Ayon kay Juan 10:1-42

10  “Sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa kulungan ng tupa na hindi dumadaan sa pinto kundi umaakyat sa bakod ay isang magnanakaw at mandarambong.+ 2  Pero ang dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa.+ 3  Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto,+ at pinakikinggan ng mga tupa ang tinig niya.+ Tinatawag niya sa pangalan ang kaniyang mga tupa at inaakay palabas. 4  Kapag nailabas na niya ang lahat ng tupa niya, pumupunta siya sa unahan nila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa dahil kilala nila ang tinig niya. 5  Hindi sila susunod sa ibang tao, kundi lalayuan* nila ito dahil hindi nila kilala ang tinig ng ibang tao.”+ 6  Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, pero hindi nila iyon naintindihan. 7  Kaya sinabi ulit ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto para sa mga tupa.+ 8  Ang lahat ng dumarating na kahalili ko ay mga magnanakaw at mandarambong; pero hindi nakikinig sa kanila ang mga tupa. 9  Ako ang pinto; ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at siya ay papasok at lalabas at makakakita ng madamong pastulan.+ 10  Dumarating lang ang isang magnanakaw para magnakaw at pumatay at pumuksa.+ Pero dumating ako para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. 11  Ako ang mabuting pastol;+ ibinibigay ng mabuting pastol ang buhay niya alang-alang sa mga tupa.+ 12  Kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo,* iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas dahil hindi siya isang pastol at hindi sa kaniya ang mga tupa. Sinusunggaban ng lobo ang mga tupa at binubulabog ang mga ito. 13  Dahil isa siyang taong upahan, wala siyang malasakit sa mga tupa. 14  Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,+ 15  kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama;+ at ibinibigay ko ang buhay ko alang-alang sa mga tupa.+ 16  “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito;+ kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.+ 17  At mahal ako ng Ama+ dahil ibinibigay ko ang aking buhay+ para tanggapin ko itong muli. 18  Walang taong kumukuha nito sa akin, kundi ibinibigay ko ito sa sarili kong pagkukusa. May awtoridad ako na ibigay ito, at may awtoridad ako na tanggapin itong muli.+ Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.” 19  Dahil sa mga sinabi niya, muling nabahagi ang mga Judio.+ 20  Sinasabi ng marami sa kanila: “Baliw siya at sinasapian ng demonyo.+ Bakit kayo nakikinig sa kaniya?” 21  Sinasabi naman ng iba: “Hindi ito kayang sabihin ng taong sinasapian ng demonyo. Ang isang demonyo ay hindi nakapagpapagaling* ng mga bulag, hindi ba?” 22  Nang panahong iyon ay Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem. Taglamig noon, 23  at naglalakad si Jesus sa templo sa kolonada* ni Solomon.+ 24  Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi: “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na sa amin.” 25  Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo naniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng Ama ko ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 26  Pero hindi kayo naniniwala, dahil hindi ko kayo mga tupa.+ 27  Ang mga tupa ko ay nakikinig sa tinig ko, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.+ 28  Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan,+ at hindi sila kailanman mapupuksa, at walang sinumang aagaw* sa kanila mula sa kamay ko.+ 29  Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pang bagay, at walang sinuman ang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama.+ 30  Ako at ang Ama ay iisa.”+ 31  Muli ay dumampot ng bato ang mga Judio para batuhin siya.+ 32  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Marami akong ipinakitang mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan kung bakit ninyo ako babatuhin?” 33  Sumagot ang mga Judio: “Babatuhin ka namin, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa pamumusong;*+ tao ka lang pero ginagawa mong diyos ang sarili mo.” 34  Sinabi ni Jesus: “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko: “Kayo ay mga diyos”’?+ 35  Kung tinawag ng Diyos na ‘mga diyos’+ ang mga hinatulan ng kaniyang salita—at hindi puwedeng mabago ang nasa Kasulatan— 36  bakit ako na pinabanal at isinugo ng Ama sa mundo* ay pinaparatangan ninyo ng pamumusong dahil sinabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos’?+ 37  Kung hindi ko ginagawa ang kagustuhan ng Ama ko, huwag kayong maniwala sa akin. 38  Pero kung ginagawa ko iyon, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin,+ maniwala kayo sa mga gawa, para malaman ninyo at patuloy na malaman na ang Ama ay kaisa ko at ako ay kaisa ng Ama.”+ 39  Kaya tinangka nilang muli na hulihin siya, pero nakatakas siya.+ 40  At muli siyang umalis papunta sa kabila ng Jordan sa lugar kung saan nagbabautismo si Juan noong una,+ at nanatili siya roon. 41  Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi gumawa si Juan ng kahit isang himala,* pero totoo ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito.”+ 42  At marami ang nanampalataya roon kay Jesus.

