Mga Gawa ng mga Apostol 7:1-60
Talababa
Study Notes
mataas na saserdote: Si Caifas.—Tingnan ang study note sa Gaw 4:6.
Umalis ka sa iyong lupain: Noong nagsasalita si Esteban sa harap ng Sanedrin, sinabi niya na natanggap ni Abraham ang utos na ito nang “ang maluwalhating Diyos ay nagpakita sa ninuno nating si Abraham habang nasa Mesopotamia siya, bago siya tumira sa Haran.” (Gaw 7:2) Si Abraham (dating tinatawag na Abram) ay unang tumira sa Caldeong lunsod ng Ur. Lumilitaw sa sinabi ni Esteban na dito unang ibinigay kay Abraham ang utos na umalis sa tirahan niya. (Gen 11:28, 29, 31; 15:7; 17:5; Ne 9:7) Kung pagbabatayan ang ulat sa Gen 11:31–12:3, para bang ibinigay ang utos na ito pagkamatay ng ama ni Abraham na si Tera, noong pansamantalang naninirahan si Abraham sa Haran. Pero kung pagsasamahin ang ulat na ito at ang sinabi ni Esteban, makatuwirang isipin na ibinigay ni Jehova kay Abraham ang utos na ito noong nakatira pa siya sa Ur at inulit lang ito ng Diyos noong nakatira na siya sa Haran.
ng Diyos: Lit., “Niya,” tumutukoy sa “maluwalhating Diyos” sa talata 2.
mga supling: Lit., “binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.
mga supling: Lit., “binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.
pahihirapan nang 400 taon: Sa Gen 15:13, na sinipi rito, sinabi ng Diyos kay Abram (Abraham) na aalipinin at pahihirapan nang 400 taon ang mga inapo niya. Natapos ito noong palayain ni Jehova ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto noong Nisan 14, 1513 B.C.E., kaya maliwanag na nagsimula ito noong 1913 B.C.E. Makikita sa kronolohiya ng Bibliya na noong taóng iyon, ang anak ni Abraham na si Isaac—na mga limang taóng gulang noon—ay sinimulang hamakin ni Ismael, na kapatid nito sa ama. Mga 19 na taon bago nito, ipinanganak si Ismael ng aliping Ehipsiyo ni Sarai (Sara) na si Hagar. Posibleng hinahamak ni Ismael ang nakababata niyang kapatid na si Isaac dahil ito ang tatanggap ng mana ng panganay kahit na si Ismael naman ang unang ipinanganak. (Gen 16:1-4; 21:8-10) Nang maglaon, tinawag ni Pablo na pag-uusig ang ginawa ni Ismael kay Isaac. (Gal 4:29) Lumilitaw na napakatindi ng pag-uusig na ito kaya sang-ayon si Jehova sa gusto ni Sara na palayasin ni Abraham si Ismael at ang nanay niya. (Gen 21:11-13) Kaya si Isaac ang unang supling ni Abraham na dumanas ng inihulang pagpapahirap. Maliwanag na ang pangyayaring ito, na detalyadong iniulat sa Bibliya, ang simula ng inihulang 400-taóng pagpapahirap sa mga Israelita na nagtapos sa paglaya nila sa Ehipto.
maglilingkod: O “mag-uukol ng sagradong paglilingkod; sasamba.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod at sa ilang konteksto ay puwedeng isaling “sumamba.” Ang ikalawang bahagi ng talatang ito ay kahawig ng Exo 3:12, kung saan ang katumbas na pandiwang Hebreo ay puwedeng isaling “maglilingkod” o “sasamba.” (Exo 3:12; tlb.) Sa Bibliya, ang salitang Griego na la·treuʹo ay karaniwan nang tumutukoy sa paglilingkod sa Diyos o sa paglilingkod na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya (Mat 4:10; Luc 1:74; 2:37; 4:8; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), gaya ng paglilingkod sa templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10). Sa ilang pagkakataon, tumutukoy ito sa huwad na pagsamba—paglilingkod, o pagsamba, sa mga nilalang.—Gaw 7:42; Ro 1:25.
