Ayon kay Juan 13:1-38
Talababa
Study Notes
ang kapistahan ng Paskuwa: Paskuwa ng 33 C.E.—Tingnan ang study note sa Ju 2:13.
Dahil mahal niya: Pag-ibig ang pinakatema ng natitirang mga kabanata ng Ebanghelyo ni Juan. Sa unang 12 kabanata ng ulat ni Juan, walong beses na ginamit ang Griegong pandiwa na a·ga·paʹo (umibig) at pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig). Pero sa Juan kabanata 13 hanggang 21, lumitaw nang 36 na beses ang mga terminong ito. Sa katunayan, kitang-kita sa huling mga kabanata ng Ebanghelyo ni Juan kung gaano kamahal ni Jesus ang kaniyang Ama at mga alagad. Kahit makikita naman sa apat na Ebanghelyo ang pag-ibig ni Jesus para kay Jehova, si Juan lang ang nag-ulat na sinabi mismo ni Jesus: “Iniibig ko ang Ama.” (Ju 14:31) At noong huling gabi na kasama ni Jesus ang mga alagad niya, hindi lang niya sinabi na mahal siya ni Jehova, kundi ipinaliwanag din niya kung bakit.—Ju 15:9, 10.
patuloy niya silang inibig hanggang sa wakas: Ang pariralang Griego na ginamit dito ay malamang na tumutukoy sa wakas ng buhay ni Jesus bilang tao. Pero para sa iba, ang ekspresyong Griego sa kontekstong ito ay nangangahulugang “lubusan niya silang inibig; patuloy niya silang inibig.”
itinali iyon sa baywang niya: O “binigkisan ang sarili niya.” Karaniwan na, alipin ang naghuhugas at nagtutuyo ng paa ng iba. (Ju 13:12-17) Kaya sa paggawa nito, malinaw na naituro ni Jesus sa mga alagad niya kung anong saloobin ang inaasahan ni Jehova sa mga lingkod niya. Dahil naroon si apostol Pedro nang gabing iyon, posibleng ito ang nasa isip niya nang payuhan niya ang mga kapananampalataya niya: “Lahat kayo ay magbihis [o, “magbigkis”] ng kapakumbabaan.”—1Pe 5:5; tlb.
hinugasan niya ang mga paa ng mga alagad: Sa sinaunang Israel, sandalyas ang pinakakaraniwang isinusuot ng mga tao sa paa. Suwelas lang ito na may sintas, kaya siguradong dudumi ang paa ng isang manlalakbay dahil sa alikabok o putik sa daan. Kaya kaugalian nila noon na alisin ang sandalyas nila bago pumasok sa isang bahay, at titiyakin ng mapagpatuloy na may-bahay na mahugasan ang paa ng mga bisita niya. Makikita ang kaugaliang ito sa maraming ulat ng Bibliya. (Gen 18:4, 5; 24:32; 1Sa 25:41; Luc 7:37, 38, 44) Nang hugasan ni Jesus ang paa ng mga alagad niya, ginamit niya ang kaugaliang ito para ituro sa mga alagad niya na dapat silang maging mapagpakumbaba at maglingkod sa isa’t isa.
nakatali sa kaniya: O “nakabigkis sa kaniya.”—Tingnan ang study note sa Ju 13:4.
kayo ay malilinis: Katatapos lang hugasan ng Panginoon ang paa ng mga alagad kaya malinis na sila sa pisikal. Pero ang isa sa kanila ay marumi sa espirituwal. Gaya ng mapagkunwaring mga Pariseo na nililinis ang labas ng kopa at pinggan pero iniiwang marumi ang loob, si Hudas Iscariote ay malinis sa pisikal pero marumi sa espirituwal.—Mat 23:25, 26.
