Mga Gawa ng mga Apostol 5:1-42

5  May mag-asawa na nagbenta rin ng pag-aari nila. Ang lalaki ay si Ananias at ang babae ay si Sapira. 2  Pero itinago ni Ananias ang isang bahagi ng napagbentahan, at alam ito ng asawa niya. Saka niya dinala sa mga apostol ang natirang halaga.+ 3  Pero sinabi ni Pedro: “Ananias, bakit mo hinayaan si Satanas na palakasin ang loob mo na magsinungaling+ sa banal na espiritu+ at lihim na ipagkait ang isang bahagi ng halaga ng bukid? 4  Bago mo ibenta ang lupa, hindi ba pag-aari mo iyon? At nang maibenta mo na iyon, hindi ba magagamit mo ang pera sa anumang paraang gusto mo? Kaya bakit naisip mong gawin ito? Sa Diyos ka nagsinungaling, hindi sa tao.” 5  Pagkarinig nito, nabuwal si Ananias at namatay. Takot na takot ang lahat ng nakabalita sa nangyari. 6  At tumayo ang mga nakababatang lalaki, binalot siya ng tela, binuhat palabas, at inilibing. 7  Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa niya, at hindi nito alam ang nangyari. 8  Sinabi ni Pedro: “Sabihin mo sa akin, ipinagbili ba ninyo ang bukid sa ganitong halaga?” Sumagot siya: “Oo, sa ganiyang halaga.” 9  Kaya sinabi ni Pedro: “Bakit nagkasundo kayong dalawa na subukin ang espiritu ni Jehova? Papasók na sa pinto ang mga naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka nila palabas.” 10  Agad itong nabuwal sa harap ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nakita nila itong patay kaya binuhat nila ito palabas at inilibing sa tabi ng asawa nito. 11  Takot na takot ang buong kongregasyon at ang lahat ng nakabalita sa nangyari. 12  Bukod diyan, sa pamamagitan ng mga apostol, maraming tanda at kamangha-manghang bagay ang patuloy na nagaganap sa gitna ng mga tao;+ at silang lahat ay nagtitipon-tipon sa Kolonada* ni Solomon.+ 13  Ang totoo, ang iba* ay walang lakas ng loob na sumama sa kanila; pero pinupuri sila ng mga tao. 14  Isa pa, patuloy na dumarami ang nananampalataya sa Panginoon, at napakaraming lalaki at babae ang nagiging alagad.+ 15  Inilalabas pa nga nila sa malalapad na daan ang mga maysakit at inihihiga sa maliliit na kama at sapin, para kapag dumaan si Pedro, mahagip man lang ng anino niya ang mga ito.+ 16  Gayundin, marami mula sa mga lunsod sa palibot ng Jerusalem ang pumupunta rito dala ang mga maysakit at sinasapian ng masasamang* espiritu, at gumagaling silang lahat. 17  Pero inggit na inggit ang mataas na saserdote at ang lahat ng kasama niya, na mga miyembro ng sekta ng mga Saduceo,+ kaya kumilos sila. 18  Hinuli nila ang mga apostol at ibinilanggo.+ 19  Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ni Jehova ang mga pinto ng bilangguan,+ inilabas sila, at sinabi: 20  “Pumunta kayo sa templo, at patuloy ninyong sabihin sa mga tao ang lahat ng pananalita tungkol sa buhay.”* 21  Pagkarinig nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway* at nagsimulang magturo. Nang dumating ang mataas na saserdote at ang mga kasama niya, tinipon nila ang Sanedrin at ang lahat ng matatandang lalaki sa bayang Israel, at ipinasundo nila sa bilangguan ang mga apostol. 