Jeremias 42:1-22
42 At ang lahat ng pinuno ng mga hukbo, si Johanan+ na anak ni Karea, si Jezanias na anak ni Hosaias, at ang buong bayan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, ay lumapit
2 at nagsabi sa propetang si Jeremias: “Pakisuyo, pakinggan mo ang pakiusap namin, at manalangin ka kay Jehova na iyong Diyos para sa amin, para sa lahat ng natirang ito, dahil kaunti na lang kaming natitira,+ gaya ng nakikita mo.
3 Sabihin nawa sa amin ni Jehova na iyong Diyos ang daan na dapat naming lakaran at ang dapat naming gawin.”
4 Sinabi sa kanila ng propetang si Jeremias: “Sige, mananalangin ako kay Jehova na inyong Diyos gaya ng hinihiling ninyo; at ang lahat ng isasagot ni Jehova ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong hindi sasabihin sa inyo.”
5 Sinabi nila kay Jeremias: “Si Jehova nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin kung hindi namin gagawin ang eksaktong sinabi ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan mo.
6 Mabuti man o masama, susundin namin ang sasabihin ni Jehova na aming Diyos na pinagsusuguan namin sa iyo, para mapabuti kami dahil sinusunod namin si Jehova na aming Diyos.”
7 Pagkalipas ng 10 araw, dumating kay Jeremias ang salita ni Jehova.
8 Kaya ipinatawag niya si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng pinuno ng mga hukbong kasama niya at ang buong bayan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.+
9 Sinabi niya sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, na pinagsuguan ninyo sa akin para sabihin ang kahilingan ninyo sa kaniya:
10 ‘Kung talagang mananatili kayo sa lupaing ito, itatayo ko kayo at hindi gigibain, at itatanim ko kayo at hindi bubunutin, dahil ikalulungkot ko ang kapahamakang pinasapit ko sa inyo.+
11 Huwag kayong matakot dahil sa hari ng Babilonya, na kinatatakutan ninyo.’+
“‘Huwag kayong matakot dahil sa kaniya,’ ang sabi ni Jehova, ‘dahil kasama ninyo ako, para iligtas kayo at sagipin sa kamay niya.
12 At maaawa ako sa inyo,+ at maaawa siya sa inyo at ibabalik niya kayo sa sarili ninyong lupain.
13 “‘Pero kung sasabihin ninyo, “Hindi, hindi kami mananatili sa lupaing ito!” at susuwayin ninyo si Jehova na inyong Diyos
14 at sasabihin, “Hindi, pupunta kami sa lupain ng Ehipto,+ kung saan hindi kami makakakita ng digmaan o makaririnig ng tunog ng tambuli o magugutom sa tinapay; doon kami titira,”
15 pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, O mga natira sa Juda. Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Kung determinado kayong pumunta sa Ehipto at magpunta nga kayo roon para doon tumira,*
16 aabutan kayo sa lupain ng Ehipto ng mismong espada na kinatatakutan ninyo, at susundan kayo sa Ehipto ng mismong taggutom na pinangangambahan ninyo, at doon kayo mamamatay.+
17 At ang lahat ng determinadong pumunta sa Ehipto para tumira doon ay mamamatay sa espada, sa taggutom, at sa salot.* Walang isa man sa kanila ang makaliligtas o makatatakas sa kapahamakang pasasapitin ko sa kanila.”’
18 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Kung paanong ibinuhos ko ang aking galit at poot sa mga taga-Jerusalem,+ ibubuhos ko rin sa inyo ang poot ko kung pupunta kayo sa Ehipto, at kayo ay magiging isang sumpa, isang bagay na nakapangingilabot, at isang kahihiyan,+ at hindi na ninyo makikita pa ang lugar na ito.’
19 “Nagsalita si Jehova laban sa inyo, O mga natira sa Juda. Huwag kayong pumunta sa Ehipto. Tandaan ninyo na binababalaan ko kayo ngayon
20 na mamamatay kayo dahil sa pagkakamali ninyo. Dahil isinugo ninyo ako kay Jehova na inyong Diyos, at sinabi ninyo, ‘Manalangin ka kay Jehova na aming Diyos para sa amin, at sabihin mo sa amin ang lahat ng sasabihin ni Jehova na aming Diyos, at gagawin namin iyon.’+
21 At sinabi ko sa inyo ngayon, pero hindi ninyo susundin si Jehova na inyong Diyos at hindi ninyo gagawin ang alinman sa sinabi niya sa akin na sabihin sa inyo.+
22 Kaya tandaan ninyo na mamamatay kayo sa espada, sa taggutom, at sa salot sa lugar na gusto ninyong puntahan at tirhan.”+