Talababa

Lit., “tatakasan.”
O “mabangis na aso.”
Lit., “nakapagdidilat ng mga mata.”
Pasilyong may hanay ng mga haligi.
O “susunggab.”
Tingnan sa Glosari.
O “sanlibutan.”
Lit., “tanda.”

Study Notes

kilala nila ang tinig niya: Batay sa maraming ulit na pagmamasid sa pagpapastol sa Gitnang Silangan, napatunayan na kamangha-mangha ang kakayahan ng tupa na matukoy ang kaibahan ng tinig ng pastol nito sa tinig ng iba pang pastol o ng mga estranghero. Gaya ng makikita sa sinabi ni Jesus, pinapangalanan ng mga pastol ang bawat tupa kahit napakalaki ng kawan. (Ju 10:3, 27) Maliit pa lang ang tupa, naririnig na niya na tinatawag siya ng pastol sa pangalan habang ginagabayan at sinasanay siya nito. May sariling tunog din ang bawat pastol para makilala sila ng mga tupa nila. Sinasanay ng mga pastol ang mga tupa na makinig sa iba’t ibang tunog na gagawin nila para malaman ng mga ito kung may panganib o kung saan may damo at tubig. Kaya masasabing kilala ng mga tupa ang tinig ng pastol nila, hindi lang dahil sa kaya nilang matukoy ang tinig nito, kundi dahil nararamdaman din nila ang pagmamalasakit at proteksiyon sa kanila ng pastol bilang indibidwal at bilang isang kawan.

Hindi sila susunod: O “Hinding-hindi sila susunod.” Ang paggamit dito ng dalawang salitang negatibo sa Griego ay pagdiriin na hindi mangyayari ang isang bagay. Ipinapakita nito na talagang totoo ang sinabi ni Jesus. Sa kontekstong ito, ang terminong ibang tao ay tumutukoy sa isa na hindi kilala ng mga tupa.

paghahambing: Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na gumamit ng salitang Griego na pa·roi·miʹa. (Ju 10:6; 16:25, 29) Kahawig ito ng kahulugan ng salitang Griego na pa·ra·bo·leʹ (“ilustrasyon” o “talinghaga”) na maraming beses na ginamit sa ibang Ebanghelyo pero hindi ginamit sa ulat ni Juan. (Tingnan ang study note sa Mat 13:3.) Ang salitang pa·roi·miʹa ay puwede ring tumukoy sa paghahambing. Ito ang terminong ginamit ni Pedro para sa “kawikaan” tungkol sa aso na kumain ulit ng suka nito at sa babaeng baboy na lumublob ulit sa putikan. (2Pe 2:22) Ito rin ang pangngalang ginamit para sa pamagat ng aklat ng Kawikaan sa Griegong Septuagint.

mabuting pastol: O “mahusay na pastol.” Ang salitang Griego na ka·losʹ ay puwedeng tumukoy sa pagiging likas na mabuti at maganda o sa isang bagay na de-kalidad. Halimbawa, ang terminong ito ay ginamit para tumukoy sa ‘magandang bunga’; “matabang lupa”; “magandang klase ng mga perlas.” (Mat 3:10; 13:8, 45) Sa kontekstong ito, ang termino ay ginamit para ipakita na si Jesus ay mabuti at mahusay na pastol.

buhay: Iba-iba ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ depende sa konteksto. Dito, tumutukoy ito sa buhay ni Jesus na kusang-loob niyang ‘ibinigay’ bilang “mabuting pastol” alang-alang sa mga tupa niya.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

taong upahan: Mahalagang pag-aari ang isang kawan ng tupa, kaya kadalasan nang ang may-ari, mga anak niya, o isang kamag-anak ang nag-aalaga sa walang kalaban-laban na mga nilalang na ito. (Gen 29:9; 30:31; 1Sa 16:11) Puwede ring umupa ang may-ari ng mag-aalaga sa mga tupa. Pero kadalasan na, ginagawa ito ng taong upahan dahil sa kikitain niya, hindi dahil sa katapatan niya sa may-ari o malasakit sa mga tupa. (Ihambing ang Job 7:1, 2.) Sa Kasulatan, ginagamit ang pagpapastol para tumukoy sa pag-aalaga, pagprotekta, at paglalaan sa tulad-tupang mga lingkod ng Diyos. (Gen 48:15) Hindi dapat tularan ng mga pastol sa kongregasyong Kristiyano ang saloobin ng “taong upahan.” (Ju 10:13) Sa halip, sinisikap nilang tularan ang halimbawa ni Jehova bilang mapagmalasakit na Pastol ng kaniyang bayan (Aw 23:1-6; 80:1; Jer 31:10; Eze 34:11-16) at ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Jesus, “ang mabuting pastol.”—Ju 10:11, 14; Gaw 20:28, 29; 1Pe 5:2-4.

