Ayon kay Juan 11:1-57

11  Isang lalaki ang may sakit, si Lazaro. Mula siya sa Betania,+ ang nayon ni Maria at ng kapatid nitong si Marta.+ 2  Siya ang Maria na nagbuhos ng mabangong langis sa mga paa ng Panginoon at pinunasan ito ng buhok niya;+ kapatid niya ang may-sakit na si Lazaro. 3  Kaya ipinasabi kay Jesus ng mga kapatid nitong babae: “Panginoon, may sakit ang mahal mong kaibigan.”+ 4  Pero nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya: “Ang sakit na ito ay hindi magwawakas sa kamatayan; ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos,+ para ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito.” 5  Mahal ni Jesus si Marta, ang kapatid nitong babae, at si Lazaro. 6  Pero nang marinig niyang may sakit si Lazaro, nanatili pa siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya. 7  Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad: “Pumunta tayo ulit sa Judea.” 8  Sinabi ng mga alagad: “Rabbi,+ hindi ba kamakailan lang, gusto kang batuhin ng mga taga-Judea?+ Bakit ka pupunta ulit doon?” 9  Sumagot si Jesus: “Hindi ba may 12 oras na liwanag ng araw?+ Kung ang sinuman ay maglakad sa liwanag ng araw, hindi siya matatalisod dahil nakikita niya ang liwanag ng sangkatauhan.* 10  Pero kung ang sinuman ay maglakad sa gabi, matatalisod siya dahil wala sa kaniya ang liwanag.” 11  Sinabi pa niya: “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog,+ pero pupunta ako roon para gisingin siya.” 12  Kaya sinabi ng mga alagad: “Panginoon, kung natutulog siya, bubuti ang pakiramdam niya.”* 13  Gayunman, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kamatayan ni Lazaro. Pero akala nila, tungkol lang sa pagtulog ang sinasabi niya. 14  Kaya tuwirang sinabi ni Jesus: “Patay na si Lazaro,+ 15  at mabuti para sa inyo na wala ako roon, nang sa gayon ay maniwala kayo. Pero ngayon, puntahan natin siya.” 16  Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa mga kapuwa niya alagad: “Sumama tayo para mamatay tayong kasama niya.”+ 17  Nang dumating si Jesus, apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18  Mga tatlong kilometro lang ang layo ng Betania mula sa Jerusalem. 19  Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa pagkamatay ng kapatid nila. 20  Nang mabalitaan ni Marta na parating na si Jesus, sinalubong niya siya; pero si Maria+ ay nanatili lang sa bahay na nakaupo. 21  At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22  Pero naniniwala pa rin ako na anuman ang hingin mo sa Diyos, ibibigay niya iyon sa iyo.” 23  Sinabi ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” 24  Sinabi ni Marta: “Alam kong mabubuhay siyang muli+ sa huling araw.” 25  Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.+ Siya na nananampalataya sa akin, kahit mamatay siya, ay mabubuhay; 26  at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.+ Naniniwala ka ba rito?” 27  Sumagot siya: “Oo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, ang isa na darating sa mundo.”* 28  Pagkasabi nito, umalis siya at tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at ibinulong: “Nandito ang Guro+ at tinatawag ka.” 29  Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pumunta kay Jesus. 30  Si Jesus ay wala pa sa nayon; naroon pa rin siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. 31  Nang pagkakataong iyon, may mga Judio sa bahay ni Maria na umaaliw sa kaniya. Nang makita nilang dali-daling tumayo si Maria at umalis, sinundan nila siya dahil iniisip nilang pupunta siya sa libingan+ para umiyak. 32  Nang dumating si Maria sa kinaroroonan ni Jesus at makita niya ito, sumubsob siya sa paanan nito at sinabi niya: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33  Nang makita ni Jesus na umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong Judio, parang kinurot ang puso niya at nalungkot siya nang husto. 34  Sinabi niya: “Saan ninyo siya inilibing?” Sinabi nila sa kaniya: “Sumama kayo sa amin, Panginoon.” 35  Lumuha si Jesus.+ 36  Kaya sinabi ng mga Judio: “Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal!” 37  Pero sinabi ng ilan sa kanila: “Napagaling niya ang isang bulag,+ bakit wala siyang nagawa para hindi mamatay si Lazaro?” 38  Muling nabagbag ang damdamin ni Jesus, at pumunta siya sa libingan. Iyon ay isang kuweba, at isang bato ang nakatakip doon. 39  Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi ni Marta na kapatid ng namatay: “Panginoon, malamang na nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40  Sinabi ni Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”+ 41  Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit,+ at sinabi niya: “Ama, nagpapasalamat ako na pinakinggan mo ako. 42  Alam ko na lagi mo akong pinakikinggan; pero nagsasalita ako ngayon dahil sa mga taong narito, para maniwala sila na isinugo mo ako.”+ 43  Pagkasabi nito, sumigaw siya: “Lazaro, lumabas ka!”+ 44  At lumabas ang taong namatay, na nababalutan ng tela ang mga paa at kamay, pati ang mukha. Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang nakabalot sa kaniya para makalakad siya.” 45  Kaya marami sa mga Judio na dumalaw kay Maria at nakakita sa ginawa ni Jesus ang nanampalataya sa kaniya,+ 46  pero ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at sinabi ang ginawa ni Jesus. 47  Kaya tinipon ng mga punong saserdote at mga Pariseo ang Sanedrin at sinabi: “Ano ang gagawin natin? Ang dami nang ginagawang tanda ng taong ito.+ 48  Kung pababayaan lang natin siya, mananampalataya silang lahat sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin ang ating templo at ang ating bansa.” 49  Pero sinabi ng isa sa kanila, si Caifas,+ ang mataas na saserdote nang taóng iyon: “Wala kayong alam. 50  Hindi ba ninyo nakikita na mas mabuti para sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan kaysa sa buong bansa ang mapahamak?”+ 51  Hindi niya ito sariling ideya, pero dahil siya ang mataas na saserdote nang taóng iyon, inihula niya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa, 52  at hindi lang para sa bansa, kundi para matipon sa isang grupo ang mga anak ng Diyos na nakapangalat.+ 53  Kaya mula nang araw na iyon, nagsabuwatan na sila para patayin siya.+ 54  Mula noon, patago nang naglakbay si Jesus para hindi siya makita ng mga Judio. Umalis siya roon papunta sa isang lugar malapit sa ilang,+ sa lunsod ng Efraim,+ at nanatili siya roon kasama ng mga alagad. 55  Malapit na ang Paskuwa+ ng mga Judio, at maraming tao mula sa mga lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago ang Paskuwa para maglinis ng sarili nila sa seremonyal na paraan. 56  Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi nila sa isa’t isa habang nakatayo sa paligid ng templo: “Ano sa palagay ninyo? Talaga kayang hindi siya darating sa kapistahan?” 57  Pero ipinag-utos ng mga punong saserdote at mga Pariseo na kung may sinumang makaalam kung nasaan si Jesus, dapat niyang sabihin iyon para madakip nila siya.

