Mga Gawa ng mga Apostol 4:1-37
Talababa
Study Notes
ang dalawa: Lit., “sila,” sina Pedro at Juan.
kapitan ng templo: Binanggit din sa Gaw 5:24, 26. Mula noong unang siglo C.E., ang posisyong ito ay ibinibigay sa isang saserdote na pumapangalawa sa mataas na saserdote. Ang kapitan ng templo ang nangangasiwa sa mga saserdoteng naglilingkod sa templo. Pinangungunahan niya rin ang mga Levitang bantay sa templo para mapanatili ang kapayapaan sa templo at sa paligid nito. Ang mga kapitan na pinangangasiwaan niya ay nangunguna sa mga Levita na nagbubukas ng pintuang-daan ng templo sa umaga at nagsasara nito sa gabi. Binabantayan nila ang kabang-yaman ng templo, sinisiguradong hindi magkakagulo ang mga tao, at tinitiyak na walang makakapasok sa mga lugar na ipinagbabawal. May 24 na pangkat ng mga Levita. Bawat pangkat ay naglilingkod nang isang linggo, dalawang beses sa isang taon, at malamang na may kapitan sila na nasa ilalim ng pangangasiwa ng kapitan ng templo. Maimpluwensiya ang mga kapitan ng templo. Binanggit silang kasama ng mga punong saserdote na nagsabuwatan para ipapatay si Jesus. Noong gabing tinraidor si Jesus, dumating sila kasama ang mga tauhan nila para arestuhin siya.—Luc 22:4 (tingnan ang study note), 52.
matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
Anas na punong saserdote: Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio noong mga 6 o 7 C.E., at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:2.) Sa Ju 18:13, 19, tinukoy si Anas bilang “punong saserdote.” Ang salitang Griego na ginamit dito, ar·khi·e·reusʹ, ay puwedeng tumukoy sa kasalukuyang mataas na saserdote at sa isang prominenteng saserdote, gaya ng isa na dating naglilingkod bilang mataas na saserdote.—Tingnan sa Glosari, “Punong saserdote.”
Caifas: Ang mataas na saserdoteng ito, na inatasan ng mga Romano, ay isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas mahaba kaysa sa mga nauna sa kaniya. Itinalaga siya noong mga 18 C.E. at nanatili sa puwesto hanggang mga 36 C.E. Nilitis niya si Jesus, at pagkatapos ay ibinigay niya si Jesus kay Pilato. (Mat 26:3, 57; Ju 11:49; 18:13, 14, 24, 28) Dito lang binanggit ang pangalan niya sa aklat ng Gawa. Sa ibang teksto sa Gawa, tinukoy siya bilang “mataas na saserdote.”—Gaw 5:17, 21, 27; 7:1; 9:1.
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
ipinako ninyo sa tulos: O “ibinitin ninyo sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
pangunahing batong-panulok: Tingnan ang study note sa Mat 21:42.
katapangan: O “pagkatahasan.” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay isinalin ding “kalayaan sa pagsasalita; nagtitiwala.” (Gaw 28:31; 1Ju 5:14) Ang pangngalang ito at ang kaugnay na pandiwang par·re·si·aʹzo·mai, na isinasaling “buong tapang (walang takot) na nagsasalita,” ay lumitaw nang maraming beses sa aklat ng Gawa, at ipinapakita nito kung paano nangangaral ang mga Kristiyano noon.—Gaw 4:29, 31; 9:27, 28; 13:46; 14:3; 18:26; 19:8; 26:26.
hindi nakapag-aral: Ang terminong Griego na ginamit dito, a·gramʹma·tos, ay puwedeng mangahulugang “hindi marunong magbasa at magsulat.” Pero sa kontekstong ito, malamang na tumutukoy ito sa mga taong hindi nakapag-aral sa paaralan ng mga rabbi. Lumilitaw na nakakapagbasa at nakakapagsulat ang karamihan sa mga Judio noong unang siglo, at ang isang dahilan ay maraming nagtuturo noon sa mga sinagoga. Pero gaya ni Jesus, hindi nakapag-aral sina Pedro at Juan sa paaralan ng mga rabbi. (Ihambing ang Ju 7:15.) Para sa mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus, sa mga paaralang ito lang makakakuha ng edukasyon tungkol sa relihiyon. Naniniwala ang mga Saduceo at mga Pariseo na hindi kuwalipikado sina Pedro at Juan na ituro o ipaliwanag ang Kautusan sa mga tao. Isa pa, ang dalawang alagad na ito ay parehong galing sa Galilea, kung saan karamihan sa mga tao ay magsasaka, pastol, at mangingisda. Lumilitaw na mababa ang tingin ng mga lider ng relihiyon at ng iba pa sa Jerusalem at Judea sa mga taga-Galilea, at ang tingin nila kina Pedro at Juan ay “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.” (Ju 7:45-52; Gaw 2:7) Pero hindi ganoon ang tingin sa kanila ng Diyos. (1Co 1:26-29; 2Co 3:5, 6; San 2:5) Bago mamatay si Jesus, tinuruan at sinanay niyang mabuti sina Pedro at Juan at ang iba pang alagad. (Mat 10:1-42; Mar 6:7-13; Luc 8:1; 9:1-5; 10:1-42; 11:52) Nang buhayin siyang muli, patuloy niyang tinuruan ang mga alagad niya sa pamamagitan ng banal na espiritu.—Ju 14:26; 16:13; 1Ju 2:27.