22  Pero pagdating doon ng mga guwardiya, wala na sa bilangguan ang mga ito. Kaya bumalik sila 23  at nagsabi: “Nakakandadong mabuti ang bilangguan at nakatayo sa pinto ang mga bantay, pero pagbukas namin, walang tao sa loob.” 24  Nang marinig ito ng kapitan ng templo at ng mga punong saserdote, litong-lito sila at iniisip nila kung ano ang puwedeng maging resulta nito. 25  Pero may dumating at nagsabi: “Nasa templo ang mga lalaking ibinilanggo ninyo at nagtuturo sa mga tao!” 26  Kaya umalis ang kapitan kasama ang mga guwardiya niya para hulihin ang mga apostol, pero hindi sila gumamit ng dahas dahil sa takot na batuhin sila ng mga tao.+ 27  Kaya dinala nila ang mga ito at pinatayo sa harap ng Sanedrin. Tinanong ng mataas na saserdote ang mga apostol 28  at sinabi: “Mahigpit namin kayong pinagbawalan na magturo tungkol sa pangalang ito.+ Pero pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo! At gusto talaga ninyong isisi sa amin ang pagkamatay ng taong ito.”+ 29  Sumagot si Pedro at ang iba pang apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.+ 30  Ang Diyos ng ating mga ninuno ang bumuhay-muli kay Jesus, na pinatay ninyo at ipinako* sa tulos.+ 31  Itinaas siya ng Diyos sa Kaniyang kanan+ bilang Punong Kinatawan+ at Tagapagligtas,+ para makapagsisi ang Israel at mapatawad sa mga kasalanan nila.+ 32  At mga saksi kami rito,+ gayundin ang banal na espiritu,+ na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala nila.” 33  Pagkarinig nito, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol.+ 34  Pero tumayo sa Sanedrin ang Pariseong si Gamaliel;+ siya ay isang guro ng Kautusan at iginagalang ng lahat. Iniutos niyang ilabas muna sandali ang mga apostol. 35  Pagkatapos, sinabi niya: “Mga lalaki ng Israel, pag-isipan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong ito. 36  Tingnan ninyo ang nangyari noon kay Teudas na nagsasabing dakila siya; mga 400 lalaki ang sumama sa grupo niya. Pero pinatay siya, at nagkawatak-watak ang lahat ng tagasunod niya, at nauwi sila sa wala. 37  Pagkatapos, noong mga araw ng pagpaparehistro, lumitaw naman si Hudas na taga-Galilea, at nakahikayat din siya ng mga tagasunod. Pero namatay rin ang taong iyon, at nangalat ang lahat ng tagasunod niya. 38  Dahil diyan, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; pabayaan ninyo sila. Dahil kung galing lang sa tao ang turo o gawain nila, hindi ito magtatagumpay; 39  pero kung galing ito sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak.+ At baka ang Diyos pa nga ang maging kalaban ninyo.”+ 40  Kaya nakinig sila sa payo niya, at ipinatawag nila ang mga apostol, pinagpapalo ang mga ito,+ inutusang huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus, at saka pinaalis. 41  Kaya ang mga apostol ay umalis sa harap ng Sanedrin nang masayang-masaya+ dahil sa karangalang magdusa* alang-alang sa pangalan niya. 42  At araw-araw sa templo at sa bahay-bahay,+ walang pagod silang nagpatuloy sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.+

