Mga Hukom 4:1-24
4 Pero pagkamatay ni Ehud, ang mga Israelita ay muling gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.+
2 Kaya ibinigay* sila ni Jehova sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan,+ na namamahala sa Hazor. Ang pinuno ng hukbo niya ay si Sisera, na nakatira sa Haroset.*+
3 Ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova,+ dahil si Jabin* ay may 900 karwaheng pandigma na may mga patalim sa gulong,*+ at pinagmalupitan niya ang mga Israelita+ sa loob ng 20 taon.
4 Nang panahong iyon, si Debora, isang propetisa+ na asawa ni Lapidot, ay naghuhukom sa Israel.
5 Umuupo siya noon sa ilalim ng kaniyang puno ng palma* sa pagitan ng Rama+ at ng Bethel+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim; pumupunta sa kaniya ang mga Israelita para malaman ang hatol ng Diyos.
6 Ipinatawag niya si Barak+ na anak ni Abinoam mula sa Kedes-neptali.+ Sinabi niya rito: “Hindi ba nag-utos si Jehova na Diyos ng Israel? ‘Pumunta ka* sa Bundok Tabor, at magsama ka ng 10,000 lalaki mula sa tribo nina Neptali at Zebulon.
7 Dadalhin ko sa iyo sa ilog* ng Kison+ si Sisera, na pinuno ng hukbo ni Jabin, kasama ang kaniyang mga karwaheng pandigma at ang mga tauhan niya, at ibibigay ko siya sa kamay mo.’”+
8 Sinabi ni Barak sa kaniya: “Kung sasama ka sa akin, pupunta ako, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”
9 Sumagot siya: “Sasama ako sa iyo. Pero ang labanang pupuntahan mo ay hindi magbibigay sa iyo ng karangalan, dahil sa kamay ng isang babae ibibigay ni Jehova si Sisera.”+ Pagkatapos, si Debora ay sumama kay Barak sa Kedes.+
10 Ipinatawag ni Barak sa Kedes ang Zebulon at ang Neptali,+ at 10,000 lalaki ang sumunod sa kaniya. Sumama rin sa kaniya si Debora.
11 Samantala, si Heber na Kenita ay humiwalay sa mga Kenita,+ na mga inapo ni Hobab, na biyenan ni Moises,+ at ang tolda niya ay malapit sa malaking puno sa Zaananim, na nasa Kedes.
12 Ibinalita kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umakyat sa Bundok Tabor.+
13 Agad na tinipon ni Sisera ang lahat ng kaniyang karwaheng pandigma—900 karwahe na may mga patalim sa gulong*—at ang lahat ng hukbong kasama niya mula sa Haroset* para pumunta sa ilog* ng Kison.+
14 Sinabi ngayon ni Debora kay Barak: “Humayo ka, dahil ito ang araw na ibibigay ni Jehova si Sisera sa kamay mo. Hindi ba si Jehova ang nasa unahan mo?” At bumaba si Barak mula sa Bundok Tabor kasunod ang 10,000 lalaki.
15 Nang sumalakay si Barak, nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang karwaheng pandigma at ang buong hukbo niya.+ Bandang huli, bumaba si Sisera sa karwahe niya at tumakas.
16 Hinabol ni Barak ang mga karwaheng pandigma at ang hukbo hanggang sa Haroset.* Kaya ang buong hukbo ni Sisera ay namatay sa espada; walang natira sa kanila.+
17 Pero tumakas si Sisera papunta sa tolda ni Jael+ na asawa ni Heber+ na Kenita, dahil may mapayapang ugnayan si Jabin+ na hari ng Hazor at ang sambahayan ni Heber na Kenita.
18 Pagkatapos, lumabas si Jael para salubungin si Sisera, at sinabi niya rito: “Pumasok ka rito, panginoon ko, pumasok ka rito. Huwag kang matakot.” Kaya pumasok ito sa tolda niya, at tinalukbungan niya ito ng kumot.
19 At sinabi nito sa kaniya: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; nauuhaw ako.” Kaya nagbukas siya ng sisidlan* ng gatas at pinainom ito.+ Pagkatapos, tinalukbungan niya ulit ito.
20 Sinabi nito sa kaniya: “Tumayo ka sa pasukan ng tolda, at kapag may dumating at magtanong sa iyo, ‘May nagpunta bang lalaki rito?’ sabihin mo, ‘Wala!’”
21 Pero kumuha si Jael na asawa ni Heber ng isang tulos na pantolda at ng martilyo. Pagkatapos, habang si Sisera ay mahimbing na natutulog dahil sa pagod, dahan-dahan siyang lumapit at itinarak niya ang tulos sa sentido nito at pinatagos iyon sa lupa, at namatay ito.+
22 Nakarating doon si Barak dahil sa pagtugis kay Sisera, at lumabas si Jael para salubungin siya, at sinabi nito: “Halika, ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya pumasok siya sa tolda kasama nito, at nakita niya si Sisera na patay na at nakabulagta, at ang tulos na pantolda ay nakatarak sa sentido nito.
23 Kaya nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan.+
24 Ang kamay ng mga Israelita ay bumigat nang bumigat laban kay Jabin na hari ng Canaan,+ hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.+
Talababa
^ Lit., “ipinagbili.”
^ O “Haroset ng mga bansa; Haroset-ha-goiim.”
^ Lit., “siya.”
^ Lit., “karwaheng bakal.”
^ Lit., “ng puno ng palma ni Debora.”
^ O “Magpuwesto ka ng mga tauhan.”
^ O “wadi.”
^ Lit., “karwaheng bakal.”
^ O “Haroset ng mga bansa.”
^ O “wadi.”
^ O “Haroset ng mga bansa.”
^ O “sisidlang balat.”