Ayon kay Juan 1:1-51
Study Notes
Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Hindi nagpakilala ang manunulat ng Ebanghelyong ito. Pero noong ikalawa o ikatlong siglo C.E., kinikilala na ng marami na si apostol Juan ang sumulat nito. Kapag nababanggit ang pangalang Juan sa Ebanghelyong ito, tumutukoy ito kay Juan Bautista, maliban sa Ju 1:42 at 21:15-17, kung saan tinawag ni Jesus na Juan ang ama ni Pedro. (Tingnan ang study note sa Ju 1:42 at 21:15.). Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ni apostol Juan, pero tinukoy siya at ang kapatid niyang si Santiago bilang “mga anak ni Zebedeo.” (Ju 21:2; Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; tingnan ang study note sa Ju 1:6.) Sa huling mga talata ng Ebanghelyo, tinukoy ng manunulat ang sarili niya bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus” (Ju 21:20-24), at may makatuwirang mga dahilan para isiping si apostol Juan ito.—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.
Ayon kay Juan: Hindi sinabi ng sinumang manunulat ng Ebanghelyo na sila ang sumulat ng ulat nila, at ang mga pamagat ay lumilitaw na hindi bahagi ng orihinal nilang isinulat. Ang ilang manuskrito ng Ebanghelyo ni Juan ay may pamagat na Eu·ag·geʹli·on Ka·taʹ I·o·anʹnen (“Mabuting Balita [o, “Ebanghelyo”] Ayon kay Juan”), at sa iba naman ay ginamit ang mas maikling pamagat na Ka·taʹ I·o·anʹnen (“Ayon kay Juan”). Hindi malinaw kung kailan idinagdag o sinimulang gamitin ang mga pamagat. Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E. dahil may mga natagpuang manuskrito ng Ebanghelyo na mula pa noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo o mga unang bahagi ng ikatlong siglo kung saan makikita ang mas mahabang pamagat. Ayon sa ilang iskolar, ang mga unang salita sa Ebanghelyo ni Marcos (“Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos”) ang posibleng dahilan kung bakit ginamit ang salitang “ebanghelyo” (lit., “mabuting balita”) para tukuyin ang mga ulat na iyon. Posibleng naglagay ng mga pamagat kasama ng pangalan ng sumulat ng aklat dahil praktikal ito—mas madaling matukoy ang mga aklat.
pasimula: Sa Kasulatan, ang kahulugan ng terminong “pasimula” ay nakadepende sa konteksto. Ang salitang Griego dito na ar·kheʹ ay imposibleng tumukoy sa “pasimula” ng Diyos na Maylalang, dahil wala siyang pasimula. (Aw 90:2) Kaya tiyak na tumutukoy ito sa panahon nang magsimulang lumalang ang Diyos. Ang unang nilalang ng Diyos ay tinawag na Salita, ang titulo ni Jesus mula noong nasa langit pa siya. (Ju 1:14-17) Kaya si Jesus lang ang karapat-dapat tawaging “panganay sa lahat ng nilalang.” (Col 1:15) Siya ang “pasimula ng paglalang ng Diyos” (Apo 3:14), kaya umiiral na siya bago pa lalangin ang ibang espiritung nilalang at ang pisikal na uniberso. Sa katunayan, sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.”—Col 1:16; para sa iba pang paggamit ng terminong “pasimula,” tingnan ang study note sa Ju 6:64.
ang Salita: O “ang Logos.” Sa Griego, ho loʹgos. Ginamit ito bilang titulo sa tekstong ito, sa Ju 1:14, at sa Apo 19:13. Sinabi ni Juan kung kanino tumutukoy ang titulong ito, kay Jesus. Titulo ito ni Jesus noong espiritung nilalang pa siya bago bumaba sa lupa, noong ministeryo niya sa lupa bilang perpektong tao, at pagkatapos niyang bumalik sa langit. Si Jesus ang Salita, o Tagapagsalita, ng Diyos na naghahatid ng impormasyon at tagubilin sa iba pang espiritung anak ng Maylalang at sa mga tao. Kaya makatuwiran lang isipin na bago bumaba si Jesus sa lupa, maraming beses na nakipag-usap si Jehova sa mga tao sa pamamagitan ng Salita, ang anghel na tagapagsalita Niya.—Gen 16:7-11; 22:11; 31:11; Exo 3:2-5; Huk 2:1-4; 6:11, 12; 13:3.
kasama ng Diyos: Lit., “nakaharap sa Diyos.” Sa kontekstong ito, ang Griegong pang-ukol na pros ay nagpapakita ng pagiging malapit sa isa’t isa at ng pagkakaibigan. Ipinapahiwatig din nito na magkaibang indibidwal ang tinutukoy sa tekstong ito, ang Salita at ang tanging tunay na Diyos.