bulwagan ng Sanedrin: O “Sanedrin.”—Tingnan ang study note sa Luc 22:66.
himala: O “tanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, se·meiʹon, na madalas isaling “tanda,” ay tumutukoy sa isang kamangha-manghang pangyayari na nagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos.
Kataas-taasang Panginoon: O “Soberanong Panginoon.” Ang salitang Griego na de·spoʹtes ay pangunahin nang nangangahulugang “panginoon; may-ari.” (1Ti 6:1; Tit 2:9; 1Pe 2:18) Kapag ginagamit ito sa pakikipag-usap sa Diyos, gaya dito at sa Luc 2:29 at Apo 6:10, isinasalin itong “Kataas-taasang Panginoon” para itanghal ang kaniyang pagiging Panginoon. Sa ibang salin, ginagamit ang mga terminong “Panginoon,” “Kataas-taasan,” o “Tagapamahala (Panginoon) ng lahat.” Sa ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo, ginamit ang terminong Hebreo na ʼAdho·naiʹ (Kataas-taasang Panginoon), pero may isang salin, o posibleng higit pa, na gumamit dito ng Tetragrammaton.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 2:2, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
kaniyang pinili: Lit., “kaniyang pinahiran.” O “kaniyang Kristo; kaniyang Mesiyas.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay Khri·stosʹ, na pinagmulan ng titulong “Kristo.” Sa Aw 2:2, na sinipi rito, ginamit ang katumbas na terminong Hebreo na ma·shiʹach (pinahiran). Sa terminong ito galing ang titulong “Mesiyas.”—Tingnan ang study note sa Luc 2:26; Ju 1:41; Gaw 4:27.
iyong pinili: Lit., “iyong pinahiran.” O “ginawa mong Kristo (Mesiyas).” Ang titulong Khri·stosʹ (Kristo) ay galing sa pandiwang Griego na khriʹo, na ginamit dito. Literal itong tumutukoy sa pagbubuhos ng langis sa isang tao. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging makasagisag ang pagkakagamit dito at iniuugnay sa kabanalan—ibinubukod ng Diyos ang isang tao para sa isang espesyal na atas na gagampanan niya sa patnubay ng Diyos. Lumitaw rin ang pandiwang Griego na ito sa Luc 4:18; Gaw 10:38; 2Co 1:21; at Heb 1:9. Ang a·leiʹpho ay isa pang salitang Griego na tumutukoy sa paglalagay sa katawan ng literal na langis o iba pang pamahid—may ipinampapahid pagkatapos maglinis ng katawan, ginagamit bilang gamot, o inilalagay sa bangkay para ihanda ito sa paglilibing.—Mat 6:17; Mar 6:13; 16:1; Luc 7:38, 46; San 5:14.
Jehova: Ang pananalitang ito ay bahagi ng panalangin sa “Kataas-taasang Panginoon” (Gaw 4:24b), na salin para sa salitang Griego na de·spoʹtes, na ginamit din sa pagtawag sa Diyos sa panalangin na nakaulat sa Luc 2:29. Sa panalanging ito sa Gawa, tinawag si Jesus na “iyong banal na lingkod.” (Gaw 4:27, 30) Sinipi ng mga alagad sa panalangin nila ang Aw 2:1, 2, kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Gaw 4:26.) Gayundin, sa pakiusap nila kay Jehova na bigyang-pansin . . . ang mga banta nila [ng Sanedrin], gumamit sila ng mga terminong kahawig ng mga ginamit sa mga panalanging nakaulat sa Hebreong Kasulatan, gaya ng sa 2Ha 19:16, 19 at Isa 37:17, 20, kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 4:29.
kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
magsumamo: O “manalangin nang marubdob.” Ang pandiwang Griego na deʹo·mai ay tumutukoy sa marubdob na pananalangin na may kasamang masidhing damdamin. Ang kaugnay na pangngalang deʹe·sis, na isinasaling “pagsusumamo,” ay nangangahulugang “mapagpakumbaba at marubdob na pakiusap.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang ito ay ginagamit lang sa pakikipag-usap sa Diyos. Kahit si Jesus ay ‘nagsumamo at nakiusap nang may paghiyaw at mga luha sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan.’ (Heb 5:7) Sa Griego, ginamit dito ang anyong pangmaramihan para sa ‘pagsusumamo,’ na nagpapakitang hindi lang isang beses nakiusap si Jesus kay Jehova. Halimbawa, sa hardin ng Getsemani, nanalangin si Jesus nang marubdob at paulit-ulit.—Mat 26:36-44; Luc 22:32.
salita ng Diyos: Maraming beses na lumitaw ang ekspresyong ito sa aklat ng Gawa. (Gaw 6:2, 7; 8:14; 11:1; 13:5, 7, 46; 17:13; 18:11) Dito, ang terminong “salita ng Diyos” ay tumutukoy sa mensaheng ipinapangaral ng mga Kristiyano na nagmula sa Diyos na Jehova at tungkol sa mahalagang papel ni Jesu-Kristo sa pagtupad sa layunin ng Diyos.
nagkakaisa ang puso at isip: Lit., “iisa ang puso at kaluluwa.” Tumutukoy ito sa pagkakaisa ng lahat ng mánanampalatayá. Sa Fil 1:27, may kahawig na ekspresyong ginamit na isinaling “nagkakaisa” at puwede ring isaling “may iisang layunin” o “bilang iisang tao.” Sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang ekspresyong “iisa ang (iisang) puso” sa 1Cr 12:38, tlb., at sa 2Cr 30:12, tlb., para ipakita na iisa ang gusto ng mga tao at nagkakaisa sila sa pagkilos. Gayundin, ang ekspresyong “puso” at “kaluluwa” ay madalas banggiting magkasama para tumukoy sa buong panloob na pagkatao. (Deu 4:29; 6:5; 10:12; 11:13; 26:16; 30:2, 6, 10) Ganito rin ang pagkakagamit ng pariralang Griego sa tekstong ito, at puwede itong isaling “lubusan silang nagkakaisa sa pag-iisip at layunin.” Kaayon ito ng panalangin ni Jesus na magkaisa ang mga tagasunod niya kahit magkakaiba ang pinagmulan nila.—Ju 17:21.
Anak ng: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao. Halimbawa, sa Deu 3:18, ang literal na salin para sa “matatapang na lalaki,” o matatapang na mandirigma, ay “mga anak ng abilidad.” Sa Job 1:3, ang literal na salin para sa ekspresyong “taga-Silangan” ay “anak ng Silangan.” Ang ekspresyong ‘walang-kuwentang tao’ sa 1Sa 25:17 ay “anak ng belial” sa literal, o “anak ng kawalang-kabuluhan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang mga ekspresyong “anak ng Kataas-taasan,” “anak ng liwanag at anak ng araw,” at “anak ng pagsuway” para tumukoy sa mga taong tumatahak sa isang partikular na landasin o kilalá sa isang partikular na katangian.—Luc 6:35; 1Te 5:5; Efe 2:2, tlb.
Anak ng Kaaliwan: O “Anak ng Pampatibay.” Salin ng apelyidong Bernabe, na ibinigay sa isang alagad na nagngangalang Jose. Maraming Judio ang may pangalang Jose, kaya posibleng pinangalanan siya ng mga apostol na Bernabe para madali siyang matukoy. (Ihambing ang Gaw 1:23.) Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Anak ng sa talatang ito, ginagamit kung minsan ang ekspresyong ito para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian. Maliwanag na ipinapakita ng apelyidong Anak ng Kaaliwan ang nangingibabaw na katangian ni Jose—ang pagpapatibay at pang-aaliw sa iba. Iniulat ni Lucas na nang isugo si Jose (Bernabe) sa kongregasyon ng Antioquia ng Sirya, “pinatibay” niya ang mga kapananampalataya niya. (Gaw 11:22, 23) Ang pandiwang Griego na isinaling “pinatibay” (pa·ra·ka·leʹo) ay kaugnay ng salitang Griego para sa “Kaaliwan” (pa·raʹkle·sis) na ginamit sa Gaw 4:36.—Tingnan ang study note sa Anak ng sa talatang ito.