at naging anak ni Isaac si Jacob: Sa tekstong Griego, hindi inulit sa talatang ito ang mga pandiwang “naging anak” at “tinuli.” Kaya posibleng ang tinutukoy sa huling bahagi ng talata ay alinman sa mga pandiwang ito o pareho. Kaya posible rin itong isalin na “at ginawa rin iyon [pagtutuli] ni Isaac kay Jacob, at ni Jacob sa 12 ulo ng angkan.”
ulo ng angkan: O “patriyarka.” Ang salitang Griego na pa·tri·arʹkhes ay apat na beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dito, tumutukoy ito sa 12 anak ni Jacob (Gen 35:23-26), at ginamit din ito para kina David (Gaw 2:29) at Abraham (Heb 7:4).
lahat-lahat ay 75: Posibleng hindi sumipi si Esteban ng partikular na teksto sa Hebreong Kasulatan nang sabihin niya na 75 lahat-lahat ang miyembro ng pamilya ni Jacob sa Ehipto. Hindi makikita ang bilang na ito sa tekstong Masoretiko ng Hebreong Kasulatan. Sinasabi sa Gen 46:26: “Ang lahat ng nagmula kay Jacob at sumama sa kaniya sa Ehipto, bukod pa sa mga asawa ng mga anak ni Jacob, ay 66.” Sinasabi naman sa talata 27: “Ang lahat ng miyembro ng sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay 70.” Dito, binilang ang sambahayan ni Jacob sa dalawang paraan. Sa unang bilang, lumilitaw na ang kasama lang ay ang mga kadugo ni Jacob. Sa ikalawang bilang naman, posibleng binanggit ang kabuoang bilang ng pumunta sa Ehipto. Sa Exo 1:5 at Deu 10:22, “70” rin ang binanggit na bilang ng miyembro ng sambahayan ni Jacob. Kaya lumilitaw na kasama sa bilang na binanggit ni Esteban ang iba pang kamag-anak ni Jacob. Sinasabi ng ilan na kasama rito ang mga anak at apo ng mga anak ni Jose na sina Manases at Efraim, na binanggit sa Gen 46:20 ng Septuagint. Sinasabi naman ng ilan na kasama rito ang mga manugang ni Jacob, na hindi isinama sa bilang na nasa Gen 46:26. Kaya posibleng ang “75” ay ang kabuoang bilang. Pero posible rin na may basehan ang bilang na ito sa mga kopya ng Hebreong Kasulatan na ginagamit noong unang siglo C.E. Matagal nang alam ng mga iskolar na “75” ang bilang na binanggit sa Gen 46:27 at Exo 1:5 sa Griegong Septuagint. Bukod diyan, nitong ika-20 siglo, dalawang piraso mula sa Dead Sea Scroll na naglalaman ng Exo 1:5 sa wikang Hebreo ang natagpuan, at “75” rin ang mababasa sa mga ito. Puwedeng nakuha ni Esteban ang bilang na binanggit niya sa alinman sa mga manuskritong iyon. Anuman ang tama sa mga ito, ipinapakita lang ng bilang na binanggit ni Esteban ang iba pang paraan ng pagbilang sa mga miyembro ng pamilya ni Jacob.
napakaganda: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “maganda sa Diyos.” Kahawig ito ng idyomang Semitiko na ginagamit para tumukoy sa sukdulang antas. Sa kontekstong ito, puwede itong tumukoy sa pagiging “napakaganda” at “maganda sa paningin ng Diyos.” (Ihambing ang Exo 2:2.) Sinasabi ng ilang iskolar na ang ekspresyong ito ay hindi lang tumutukoy sa panlabas na hitsura ng isang tao, kundi pati sa panloob na katangiang nakikita ng Diyos sa kaniya. Ganito rin ang istilong ginamit sa Jon 3:3, kung saan ayon sa literal na salin ng tekstong Hebreo, ang Nineve ay inilarawan bilang “isang lunsod na dakila sa Diyos,” na nangangahulugang ito ay “isang napakalaking lunsod.”—Para sa ibang halimbawa, tingnan ang Gen 23:6; tlb.; Aw 36:6; tlb.
itinuro kay Moises ang lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo: Maraming sinabi si Esteban sa harap ng Sanedrin tungkol sa kasaysayan ng mga Judio na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, si Esteban lang ang bumanggit ng tungkol sa edukasyong tinanggap ni Moises sa Ehipto. Para sa iba pang sinabi ni Esteban na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang study note sa Gaw 7:23, 30, 53.