buhay: Tingnan ang study note sa Ju 10:11.

akayin: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, aʹgo, ay puwedeng mangahulugang “akayin,” depende sa konteksto. Ginamit ng isang manuskritong Griego na mula noong mga 200 C.E. ang kaugnay na salitang Griego na sy·naʹgo, na madalas isaling “tipunin.” Bilang ang Mabuting Pastol, tinitipon, ginagabayan, pinoprotektahan, at pinapakain ni Jesus ang mga tupa na kabilang sa kulungang ito (tinutukoy rin sa Luc 12:32 na “munting kawan”) at ang ibang mga tupa niya. Ang mga ito ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol. Idinidiin ng paglalarawang ito ang pagkakaisa ng mga tagasunod ni Jesus.

makikinig: Ang salitang Griego na ginamit para dito ay nangangahulugang “magbigay-pansin, unawain, at sumunod.”

buhay: Iba-iba ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ depende sa konteksto. Dito, tumutukoy ito sa buhay ni Jesus na handa niyang ibigay.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Kapistahan ng Pag-aalay: Sa Hebreo, ang kapistahang ito ay tinatawag na Hanukkah (chanuk·kahʹ), na nangangahulugang “Inagurasyon; Pag-aalay.” Walong araw itong ipinagdiriwang, simula sa ika-25 araw ng buwan ng Kislev, malapit sa winter solstice, (tingnan ang study note sa Taglamig sa talatang ito at Ap. B15) para alalahanin ang muling pag-aalay ng templo sa Jerusalem noong 165 B.C.E. Walang paggalang si Haring Antiochus IV Epiphanes ng Sirya kay Jehova, ang Diyos ng mga Judio, kaya nilapastangan niya ang templo ng Diyos. Halimbawa, nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar, kung saan araw-araw na iniaalay ang handog na sinusunog. Noong Kislev 25, 168 B.C.E., para lubusin ang paglapastangan niya sa templo ni Jehova, naghandog si Antiochus ng baboy sa altar at isinaboy sa buong templo ang pinagpakuluan ng karne nito. Sinunog niya ang mga pintuang-daan ng templo, sinira ang mga silid ng saserdote, at kinuha ang gintong altar, mesa ng tinapay na pantanghal, at gintong kandelero. Pagkatapos, inialay niya ang templo ni Jehova sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus. Makalipas ang dalawang taon, nabawi ni Judas Maccabaeus ang lunsod at ang templo. Matapos linisin ang templo, muli itong inialay noong Kislev 25, 165 B.C.E., eksaktong tatlong taon mula nang mag-alay si Antiochus sa altar ng kasuklam-suklam na handog kay Zeus. Naibalik ang araw-araw na pag-aalay kay Jehova ng handog na sinusunog. Hindi tuwirang sinasabi ng Kasulatan na si Jehova ang nasa likod ng tagumpay ni Judas Maccabaeus at na siya ang nag-utos dito na ibalik sa ayos ang templo. Pero gumamit noon si Jehova ng banyagang mga lalaki para isakatuparan ang ilang layunin niya may kinalaman sa pagsamba, gaya ni Ciro ng Persia. (Isa 45:1) Kaya makatuwiran ding isipin na puwedeng gumamit si Jehova ng isang lalaki mula sa bansang nakaalay sa kaniya para isakatuparan ang Kaniyang kalooban. Ipinapakita ng Kasulatan na mahalagang manatili ang templo at patuloy itong magamit para matupad ang mga hula tungkol sa Mesiyas, sa kaniyang ministeryo, at sa kaniyang hain. Kailangan ding magpatuloy ang paghahain na ginagawa ng mga Levita hanggang sa ihandog ng Mesiyas ang mas malaking hain, ang buhay niya alang-alang sa mga tao. (Dan 9:27; Ju 2:17; Heb 9:11-14) Hindi inutusan ang mga tagasunod ni Kristo na ipagdiwang ang Kapistahan ng Pag-aalay. (Col 2:16, 17) Pero wala namang ulat na kinondena ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pagdiriwang nito.

