Josue 8:1-35
8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Josue: “Huwag kang matakot o masindak.+ Isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma at lumaban kayo sa Ai. Ibinigay ko na sa iyo ang hari ng Ai, ang kaniyang bayan, ang kaniyang lunsod, at ang kaniyang lupain.+
2 Gawin mo sa Ai at sa hari nito ang ginawa mo sa Jerico at sa hari nito.+ Pero puwede ninyong kunin para sa inyong sarili ang mga samsam at ang mga alagang hayop doon. Maglagay kayo ng mga sasalakay sa likuran ng lunsod.”
3 Kaya si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma ay pumunta sa Ai para makipaglaban dito. Pumili si Josue ng 30,000 malalakas na mandirigma at isinugo sila nang gabing iyon.
4 Iniutos niya sa kanila: “Sasalakay kayo sa likuran ng lunsod. Huwag kayong gaanong lumayo sa lunsod, at maging alisto kayong lahat.
5 Ako at ang lahat ng kasama ko ay lalapit sa lunsod, at kapag lumabas sila para lusubin kami gaya noong una,+ aatras kami.
6 Kaya sasabihin nila, ‘Umaatras sila gaya noong una.’+ Kapag hinabol nila kami, ilalayo namin sila sa lunsod. Pag-atras namin,
7 lumusob na kayo at sakupin ang lunsod; ibibigay iyon sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.
8 Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo iyon.+ Dapat ninyong sundin ang sinabi ni Jehova. Sinabi ko na sa inyo ang utos.”
9 Pagkatapos, pinaalis na sila ni Josue, at nagpunta sila sa lugar kung saan sila mag-aabang bago sumalakay; pumuwesto sila sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa kanluran ng Ai. Si Josue naman ay nagpalipas ng gabi kasama ng iba pang mandirigma.
10 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at tinipon ang hukbo. Pagkatapos, pinangunahan niya at ng matatandang lalaki ng Israel ang hukbo papunta sa Ai.
11 Lahat ng lalaking mandirigma+ na kasama niya ay nagpunta sa harap ng lunsod. Nagkampo sila sa hilaga ng Ai, at isang lambak ang nasa pagitan nila at ng Ai.
12 Samantala, mga 5,000 lalaki ang nakapuwesto sa pagitan ng Bethel+ at ng Ai, sa kanluran ng lunsod, at nakahandang sumalakay,+ gaya ng iniutos ni Josue.
13 Kaya ang karamihan sa mga mandirigma ay nasa hilaga ng lunsod+ at ang iba pa ay nakatago sa kanluran ng lunsod,+ at nang gabing iyon, pumunta si Josue sa gitna ng lambak.*
14 At nang makita ito ng hari ng Ai, siya at ang mga lalaki ng lunsod ay bumangon nang maaga at nagmadali para makipaglaban sa Israel sa isang lugar kung saan matatanaw ang tigang na kapatagan. Pero hindi niya alam na may mga nakahandang sumalakay mula sa likuran ng lunsod.
15 Nang sumalakay ang mga lalaki ng Ai, si Josue at ang buong Israel ay tumakas papunta sa ilang.+
16 At inutusan ang lahat ng lalaki sa lunsod na habulin sila; at habang hinahabol nila si Josue, napalayo sila sa lunsod.
17 Walang lalaking naiwan sa Ai at sa Bethel. Lahat ay humabol sa Israel. Iniwan nilang bukas na bukas ang lunsod habang hinahabol ang Israel.
18 Sinabi ngayon ni Jehova kay Josue: “Itaas mo ang hawak mong diyabelin* at ituro sa direksiyon ng Ai,+ dahil ibibigay ko iyon sa kamay mo.”+ Kaya itinaas ni Josue ang hawak niyang diyabelin at itinuro sa direksiyon ng lunsod.