ang Salita ay isang diyos: O “ang Salita ay maladiyos [o, “tulad-diyos”].” Inilalarawan dito ni Juan ang isang katangian ni Jesu-Kristo, ang “Salita” (sa Griego, ho loʹgos; tingnan ang study note sa ang Salita sa talatang ito). Dahil sa mataas na posisyon ng Salita bilang panganay na Anak ng Diyos na ginamit ng Diyos sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay, angkop lang na ilarawan siya bilang “diyos; maladiyos; tulad-diyos.” Isinalin ito ng maraming tagapagsalin na “ang Salita ay Diyos,” na para bang siya rin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero may makatuwirang mga dahilan para isiping hindi sinasabi ni Juan na “ang Salita” at ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ay iisa. Una, malinaw na sinasabi sa nauna at kasunod na sugnay na “ang Salita” ay “kasama ng Diyos.” Isa pa, ang salitang Griego na the·osʹ ay lumitaw nang tatlong beses sa talata 1 at 2. Sa una at ikatlong paglitaw, ang the·osʹ ay may kasamang tiyak na Griegong pantukoy; pero walang pantukoy sa ikalawang paglitaw nito. Naniniwala ang maraming iskolar na mahalagang pag-isipan ang kawalan ng tiyak na pantukoy bago ang ikalawang paglitaw ng the·osʹ. Sa kontekstong ito, kapag may pantukoy, ang the·osʹ ay tumutukoy sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Kapag wala namang pantukoy, batay sa gramatika, ang the·osʹ ay tumutukoy sa katangian ng “Salita.” Kaya gaya sa Bagong Sanlibutang Salin, makikita sa maraming salin ng Bibliya sa English, French, at German na ang “Salita” ay “isang diyos; maladiyos; tulad-diyos.” Gayundin, sa mga sinaunang salin ng Ebanghelyo ni Juan sa diyalektong Sahidic at Bohairic ng wikang Coptic, na posibleng ginawa noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E., magkaiba ang pagkakasalin sa una at ikalawang paglitaw ng the·osʹ sa Ju 1:1. Sa mga saling ito, itinatampok ang katangian ng “Salita,” na gaya siya ng Diyos, pero hindi nito ipinapakita na kapantay siya ng kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Kaayon ng talatang ito, sinasabi ng Col 2:9 na “nasa kaniya [kay Kristo] ang lahat ng katangian ng Diyos.” At ayon sa 2Pe 1:4, ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo ay ‘magkakaroon din ng mga katangiang gaya ng sa Diyos.’ Isa pa, sa salin ng Septuagint, ang salitang Griego na the·osʹ ang karaniwang ipinanunumbas sa mga salitang Hebreo na isinasaling “Diyos”—ang ʼel at ʼelo·himʹ—na sinasabing pangunahin nang nangangahulugang “Makapangyarihan; Malakas.” Ang mga salitang Hebreong ito ay ginagamit para tumukoy sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, sa ibang diyos, at sa mga tao. (Tingnan ang study note sa Ju 10:34.) Ang pagtawag sa Salita na “diyos,” o “makapangyarihan,” ay kaayon ng hula sa Isa 9:6, na nagsasabing ang Mesiyas ay tatawaging “Makapangyarihang Diyos” (hindi “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat”) at siya ang magiging “Walang-Hanggang Ama” ng lahat ng magiging sakop niya. Mangyayari ito dahil sa sigasig ng Ama niya, si “Jehova ng mga hukbo.”—Isa 9:7.
Sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng buhay: Sa pinakalumang mga manuskritong Griego, walang bantas sa talata 3 at 4. Kaya ang mga bantas na ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin sa mga talatang ito ay batay sa mga akademikong edisyon ng tekstong Griego na inilathala nina Westcott at Hort, ng United Bible Societies, at nina Nestle at Aland. Ipinapakita ng saling ito na nagkaroon ng buhay at liwanag sa pamamagitan ng Salita. (Col 1:15, 16) Ibang pagkaunawa sa tekstong Griego ang naging batayan ng ibang salin. Pero maraming iskolar ang sumasang-ayon sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin.
niya: Ang Salita, o ang Logos.—Tingnan ang study note sa Ju 1:1.
buhay . . . liwanag: Ang dalawang temang ito ay litaw na litaw sa ulat ni Juan. Ang Diyos ang Pinagmumulan ng buhay, at sa pamamagitan ni Jesus, ang Salita, “ginawa” ang lahat ng iba pang bagay na may buhay. (Ju 1:3) Kaya masasabing nagkaroon ng buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan din ni Jesus, ginawang posible ng Diyos na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagkakasala at namamatay. Kaya naman masasabing ang buhay ni Jesus ay naging liwanag para sa mga tao. Sa Ju 1:9, ang Salita ay tinawag na “tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao.” Ang mga taong sumusunod kay Jesus, “ang liwanag ng sangkatauhan,” ay “magkakaroon ng liwanag ng buhay.” (Ju 8:12) Ang Salita ang inatasan ng Diyos na maging “Punong Kinatawan para sa buhay,” na magbibigay-liwanag sa mga tao at aakay sa kanila sa buhay.—Gaw 3:15.
Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Hindi nagpakilala ang manunulat ng Ebanghelyong ito. Pero noong ikalawa o ikatlong siglo C.E., kinikilala na ng marami na si apostol Juan ang sumulat nito. Kapag nababanggit ang pangalang Juan sa Ebanghelyong ito, tumutukoy ito kay Juan Bautista, maliban sa Ju 1:42 at 21:15-17, kung saan tinawag ni Jesus na Juan ang ama ni Pedro. (Tingnan ang study note sa Ju 1:42 at 21:15.). Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ni apostol Juan, pero tinukoy siya at ang kapatid niyang si Santiago bilang “mga anak ni Zebedeo.” (Ju 21:2; Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; tingnan ang study note sa Ju 1:6.) Sa huling mga talata ng Ebanghelyo, tinukoy ng manunulat ang sarili niya bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus” (Ju 21:20-24), at may makatuwirang mga dahilan para isiping si apostol Juan ito.—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.
isinugo bilang kinatawan ng Diyos: O “inatasan ng Diyos.” Mula sa Diyos ang atas ni Juan Bautista (Luc 3:2) at kasama dito ang pangangaral, o paghahayag ng mensahe sa publiko. Hindi lang inihayag ni Juan ang pagdating ng Mesiyas at ng Kaharian ng Diyos sa mga Judiong lumalapit sa kaniya, kundi pinasigla niya rin silang magsisi. (Mat 3:1-3, 11, 12; Mar 1:1-4; Luc 3:7-9) Si Juan Bautista ay nagsilbing propeta, guro (na may mga alagad), at ebanghelisador.—Luc 1:76, 77; 3:18; 11:1; Ju 1:35.
