Mga Gawa ng mga Apostol 6:1-15

6  Noong mga panahong iyon, nang dumarami ang mga alagad, ang mga Judiong nagsasalita ng Griego ay nagsimulang magreklamo laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, dahil ang mga biyuda sa kanila ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.+ 2  Kaya tinawag ng 12 apostol ang lahat ng alagad at sinabi: “Hindi tamang pabayaan namin ang salita ng Diyos para mamahagi ng pagkain sa mga mesa.+ 3  Kaya mga kapatid, pumili kayo ng pitong lalaki sa gitna ninyo na may mabuting reputasyon,+ puspos ng espiritu at karunungan,+ para maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito;+ 4  at kami ay patuloy na magbubuhos ng pansin sa pananalangin at pagtuturo ng salita.”+ 5  At nagustuhan ng lahat ang sinabi ng mga apostol, kaya pinili nila si Esteban, na puspos ng banal na espiritu+ at may matibay na pananampalataya, gayundin sina Felipe,+ Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas, na isang proselita mula sa Antioquia. 6  Dinala nila ang mga ito sa mga apostol, at pagkapanalangin, ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila.+ 7  Dahil dito, patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos+ at tuloy-tuloy ang pagdami ng alagad+ sa Jerusalem; marami ring saserdote ang nanampalataya.+ 8  At si Esteban, na talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan, ay nagsasagawa ng kamangha-manghang mga bagay at mga tanda sa gitna ng mga tao. 9  Pero may ilang lalaki na miyembro ng Sinagoga ng mga Pinalaya, kasama ang ilan mula sa Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia, na lumapit kay Esteban para makipagtalo. 10  Pero wala silang laban sa karunungan niya at sa espiritung gumagabay sa kaniya sa pagsasalita.+ 11  Kaya palihim nilang inudyukan ang mga lalaki na sabihin: “Narinig namin siyang namumusong* laban kay Moises at sa Diyos.”+ 12  At sinulsulan nila ang mga tao, matatandang lalaki, at mga eskriba, at sinunggaban siya ng mga ito at puwersahang dinala sa Sanedrin. 13  Nagharap din sila ng sinungaling na mga testigo, na nagsabi: “Ang taong ito ay hindi tumitigil sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at sa Kautusan.+ 14  Narinig naming sinabi niya: ‘Ibabagsak ni Jesus na Nazareno ang templo,+ at babaguhin niya ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises.’” 15  At habang nakatingin sa kaniya ang lahat ng nakaupo sa Sanedrin, nakita nilang parang anghel ang mukha niya.

Talababa

Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”

Study Notes

mga Judiong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Ang salitang Griego na Hel·le·ni·stesʹ ay hindi makikita sa mga literaturang Griego o Helenistikong Judio, pero batay sa konteksto at sa maraming diksyunaryo, tumutukoy ito sa “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Nang panahong iyon, lahat ng Kristiyano sa Jerusalem, pati na ang mga nagsasalita ng Griego, ay may dugong Judio o mga proselitang Judio. (Gaw 10:28, 35, 44-48) Ginamit ang ekspresyong “mga Judiong nagsasalita ng Griego” para maipakita ang kaibahan nila sa “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” (lit., “mga Hebreo”; anyong pangmaramihan ng salitang Griego na E·braiʹos). Kaya ang “mga Helenista” ay mga Judiong nagsasalita ng Griego na nagpunta sa Jerusalem galing sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma, at posibleng kasama diyan ang Decapolis. Ang karamihan naman sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo ay posibleng galing sa Judea at Galilea. Malamang na magkaiba ang kultura ng dalawang grupong ito ng mga Judiong Kristiyano.​—Tingnan ang study note sa Gaw 9:29.

mga Judiong nagsasalita ng Hebreo: Lit., “mga Hebreo.” Ang salitang Griego na E·braiʹos (nasa anyong pang-isahan) ay karaniwan nang tumutukoy sa isang Israelita, o isang Hebreo. (2Co 11:22; Fil 3:5) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa mga Judiong Kristiyano na nagsasalita ng Hebreo. Ginamit ang ekspresyong ito para ipakitang iba sila sa mga Judiong Kristiyano na nagsasalita ng Griego.​—Tingnan ang study note sa mga Judiong nagsasalita ng Griego sa talatang ito at ang study note sa Ju 5:2.

