang siya. Kapag binanggit ang “Cesar” sa Gawa kabanata 25 hanggang 28, si Nero ang tinutukoy nito.—Tingnan ang study note sa Mat 22:17; Gaw 17:7 at Glosari, “Cesar.”
Umaapela ako kay Cesar!: Sa ulat ng Bibliya, ito ang ikatlong pagkakataong ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. (Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 22:25.) Puwedeng umapela kay Cesar pagkatapos ibaba ang hatol o habang ginaganap ang paglilitis. Makikita kay Festo na ayaw niyang magdesisyon sa isyung ito, at siguradong hindi magiging makatarungan ang paglilitis sa Jerusalem. Kaya umapela si Pablo na litisin siya sa pinakamataas na hukuman ng imperyo. Lumilitaw na hindi laging napagbibigyan ang mga umaapela, gaya ng mga magnanakaw, pirata, o nagkasala ng sedisyon na nahuli sa akto. Malamang na ito ang dahilan kaya sumangguni si Festo sa “kapulungan ng mga tagapayo” bago siya pumayag sa apela. (Gaw 25:12) Dininig din ng dumadalaw na si Herodes Agripa II ang kaso ni Pablo para maging mas malinaw ang impormasyong ibibigay ni Festo kapag ipinasa na niya ang kaso ni Pablo “sa Augusto,” o kay Nero. (Gaw 25:12-27; 26:32; 28:19) Gayundin, noon pa gustong pumunta ni Pablo sa Roma, kaya nakatulong ang apelang ito para makarating siya roon. (Gaw 19:21) Makikita sa pangako ni Jesus kay Pablo at sa sinabi ng anghel sa kaniya na makakarating siya sa Roma dahil iyan ang kalooban ng Diyos.—Gaw 23:11; 27:23, 24.
Agripa: Si Herodes Agripa II. Apo siya sa tuhod ni Herodes na Dakila at anak ni Herodes Agripa I sa asawa niyang si Cypros.—Gaw 12:1; tingnan sa Glosari, “Herodes.”
Bernice: Kapatid na babae ni Herodes Agripa II, na sinasabing naging karelasyon din niya. Pagkatapos nito, naging kalaguyo siya ni Tito bago ito maging Romanong emperador.
matatandang lalaki: Dito, tumutukoy ito sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba.—Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
Augusto: Isang titulo para sa Romanong emperador. Ang salitang Griego na Se·ba·stosʹ ay nangangahulugang “karapat-dapat sa matinding paggalang; iginagalang” at isang salin ng titulong Latin na Augustus. Sa ilang salin, ginamit ang ekspresyong “Ang Kaniyang Kamahalan, ang Emperador.” Dito, tumutukoy ang titulong ito kay Cesar Nero (54-68 C.E.), ang ikaapat na emperador mula kay Octavio (Octavius), na unang tinawag sa titulong ito.—Tingnan ang study note sa Luc 2:1.