Juan: Si Juan Bautista. Binanggit siya nang 19 na beses ng manunulat ng Ebanghelyong ito, si apostol Juan. Pero di-gaya ng ibang manunulat ng Ebanghelyo, hindi ginamit ni apostol Juan ang mga katawagang “Tagapagbautismo” o “Bautista.” (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; Mar 1:4.) Malinaw na ipinakita ni apostol Juan ang pagkakaiba ng tatlong Maria. (Ju 11:1, 2; 19:25; 20:1) Pero hindi niya ito kailangang gawin sa kanila ni Juan Bautista, kasi hindi naman binanggit ng apostol ang sarili niyang pangalan kaya walang malilito kung sinong Juan ang tinutukoy. Isa pa itong patunay na si apostol Juan ang sumulat ng Ebanghelyong ito.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Juan” at study note sa Ju Pamagat.
bilang isang saksi: Ang pangngalang Griego para sa “saksi” (mar·ty·riʹa) ay lumitaw nang mahigit doble sa Ebanghelyo ni Juan kumpara sa pinagsama-samang paglitaw nito sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Ang kaugnay na pandiwa, na isinaling para magpatotoo (mar·ty·reʹo), ay lumitaw nang 39 na beses sa Ebanghelyo ni Juan—pero 2 beses lang itong lumitaw sa iba pang Ebanghelyo. (Mat 23:31; Luc 4:22) Ang pandiwang Griego na ito ay napakadalas iugnay kay Juan Bautista kaya sinasabi ng iba na dapat siyang tawaging “Juan na Saksi.” (Ju 1:8, 15, 32, 34; 3:26; 5:33) Sa Ebanghelyo ni Juan, madalas ding gamitin ang pandiwang ito sa ministeryo ni Jesus. Madalas sabihing “nagpapatotoo” si Jesus. (Ju 8:14, 17, 18) Kapansin-pansin ang sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato: “Ipinanganak ako at dumating sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan.” (Ju 18:37) Sa pagsisiwalat na ibinigay kay Juan, tinawag si Jesus bilang “ang Tapat na Saksi” at “ang saksing tapat at totoo.”—Apo 1:5; 3:14.
niya: Si Juan Bautista.—Ihambing ang Gaw 19:4.
sangkatauhan: O “sanlibutan.” Galing ito sa salitang Griego na koʹsmos. Sa kontekstong ito, ang ekspresyong paparating na sa sangkatauhan ay posibleng pangunahin nang tumutukoy sa pagpapakilala ni Jesus sa mga tao pagkatapos ng kaniyang bautismo, sa halip na sa kapanganakan niya bilang tao. Pagkatapos ng bautismo niya, isinagawa niya ang ministeryong iniatas sa kaniya, at nagsilbi siyang tagapagdala ng liwanag sa sangkatauhan.—Ihambing ang Ju 3:17, 19; 6:14; 9:39; 10:36; 11:27; 12:46; 1Ju 4:9.
Kasama na siya noon ng sangkatauhan, at katulong siya ng Diyos nang gawin ito: Dito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa sangkatauhan, dahil sinasabi sa dulong bahagi ng talata na hindi siya nakilala nito. Ang terminong Griegong ito ay ginagamit kung minsan sa sekular na mga akda para tumukoy sa uniberso at mga nilalang, at malamang na ganito ang pagkakagamit ni apostol Pablo sa terminong ito noong mga Griego ang kinakausap niya. (Gaw 17:24) Pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong ito ay pangunahin nang tumutukoy sa sangkatauhan o bahagi nito. Totoo, tumulong si Jesus sa paggawa ng lahat ng bagay, kasama na ang langit at lupa at ang lahat ng nandoon. Pero nakapokus ang talatang ito sa papel niya sa paggawa ng tao.—Gen 1:26; Ju 1:3; Col 1:15-17.
ang Salita ay naging tao: Tao si Jesus mula nang ipanganak siya hanggang mamatay. Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit kailangan niyang maging tao: “Ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan ay ang aking katawan [bilang tao].” (Ju 6:51) Isa pa, dahil naging totoong tao si Jesus, naranasan niya ang pinagdaraanan ng mga taong may laman at dugo, kaya lubusan niya tayong nauunawaan bilang Mataas na Saserdote. (Heb 4:15) Imposibleng naging tao at tulad-diyos si Jesus nang sabay dahil sinasabi sa Kasulatan na “ginawa siya noong mas mababa nang kaunti sa mga anghel.” (Heb 2:9; Aw 8:4, 5; tingnan ang study note sa tao sa talatang ito.) Pero hindi lahat ay naniniwalang naging tao si Jesus. Halimbawa, pinaghalo-halo ng mga Gnostiko—na naniniwalang ang kaalaman (sa Griego, gnoʹsis) ay nakukuha sa mahiwagang paraan—ang Griegong pilosopiya, mahiwagang turo ng mga taga-Silangan, at mga turo ng apostatang mga Kristiyano. Para sa kanila, ang lahat ng pisikal na bagay ay masama. Dahil dito, itinuturo nila na hindi naging tao si Jesus kundi nagkatawang-tao lang. Lumilitaw na malakas ang impluwensiya ng sinaunang gnostisismo noong dulong bahagi ng unang siglo C.E., kaya malamang na may pinapalitaw na punto si Juan nang isulat niyang “ang Salita ay naging tao.” Sa mga liham ni Juan, nagbabala siya laban sa huwad na turo na si Jesus ay hindi “dumating bilang tao.”—1Ju 4:2, 3; 2Ju 7.