Talababa

O “sanlibutan.”
O “maliligtas siya.”
O “sanlibutan.”

Study Notes

Lazaro: Tingnan ang study note sa Luc 16:20.

Betania: Tingnan ang study note sa Mat 21:17.

mga taga-Judea: O “mga Judio.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “mga Judio” (gaya sa Ju 10:31, 33), pero isinalin itong “mga taga-Judea” dahil kakasabi lang ni Jesus sa mga alagad niya: “Pumunta tayo ulit sa Judea.” Ganito ang ginamit na salin para ipakitang mga Judio sa Judea ang nagtangkang bumato sa kaniya.—Ju 11:7.

natutulog: Sa Bibliya, ang kamatayan ay madalas na ihambing sa pagtulog. (Aw 13:3; Mar 5:39; Gaw 7:60, tlb.; 1Co 7:39, tlb.; 15:51; 1Te 4:13, tlb.) Bubuhaying muli ni Jesus si Lazaro, kaya malamang na sinabi niya ito para ipakita na kung paanong puwedeng gisingin ang isang taong mahimbing ang tulog, puwede ring mabuhay-muli ang mga patay. Ang kapangyarihang ginamit ni Jesus para buhayin si Lazaro ay galing sa kaniyang Ama, “na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon.”—Ro 4:17; tingnan ang study note sa Mar 5:39; Gaw 7:60.

Tomas: Ang pangalang Griego na ito ay mula sa salitang Aramaiko na nangangahulugang “Kambal.” Ang apostol na si Tomas ay kilalá rin sa pangalang Griego na Diʹdy·mos (isinasaling “Didymus” sa ilang Bibliyang Ingles), na nangangahulugan ding Kambal.

apat na araw nang nakalibing: Nang magkasakit nang malubha si Lazaro, ipinasabi ito kay Jesus ng mga kapatid niyang babae. (Ju 11:1-3) Mula sa Betania, kailangang maglakbay nang mga dalawang araw para makarating kay Jesus, at lumilitaw na namatay si Lazaro sa mismong araw na nalaman ni Jesus ang balita. (Ju 10:40) Bago pumunta si Jesus sa Betania, “nanatili pa siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya.” (Ju 11:6, 7) Kaya dahil nanatili pa siya roon nang dalawang araw at naglakbay nang dalawang araw, nakarating siya sa libingan ni Lazaro apat na araw pagkamatay nito. Mayroon nang di-bababa sa dalawang tao na binuhay-muli si Jesus—ang isa ay pagkamatay na pagkamatay ng tao at ang isa naman ay malamang na sa mismong araw din kung kailan ito namatay. (Luc 7:11-17; 8:49-55; ihambing ang Mat 11:5.) Pero wala pa siyang binuhay-muli na apat na araw nang patay at nabubulok na ang katawan. (Ju 11:39) May maling paniniwala ang mga Judio noon na pagkamatay ng isang tao, tatlong araw na mananatili ang kaluluwa sa katawan niya bago ito umalis. Kahit ang mga naniniwala dito ay siguradong humanga sa himalang ginawa ni Jesus kay Lazaro.—Ju 12:9, 10, 17.