Nang 40 taóng gulang na siya: Maraming sinabi si Esteban sa harap ng Sanedrin tungkol sa kasaysayan ng mga Judio na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sinabi ni Esteban na 40 taóng gulang si Moises noong tumakas ito mula sa Ehipto. Para sa iba pang sinabi ni Esteban na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang study note sa Gaw 7:22, 30, 53.
naisip: O “napagpasiyahan.” Lit., “pumasok sa puso.” Ang ekspresyong Griego na ito ay may kahawig na idyomang Hebreo.—Ihambing ang Isa 65:17; Jer 3:16.
mga anak ni Israel: O “bayang Israel; mga Israelita.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
40 taon: Hindi sinasabi ng Hebreong Kasulatan kung gaano katagal nanatili si Moises sa Midian. Pero may mga sinabi si Esteban tungkol sa kasaysayan ng mga Judio na hindi pa nakaulat noon sa Kasulatan. Sinabi niya na 40 taóng gulang si Moises nang tumakas ito papuntang Midian (Exo 2:11; Gaw 7:23) at na nanatili ito roon nang mga 40 taon. Kaya lumilitaw na naroon siya mula 1553 hanggang 1513 B.C.E. Ang sinabi ni Esteban ay kaayon ng ulat na 80 taóng gulang si Moises nang kausapin niya ang Paraon (Exo 7:7) at nang akayin niya ang bayan ng Israel palabas ng Ehipto. Kaayon din ito ng ulat na 120 taóng gulang si Moises nang mamatay siya pagkatapos ng 40-taóng pananatili sa ilang.—Deu 34:7; Gaw 7:36.
isang anghel: Ang tinutukoy dito ni Esteban ay ang ulat sa Exo 3:2, kung saan ang mababasa sa orihinal na tekstong Hebreo ay “anghel ni Jehova.” Ang mababasa sa Gaw 7:30 sa karamihan ng mga manuskritong Griego ay “isang anghel,” pero ang mababasa sa ilang manuskrito at sinaunang salin ay “isang anghel ng Panginoon [o, “ni Jehova”].” Sa maraming Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10-12, 14-17, 28 sa Ap. C4), ginamit ang Tetragrammaton sa talatang ito at ang mababasa ay “anghel ni Jehova.”
tinig ni Jehova: Ang tinutukoy dito ni Esteban (Gaw 7:30-33) ay ang ulat sa Exo 3:2-10. Sa talata 4, tinawag ni “Jehova” si Moises sa pamamagitan ng Kaniyang anghel, at sa talata 6, makikita ang pananalita ni “Jehova” na sinipi sa Gaw 7:32. Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang pariralang “tinig ni Jehova,” at kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “tinig” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa nito ay nasa Gen 3:8; Exo 15:26; Deu 5:25; 8:20; 15:5; 18:16; 26:14; 27:10; 28:1, 62; Jos 5:6; 1Sa 12:15; 1Ha 20:36; Aw 106:25; Isa 30:31; Jer 3:25; Dan 9:10; Zac 6:15.) Kapansin-pansin na nang lumitaw ang ekspresyong “tinig ni Jehova” sa Deu 26:14; 27:10; 28:1, 62 sa isang piraso ng Griegong Septuagint (sa koleksiyong Papyrus Fouad Inv. 266) na mula noong unang siglo B.C.E., nakasulat ang pangalan ng Diyos sa kuwadradong mga letrang Hebreo. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “tinig ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “tinig ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 7:31 sa natitirang mga manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 7:31.