tao: Lit., “laman.” Ang salitang Griego na sarx ay ginamit dito para tumukoy sa buháy na nilalang na may pisikal na katawan. Nang ipanganak si Jesus bilang tao, hindi na siya espiritu. Hindi lang siya basta nagkatawang-tao, gaya ng ginawa ng mga anghel noon. (Gen 18:1-3; 19:1; Jos 5:13-15) Kaya tama lang na tawagin ni Jesus ang sarili niya na “Anak ng tao.”—Ju 1:51; 3:14; tingnan ang study note sa Mat 8:20.
namuhay: Lit., “nanirahan sa tolda.” Iniisip ng ilan na noong sabihing ang Salita ay ‘namuhay, o nanirahan sa tolda, kasama ng mga tao,’ nangangahulugan itong si Jesus ay hindi naging totoong tao kundi nagkatawang-tao lang. Pero nang banggitin ni Pedro ang tungkol sa sarili niyang katawan bilang pansamantalang tirahan, ginamit niya ang kaugnay na pangngalan na isinasaling “tabernakulo,” o “tolda.” (2Pe 1:13; tlb.) Kahit alam ni Pedro na malapit na siyang mamatay at bubuhayin siyang muli sa espiritu at hindi sa laman, hindi niya ipinapahiwatig na nagkatawang-tao lang siya.—2Pe 1:13-15; tingnan din ang 1Co 15:35-38, 42-44; 1Ju 3:2.
nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian: Sa buhay at ministeryo ni Jesus, nakita ni Juan at ng iba pang apostol ang kaluwalhatian, o kadakilaan, na maipapakita lang ng isa na perpektong nakakatulad sa mga katangian ni Jehova. Nasaksihan din nina apostol Juan, Santiago, at Pedro ang pagbabagong-anyo ni Jesus. (Mat 17:1-9; Mar 9:1-9; Luc 9:28-36) Kaya posibleng ang tinutukoy dito ni Juan ay hindi lang ang pagpapakita ni Jesus ng mga katangian ng Diyos, kundi pati ang pagbabagong-anyo na nasaksihan niya mahigit 60 taon na ang nakakalipas. Tumatak din ang pangyayaring ito sa isip ni apostol Pedro, na sumulat ng mga liham niya mga 30 taon bago isulat ni Juan ang Ebanghelyo niya. Espesipikong tinukoy ni Pedro ang pagbabagong-anyo bilang kahanga-hangang katuparan ng “binanggit na hula.”—2Pe 1:17-19.
kaisa-isang anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit sa Bibliya para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. (Tingnan ang study note sa Luc 7:12; 8:42; 9:38.) Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginamit ang terminong ito (Ju 3:16, 18; 1Ju 4:9), pero hindi niya tinutukoy ang kapanganakan o pagiging tao ni Jesus. Kapag ginagamit ito ni Juan, ang tinutukoy niya ay ang pag-iral ni Jesus bago siya maging tao bilang Logos, o ang Salita, na “sa simula pa lang” ay kasama na ng Diyos “bago pa umiral ang sanlibutan.” (Ju 1:1, 2; 17:5, 24) Si Jesus ang “kaisa-isang anak” dahil siya ang Panganay ni Jehova at ang kaisa-isang direktang nilalang ng Diyos. Tinatawag ding “anak ng tunay na Diyos” o “anak ng Diyos” ang iba pang espiritung nilalang (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7), pero ang lahat ng mga anak na iyon ay nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak (Col 1:15, 16). Kaya ang terminong mo·no·ge·nesʹ ay tumutukoy sa pagiging natatangi ni Jesus at nag-iisa sa kaniyang uri at sa pagiging kaisa-isang anak na direktang nilalang ng Diyos nang walang katulong.—1Ju 5:18; tingnan ang study note sa Heb 11:17.
nasa kaniya ang pabor ng Diyos at nagtuturo siya ng katotohanan: Nasa “Salita,” kay Jesu-Kristo, ang pabor ng Diyos, at lagi siyang nagsasabi ng katotohanan. Pero ipinapakita ng konteksto na hindi lang dito tumutukoy ang pariralang ito; espesipikong pinili ni Jehova ang Anak niya para ipaliwanag at ipakita nang lubusan ang katotohanan at walang-kapantay na kabaitan ng Ama. (Ju 1:16, 17) Kitang-kita kay Jesus ang mga katangiang ito ng Diyos kaya puwede niyang sabihin: “Sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9) Si Jesus ang ginamit ng Diyos para maghatid ng katotohanan at ng Kaniyang walang-kapantay na kabaitan sa mga gustong tumanggap nito.
pabor ng Diyos: O “walang-kapantay na kabaitan; di-sana-nararapat na kabaitan.” Ang salitang Griego na khaʹris ay lumitaw nang mahigit 150 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Kapag tumutukoy sa walang-kapantay na kabaitang ipinapakita ng Diyos sa mga tao, inilalarawan ng salitang ito ang isang regalo na ibinibigay ng Diyos dahil sa pagkabukas-palad niya, kabaitan, at pag-ibig nang walang inaasahang kapalit. Hindi ito tinatanggap ng isa dahil sa anumang nagawa niya; ibinigay lang ito sa kaniya dahil sa pagiging bukas-palad ng pinagmulan nito. (Ro 4:4; 11:6) Ang terminong ito ay hindi naman nangangahulugang hindi karapat-dapat tumanggap ng ganitong kabaitan ang isa, dahil si Jesus mismo ay tumanggap nito mula sa Diyos. Kapag ginagamit ang terminong ito para kay Jesus, angkop lang na isalin itong “pabor ng Diyos,” gaya sa talatang ito. (Luc 2:40) Sa ibang konteksto, ang terminong Griego ay isinasaling “pinapaboran,” “kusang-loob na abuloy,” o “tulong.”—Luc 1:30, tlb.; 1Co 16:3; 2Co 8:19.