araw-araw na pamamahagi ng pagkain: O “araw-araw na paglilingkod (ministeryo).” Ang salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay karaniwang isinasaling “paglilingkod,” at sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paglalaan ng materyal na pangangailangan ng mahihirap na kapatid sa kongregasyon.​—Tingnan ang study note sa Gaw 6:2, kung saan ang kaugnay na pandiwang Griego na di·a·ko·neʹo ay isinaling “mamahagi ng pagkain”; tingnan din ang study note sa Luc 8:3.

tamang: Lit., “kalugod-lugod na.” Hindi kalugod-lugod sa Diyos o sa mga apostol na mapabayaan ang “pagtuturo ng salita” ng Diyos.​—Gaw 6:4.

mamahagi ng pagkain: O “maglingkod; maghain.” Dito, ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo ay tumutukoy sa isang uri ng paglilingkod sa kongregasyon, kung saan inilalaan ang materyal na pangangailangan ng mga kapatid na mahirap at karapat-dapat sa tulong.​—Tingnan ang study note sa Gaw 6:1, kung saan ang kaugnay na pangngalang di·a·ko·niʹa ay isinaling “pamamahagi ng pagkain”; tingnan din ang study note sa Luc 8:3.

pitong lalaki . . . na may mabuting reputasyon: O “pitong lalaki . . . na may mabuting ulat mula sa mga tao.” Ginamit dito ang anyong passive ng pandiwang Griego na mar·ty·reʹo (“magpatotoo”). Mga kuwalipikadong lalaki ang kailangan dito dahil malamang na hindi lang ito basta pagpapakain, kundi kasama na rin ang paghawak ng pera, pagbili ng suplay, at pag-iingat ng rekord. Masasabing ang mga lalaking ito ay puspos ng espiritu at karunungan, dahil nakikita sa pamumuhay nila na ginagabayan sila ng espiritu at karunungan ng Diyos. Napapaharap sila sa isang sensitibong isyu. May mga problema at di-pagkakaunawaan na sa kongregasyon noon, kaya kailangan ng mga lalaking makaranasan na mahusay magdesisyon, matalino, at may kaunawaan. Isa sa kanila si Esteban, at makikita sa pagtatanggol niya sa harap ng Sanedrin na talagang kuwalipikado siya para dito.​—Gaw 7:2-53.

pagtuturo ng salita: Lit., “ministeryo ng salita.” Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “ministeryo” (di·a·ko·niʹa) ay ginamit din sa Gaw 6:1 at 6:4. Kaya maliwanag na dalawang uri ng ministeryo ang tinutukoy dito—ang patas na pamamahagi ng pagkain sa mga nangangailangan at ang paglalaan ng espirituwal na pagkain mula sa Salita ng Diyos. Nakita ng mga apostol na hindi tamang ibuhos nila ang kanilang oras sa pamamahagi ng literal na pagkain, dahil ang pangunahing ministeryo nila ay ang espirituwal na pagpapakain sa kongregasyon, na nagagawa nila sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral, pagsasaliksik, pagtuturo, at pagpapastol. Alam nila na mahalagang bahagi ng ministeryong Kristiyano ang paglalaan ng materyal na pangangailangan ng mahihirap na biyuda sa kongregasyon. Nang maglaon, ipinasulat ni Jehova kay Santiago na para maging katanggap-tanggap ang pagsamba ng mga tao sa Diyos, dapat nilang “alagaan ang mga ulila at mga biyuda na nagdurusa.” (San 1:27) Pero alam ng mga apostol na ang pangunahing pananagutan nila ay ilaan ang espirituwal na pangangailangan ng lahat ng alagad, kasama na ang mga biyuda.