Kilala ni Jesus: Dahil kayang malaman ni Jesus ang iniisip at saloobin ng mga tao, maliwanag na hindi pa masama si Hudas nang piliin niya ito na maging apostol. (Mat 9:4; Mar 2:8; Ju 2:24, 25) Pero noong maging masama na si Hudas, nakita iyon ni Jesus, kaya natukoy niya kung sino ang magtatraidor sa kaniya. Kahit alam na ni Jesus na tatraidurin siya ni Hudas, hinugasan niya pa rin ang paa nito.—Tingnan ang study note sa Ju 6:64; 6:70.
dapat: O “obligado.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kadalasan nang ginagamit sa mga kontekstong may kaugnayan sa pera, at pangunahin itong nangangahulugan na “may utang.” (Mat 18:28, 30, 34; Luc 16:5, 7) Pero dito at sa ibang konteksto, mas malawak ang ibig sabihin nito at nangangahulugang obligado ang isa na gawin ang isang bagay.—1Ju 3:16; 4:11; 3Ju 8.
maghugas ng mga paa ng isa’t isa: Makikita sa konteksto na nang sabihin ito ni Jesus, tinuturuan niya ang tapat niyang mga tagasunod na mapagpakumbabang maglingkod sa mga kapatid nila, hindi lang para mailaan ang pangangailangan ng mga ito sa pisikal, kundi pati sa espirituwal. Katatapos lang niyang turuan ang mga alagad na maging mapagpakumbaba at paglingkuran ang isa’t isa nang hugasan niya ang mga paa nila kahit siya ang Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya: “Kayo ay malilinis, pero hindi lahat.” (Ju 13:10) Ipinapakita nito na hindi lang literal na paghuhugas ng mga paa ang tinutukoy niya. Sinasabi sa Efe 5:25, 26 na nililinis ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano “sa pamamagitan ng tubig, ang salita ng Diyos.” Matutularan ng mga alagad si Jesus kung tutulungan nila ang isa’t isa na makaiwas sa tukso sa araw-araw at sa impluwensiya ng mundo na makakapagparumi sa isang Kristiyano.—Gal 6:1; Heb 10:22; 12:13.
ang isinugo: O “ang mensahero; ang apostol.” Ang salitang Griego na a·poʹsto·los (mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo”) ay isinaling “apostol” nang 78 beses sa 80 paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Sa Fil 2:25, ang salitang Griego na ito ay isinaling “isinugo.”) Dito lang lumitaw ang terminong Griego na ito sa Ebanghelyo ni Juan.—Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Mar 3:14 at Glosari, “Apostol.”
kumakaing kasama ko: Lit., “kumakain ng tinapay ko.” Ang pagkain ng tinapay kasama ng isa ay tanda ng pagkakaibigan, na nagpapakitang may mapayapang ugnayan ang bisita at ang may-bahay. (Gen 31:54; ihambing ang Exo 2:20 at 18:12, kung saan ang ekspresyong Hebreo para sa “kumain ng tinapay” ay isinaling “makakain” at “kumain.”) Itinuturing na pinakamasamang uri ng traidor ang isang bisita na kumain ng tinapay kasama ng may-bahay pero ginawan ito ng masama.—Aw 41:9.
kumalaban sa akin: Lit., “nagtaas ng sakong laban sa akin.” Sinipi dito ni Jesus ang hula sa Aw 41:9, na puwedeng literal na isaling “nagtaas ng sakong laban sa akin.” Inilalarawan doon ni David ang isang traidor na kaibigan, na posibleng si Ahitopel, ang “tagapayo ni David.” (2Sa 15:12) Ginamit naman ito ni Jesus para kay Hudas Iscariote. Kaya sa kontekstong ito, ang literal na ekspresyon ay nagpapahiwatig ng pagtatraidor.
ang minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang una sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago. (Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10) Ito ang ilang dahilan. Una, hindi nabanggit ang pangalan ni apostol Juan sa Ebanghelyong ito; tinukoy lang siya bilang “anak ni Zebedeo” sa Ju 21:2. Isa pa, sa Ju 21:20-24, ginamit ang ekspresyong “alagad na minamahal ni Jesus” para tumukoy sa manunulat ng Ebanghelyong ito. Sinabi rin ni Jesus tungkol sa apostol na iyon: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?” Ipinapahiwatig nito na mas matagal mabubuhay ang alagad na ito kaysa kay Pedro at sa iba pang apostol, at ganiyan nga si apostol Juan.—Tingnan ang study note sa Ju Pamagat at Ju 1:6; 21:20.