Talababa

Pasilyong may hanay ng mga haligi.
Mga may masamang motibo.
Lit., “maruruming.”
Lit., “buhay na ito.”
O “nang papaliwanag na.”
Lit., “ibinitin.”
O “mawalang-dangal.”

Study Notes

palakasin ang loob mo: Lit., “punuin ang puso mo.” Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego ay nangangahulugang “hamunin na gawin ang isang bagay; palakasin ang loob.” Posibleng galing ito sa idyomang Hebreo na may ganiyan ding kahulugan. Halimbawa, sa Es 7:5, ang pariralang Hebreo na “napuno ang puso” ay isinaling “nangahas,” at sa Ec 8:11, ang idyomang ito ay isinaling “lumalakas ang loob . . . na gumawa ng masama.”

espiritu ni Jehova: Ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa Huk 3:10; 6:34; 11:29; 13:25; 14:6; 15:14; 1Sa 10:6; 16:13; 2Sa 23:2; 1Ha 18:12; 2Ha 2:16; 2Cr 20:14; Isa 11:2; 40:13; 63:14; Eze 11:5; Mik 3:8.) Ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” ay mababasa sa Luc 4:18 na sumipi mula sa Isa 61:1. Dito at sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan kung saan ito lumitaw, ginamit sa orihinal na tekstong Hebreo ang Tetragrammaton kasama ng salitang “espiritu.” Para sa paliwanag kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” sa mismong teksto ng Gaw 5:9, kahit na ang ginamit sa natitirang mga kopya ng manuskritong Griego ay “espiritu ng Panginoon,” tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:9.

kongregasyon: Ito ang unang paglitaw ng terminong Griego na ek·kle·siʹa sa aklat ng Gawa. Mula ito sa dalawang salitang Griego na ek, na nangangahulugang “labas,” at ka·leʹo, na nangangahulugang “tawagin.” Tumutukoy ito sa grupo ng mga tao na tinawag at tinipon para sa isang layunin o gawain, kaya angkop ang terminong ito sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. (Tingnan sa Glosari.) Ang salitang ek·kle·siʹa ay ginamit sa Mat 16:18 (tingnan ang study note), kung saan inihula ni Jesus ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano. Sila ay mga buháy na bato na “itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” (1Pe 2:4, 5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong ito ay hindi lang tumutukoy sa lahat ng pinahirang Kristiyano, kundi pati sa lahat ng Kristiyanong nakatira sa isang lugar o sa mga Kristiyanong miyembro ng isang partikular na kongregasyon. Batay sa konteksto ng Gaw 5:11, ang terminong ito ay tumutukoy sa kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Gaw 7:38.

kamangha-manghang bagay: O “himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.

anghel ni Jehova: Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito, at ang unang paglitaw nito ay sa Gen 16:7. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “anghel” at ng Tetragrammaton. Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 3:5, 6 ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa letrang Hebreo. Ang kopyang ito, na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “anghel ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “anghel ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 5:19 sa natitirang mga manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:19.

lahat ng matatandang lalaki: O “buong sanggunian (lupon) ng matatandang lalaki.” Ang salitang Griego na ginamit dito, ge·rou·siʹa, ay kaugnay ng terminong geʹron na ginamit sa Ju 3:4 para tumukoy sa isang may-edad. Ang mga terminong ito ay parehong isang beses lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinapalagay ng ilan na ang “lahat ng matatandang lalaki” ay tumutukoy rin sa Sanedrin, ang mataas na hukumang Judio sa Jerusalem na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. (Tingnan ang study note sa Luc 22:66.) Pero sa kontekstong ito, ang mga ekspresyong “Sanedrin” at “lahat ng matatandang lalaki” ay lumilitaw na tumutukoy sa magkaibang grupo. Gayunman, posibleng ang ilan sa “matatandang lalaki” ay miyembro din ng Sanedrin o tagapayo nito.

bayang Israel: O “mga Israelita.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”

kapitan ng templo: Tingnan ang study note sa Gaw 4:1.

tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.

Punong Kinatawan: Ang terminong Griego na ginamit dito (ar·khe·gosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider; nangunguna.” Apat na beses itong ginamit sa Bibliya, at lagi itong tumutukoy kay Jesus. (Gaw 3:15; 5:31; Heb 2:10; 12:2) Dito, ginamit ito kasama ng titulong “Tagapagligtas.”—Tingnan ang study note sa Gaw 3:15.

galit na galit sila: O “para silang sinugatan.” Ang ekspresyong Griego na ito ay dito lang lumitaw at sa Gaw 7:54. Literal itong nangangahulugang “lagariin,” pero makasagisag ang pagkakagamit nito sa parehong teksto—inilalarawan nito ang isang matinding damdamin.

Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 22:3. Ipinapalagay na siya si Gamaliel na Nakatatanda, gaya ng tawag sa kaniya sa sekular na mga akda. Si Gamaliel ay apo, o posibleng anak, ni Hilel na Nakatatanda, na kinikilalang bumuo ng mas liberal na pilosopiyang pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Mataas ang paggalang ng mga tao kay Gamaliel, at sinasabing sa kaniya unang ginamit ang espesyal na titulong “Rabban.” Kaya malaki ang impluwensiya niya sa lipunan ng mga Judio noong panahon niya; marami siyang sinanay na Pariseo, gaya ni Saul ng Tarso. (Gaw 22:3; 23:6; 26:4, 5; Gal 1:13, 14) Kadalasan nang ang pananaw niya sa Kautusan at mga tradisyon ay mas makatuwiran kumpara sa iba. Halimbawa, sinasabing gumawa siya ng mga batas para protektahan ang mga asawang babae laban sa mapang-abusong mga asawang lalaki at ang mga biyuda laban sa pabayang mga anak. Sinasabi ring ipinaglalaban niya na dapat na pantay ang karapatan sa paghihimalay ng mahihirap na Judio at di-Judio. Kitang-kita ang lawak ng kaisipan ni Gamaliel sa paraan ng pakikitungo niya kay Pedro at sa iba pang apostol. (Gaw 5:35-39) Pero ipinapakita ng mga akda ng mga rabbi na mas mahalaga kay Gamaliel ang tradisyon ng mga rabbi kaysa sa Banal na Kasulatan. Kaya ang mga itinuturo niya sa kabuoan ay kahawig pa rin ng itinuturo ng karamihan sa mga ninuno niyang rabbi at mga lider ng relihiyon noong panahon niya.—Mat 15:3-9; 2Ti 3:16, 17; tingnan sa Glosari, “Pariseo”; “Sanedrin.”

pinagpapalo: O “binugbog.” Posibleng tumutukoy ito sa parusa sa mga Judio na “40 hampas na kulang ng isa.”—2Co 11:24; Deu 25:2, 3.

sa bahay-bahay: Ang ekspresyong ito ay salin ng pariralang Griego na katʼ oiʹkon, na sa literal ay “ayon sa bahay.” Maraming diksyunaryo at komentarista ang nagsasabing ang paggamit ng Griegong pang-ukol na ka·taʹ ay puwedeng mangahulugang nagpapalipat-lipat sila ng bahay. Halimbawa, sinabi ng isang diksyunaryo na ang pariralang ito ay nangangahulugang “mula sa isang bahay papunta sa isa pang bahay.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, Ikatlong Edisyon) Isa pang reperensiya ang nagsasabi na ipinapakita ng pang-ukol na ka·taʹ na “sa Gawa 2:46; 5:42: . . . nagpunta sila sa iba’t ibang bahay.” (Exegetical Dictionary of the New Testament, na inedit nina Horst Balz at Gerhard Schneider) Sinabi ng iskolar ng Bibliya na si R.C.H. Lenski: “Kahit minsan, hindi tumigil ang mga apostol sa gawaing ibinigay sa kanila ng Diyos. Ginagawa nila ito ‘araw-araw’ at nang hayagan ‘sa Templo,’ kung saan nakikita at naririnig sila ng Sanedrin at ng mga bantay sa Templo, at siyempre, κατ’ οἴκον, . . . ‘sa bahay-bahay,’ hindi lang . . . ‘sa isang bahay.’” (The Interpretation of the Acts of the Apostles, 1961) Sinusuportahan ng mga reperensiyang ito ang unawa na nangangaral ang mga alagad sa bahay-bahay. Ganito rin ang pagkakagamit ng ka·taʹ sa Luc 8:1, kung saan mababasa na nangaral si Jesus “sa mga lunsod at sa mga nayon.” Ang ganitong paraan ng pangangaral, ang pagpunta sa mismong bahay ng mga tao, ay nagkaroon ng magagandang resulta.—Gaw 6:7; ihambing ang Gaw 4:16, 17; 5:28.

paghahayag ng mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai, ay kaugnay ng pangngalang eu·ag·geʹli·on, “mabuting balita.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isang mahalagang bahagi ng mabuting balita ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus, at tungkol sa kaligtasan na magiging posible sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Sa aklat ng Gawa, maraming beses lumitaw ang pandiwang Griego na eu·ag·ge·liʹzo·mai, at idiniriin nito ang gawaing pangangaral.—Gaw 8:4, 12, 25, 35, 40; 10:36; 11:20; 13:32; 14:7, 15, 21; 15:35; 16:10; 17:18; tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14.

Media