Sinabi ni Jehova: Ang konteksto ng ulat na isinasalaysay ni Esteban ay nasa Exo 3:2-10, kung saan maliwanag na si Jehova ang nagsasalita sa pamamagitan ng Kaniyang anghel. Kahit na ang kalakhang bahagi ng talatang ito ay galing sa Exo 3:5, ang katumbas na panimulang parirala nito ay nasa Exo 3:7 sa orihinal na tekstong Hebreo, kung saan literal na mababasa: “At sinabi ni Jehova.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 7:33.
tagapagligtas: O “manunubos; tagapagpalaya.” Ang salitang Griego na ly·tro·tesʹ ay mula sa pandiwang ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; iligtas.” Kaugnay rin ito ng pangngalang lyʹtron, na nangangahulugang “pantubos.” (Tingnan ang study note sa Mat 20:28.) Ang pandiwa ay ginagamit para tumukoy sa paglaya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo (Luc 24:21; Tit 2:14, tlb.; 1Pe 1:18, tlb.), ang inihulang propeta na gaya ni Moises (Deu 18:15; Gaw 7:37). Kung paanong si Moises ang tagapagligtas ng mga Israelita mula sa Ehipto, si Jesu-Kristo naman ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang haing pantubos.
kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
sa loob ng 40 taon: Ang 40 taon na ito ay mula 1513 B.C.E., nang lumaya ang mga Israelita sa Ehipto, hanggang 1473 B.C.E., nang pumasok sila sa Lupang Pangako. Bago at sa loob ng 40 taóng iyon, nagsagawa si Moises ng kamangha-manghang mga bagay at mga tanda. Halimbawa, pagkabalik ni Moises sa Ehipto, gumawa muna siya ng mga tanda sa harap ng lahat ng matatandang lalaki sa Israel. (Exo 4:30, 31) Pagkatapos, bago sila umalis sa Ehipto, ginamit ng Diyos si Moises sa paggawa ng kamangha-manghang mga bagay at mga tanda sa harap ng Paraon at ng lahat ng Ehipsiyo. May papel din siyang ginampanan nang puksain ang Paraon at ang hukbo nito sa Dagat na Pula. (Exo 14:21-31; 15:4; Deu 11:2-4) Ang isa sa pinakakamangha-manghang tanda na naiuugnay kay Moises ay ang araw-araw na pagpapaulan ng manna sa ilang. Ang himalang ito ay nagpatuloy sa loob ng 40 taon hanggang sa makakain na sila ng bunga ng lupain ng Canaan, noong pasimula ng 1473 B.C.E.—Exo 16:35; Jos 5:10-12.
mga anak ni Israel: O “bayang Israel; mga Israelita.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
Diyos: Sa pagsiping ito sa Deu 18:15, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo, at ang mababasa ay “Diyos ninyong si Jehova.” Hindi kumpleto ang pagsipi ni Esteban; ginamit lang niya ang salita para sa “Diyos.” Sinipi rin ito ni Pedro sa Gaw 3:22, pero ang ginamit niya ay ang buong ekspresyon na “Diyos ninyong si Jehova.” (Tingnan ang study note sa Gaw 3:22.) May ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit dito ng pangalan ng Diyos at ang mababasa ay “Diyos ninyong si Jehova” (J7, 8, 10-17) o “Diyos na Jehova” (J28). (Tingnan ang Ap. C4.) May ilang manuskritong Griego na gumamit din ng ekspresyon na puwedeng isaling “Panginoong Diyos” o “Diyos na Jehova,” batay sa mga dahilang binanggit sa Ap. C. Pero “Diyos” lang ang mababasa sa karamihan ng mga manuskritong Griego at sinaunang salin.
kongregasyon sa ilang: Dito, ang mga Israelitang pinalabas mula sa Ehipto ay tinawag na “kongregasyon.” Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang Hebreo na qa·halʹ, na karaniwang isinasaling “kongregasyon” sa Bagong Sanlibutang Salin, ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “tipunin.” (Bil 20:8; Deu 4:10) Ang salitang ito ay karaniwang ginagamit sa mga Israelita para ipakita na isa silang organisadong grupo; tinatawag silang “kongregasyon ng Israel” (Lev 16:17; Jos 8:35; 1Ha 8:14), “kongregasyon ng tunay na Diyos” (Ne 13:1), at “kongregasyon ni Jehova” (Bil 20:4; Deu 23:2, 3; 1Cr 28:8; Mik 2:5). Sa Septuagint, ang salitang Hebreo na qa·halʹ ay madalas na tinutumbasan ng salitang Griego na ek·kle·siʹa (gaya sa Aw 22:22 [21:23, LXX]), ang ekspresyong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “kongregasyon.”—Tingnan ang study note sa Mat 16:18; Gaw 5:11.
