Mga Gawa ng mga Apostol 9:1-43
Talababa
Study Notes
Saul: Tingnan ang study note sa Gaw 7:58.
mataas na saserdote: Si Caifas.—Tingnan ang study note sa Gaw 4:6.
liham: Noong unang siglo C.E., ginagamit ang mga liham mula sa mapagkakatiwalaang mga tao para ipakilala ang isang estranghero o makumpirma ang pagkakakilanlan o awtoridad niya. (Ro 16:1; 2Co 3:1-3) Ganiyan ang liham na tinutukoy ng mga Judio noon sa Roma. (Gaw 28:21) Ang mga liham na hiningi ni Saul sa mataas na saserdote at ibinigay sa mga sinagoga sa Damasco ay nagbigay ng awtoridad sa kaniya na pag-usigin ang mga Judiong Kristiyano sa lunsod na iyon. (Gaw 9:1, 2) Lumilitaw na sa mga liham na hiningi ni Saul, hinihilingan ang mga sinagoga sa Damasco na makipagtulungan sa kaniya sa pag-uusig sa mga Kristiyano.
Damasco: Ang Damasco ay makikita ngayon sa Syria at sinasabing isa sa pinakamatatandang lunsod sa mundo na tinitirhan pa rin mula nang itatag ito. Posibleng dumaan dito ang patriyarkang si Abraham noong naglalakbay siya patimog papuntang Canaan. At noon niya kinuha si Eliezer, na “taga-Damasco,” para maging lingkod sa kaniyang sambahayan. (Gen 15:2) Makalipas ang halos isang libong taon, nabanggit ulit sa Bibliya ang Damasco. (Tingnan sa Glosari, “Aram; Arameano.”) Nang panahong iyon, nakipagdigma ang mga Siryano (Arameano) sa Israel, at naging magkaaway ang dalawang bansang ito. (1Ha 11:23-25) Noong unang siglo, ang Damasco ay parte ng Romanong lalawigan ng Sirya. Noon, may mga sinagoga na at mga 20,000 Judio sa Damasco. Posibleng pinuntirya ni Saul ang mga Kristiyano sa Damasco dahil nasa sentro ito ng pangunahing mga ruta at natatakot siyang mabilis na kumalat ang turo ng mga Kristiyano mula sa lunsod na iyon.—Tingnan ang Ap. B13.
Daan: Sa aklat ng Gawa, tumutukoy ito sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay at sa kongregasyong Kristiyano noon. Posibleng galing ito sa sinabi ni Jesus sa Ju 14:6: “Ako ang daan.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay sinasabing miyembro ng “Daan,” dahil tinutularan nila ang paraan ng pamumuhay ni Jesus. (Gaw 19:9) Umikot ang buhay niya sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Para sa mga Kristiyano, ang ganitong paraan ng pamumuhay ay nakapokus din sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Mga ilang panahon pagkatapos ng 44 C.E. sa Antioquia ng Sirya, “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad [ni Jesus] sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.” (Gaw 11:26) Pero kahit tinatawag na sila noong mga Kristiyano, tinukoy pa rin ni Lucas ang kongregasyon bilang ang “Daan” o “Daang ito.”—Gaw 19:23; 22:4; 24:22; tingnan ang study note sa Gaw 18:25; 19:23.
may naririnig silang tinig: O “may naririnig silang tunog.” Ang terminong Griego na pho·neʹ ay puwedeng isaling “tunog” o “tinig,” depende sa gramatika. Lumitaw rin ang terminong ito sa Gaw 22:6-11 nang ilarawan ni Pablo ang karanasan niya sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Lumilitaw na tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita, di-gaya ni Pablo.—Gaw 26:14; tingnan ang study note sa Gaw 22:9.
lansangan na tinatawag na Tuwid: Ito lang ang lansangan na pinangalanan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinasabing ito ang pangunahing kalsada mula silangan pakanluran ng Damasco, na may napakaayos na sistema ng mga kalsada noong unang siglo C.E. Ang lansangan ay mga 1.5 km (1 mi) ang haba at 26 m (85 ft) ang lapad, kasama na ang daanan ng mga tao. Posible ring may mga nakahilerang poste sa lansangang ito. Sa ngayon, mayroon pa ring malaking kalsada sa dating lunsod na ito ng Roma at binabaybay nito ang sinaunang Via Recta, o Tuwid na Daan, ng Roma.
