Genesis 26:1-35

26  At nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod pa sa unang taggutom noong panahon ni Abraham,+ kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo, sa Gerar. 2  At nagpakita si Jehova sa kaniya at nagsabi: “Huwag kang pumunta sa Ehipto. Tumira ka sa lupain na sasabihin ko sa iyo. 3  Manirahan ka bilang dayuhan sa lupaing ito,+ at patuloy akong sasaiyo at pagpapalain kita dahil ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito sa iyo at sa mga supling* mo,+ at tutuparin ko ang isinumpa ko kay Abraham na iyong ama:+ 4  ‘Pararamihin ko ang supling* mo gaya ng mga bituin sa langit;+ at ibibigay ko sa supling* mo ang lahat ng lupaing ito;+ at sa pamamagitan ng iyong supling,* ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila,’+ 5  dahil nakinig si Abraham sa tinig ko at patuloy niyang sinunod ang aking mga kahilingan, batas, at kautusan.”+ 6  Kaya patuloy na nanirahan si Isaac sa Gerar.+ 7  Tuwing nagtatanong ang mga lalaki roon tungkol sa asawa niya, sinasabi niya: “Kapatid ko siya.”+ Natatakot siyang sabihin, “Asawa ko siya.” Maganda ito,+ kaya iniisip niya, “Baka patayin ako ng mga lalaki rito dahil kay Rebeka.” 8  Pagkalipas ng ilang panahon, si Abimelec na hari ng mga Filisteo ay tumingin mula sa bintana, at nakita niya si Isaac na nilalambing* ang asawa nitong si Rebeka.+ 9  Kaagad na tinawag ni Abimelec si Isaac at sinabi: “Asawa mo pala siya! Bakit mo sinabi, ‘Kapatid ko siya’?” Sumagot si Isaac: “Natatakot akong mamatay dahil sa kaniya kaya sinabi ko iyon.”+ 10  Pero sinabi ni Abimelec: “Ano itong ginawa mo sa amin?+ Kung nasipingan ng isa sa bayan ang asawa mo, magkakasala pa kami dahil sa iyo!”+ 11  Kaya sinabi ni Abimelec sa buong bayan: “Ang sinumang gumalaw sa lalaking ito at sa asawa niya ay tiyak na papatayin!” 12  At nagsimulang maghasik si Isaac ng binhi sa lupaing iyon, at nang taóng iyon, umani siya nang 100 beses na mas marami sa inihasik niya, dahil pinagpapala siya ni Jehova.+ 13  Yumaman siya at patuloy pang nadagdagan ang mga pag-aari niya hanggang sa maging napakayaman niya. 14  Nagkaroon siya ng mga kawan ng tupa at baka at napakaraming lingkod,+ at nainggit sa kaniya ang mga Filisteo. 15  Kaya kumuha ng lupa ang mga Filisteo at tinabunan ang lahat ng balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama noong panahon ni Abraham.+ 16  At sinabi ni Abimelec kay Isaac: “Umalis ka sa pamayanan namin, dahil napakalakas mo na kumpara sa amin.” 17  Kaya umalis doon si Isaac at nagkampo sa lambak* ng Gerar+ at tumira doon. 18  At muling hinukay ni Isaac ang mga balon na hinukay noong panahon ng ama niyang si Abraham pero tinabunan ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham,+ at tinawag niya ang mga ito ayon sa mga pangalang ibinigay ng kaniyang ama.+ 19  Noong naghuhukay sa lambak* ang mga lingkod ni Isaac, nakakita sila ng isang balon na may sariwang tubig. 20  At inaway ng mga pastol ng Gerar ang mga pastol ni Isaac, at sinasabi nila: “Amin ang tubig!” Kaya naman tinawag niyang Esek* ang balon, dahil nakipag-away sila sa kaniya. 21  Naghukay sila ng isa pang balon, at pinag-awayan din nila iyon. Kaya tinawag niya itong Sitna.* 22  Nang maglaon, umalis siya roon at naghukay ng isa pang balon, pero hindi na nila ito pinag-awayan. Kaya tinawag niya itong Rehobot* at sinabi: “Ito ay dahil binigyan na tayo ni Jehova ng malawak na lupain at pinagpala niya tayo ng mga inapo.”+ 23  At mula roon ay pumunta siya sa Beer-sheba.+ 24  Nang gabing iyon, nagpakita sa kaniya si Jehova at nagsabi: “Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham.+ Huwag kang matakot,+ dahil ako ay sumasaiyo, at pagpapalain kita at pararamihin ko ang mga supling* mo dahil kay Abraham na lingkod ko.”+ 25  Kaya nagtayo siya roon ng isang altar at tumawag sa pangalan ni Jehova.+ Doon itinayo ni Isaac ang tolda niya,+ at naghukay roon ng balon ang mga lingkod niya. 26  Nang maglaon, pinuntahan siya ni Abimelec mula sa Gerar kasama ang tagapayo nitong si Ahuzat at ang pinuno ng hukbo nito na si Picol.+ 27  Sinabi ni Isaac sa kanila: “Bakit ninyo ako pinuntahan, samantalang galit kayo sa akin at pinaalis ninyo ako sa inyong pamayanan?” 28  Sinabi nila: “Kitang-kita namin na sumasaiyo si Jehova.+ Kaya nagpasiya kaming sabihin sa iyo, ‘Pakiusap, magkaroon sana ng kasunduan ng kapayapaan sa pagitan natin, at hayaan mo kaming makipagtipan sa iyo+ 29  na hindi mo kami gagawan ng masama kung paanong hindi ka namin ginawan ng masama, at kabutihan lang ang ginawa namin sa iyo dahil pinaalis ka namin nang payapa. Nakikita namin na ikaw ang pinagpapala ni Jehova.’” 30  At pinaghanda niya sila ng isang malaking salusalo, at kumain sila at uminom. 31  Kinabukasan, gumising sila nang maaga at sumumpa sa isa’t isa.+ Pagkatapos, pinaalis sila ni Isaac nang payapa. 32  Nang araw na iyon, dumating ang mga lingkod ni Isaac at iniulat sa kaniya ang tungkol sa balon na nahukay nila.+ Sinabi nila: “Nakakita kami ng tubig!” 33  Kaya tinawag niya itong Siba. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan ng lunsod ay Beer-sheba+ hanggang sa araw na ito. 34  Nang si Esau ay 40 taóng gulang, naging asawa niya si Judit na anak ni Beeri na Hiteo at si Basemat na anak ni Elon na Hiteo.+ 35  Hirap na hirap ang kalooban nina Isaac at Rebeka dahil sa kanila.*+

Talababa

Lit., “sa binhi.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.”
O “niyayakap.”
O “wadi.”
O “wadi.”
Ibig sabihin, “Pakikipag-away.”
Ibig sabihin, “Akusasyon.”
Ibig sabihin, “Malalawak na Lugar.”
Lit., “ang binhi.”
Lit., “Sila ay sanhi ng kapaitan ng espiritu nina Isaac at Rebeka.”

Study Notes

Media