Taglamig: Taglamig ng 32 C.E., ang huling taglamig noong ministeryo ni Jesus. Ang Kapistahan ng Pag-aalay ay ipinagdiriwang sa buwan ng Kislev, ang ikasiyam na buwan, na tumatapat sa Nobyembre/Disyembre. Noong 32 C.E., ang unang araw ng kapistahan, Kislev 25, ay pumatak sa kalagitnaan ng Disyembre. (Tingnan ang Ap. B15.) Alam ng mga Judio na ipinagdiriwang ang kapistahang ito kapag taglamig. Kaya posibleng binanggit lang dito ang taglamig para idiin kung bakit pinili ni Jesus na magturo sa loob ng “kolonada ni Solomon.” (Ju 10:23) Sa lugar na ito, mapoprotektahan sila mula sa malakas na hanging silangan sa panahon ng taglamig.—Tingnan ang Ap. B11.

kami: Ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa,” ay nakadepende sa konteksto. Sa ilang konteksto, puwede itong tumbasan ng personal na panghalip. Ang iba pang halimbawa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung saan puwedeng isaling “ko” at “ako” ang psy·kheʹ ay makikita sa Mat 12:18; 26:38; at Heb 10:38.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pang bagay: May kaunting kaibahan ang pananalita ng pariralang ito sa ilang manuskritong Griego at mga salin. Ang mababasa sa ilang manuskrito ay “Ang Ama ko, na nagbigay ng mga ito sa akin, ay nakahihigit sa lahat,” pero maraming iskolar ang naniniwala na ang ginamit sa saling ito ang malamang na mababasa sa orihinal na teksto.

iisa: O “nagkakaisa.” Ipinapakita dito ni Jesus na nagkakaisa siya at ang kaniyang Ama sa pagprotekta sa tulad-tupang mga tao at sa pag-akay sa mga ito sa buhay na walang hanggan. Nagtutulungan ang Ama at ang Anak sa pagpapastol na ito. Pareho silang nagmamalasakit sa mga tupa; hindi nila hahayaang may makaagaw sa mga ito mula sa kamay nila. (Ju 10:27-29; ihambing ang Eze 34:23, 24.) Sa Ebanghelyo ni Juan, madalas na banggitin ang buklod ng Ama at ng Anak at ang pagkakaisa nila sa kagustuhan at layunin. Ang salitang Griego na isinalin ditong “iisa” ay hindi panlalaki (tumutukoy sa “isang persona”), kundi walang kasarian (tumutukoy sa “isang bagay”), kaya sinusuportahan nito ang unawa na si Jesus at ang kaniyang Ama ay “iisa” sa pagkilos at nagtutulungan; hindi ito nangangahulugang iisang persona sila. (Ju 5:19; 14:9, 23) Kapag inihambing ang ulat na ito sa panalangin niya sa Juan kabanata 17, makikita na hindi talaga sinasabi ni Jesus na iisang persona sila ng Diyos, kundi iisa sila sa layunin at pagkilos. (Ju 10:25-29; 17:2, 9-11) Kitang-kita ito nang ipanalangin ni Jesus na ang mga alagad niya ay “maging isa, kung paanong [siya at ang Ama] ay iisa.” (Ju 17:11) Kaya pareho ang pagiging isa na tinutukoy sa kabanata 10 at kabanata 17.—Tingnan ang study note sa Ju 17:11, 21; 1Co 3:8.

inyong Kautusan: Dito, tumutukoy ito sa buong Hebreong Kasulatan, hindi lang sa Kautusan ni Moises. Ang siniping bahagi ay mula sa Aw 82:6. Pareho ang pagkakagamit ng “Kautusan” dito at sa Ju 12:34; 15:25.

diyos: O “tulad-diyos.” Sinipi dito ni Jesus ang Aw 82:6, kung saan ginamit ang salitang Hebreo na ʼelo·himʹ (diyos) para tumukoy sa mga taong hukom sa Israel. Tinawag silang “diyos” dahil sila ang kinatawan at tagapagsalita ng Diyos. Gayundin, sinabi ng Diyos kay Moises na siya ay “magiging parang Diyos” kay Aaron at sa Paraon.—Exo 4:16, tlb; 7:1, tlb.

kaisa ng: Lit., “nasa.” Sa kontekstong ito, ang Griegong pang-ukol na en ay ginamit para tumukoy sa malapít na ugnayan. Makikita sa mga isinulat nina Juan at Pablo ang pagkakagamit ng pang-ukol na ito sa ganitong paraan. (Gal 1:22; 3:28; Efe 2:13, 15; 6:1) Sa 1Ju 3:24 at 4:13, 15, inilalarawan nito ang kaugnayan ng isang Kristiyano sa Diyos. Ang saling “kaisa ng” ay sinusuportahan ng pagkakagamit ng pang-ukol na ito sa Ju 17:20-23, kung saan lumitaw ito nang limang ulit.

Media