nasa tabi: Lit., “nakahilig sa dibdib.” Noong panahon ni Jesus, kapag kumakain ang mga tao, nakahilig sila at nakapatong sa kutson ang kaliwang siko nila. Ang bisita ay puwedeng humilig sa dibdib ng katabi niyang kaibigan at makipagkuwentuhan dito tungkol sa kompidensiyal na mga bagay. (Ju 13:25) Kapag ang isang indibidwal ay sinabing “nasa tabi,” o “nakahilig sa dibdib,” ng isa, ipinapakita nito na mayroon silang espesyal at malapít na ugnayan. Lumilitaw na ang kaugaliang ito ang pinagmulan ng mga ekspresyong ginamit sa Luc at Ju.—Tingnan ang study note sa Luc 16:22, 23; Ju 1:18.
Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Hindi nagpakilala ang manunulat ng Ebanghelyong ito. Pero noong ikalawa o ikatlong siglo C.E., kinikilala na ng marami na si apostol Juan ang sumulat nito. Kapag nababanggit ang pangalang Juan sa Ebanghelyong ito, tumutukoy ito kay Juan Bautista, maliban sa Ju 1:42 at 21:15-17, kung saan tinawag ni Jesus na Juan ang ama ni Pedro. (Tingnan ang study note sa Ju 1:42 at 21:15.). Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ni apostol Juan, pero tinukoy siya at ang kapatid niyang si Santiago bilang “mga anak ni Zebedeo.” (Ju 21:2; Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; tingnan ang study note sa Ju 1:6.) Sa huling mga talata ng Ebanghelyo, tinukoy ng manunulat ang sarili niya bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus” (Ju 21:20-24), at may makatuwirang mga dahilan para isiping si apostol Juan ito.—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.
para sa kapistahan: Lumilitaw na tumutukoy sa Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na nagsisimula pagkatapos ng Paskuwa.
Mahal na mga anak: Lit., “Munting mga anak.” Ito ang unang ulat sa mga Ebanghelyo na tinawag ni Jesus na “mahal na mga anak” ang mga alagad niya. Ang salitang Griego na ginamit dito, te·kniʹon, ay ang pangmaliit na anyo ng salitang teʹknon (anak). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas na ginagamit ang pangmaliit na anyo para magpahiwatig ng pagmamahal at pagiging pamilyar. (Tingnan sa Glosari, “Pangmaliit na anyo.”) Kaya isinalin itong “mahal na mga anak.” Siyam na beses itong lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lagi itong tumutukoy sa mga alagad.—Gal 4:19; 1Ju 2:1, 12, 28; 3:7, 18; 4:4; 5:21.
bagong utos: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat mahalin ng isang tao ang kaniyang kapuwa gaya ng kaniyang sarili. (Lev 19:18) Pero sa utos na ito, hindi inaasahan na magpapakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig na aabot sa puntong mamamatay siya para sa kapuwa niya. ‘Bago’ ang utos ni Jesus dahil sinabi niya: kung paanong inibig ko kayo. Nagpakita siya ng perpektong halimbawa kung paano magmamahal at magsasakripisyo para sa iba, hanggang sa punto na handa kang mamatay para sa kanila dahil mahal mo sila. Kitang-kita sa buhay at kamatayan ni Jesus ang pag-ibig na tinutukoy sa bagong utos na ito.—Ju 15:13.
buhay: Iba-iba ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ, depende sa konteksto. Dito, tumutukoy ito sa buhay ni Pedro, na sinasabi niyang handa niyang ibigay para kay Jesus.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo na titilaok ang isang tandang, pero si Marcos lang ang nagsabi na dalawang beses itong titilaok. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30, 72; Luc 22:34, 60, 61; Ju 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng mga tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na madaling-araw noon nang tumilaok ang tandang.