Ang isa na dumarating na kasunod ko: Naunang ipanganak nang anim na buwan si Juan Bautista kay Jesus at nauna rin siyang magsimula ng ministeryo. Kaya masasabing si Jesus ay dumating na “kasunod,” o pagkatapos, ni Juan. (Luc 1:24, 26; 3:1-20) Pero di-hamak na mas kamangha-mangha ang mga nagawa ni Jesus, kaya masasabing naging mas dakila siya kay Juan, o nalampasan niya ito, sa lahat ng bagay. Kinilala rin ni Juan Bautista na umiiral na si Jesus bago naging tao nang sabihin ni Juan na una siyang umiral sa akin.
sagana ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, patuloy tayong nakatatanggap nito: Ang salitang Griego para sa “walang-kapantay na kabaitan,” o di-sana-nararapat na kabaitan, ay khaʹris. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkabukas-palad at saganang pag-ibig at kabaitan ng Diyos. Hindi ito tinatanggap ng isa dahil sa anumang nagawa niya; ibinigay lang ito sa kaniya dahil sa pagiging bukas-palad ng pinagmulan nito. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Sa orihinal na Griego, dinoble ang salitang khaʹris at sinamahan ng Griegong pang-ukol na an·tiʹ. Nagpapahiwatig ito ng sagana, walang-tigil, at sunod-sunod na pagpapakita ng walang-kapantay na kabaitan.
Ang Kautusan . . . ang walang-kapantay na kabaitan at katotohanan: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas na ipinapakita ang kaibahan ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises at ng “walang-kapantay na kabaitan.” (Ro 3:21-24; 5:20, 21; 6:14; Gal 2:21; 5:4; Heb 10:28, 29) Ang Kautusang Mosaiko ay nagsilbing “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo” at may mga anino ito, o makasagisag na mga bagay, na lumalarawan sa kaniya. (Gal 3:23-25; Col 2:16, 17; Heb 10:1) Isa pa, ‘malinaw na ipinakita ng Kautusan sa mga tao na makasalanan sila.’ (Ro 3:20) Ipinaalám din ng Kautusan sa mga tao na “ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan” at “ang lahat ng lumabag at sumuway ay naparusahan ayon sa katarungan.” (Ro 6:23; Heb 2:2) Ipinapakita dito ni Juan ang kaibahan ng “Kautusan” at ng “walang-kapantay na kabaitan at katotohanan” na ibinigay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Tinupad ni Jesus ang mga bagay na inilalarawan ng Kautusan, kasama na ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at pagbabayad-sala. (Lev 4:20, 26) Isiniwalat din niya na ang Diyos ay magpapakita sa makasalanang mga tao ng “walang-kapantay na kabaitan,” o “pabor,” gaya ng salin kung minsan ng terminong Griego na khaʹris, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang Anak bilang handog na pambayad-sala. (Col 1:14; 1Ju 4:10, tlb.; tingnan ang study note sa Ro 6:23 at Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Isiniwalat ni Jesus ang isang bagong “katotohanan”—mapapalaya ng handog na ito ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.—Ju 8:32; tingnan ang study note sa Ju 1:14.
ang kaisa-isang Anak na tulad-diyos: Lit., “ang bugtong na diyos.” Ang tinutukoy dito ni Juan ay ang Salita, si “Jesu-Kristo,” na tinawag niyang “isang diyos” sa unang talata. (Ju 1:1, 17) Tinatawag ni Juan si Jesus na kaisa-isang Anak ng Diyos. (Ju 1:14; 3:16) Sa tekstong ito, tinawag ni Juan si Jesus na “kaisa-isang Anak na tulad-diyos,” isang terminong nagdiriin ng espesyal na posisyon ni Jesus sa kaayusan ng Diyos. Puwedeng sabihing “tulad-diyos” si Jesus dahil sa pagkakagamit ng terminong “diyos” sa Bibliya. Ang titulong ito ay pangunahin nang nagpapakita ng pagiging makapangyarihan, at ginagamit pa nga ito ng Kasulatan para tumukoy sa mga tao. (Aw 82:6; tingnan ang study note sa Ju 1:1; 10:34.) Si Jesus ay “tulad-diyos,” o makapangyarihan, dahil binigyan siya ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Ama. (Mat 28:18; 1Co 8:6; Heb 1:2) Dahil si Jesus lang ang direktang nilalang ng Diyos at ang ginamit Niya sa “paggawa ng lahat ng bagay” (Ju 1:3), tama lang na tawagin siyang “kaisa-isang Anak na tulad-diyos.” Ipinapakita ng ekspresyong ito na may natatanging posisyon si Jesus na mas dakila at nakatataas kumpara sa lahat ng iba pang espiritung anak ng Diyos. Gaya ng makikita sa ibang salin ng Bibliya, ang mababasa sa ibang manuskrito ay “ang bugtong na Anak.” Pero sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, ginamit ang terminong “diyos” para kay Jesus.
nasa tabi ng Ama: Lit., “nasa dibdib ng Ama.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng espesyal at malapít na kaugnayan. Ang idyomang ito ay malamang na nanggaling sa nakasanayang puwesto ng mga tao noon habang kumakain, kung saan humihilig sila sa dibdib ng malapít nilang kaibigan. (Ju 13:23-25) Kaya inilalarawan dito si Jesus bilang pinakamalapít na kaibigan ni Jehova; siya lang ang lubusang makakapagpakilala kung sino talaga ang Diyos.—Mat 11:27.