tolda ng patotoo: O “tabernakulo ng patotoo.” Sa Septuagint, na posibleng nakaimpluwensiya sa paraan ng pagsulat ni Lucas sa talatang ito, ang ekspresyong ito ay ginamit para isalin ang terminong Hebreo para sa “tolda ng pagpupulong.” (Exo 27:21; 28:43; Bil 1:1) Noong nasa ilang ang mga Israelita, nasa toldang ito ang kaban ng tipan, na naglalaman ng “dalawang tapyas ng Patotoo.” Sa mga kontekstong ito, ang terminong “Patotoo” ay kadalasan nang tumutukoy sa Sampung Utos na nakasulat sa mga tapyas ng bato. (Exo 25:16, 21, 22; 31:18; 32:15) Ang terminong Hebreo para sa “patotoo” ay puwede ring isaling “paalala.” Ang kaban ay nagsilbing banal na taguan ng mga sagradong paalala o patotoo.—Tingnan sa Glosari, “Kaban ng tipan” at “Kabanal-banalan.”
parisang: O “disenyong.” Ang kahulugan ng salitang Griego na ginamit dito, tyʹpos, ay kapareho ng kahulugan ng tyʹpos sa Heb 8:5 at sa salin ng Septuagint sa Exo 25:40.
Josue: Ang lider ng Israel na nanguna sa mga Israelita papasók sa Lupang Pangako. (Deu 3:28; 31:7; Jos 1:1, 2) Ang pangalang Hebreo na Jehosua at ang pinaikling anyo nito na Josue ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Ginamit dito ni Lucas ang katumbas nito sa Griego, I·e·sousʹ. Ang pangalang ito sa Latin ay Jesus (Iesus). (Tingnan ang Ap. A4.) Karaniwan lang ang pangalang ito sa mga Judio noong panahon ng Bibliya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, apat na tao ang may Griegong pangalan na I·e·sousʹ: si Josue, na anak ni Nun at humalili kay Moises (Gaw 7:45; Heb 4:8); isang ninuno ni Jesu-Kristo (Luc 3:29); si Jesu-Kristo mismo (Mat 1:21); at isang Kristiyano, na kamanggagawa ni Pablo at lumilitaw na isang Judio (Col 4:11). Bukod sa mga makikita sa Bibliya, may iba pang binanggit si Josephus na ganito rin ang pangalan.
bahay na gawa ng mga kamay: O “lugar (bagay) na gawa ng mga kamay.” Ang salitang Griego na khei·ro·poiʹe·tos ay ginamit din sa Gaw 17:24 (“gawa ng tao”) at Heb 9:11, 24 (“gawa ng mga kamay”).
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 66:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Ang pariralang isinaling sabi ni Jehova ay katumbas ng unang bahagi ng Isa 66:1 (“Ito ang sinabi ni Jehova”) at ng parirala sa gitna ng sumunod na talata (“ang sabi ni Jehova”).—Isa 66:2; tingnan ang Ap. C.
mapagmatigas: Lit., “matigas ang leeg.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan pero ilang beses na lumitaw sa Septuagint para ipanumbas sa isang ekspresyong Hebreo na may kaparehong kahulugan.—Exo 33:3, 5, mga tlb.; 34:9, tlb.; Deu 9:6, tlb.; Kaw 29:1, tlb.
di-tuli ang mga puso at tainga: Ang ekspresyong ito na tumutukoy sa pagiging matigas ang ulo at di-masunurin ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan. (Lev 26:41, tlb.; Jer 9:25, 26; Eze 44:7, 9) Sa Jer 6:10 (tlb.), ang pariralang “di-tuli ang mga tainga nila” ay isinaling “sarado ang mga tainga nila.” Kaya ang mga pusong manhid at taingang di-nakikinig sa tagubilin ng Diyos ay sinasabing di-tuli.
