Genesis 18:1-33

18  Pagkatapos, nagpakita sa kaniya si Jehova+ sa gitna ng malalaking puno sa Mamre+ habang nakaupo siya sa pasukan ng tolda nang kainitan ng araw. 2  At may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa malayo.+ Pagkakita sa kanila, tumakbo siya mula sa pasukan ng tolda para salubungin sila, at yumukod siya sa kanila.* 3  Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova, kung kalugod-lugod ako sa iyong paningin, pakisuyong huwag mong lampasan ang iyong lingkod. 4  Pakiusap, hayaan ninyong makapagdala kami ng kaunting tubig para mahugasan ang mga paa ninyo;+ pagkatapos ay magpahinga kayo sa ilalim ng puno. 5  Dahil pumunta kayo sa inyong lingkod, hayaan ninyong makapagdala ako ng isang piraso ng tinapay para maginhawahan kayo.* Pagkatapos ay puwede na kayong magpatuloy sa paglalakbay.” Sinabi nila: “Sige, puwede mong gawin ang mga sinabi mo.” 6  Kaya nagmadali si Abraham papunta kay Sara sa tolda, at sinabi niya: “Dali! Kumuha ka ng tatlong takal* ng magandang klase ng harina, masahin mo ito, at gumawa ka ng mga tinapay.” 7  Pagkatapos, tumakbo si Abraham sa bakahan at pumili ng mainam na batang toro na malambot ang karne. Ibinigay niya iyon sa tagapaglingkod, at nagmadali ito para maihanda iyon. 8  Pagkatapos, kumuha siya ng mantikilya at gatas at inihain ang mga ito kasama ng ipinahanda niyang batang toro. At habang kumakain sila, nakatayo siya sa tabi nila sa ilalim ng puno.+ 9  Sinabi nila sa kaniya: “Nasaan ang asawa mong si Sara?”+ Sumagot siya: “Nasa loob ng tolda.” 10  Kaya sinabi ng isa sa kanila: “Tiyak na babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at ang asawa mong si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+ Nakikinig si Sara sa may pasukan ng tolda, na nasa likuran ng lalaki. 11  Napakatanda na nina Abraham at Sara.+ Lampas na si Sara sa edad na puwedeng manganak.*+ 12  Kaya natawa* si Sara at sinabi sa sarili niya: “Ngayong lipas na ako at matanda na ang aking panginoon, talaga kayang mararanasan ko pa ang ganitong kaligayahan?”+ 13  Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Bakit tumawa si Sara at nagsabi, ‘Talaga kayang manganganak ako kahit matanda na ako?’ 14  May imposible ba kay Jehova?+ Babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.” 15  Pero sa takot, ikinaila iyon ni Sara at sinabi: “Hindi ako tumawa!” Kaya sinabi ng Diyos: “Hindi! Tumawa ka.” 16  Nang tumayo ang mga lalaki para magpaalam at tumingin sa direksiyon ng Sodoma,+ sinamahan sila ni Abraham sa paglalakad. 17  Sinabi ni Jehova: “Hindi ko ililihim kay Abraham ang gagawin ko.+ 18  Si Abraham ay tiyak na magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at sa pamamagitan niya ay pagpapalain* ang lahat ng bansa sa lupa.+ 19  Dahil napalapít ako sa kaniya at alam kong uutusan niya ang kaniyang magiging mga anak at sambahayan na manatili sa daan ni Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan,+ para matupad ni Jehova ang ipinangako niya may kinalaman kay Abraham.” 20  Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Napakalakas ng pagdaing laban sa Sodoma at Gomorra,+ at napakabigat ng kasalanan nila.+ 21  Bababa ako para makita kung totoo ang pagdaing na nakaabot sa akin at kung talagang napakasama ng ginagawa nila. Gusto ko itong malaman.”+ 22  At umalis doon ang mga lalaki at naglakbay papuntang Sodoma, pero si Jehova+ ay nanatiling kasama ni Abraham. 23  Pagkatapos, lumapit si Abraham sa Diyos at nagsabi: “Talaga bang lilipulin mo ang mga matuwid kasama ng masasama?+ 24  Ipagpalagay nang may 50 matuwid sa lunsod. Lilipulin mo pa rin ba ang lunsod at hindi ito patatawarin alang-alang sa 50 matuwid na naroon? 25  Malayong mangyari na patayin mo ang matuwid kasama ng masama, sa gayon ay pareho ang magiging kahihinatnan ng matuwid at ng masama!+ Malayong mangyari na gawin mo iyan.+ Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?”+ 26  Sinabi ni Jehova: “Kung may makita akong 50 matuwid sa lunsod ng Sodoma, patatawarin ko ang buong lunsod alang-alang sa kanila.” 27  Pero nagsalita ulit si Abraham: “O Jehova, nangahas akong makipag-usap sa iyo kahit na ako ay alabok at abo. 28  Ipagpalagay nang magkulang ng lima ang 50 matuwid. Wawasakin mo ba ang buong lunsod dahil sa lima?” Sinabi niya: “Hindi ko iyon wawasakin kung may makita akong 45 roon.”+ 29  Pero muling nagsalita si Abraham: “Ipagpalagay nang may 40 roon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon gagawin alang-alang sa 40.” 30  Pero nagpatuloy si Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit,+ kundi hayaan mo akong patuloy na magsalita: Ipagpalagay nang 30 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon gagawin kung may makita akong 30 roon.” 31  Pero nagpatuloy pa si Abraham: “O Jehova, nangahas akong makipag-usap sa iyo: Ipagpalagay nang 20 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon wawasakin alang-alang sa 20.” 32  Sa huling pagkakataon, sinabi ni Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit, kundi hayaan mo akong magsalita nang minsan pa: Ipagpalagay nang 10 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon wawasakin alang-alang sa 10.” 33  Nang matapos makipag-usap si Jehova kay Abraham, umalis siya+ at bumalik naman si Abraham sa tolda niya.

Talababa

Lit., “sumubsob siya sa lupa.”
Lit., “para mapatibay ang inyong puso.”
Lit., “tatlong seah.” Ang isang seah ay 7.33 L. Tingnan ang Ap. B14.
Hindi na dinadatnan si Sara.
Lit., “natawa sa loob niya.”
O “ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila.”

Study Notes

Media