nakalibing: O “nasa alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

Mga tatlong kilometro: Mga 2 mi. Lit., “Mga 15 estadyo.” Ang salitang Griego na staʹdi·on ay isang yunit ng pagsukat na katumbas ng 185 m (606.95 ft), o sangkawalo ng milyang Romano.—Tingnan sa Glosari, “Milya,” at Ap. B14.

Alam kong mabubuhay siyang muli: Iniisip ni Marta na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkabuhay-muli sa hinaharap, sa huling araw. (Tingnan ang study note sa Ju 6:39.) Kahanga-hanga ang pananampalataya ni Marta sa turong iyon. Itinuturo kasi ng ilang lider ng relihiyon noon, ang mga Saduceo, na walang pagkabuhay-muli, kahit pa malinaw itong itinuturo ng Kasulatan. (Dan 12:13; Mar 12:18) Naniniwala naman ang mga Pariseo sa imortalidad ng kaluluwa. Gayunman, alam ni Marta na itinuturo ni Jesus ang pagkabuhay-muli at may mga binuhay pa ngang muli si Jesus, pero wala pang katulad ni Lazaro, na ilang araw nang patay.

Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay: Dahil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, nagkaroon ng pagkakataon ang mga patay na mabuhay-muli. Matapos buhaying muli si Jesus, binigyan siya ni Jehova ng kapangyarihan na bumuhay ng mga patay at bigyan pa nga sila ng buhay na walang hanggan. (Tingnan ang study note sa Ju 5:26.) Sa Apo 1:18, sinabi ni Jesus na siya “ang isa na buháy” at ang may hawak ng “mga susi ng kamatayan at ng Libingan.” Kaya si Jesus ang pag-asa ng mga buháy at mga patay. Nangako siyang bubuksan niya ang mga libingan at bubuhayin ang mga patay tungo sa langit bilang mga kasama niyang tagapamahala o sa bagong lupa na pamamahalaan ng kaniyang gobyerno sa langit.—Ju 5:28, 29.

hindi na kailanman mamamatay: Nang sabihin ni Jesus na ang mga nananampalataya sa kaniya ay hindi na mamamatay, kundi mabubuhay magpakailanman, maliwanag na hindi niya sinasabing ang mga nakikinig sa kaniya nang pagkakataong iyon ay hindi na mamamatay. Sinasabi lang ni Jesus na kapag ang isa ay nanampalataya sa kaniya, puwede itong magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sinusuportahan iyan ng naunang sinabi ni Jesus sa Juan kabanata 6, kung saan iniugnay niya ang pananampalataya sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Ju 6:39-44, 54.

libingan: O “alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

umiiyak: Ang salitang Griego para sa “umiiyak” ay madalas na tumutukoy sa pag-iyak nang malakas. Ito rin ang pandiwang ginamit para kay Jesus nang ihula niya ang pagkawasak ng Jerusalem.—Luc 19:41.

parang kinurot ang puso niya at nalungkot siya nang husto: Dalawang salita ang ginamit dito sa orihinal na wika, at idiniriin nito ang tindi ng naramdaman ni Jesus sa pagkakataong ito. Ang pandiwang Griego na isinaling “parang kinurot ang puso” (em·bri·maʹo·mai) ay karaniwan nang tumutukoy sa matinding emosyon na gaya ng galit; pero sa kontekstong ito, lumilitaw na hindi galít si Jesus, kundi nabagbag siya. Ang salitang Griego naman para sa “nalungkot nang husto” (ta·rasʹso) ay literal na nangangahulugang “nabulabog.” Sa kontekstong ito, sinabi ng isang iskolar na nangangahulugan itong “maligalig ang kalooban; maapektuhan ng matinding kirot o lungkot.” Ito rin ang pandiwang ginamit sa Ju 13:21 para ilarawan ang naramdaman ni Jesus nang maisip niya ang gagawing pagtatraidor ni Hudas.—Tingnan ang study note sa Ju 11:35.