Elias: Tingnan ang study note sa Mat 11:14.
ang Propeta: Ang propetang inihula ni Moises na matagal nang hinihintay.—Deu 18:18, 19; Ju 1:25-27; 6:14; 7:40; Gaw 3:19-26.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. A5 at Ap. C.) Ipinakita ng mga manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas na si Juan Bautista ang tinutukoy sa hulang ito, at sa Ebanghelyong ito ni Juan, si Juan Bautista mismo ang nagsabi na siya ang tutupad sa hulang ito. Papatagin ni Juan ang dadaanan ni Jehova dahil ihahanda niya ang daan para kay Jesus, na kakatawan sa kaniyang Ama at darating sa ngalan ng kaniyang Ama.—Ju 5:43; 8:29.
Nagbabautismo: O “Naglulubog.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”
sandalyas: Ang pagkakalag ng sintas, pag-aalis, o pagdadala ng sandalyas ng iba (Mat 3:11; Mar 1:7; Luc 3:16) ay itinuturing na mababang atas at ginagawa ng isang alipin.
Betania: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “Bethabara” sa halip na “Betania,” at iyan ang ginamit sa ilang salin ng Bibliya. Pero ang mababasa sa pinakamaaasahang mga manuskrito ay “Betania.”
Betania sa kabila ng Jordan: Silangan ng Jordan. Ang Betania na ito, na isang beses lang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay hindi ang Betania na malapit sa Jerusalem. (Mat 21:17; Mar 11:1; Luc 19:29; Ju 11:1) Hindi alam ang eksaktong lokasyon ng Betania na ito sa silangan ng Jordan. Sinasabi ng ilan na ito rin ang lugar kung saan binautismuhan si Jesus, sa kabila ng Jordan sa tapat ng Jerico. Pero ipinapahiwatig ng Ju 1:29, 35, 43; 2:1 na mas malapit ito sa Cana ng Galilea sa halip na sa Jerico. Kaya malamang na ito ay nasa bandang timog ng Lawa ng Galilea, pero hindi talaga matitiyak ang lokasyon nito.—Tingnan ang Ap. B10.
ang Kordero ng Diyos: Pagkabautismo kay Jesus at pagkabalik niya mula sa panunukso ng Diyablo, ipinakilala siya ni Juan Bautista bilang “ang Kordero ng Diyos.” Ang ekspresyong ito ay dito lang lumitaw at sa Ju 1:36. (Tingnan ang Ap. A7.) Angkop lang na ihalintulad sa kordero si Jesus. Sa Bibliya, naghahandog ng tupa bilang pagkilala sa kasalanan at para makalapit sa Diyos. Isinasagisag nito ang sakripisyong gagawin ni Jesus kapag ibinigay na niya ang perpektong buhay niya bilang tao alang-alang sa sangkatauhan. Maraming teksto sa Kasulatan ang maaalala sa ekspresyong “Kordero ng Diyos.” Dahil pamilyar si Juan Bautista sa Hebreong Kasulatan, posibleng naisip niya ang isa o higit pa sa mga ito: ang lalaking tupa na inihandog ni Abraham kapalit ng anak niyang si Isaac (Gen 22:13), ang korderong pampaskuwa na pinatay sa Ehipto para sa kaligtasan ng mga aliping Israelita (Exo 12:1-13), o ang batang lalaking tupa na inihahandog sa altar ng Diyos sa Jerusalem bawat umaga at gabi (Exo 29:38-42). Posibleng naisip din ni Juan ang hula ni Isaias, kung saan ang tinatawag ni Jehova na “lingkod ko” ay sinabing ‘dadalhin sa katayan gaya ng isang tupa.’ (Isa 52:13; 53:5, 7, 11) Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto, tinukoy niya si Jesus bilang “ating korderong pampaskuwa.” (1Co 5:7) Sinabi ni apostol Pedro na ang “mahalagang dugo” ni Kristo ay “gaya ng sa isang walang-dungis at walang-batik na kordero.” (1Pe 1:19) At sa aklat ng Apocalipsis, mahigit 25 beses na tinukoy ang niluwalhating si Jesus bilang ang “Kordero.”—Narito ang ilang halimbawa: Apo 5:8; 6:1; 7:9; 12:11; 13:8; 14:1; 15:3; 17:14; 19:7; 21:9; 22:1.
sangkatauhan: O “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. Sa kontekstong ito at sa Ju 3:16, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan na makasalanan, dahil nagmana sila ng kasalanan mula kay Adan.
tulad ng isang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova na simbolo ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas—ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa kay Jesus ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.
Anak ng Diyos: Madalas gamitin ang ekspresyong ito sa Bibliya para tumukoy kay Jesus. (Ju 1:49; 3:16-18; 5:25; 10:36; 11:4) Walang literal na asawa ang Diyos at hindi siya tao, kaya malamang na ang ekspresyong ito ay isang paglalarawan. Malinaw na ginamit ito para tulungan ang mambabasa na makitang ang kaugnayan ni Jesus at ng Diyos ay gaya ng kaugnayan ng mag-amang tao. Idinidiin din nito na galing kay Jehova ang buhay ni Jesus dahil nilalang siya ng Diyos. Kaya naman ang unang taong si Adan ay tinawag ding “anak ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Luc 3:38.
si Juan kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad: Ang isa sa dalawang alagad ni Juan Bautista ay “si Andres, na kapatid ni Simon Pedro.”—Tingnan ang study note sa Ju 1:40.
dalawa niyang alagad, sinundan nila si Jesus: Ipinapakita ng pananalitang ito na ang unang mga alagad ni Jesus ay dating mga alagad ni Juan Bautista.—Tingnan ang study note sa Ju 1:35, 40.
mga ika-10 oras: Mga 4:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
isa sa dalawa: Binanggit ang dalawang alagad na ito sa Ju 1:35. Malamang na ang alagad na hindi pinangalanan ay si apostol Juan, na anak ni Zebedeo at manunulat ng Ebanghelyong ito. (Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10) Nabuo ang konklusyong ito dahil hindi pinapangalanan ng manunulat ng Ebanghelyong ito ang sarili niya, hindi niya kailanman binanggit ang pangalan ni apostol Juan, at “Juan” lang ang lagi niyang itinatawag kay Juan Bautista.