dinala ng mga anghel: May mga sinabi si Esteban sa harap ng Sanedrin tungkol sa kasaysayan ng mga Judio na hindi nakaulat sa Hebreong Kasulatan. Ang isang halimbawa ay ang papel ng mga anghel sa pagbibigay ng Kautusang Mosaiko. (Gal 3:19; Heb 2:1, 2) Para sa iba pang sinabi ni Esteban na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang study note sa Gaw 7:22, 23, 30.
galit na galit sila sa kaniya: O “para niya silang sinugatan.” Ang ekspresyong Griego na ito ay dito lang lumitaw at sa Gaw 5:33. Literal itong nangangahulugang “lagariin,” pero makasagisag ang pagkakagamit nito sa parehong teksto—inilalarawan nito ang isang matinding damdamin.
nagngalit ang mga ngipin nila: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, o galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi. Sa kontekstong ito, maliwanag na tumutukoy ito sa matinding galit.—Job 16:9; tingnan ang study note sa Mat 8:12.
Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos: Si Esteban ang unang nagpatotoo na nakita niya si Jesus sa langit na nakatayo sa kanan ng Diyos, gaya ng inihula sa Aw 110:1. Ang kanang posisyon ay nagpapahiwatig na napakahalaga ng nakapuwesto roon. Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan (Ro 8:34; 1Pe 3:22) o pinapaboran siya nito.—Tingnan ang study note sa Mat 25:33; Mar 10:37; Luc 22:69.
Saul: Ibig sabihin, “Hiniling [sa Diyos]; Isinangguni [sa Diyos].” Si Saul, na kilalá rin sa Romanong pangalan na Pablo, ay “mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo.” (Fil 3:5) Ipinanganak na mamamayang Romano si Saul (Gaw 22:28), kaya makatuwiran lang isipin na kahit Judio ang mga magulang niya, binigyan siya ng mga ito ng Romanong pangalan na Paulo, o Pablo, na nangangahulugang “Munti; Maliit.” Malamang na pareho niyang ginagamit ang pangalang ito mula pagkabata. Maraming posibleng dahilan kung bakit siya pinangalanang Saul ng mga magulang niya. Mahalaga ang pangalang Saul sa mga Benjaminita dahil ang pinakaunang hari sa buong Israel, na isang Benjaminita, ay nagngangalang Saul. (1Sa 9:2; 10:1; Gaw 13:21) O posibleng pinangalanan siyang Saul dahil sa kahulugan nito. Posible ring ang pangalan ng tatay niya ay Saul, at kaugalian noon na isunod ang pangalan ng anak sa pangalan ng ama. (Ihambing ang Luc 1:59.) Anuman ang dahilan, malamang na ginagamit niya ang Hebreong pangalan na Saul kapag kasama niya ang mga kapuwa niya Judio—lalo na noong nag-aaral pa siya para maging Pariseo at noong Pariseo na siya. (Gaw 22:3) At pagkatapos ng mahigit isang dekada mula nang maging Kristiyano siya, lumilitaw na kilala pa rin siya ng karamihan sa Hebreong pangalan niya.—Gaw 11:25, 30; 12:25; 13:1, 2, 9.
nagsumamo siya: “Panginoong Jesus”: Gaya ng binanggit sa talata 55 at 56, nakita ni Esteban sa isang pangitain na “bukás ang langit at nakatayo sa kanan ng Diyos ang Anak ng tao.” Kaya maliwanag na alam ni Esteban na magkaiba si Jehova at si Jesus. Alam ni Esteban na binigyan ni Jehova si Jesus ng kapangyarihang bumuhay-muli. Kaya hindi na nakakapagtaka na kinausap ni Esteban si Jesus, na nakita niya sa pangitain, para hilinging ingatan ang “buhay” niya. (Ju 5:27-29) Tinawag ni Esteban si Jesus na “Panginoong Jesus [sa Griego, Kyʹri·e I·e·souʹ].” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Kyʹri·os ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, pero dito, maliwanag sa konteksto na ang Kyʹri·os ay tumutukoy kay Jesus. Ang salitang Griego na isinalin ditong “nagsumamo siya” ay iba sa salitang karaniwang ginagamit para sa “nanalangin” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pero ang salitang ito ay isinaling “nanalangin” sa maraming Bibliya, kaya nagmumukhang nanalangin si Esteban kay Jesus. Gayunman, sinasabi ng maaasahang mga reperensiya na ang salitang Griego na ginamit dito (e·pi·ka·leʹo) ay nangangahulugang “tumawag; magsumamo; umapela sa awtoridad,” at madalas itong isalin sa ganitong paraan. (Gaw 2:21; 9:14; Ro 10:13; 2Ti 2:22) Ito rin ang salitang ginamit sa pagsasalin sa sinabi ni Pablo: “Umaapela ako kay Cesar!” (Gaw 25:11) Kaya hindi makatuwirang isipin na nanalangin si Esteban kay Jesus. Nagsumamo lang siya kay Jesus dahil nakita niya ito sa pangitain.—Tingnan ang study note sa Gaw 7:60.