puso: Lumilitaw na ang terminong Griego na pneuʹma, na isinalin ditong “puso,” ay tumutukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Lumuha: Ang salitang ginamit dito (da·kryʹo) ay ang pandiwa ng pangngalang Griego para sa “luha” na ginamit sa Luc 7:38; Gaw 20:19, 31; Heb 5:7; Apo 7:17; 21:4. Mas nakapokus ito sa pagtulo ng luha kaysa sa pag-iyak nang malakas. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang ginamit ang Griegong pandiwang ito; ibang pandiwa ang ginamit sa Ju 11:33 (tingnan ang study note) para ilarawan ang pag-iyak ni Maria at ng mga Judio. Bubuhayin namang muli ni Jesus si Lazaro, pero nakadama pa rin siya ng matinding lungkot nang makita niyang nagdadalamhati ang mahal niyang mga kaibigan. Dahil sa matinding pag-ibig at habag sa mga kaibigan niya, lumuha siya sa harap nila. Malinaw na ipinapakita ng ulat na ito na naiintindihan ni Jesus ang nararamdaman ng mga namatayan ng mahal sa buhay dahil sa kasalanan ni Adan.

libingan: O “alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

malamang na nangangamoy na siya: Makikita sa sinabi ni Marta na hindi kaugalian ng mga Judio ang mabusising pag-eembalsamo para hindi agad mabulok ang katawan ng namatay. Hindi niya sasabihing malamang na nangangamoy na ang katawan ni Lazaro kung inembalsamo ito. “Nababalutan ng tela ang mga paa at kamay” ni Lazaro, “pati ang mukha” niya, pero malamang na hindi ito ginawa para maiwasan ang pagkabulok ng katawan niya.—Ju 11:44.

apat na araw na: Sa literal na Griego, ang mababasa lang ay “ikaapat,” na tumutukoy sa “araw.” Lumilitaw na lumipas na ang tatlong buong araw at isang bahagi ng ikaapat na araw.

Lazaro: Tingnan ang study note sa Luc 16:20.

nababalutan ng tela . . . ang mukha: Kaugalian ng mga Judio na ihanda sa libing ang katawan ng namatay sa pamamagitan ng pagbabalot dito ng malinis na telang lino na may kasamang mababangong sangkap. Pero hindi ito pag-eembalsamo, gaya ng ginagawa ng mga Ehipsiyo. (Gen 50:3; Mat 27:59; Mar 16:1; Ju 19:39, 40) Nang buhaying muli si Lazaro at lumabas siya sa libingan, ang mukha niya ay nababalutan pa rin ng telang ginamit sa ulo niya. Ang salitang Griego na sou·daʹri·on, na isinalin ditong “tela,” ay tumutukoy sa isang maliit na tuwalya o bimpo. Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Ju 20:7 para sa “telang ginamit sa ulo” ni Jesus.

templo: Lit., “lugar.” Ibig sabihin, ang kanilang lugar ng pagsamba, o banal na lugar, na posibleng tumutukoy sa templo sa Jerusalem.—Ihambing ang Gaw 6:13, 14.

mataas na saserdote: Noong malayang bansa pa ang Israel, habambuhay na nanunungkulan ang mataas na saserdote. (Bil 35:25) Pero nang masakop ng Roma ang Israel, ang mga tagapamahalang itinalaga ng Roma ay binigyan ng awtoridad na mag-atas at magpatalsik ng mataas na saserdote. (Tingnan sa Glosari.) Si Caifas, na inatasan ng mga Romano, ay isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas matagal kaysa sa mga sinundan niya. Inatasan siya noong mga 18 C.E. at nanungkulan hanggang noong mga 36 C.E. Nang sabihin ni Juan na si Caifas ang mataas na saserdote nang taóng iyon, 33 C.E., lumilitaw na gusto lang sabihin ni Juan na saklaw ng termino ng panunungkulan ni Caifas ang mahalagang taon kung kailan pinatay si Jesus.—Tingnan ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.

Efraim: Ang lunsod na ito ay ipinapalagay na ang Efrain na inagaw ni Abias na hari ng Juda mula kay Jeroboam na hari ng Israel. (2Cr 13:19) Ang lunsod na ito ay sinasabing nasa bayan ng et-Taiyiba (ibang ispeling: et-Taiyibeh), na mga 6 km (3.5 mi) sa hilagang-silangan ng Bethel at 3 km (2 mi) sa timog-silangan ng ipinapalagay na lokasyon ng Baal-hazor. (2Sa 13:23) Ito ay malapit sa ilang, at matatanaw rito ang tigang na kapatagan ng Jerico at ang Dagat na Patay sa timog-silangan. Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, sinakop ng Romanong heneral na si Vespasian ang Efraim noong panahong lulusubin ng hukbo niya ang Jerusalem.—The Jewish War, IV, 551 (ix, 9).

ang Paskuwa: Paskuwa noong 33 C.E., na lumilitaw na ang ikaapat na Paskuwa na binanggit sa Ebanghelyo ni Juan.—Tingnan ang study note sa Ju 2:13; 5:1; 6:4.

Media