ang Mesiyas: O “ang Pinahiran.” Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na Mes·siʹas (transliterasyon ng salitang Hebreo na ma·shiʹach). (Tingnan ang Ju 4:25.) Ang titulong ma·shiʹach ay mula sa pandiwang Hebreo na ma·shachʹ, na nangangahulugang “pahiran” at “atasan.” (Exo 29:2, 7) Noong panahon ng Bibliya, ang mga saserdote, tagapamahala, at propeta ay binubuhusan ng langis para atasan. (Lev 4:3; 1Sa 16:3, 12, 13; 1Ha 19:16) Dito sa Ju 1:41, ang titulong “Mesiyas” ay sinundan ng paliwanag na kapag isinalin ay “Kristo.” Ang titulong “Kristo” (sa Griego, Khri·stosʹ) ay lumitaw nang mahigit 500 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at katumbas ng titulong “Mesiyas,” na parehong nangangahulugang “Pinahiran.”—Tingnan ang study note sa Mat 1:1.
Ikaw si Simon: May limang pangalan si Simon sa Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Mat 4:18; 10:2.) Sa ulat na ito, lumilitaw na nakita ni Jesus si Simon sa unang pagkakataon at ibinigay sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (Ke·phasʹ), posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Ipinaliwanag din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Juan na ang Cefas ay isinasaling “Pedro,” pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Bato.” Sa Kasulatan, si Simon lang ang may ganitong Semitiko at Griegong pangalan. Kung nakita ni Jesus na si Natanael ay isang lalaki na “walang anumang pagkukunwari” (Ju 1:47; 2:25), nakita rin niya ang pagkatao ni Pedro. Nang mamatay si Jesus at buhaying muli, mas nakapagpakita si Pedro ng mga katangiang gaya ng sa bato; pinalakas at pinatatag niya ang kongregasyon.—Luc 22:32; Gaw 1:15, 16; 15:6-11.
Juan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang ama ni apostol Pedro ay tinawag ditong Juan. Sa ibang sinaunang manuskrito naman, tinawag siyang Jona. Sa Mat 16:17, tinawag ni Jesus si Pedro na “Simon na anak ni Jonas.” (Tingnan ang study note sa Mat 16:17.) Ayon sa ilang iskolar, ang Griegong anyo ng mga pangalang Juan at Jona(s) ay posibleng tumutukoy sa iisang pangalang Hebreo pero magkaiba ng ispeling.
Natanael: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos ay Nagbigay.” Ipinapalagay na ang “Natanael” ay iba pang pangalan ni Bartolome, isa sa 12 apostol ni Jesus. (Mat 10:3) Ang Bartolome ay galing sa pangalan ng kaniyang ama at nangangahulugang “Anak ni Tolmai.” Hindi kataka-takang tinawag si Natanael na Bartolome, o Anak ni Tolmai, dahil may isa pang lalaki na tinatawag namang Bartimeo, na anak ni Timeo. (Mar 10:46) Nang banggitin nina Mateo, Marcos, at Lucas si Bartolome, binanggit nila ito kasama si Felipe. At nang banggitin ni Juan si Natanael, iniugnay niya rin ito kay Felipe, na karagdagang patunay na iisa lang si Bartolome at Natanael. (Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:14; Ju 1:45, 46) Karaniwan sa mga tao noon na magkaroon ng higit sa isang pangalan.—Ju 1:42.
sa Kautusan, na isinulat ni Moises, at sa mga Propeta: Makikita sa ekspresyong ito ang kombinasyon ng “Kautusan” at “mga Propeta” na ilang beses na ginamit sa mga Ebanghelyo. (Mat 5:17; 7:12; 11:13; 22:40; Luc 16:16) Dito, ang “Kautusan” ay tumutukoy sa mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” naman ay tumutukoy sa mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan. Pero kapag pinagsama ito, ang ekspresyon ay masasabing tumutukoy sa buong Hebreong Kasulatan. Maliwanag na pinag-aaralang mabuti ng mga alagad na binanggit dito ang Hebreong Kasulatan, at posibleng ang nasa isip ni Felipe ay ang mga ulat sa Gen 3:15; 22:18; 49:10; Deu 18:18; Isa 9:6, 7; 11:1; Jer 33:15; Eze 34:23; Mik 5:2; Zac 6:12; at Mal 3:1. Sa katunayan, maraming teksto sa Bibliya ang nagpapakita na ang buong Hebreong Kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus.—Luc 24:27, 44; Ju 5:39, 40; Gaw 10:43; Apo 19:10.
Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?: Dahil sa sinabing ito ni Natanael, iniisip ng marami na mababa ang tingin sa Nazaret, kahit ng mga taga-Galilea. (Ju 21:2) Ang Nazaret ay hindi binanggit sa Hebreong Kasulatan at ni Josephus, samantalang ang Japia (wala pang 3 km [2 mi] sa timog-kanluran ng Nazaret) na malapit dito ay nabanggit sa Jos 19:12 at ni Josephus. Pero hindi naman lahat ng lunsod sa Galilea ay binanggit ng Hebreong Kasulatan o ni Josephus. Kapansin-pansin din na sa mga Ebanghelyo, ang Nazaret ay laging tinatawag na “lunsod” (sa Griego, poʹlis), isang termino na karaniwan nang tumutukoy sa isang lugar na mas malaki ang populasyon kaysa sa nayon. (Mat 2:23; Luc 1:26; 2:4, 39; 4:29) Ang Nazaret ay nasa isang patag na bahagi ng bundok na napapalibutan ng burol, at matatanaw dito ang kapatagan ng Esdraelon (Jezreel). Matao ang lugar na ito, at maraming lunsod at bayan na malapit dito. Malapit ito sa mahahalagang ruta ng kalakalan, kaya siguradong maraming alam ang mga tagarito tungkol sa lipunan, relihiyon, at politika noong panahong iyon. (Ihambing ang Luc 4:23.) May sarili ring sinagoga ang Nazaret. (Luc 4:16) Kaya lumilitaw na hindi basta-basta ang lugar na ito. Ibig sabihin, malamang na nagulat lang si Natanael na iniisip ni Felipe na ang Isa na Ipinangako ay magmumula sa kalapít na lunsod ng Nazaret sa Galilea, samantalang inihula sa Kasulatan na ang Mesiyas ay magmumula sa Betlehem sa Juda.—Mik 5:2; Ju 7:42, 52.