Jehova: Sa mga natitirang manuskritong Griego, “Panginoon” (Kyʹri·os) ang ginamit dito. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang titulong ito ay madalas na tumutukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Dito, maliwanag na tumutukoy ito sa Diyos na Jehova dahil sa sumusunod na mga dahilan: Inulit lang ni Esteban dito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama na nasa Luc 23:34: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.” Nang iulat ni Lucas sa Gaw 7:2-53 ang sinabi ni Esteban, tatlong beses niyang ginamit ang terminong Kyʹri·os. Ang tatlong paglitaw na iyon ay mula sa Hebreong Kasulatan at maliwanag na tumutukoy sa Diyos. (Tingnan ang study note sa Gaw 7:31, 33, 49.) Maraming komentarista at tagapagsalin ang naniniwala na sa mga kontekstong ito, ang Kyʹri·os ay tumutukoy kay Jehova. (Tingnan ang Ap. C.) Lumitaw rin ang terminong Kyʹri·os sa Gaw 7:59, pero doon, maliwanag na ang tinatawag ni Esteban ay ang “Panginoong Jesus.” Gayunman, hindi ibig sabihin nito na kay Jesus din tumutukoy ang Kyʹri·os sa Gaw 7:60, gaya ng sinasabi ng ilan. Ang mga sinabi ni Esteban sa talata 59 at talata 60 ay hindi magkarugtong. Nakatayo noong una si Esteban, kaya noong lumuhod siya sa harap ng mga kaaway niya, malamang na ginawa niya ito para manalangin kay Jehova. (Ihambing ang Luc 22:41; Gaw 9:40; 20:36; 21:5, kung saan ang pagluhod ay iniuugnay sa pananalangin sa Diyos.) Kaya lumilitaw na ang huling mga sinabi ni Esteban ay panalangin sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, si Jehova. Bukod diyan, sinasabi sa Gaw 7:56 na nakita ni Esteban na “bukás ang langit at nakatayo sa kanan ng Diyos ang Anak ng tao,” kaya makatuwirang isipin na kausap niya si Jesus sa talata 59 at si Jehova naman sa talata 60. Maraming Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17, 18, 22, 23 sa Ap. C4) ang gumamit ng Tetragrammaton sa talata 60, pero hindi ito ginamit sa talata 59 para ipanumbas sa ekspresyong “Panginoong Jesus.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 7:60.
namatay siya: Sa Kasulatan, ginagamit ang ekspresyong “natutulog” para tumukoy sa literal na pagtulog (Mat 28:13; Luc 22:45; Ju 11:12; Gaw 12:6) at sa pagtulog sa kamatayan (Ju 11:11; Gaw 7:60; tlb.; 13:36; tlb.; 1Co 7:39; tlb.; 15:6; tlb.; 1Co 15:51; 2Pe 3:4; tlb.). Kapag ginagamit ang mga ekspresyong ito may kaugnayan sa kamatayan, madalas gamitin ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang pananalitang “natulog sa kamatayan” o “namatay” para hindi malito ang mga mambabasa. Sa Kasulatan, ang terminong “natutulog” ay ginagamit sa makasagisag na paraan para tumukoy sa mga namatay dahil sa kasalanan at kamatayan na naipasa ni Adan.—Tingnan ang study note sa Mar 5:39; Ju 11:11.