Esteban, . . . Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas: Ang pitong pangalang ito ay Griego, kaya posibleng sa lahat ng kuwalipikadong lalaki sa kongregasyon sa Jerusalem, ang pinili ng mga apostol ay mga Judiong nagsasalita ng Griego o mga proselita. Pero si Nicolas lang ang tinawag na proselita mula sa Antioquia, kaya posibleng siya lang ang di-Judio sa grupong ito. Ang iba pang Griegong pangalan na nabanggit ay karaniwan lang kahit sa likas na mga Judio. Ang mga lalaking ito ay malamang na pinili ng mga apostol, na nagsisilbing lupong tagapamahala noon, dahil iniisip nila ang nararamdaman ng mga Judiong nagsasalita ng Griego.​—Gaw 6:1-6.

Antioquia: Ang lunsod na ito, na unang nabanggit sa Bibliya sa talatang ito, ay matatagpuan mga 500 km (300 mi) sa hilaga ng Jerusalem. Ang Antioquia ay naging kabisera ng Romanong lalawigan ng Sirya noong 64 B.C.E. Pagdating ng unang siglo C.E., ito na ang ikatlo sa pinakamalaking lunsod sa Imperyo ng Roma, kasunod ng Roma at Alejandria. Napakaganda ng Antioquia ng Sirya at malaki ang impluwensiya nito sa politika, komersiyo, at kultura, pero kilalá rin ito sa bagsak na pamantayang moral. Malaki ang populasyon ng mga Judio sa Antioquia, at sinasabing nakatulong sila para maging proselita ang maraming nakatira doon na nagsasalita ng Griego. Isa sa mga naging proselita si Nicolas, at nang maglaon ay nakumberte siya sa Kristiyanismo. Isang taon na nagturo sa Antioquia sina Bernabe at apostol Pablo, at ito ang naging pinakatirahan ni Pablo noong magsimula siyang maglakbay bilang misyonero. Sa Antioquia “unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad [ni Kristo] sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.” (Tingnan ang mga study note sa Gaw 11:26.) Iba ito sa Antioquia sa Pisidia, na binanggit sa Gaw 13:14.​—Tingnan ang study note sa Gaw 13:14 at Ap. B13.

ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila: Sa Hebreong Kasulatan, iba-iba ang ibig sabihin ng pagpapatong ng kamay, at ginagawa ito sa tao o sa hayop. (Gen 48:14; Lev 16:21; 24:14) Kapag ginagawa ito sa isang tao, karaniwan nang nangangahulugan itong kinikilala siya o binibigyan ng isang espesyal na atas. (Bil 8:10) Halimbawa, ipinatong ni Moises ang kamay niya kay Josue para ipakitang ito ang hahalili sa kaniya. Kaya “naging marunong” si Josue, at mahusay niyang napangasiwaan ang Israel. (Deu 34:9) Dito sa Gaw 6:6, ipinatong ng mga apostol ang kamay nila sa mga lalaking binigyan nila ng awtoridad. Pero ginawa nila ito pagkapanalangin, na nagpapakitang nagpapagabay sila sa Diyos. Pagkatapos, ipinatong ng mga miyembro ng isang lupon ng matatanda ang kamay nila kay Timoteo para bigyan siya ng isang espesyal na atas. (1Ti 4:14) May awtoridad din si Timoteo na atasan ang iba sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya sa kanila, pero gagawin niya lang ito matapos na pag-isipang mabuti kung nakakaabot sila sa kuwalipikasyon.​—1Ti 5:22.

kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”​—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.

Sinagoga ng mga Pinalaya: Sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ang isang taong “pinalaya” ay tumutukoy sa alipin noon na malaya na. Sinasabing ang mga miyembro ng sinagogang ito ay mga pinalayang Judio na bihag noon ng Roma. Sinasabi naman ng iba na ang mga ito ay mga pinalayang alipin na naging mga proselitang Judio.

matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.

parang anghel ang mukha niya: Ang mga terminong Hebreo at Griego na parehong isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Dahil ang dalang mensahe ng mga anghel ay mula sa Diyos, kalmado sila at hindi natatakot. Alam kasi nila na sinusuportahan sila ng Diyos. Kaya ang mukha ni Esteban ay parang sa isang mensahero ng Diyos. Wala itong bakas ng pag-aalala. Kalmado siya, at makikita sa hitsura niya na nagtitiwala siyang tutulungan siya ni Jehova, “ang maluwalhating Diyos.”​—Gaw 7:2.

Media