tunay na Israelita na walang anumang pagkukunwari: Lahat ng inapo ni Jacob ay Israelita, pero siguradong higit pa sa pagiging kadugo ang tinutukoy dito ni Jesus. Ang pangalang Israel ay nangangahulugang “Nakikipagpunyagi (Nagmamatiyaga) sa Diyos,” at ibinigay ito kay Jacob matapos siyang makipagbuno sa isang anghel para makakuha ng pagpapala. Di-gaya ng kapatid niyang si Esau, pinahalagahan ni Jacob ang sagradong mga bagay at handa siyang magsikap nang husto para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. (Gen 32:22-28; Heb 12:16) Ipinapakita ng sinabi ni Jesus kay Natanael na hindi lang siya basta likas na Israelita, kundi nananampalataya rin siya at nagpapasakop sa kalooban ng Diyos gaya ng ninuno niyang si Jacob. Ipinapakita rin ng sinabi ni Jesus (na posibleng mula sa Aw 32:2) na hindi mapagkunwari o mapanlinlang si Natanael.
Higit pa rito ang makikita mo: Nakita agad ni Natanael na natupad ang sinabing ito ni Jesus. Sa isang kasalan sa sarili niyang bayan, sa Cana ng Galilea, nasaksihan ni Natanael ang unang himala ni Jesus nang gawin niyang mainam na alak ang tubig. (Ju 2:1-11; 21:2) Kasama ng 11 alagad na naging mga apostol, nakita ni Natanael si Jesus na nagpagaling ng mga maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at bumuhay pa nga ng mga patay. Pero hindi lang nila nakita ang mga bagay na ito. Si Natanael at ang ibang apostol ay binigyan din ng kapangyarihang gumawa ng himala at makibahagi sa paghahayag ng mensahe na “ang Kaharian ng langit ay malapit na.”—Mat 10:1-8.
Tinitiyak ko sa inyo: O “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.” Sa Griego, a·menʹ a·menʹ. Ang salitang Griego na a·menʹ ay transliterasyon ng Hebreo na ʼa·menʹ, na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Madalas gamitin ni Jesus ang terminong a·menʹ bago sabihin ang isang kapahayagan, pangako, o hula bilang pagdiriin na ito ay talagang totoo at maaasahan. Ang paggamit ni Jesus ng amen sa ganitong paraan ay sinasabing makikita lang sa mga Ebanghelyo at hindi sa ibang mga literatura sa relihiyon. (Mat 5:18; Mar 3:28; Luc 4:24) Sa Ebanghelyo lang ni Juan ginamit nang magkasunod ang terminong ito (a·menʹ a·menʹ), at 25 beses itong lumitaw dito. Sa saling ito, ang dobleng a·menʹ ay isinasaling “tinitiyak” o “sinasabi.” Ang buong pariralang “Tinitiyak ko sa inyo” ay puwede ring isaling: “Sinasabi ko sa inyo ang totoo.”
langit: Ang terminong Griego na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa literal o sa espirituwal na langit.
anghel: O “mensahero.” Ang salitang Griego na agʹge·los at ang katumbas na salitang Hebreo nito na mal·ʼakhʹ ay lumitaw nang halos 400 beses sa Bibliya. Ang dalawang salitang ito ay pangunahin nang nangangahulugang “mensahero.” Kapag espiritung mensahero ang tinutukoy, isinasalin itong “anghel,” pero kung tao ang tinutukoy, isinasalin itong “mensahero.” Madalas na malinaw sa konteksto kung ang tinutukoy ay mensaherong tao o anghel, pero kapag di-tiyak, kadalasan nang makikita sa talababa ang isa pang posibleng salin. (Gen 16:7; 32:3; Job 4:18, tlb.; 33:23, tlb.; Ec 5:6, tlb.; Isa 63:9, tlb.; Mat 1:20; San 2:25; Apo 22:8; tingnan sa Glosari.) Sa aklat ng Apocalipsis, na punô ng makasagisag na paglalarawan, ang ilang pagbanggit sa mga anghel ay puwedeng tumukoy sa mga tao.—Apo 2:1, 8, 12, 18; 3:1, 7, 14.
sa Anak ng tao: O “para maglingkod sa Anak ng tao.” Nang sabihin ni Jesus na ang mga anghel ay bumababa . . . at umaakyat sa langit, posibleng naiisip niya ang pangitain ni Jacob tungkol sa mga anghel na umaakyat at bumababa sa hagdan (Gen 28:12), na nagpapakitang ang mga anghel ay naglilingkod kay Jehova at sa mga taong may pagsang-ayon niya. Ipinapakita rin ng sinabi ni Jesus na nakita ng mga nakasama niya na naglilingkod sa kaniya ang mga anghel ng Diyos at na pinapangalagaan at pinapatnubayan siya ng kaniyang Ama sa espesyal na paraan.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.