Mga Gawa ng mga Apostol 26:1-32
Talababa
Study Notes
turo ng aming relihiyon: O “sekta ng aming relihiyon.”—Tingnan ang study note sa Gaw 24:5.
paglilingkod sa kaniya: O “pag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod. Sa Bibliya, karaniwan nang tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa paglilingkod na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya (Mat 4:10; Luc 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), gaya ng paglilingkod sa templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10). Kaya sa ilang konteksto, puwede ring isalin ang ekspresyong ito na “sumamba.” Sa ilang pagkakataon naman, iniugnay ito sa huwad na pagsamba—paglilingkod, o pagsamba, sa mga nilalang. (Gaw 7:42; Ro 1:25) Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J14-17 sa Ap. C4), ang mababasa ay “paglilingkod (pagsamba) kay Jehova.”
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
bumoboto ako: Lit., “naghahagis ako ng bato,” o ng bato na ginagamit sa pagboto. Ang salitang Griego na pseʹphos ay tumutukoy sa isang maliit na bato, gaya ng pagkakagamit dito sa Apo 2:17. Ang mga bato ay ginagamit sa korte sa pagbababa ng hatol o paghahayag ng opinyon kung inosente o may-sala ang isang akusado. Ang mga puting bato ay sumasagisag sa pagiging inosente, o walang-sala; ang mga itim na bato naman ay sa pagiging may-sala.
wikang Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.
sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay: Ang tungkod na panggabay ay may matulis na dulo at ginagamit para pakilusin ang isang hayop. (Huk 3:31) Ang ekspresyong “sipain ang tungkod na panggabay” ay isang kasabihan sa mga literaturang Griego. Inilalarawan nito ang ginagawa ng torong matigas ang ulo, na ayaw sumunod sa pag-akay ng tungkod kundi sumisipa rito kaya nasasaktan lang siya. Parang ganoon si Saul bago naging Kristiyano. Dahil inuusig niya ang mga tagasunod ni Jesus, na sinusuportahan ng Diyos na Jehova, inilalagay ni Pablo sa panganib ang sarili niya. (Ihambing ang Gaw 5:38, 39; 1Ti 1:13, 14.) Sa Ec 12:11, binanggit ang “tungkod na panggabay sa baka” sa makasagisag na diwa. Tumutukoy ito sa pananalita ng taong marunong na nag-uudyok sa tagapakinig na sundin ang payo niya.
magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, ang payo na “magsisi” ay kaugnay ng ekspresyong at manumbalik sa Diyos, kaya tumutukoy ito sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Makikita sa gawa kung talagang nagsisisi ang isang tao. Sa ibang salita, makikita sa mga ikinikilos niya na talagang nagbago ang kaisipan o saloobin niya.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8; Luc 3:8 at Glosari, “Pagsisisi.”
Kristiyano: Tingnan ang study note sa Gaw 11:26.
kay Cesar: O “sa Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Nero. Namahala siya noong 54 hanggang 68 C.E., kung kailan nagpakamatay siya noong mga 31 taóng gulang siya. Kapag binabanggit ang “Cesar” sa Gawa kabanata 25 hanggang 28, si Nero ang tinutukoy nito.—Tingnan ang study note sa Mat 22:17; Gaw 17:7 at Glosari, “Cesar.”