sa pangitain: Makikita ang pananalitang ito sa maraming sinaunang manuskrito.
arestuhin: O “ibilanggo.” Lit., “igapos” sa bilangguan.—Ihambing ang Col 4:3.
mga Israelita: O “bayang Israel.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
malaking basket: Dito, ginamit ni Lucas ang salitang Griego na sphy·risʹ, na ginamit din sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos para sa pitong basket na pinaglagyan ng mga tirang pagkain matapos pakainin ni Jesus ang 4,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mat 15:37.) Ang salitang ito ay tumutukoy sa isang malaking basket o kaíng. Nang sabihin ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto ang tungkol sa pagtakas niya, ginamit niya ang salitang Griego na sar·gaʹne, na tumutukoy sa isang basket na gawa sa hinabing lubid o tangkay. Parehong puwedeng gamitin para sa ganitong klase ng malaking basket ang dalawang terminong Griegong ito.—2Co 11:32, 33.
Malaya siyang nakakakilos: Lit., “Pumapasok siya at lumalabas.” Isa itong idyomang Semitiko na tumutukoy sa paggawa ng pang-araw-araw na mga gawain o pakikisama sa ibang tao nang walang hadlang.—Ihambing ang Deu 28:6, 19; Aw 121:8, tlb.; tingnan ang study note sa Gaw 1:21.
mga Judiong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Malamang na mga Judio sila na wikang Griego ang ginagamit sa pakikipag-usap sa halip na Hebreo. Posibleng galing sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma ang mga Judiong ito na nagpunta sa Jerusalem. Sa Gaw 6:1, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga Kristiyano, pero dito sa Gaw 9:29, makikita sa konteksto na ang mga Judiong ito na nagsasalita ng Griego ay hindi mga alagad ni Kristo. Pinapatunayan ng Theodotus Inscription, na natagpuan sa burol ng Opel sa Jerusalem, na maraming Judiong nagsasalita ng Griego ang pumunta sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Gaw 6:1.
takot kay Jehova: Ang ekspresyong “takot kay Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “takot” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa 2Cr 19:7, 9; Aw 19:9; 111:10; Kaw 2:5; 8:13; 9:10; 10:27; 19:23; Isa 11:2, 3.) Pero ang ekspresyong “takot sa Panginoon” ay hindi kailanman lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Para sa paliwanag kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “takot kay Jehova” sa mismong teksto ng Gaw 9:31, kahit na ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego ay “takot sa Panginoon,” tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 9:31.
Tabita: Ang ibig sabihin ng pangalang Aramaiko na Tabita ay “Gasela,” at lumilitaw na katumbas ito ng salitang Hebreo (tsevi·yahʹ) na nangangahulugang “babaeng gasela.” (Sol 4:5; 7:3) Ang pangalang Griego na Dorcas ay nangangahulugan ding “Gasela.” Sa daungang gaya ng Jope, kung saan parehong may mga Judio at Gentil, posibleng kilalá si Tabita sa dalawang pangalan niya, depende sa wikang ginagamit. Pero posible ring isinalin ni Lucas ang pangalang ito para sa mga mambabasang Gentil.
mahabang damit: O “panlabas na damit.” Ang salitang Griego na hi·maʹti·on ay puwedeng tumukoy sa isang mahaba at maluwang na damit na ipinapatong, pero mas madalas itong tumutukoy sa isang balabal.
Tabita, bumangon ka!: Ginaya ni Pedro ang ginawa ni Jesus nang buhayin nito ang anak ni Jairo. (Mar 5:38-42; Luc 8:51-55) Ito ang unang iniulat na pagkabuhay-muli na isinagawa ng isang apostol, at marami ang naging mánanampalatayá sa buong Jope dahil dito.—Gaw 9:39-42.
Simon, na gumagawa ng katad: Tingnan ang study note sa Gaw 10:6.