Jonas 4:1-11

4  Pero talagang hindi ito nagustuhan ni Jonas, at galit na galit siya. 2  Kaya nanalangin siya kay Jehova: “Jehova, hindi ba ito ang inaalala ko bago pa ako magpunta rito? Kaya nga ako tumakas papuntang Tarsis,+ dahil alam kong isa kang Diyos na mapagmalasakit* at maawain, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig,+ at hindi natutuwa sa pagpaparusa. 3  O Jehova, pakiusap, hayaan mo na akong mamatay. Mas mabuti pang mamatay na lang ako.”+ 4  Sinabi ni Jehova: “Tama bang magalit ka nang ganiyan?” 5  Pagkatapos, lumabas si Jonas sa lunsod at umupo sa may silangan ng lunsod. Gumawa siya roon ng isang silungan at umupo sa may lilim nito para makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.+ 6  At nagpatubo ang Diyos na Jehova ng halamang upo* para magbigay ng lilim kay Jonas at maginhawahan ito. Talagang natuwa si Jonas sa halamang upo. 7  Pero kinabukasan ng madaling-araw, ginamit ng tunay na Diyos ang isang uod para sirain ang halamang upo, kaya nalanta ito. 8  Nang sumikat ang araw, nagpadala rin ang Diyos ng napakainit na hangin mula sa silangan, at nabilad sa araw ang ulo ni Jonas, kaya halos himatayin siya. Paulit-ulit niyang hinihiling na mamatay na siya, at paulit-ulit niyang sinasabi, “Mas mabuti pang mamatay na lang ako.”+ 9  Tinanong ng Diyos si Jonas: “Tama bang magalit ka nang ganiyan dahil sa halamang upo?”+ Sumagot siya: “Tama lang na magalit ako, at sa tindi ng galit ko, gusto ko nang mamatay.” 10  Pero sinabi ni Jehova: “Nanghihinayang ka sa halamang upo, na hindi mo pinagpaguran o pinatubo; basta lang ito tumubo isang gabi at namatay kinabukasan. 11  Pero mahigit 120,000 tao na hindi man lang nakaaalam ng kaibahan ng tama at mali* ang nasa Nineve, at marami ring hayop doon. Hindi ba ako dapat manghinayang sa dakilang lunsod na iyon?”+

Talababa

O “magandang-loob.”
O posibleng “halamang lansina.”
O “hindi nakaaalam ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kaliwa.”

Study Notes

Media