19 Nang itaas niya ang kamay niya, ang nakaabang na mga mandirigma ay agad na lumusob sa lunsod at sinakop ito. Agad nilang sinunog ang lunsod.+
20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai, nakita nila ang makapal na usok mula sa lunsod, at nawalan sila ng lakas na tumakas saanmang direksiyon. Hinarap sila ngayon ng mga lalaking hinahabol nila papunta sa ilang.
21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop na ng mga kasamahan nila ang lunsod, at nang makita nila ang makapal na usok mula sa lunsod, sila naman ang sumalakay sa mga lalaki ng Ai.
22 At ang mga lalaking nakasakop sa lunsod ay lumabas para salakayin din ang mga ito. Kaya naipit sa gitna ang mga lalaki ng Ai—ang ilang Israelita ay nasa isang panig at ang iba naman ay nasa kabilang panig. At pinabagsak nila ang mga ito hanggang sa wala nang natira, at wala ring nakatakas.+
23 Pero ang hari ng Ai+ ay hinuli nila nang buháy at dinala kay Josue.
24 Matapos patayin ng Israel ang lahat ng taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang at mapabagsak ang lahat ng ito sa pamamagitan ng espada, bumalik ang buong Israel sa Ai at pinatay ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng espada.
25 Ang lahat ng namatay nang araw na iyon, mula sa lalaki hanggang sa babae, ay umabot nang 12,000, ang lahat ng tao sa Ai.
26 Hindi ibinaba ni Josue ang kamay niya na may hawak na diyabelin+ hanggang sa mapuksa ang lahat ng nakatira sa Ai.+
27 Pero ang mga alagang hayop at ang iba pang mga bagay sa lunsod na iyon ay kinuha ng Israel para sa kanilang sarili, gaya ng iniutos ni Jehova kay Josue.+
28 Pagkatapos, sinunog ni Josue ang Ai at ginawa itong isang permanenteng bunton ng guho,+ gaya ng makikita pa rin hanggang sa ngayon.
29 Ibinitin niya sa isang tulos* ang hari ng Ai hanggang bago dumilim, at nang papalubog na ang araw, nag-utos si Josue na ibaba ang bangkay nito mula sa tulos.+ Inihagis nila iyon sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod at tinabunan ng napakaraming bato, na naroon pa rin hanggang sa ngayon.
30 Noon nagtayo si Josue ng isang altar sa Bundok Ebal+ para kay Jehova na Diyos ng Israel,
31 gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Jehova sa mga Israelita at gaya ng nakasulat sa aklat ng Kautusan+ ni Moises: “Isang altar na gawa sa mga buong bato na hindi pa nagamitan ng kasangkapang bakal.”+ Dito sila nag-alay ng mga handog na sinusunog para kay Jehova at ng mga haing pansalo-salo.+
32 Pagkatapos, isinulat niya sa mga bato ang isang kopya ng Kautusan+ na isinulat ni Moises sa harap ng mga Israelita.+
33 Ang buong Israel, ang matatandang lalaki nila, ang mga opisyal, at ang mga hukom nila, pati ang mga dayuhang naninirahang kasama nila,+ ay nakatayo sa magkabilang panig ng Kaban sa harap ng mga saserdoteng Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ni Jehova. Ang kalahati sa kanila ay nakatayo sa harap ng Bundok Gerizim, at ang kalahati ay nasa harap ng Bundok Ebal+ (gaya ng iniutos noon ni Moises na lingkod ni Jehova),+ para tumanggap ng pagpapala ang bayang Israel.
34 Pagkatapos nito, binasa niya nang malakas ang buong Kautusan,+ ang pagpapala+ at ang sumpa,+ ayon sa mismong nakasulat sa aklat ng Kautusan.
35 Walang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Moises ang hindi binasa ni Josue nang malakas sa harap ng buong kongregasyon ng Israel,+ kasama ang mga babae, ang mga bata, at ang mga dayuhan+ na naninirahang* kasama nila.+