Ayon kay Juan 3:1-36

3  May isang Pariseo na ang pangalan ay Nicodemo.+ Isa siyang tagapamahala ng mga Judio. 2  Isang gabi, pumunta siya kay Jesus+ at sinabi niya: “Rabbi,+ alam naming isa kang guro na nagmula sa Diyos dahil walang sinuman ang makagagawa ng mga himalang*+ ginagawa mo kung walang tulong ng Diyos.”*+ 3  Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, kung hindi ipanganganak-muli ang isa,+ hindi niya makikita ang Kaharian ng Diyos.”+ 4  Sinabi ni Nicodemo: “Paano maipanganganak ang isa kung matanda na siya? Puwede ba siyang makapasok sa sinapupunan ng kaniyang ina at maipanganak na muli?” 5  Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa iyo, ang isa ay makakapasok lang sa Kaharian ng Diyos kung ipanganganak siya mula sa tubig+ at sa espiritu.+ 6  Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa espiritu ay espiritu. 7  Huwag kang mamangha dahil sa sinabi kong dapat kayong maipanganak na muli.+ 8  Ang hangin ay humihihip kung saan nito gusto, at naririnig mo ang hugong nito, pero hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan ito pupunta. Gayon din ang bawat isa na ipinanganak sa espiritu.”+ 9  Sinabi ni Nicodemo: “Paano mangyayari ang mga ito?” 10  Sumagot si Jesus: “Isa kang guro sa Israel, bakit hindi mo alam ang mga ito? 11  Tinitiyak ko sa iyo, ang alam namin ay sinasabi namin, at ang nakita namin ay pinapatotohanan namin,+ pero hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo.+ 12  Nagsalita ako sa inyo tungkol sa mga bagay sa lupa pero hindi kayo naniwala, kaya paano kayo maniniwala kung magsasalita ako tungkol sa mga bagay sa langit?+ 13  Isa pa, walang taong umakyat sa langit+ maliban sa isa na bumaba mula sa langit,+ ang Anak ng tao. 14  At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang,+ kailangan ding itaas ang Anak ng tao+ 15  para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa na naniniwala sa kaniya.+ 16  “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak+ para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.+ 17  Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo, hindi para hatulan ang mga tao, kundi para maligtas ang mga tao sa pamamagitan niya.+ 18  Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi hahatulan.+ Ang sinumang hindi nananampalataya ay nahatulan na, dahil hindi siya nanampalataya sa pangalan ng kaisa-isang Anak ng Diyos.*+ 19  Dumating ang liwanag sa mundo*+ pero sa halip na ibigin ng mga tao ang liwanag, inibig nila ang kadiliman dahil napakasama ng ginagawa nila, at iyan ang dahilan kung bakit sila hahatulan.+ 20  Ang sinumang gumagawa ng napakasamang mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag para hindi malantad* ang kaniyang mga gawa. 21  Pero ang sinumang gumagawa ng tama ay lumalapit sa liwanag+ para mahayag na katanggap-tanggap sa Diyos ang kaniyang mga gawa.” 22  Pagkatapos nito, si Jesus at ang mga alagad niya ay pumunta sa mga nayon ng Judea. Doon, gumugol siya ng ilang panahon kasama nila at nagbautismo.+ 23  Pero si Juan ay nagbabautismo rin sa Enon malapit sa Salim dahil may malaking katubigan doon,+ at pumupunta sa kaniya ang mga tao at nagpapabautismo.+ 24  Hindi pa nakabilanggo noon si Juan.+ 25  Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa ritwal na paglilinis. 26  Pagkatapos, pumunta sila kay Juan at sinabi nila: “Rabbi, natatandaan po ba ninyo ang lalaking binabanggit ninyo+ at kasama ninyo noon sa kabila ng Jordan? Nagbabautismo siya, kaya ang lahat ay pumupunta sa kaniya.” 27  Sumagot si Juan: “Ang isang tao ay hindi makatatanggap ng kahit isang bagay malibang ibigay iyon sa kaniya mula sa langit. 28  Narinig ninyo mismo nang sabihin ko, ‘Hindi ako ang Kristo,+ pero isinugo ako sa unahan ng isang iyon.’+ 29  Sa isang kasalan, ang nobya ay para sa nobyo.+ Ang kaibigan ng nobyo, na nakatayo malapit sa nobyo, ay masayang-masaya kapag narinig na niya ang tinig nito. Kaya naman lubos na ang kagalakan ko. 30  Ang isang iyon ay patuloy na darami, pero ako ay patuloy na kakaunti.”+ 31  Ang isa na galing sa itaas+ ay nakahihigit sa lahat ng tao. Ang isa na mula sa lupa ay mula sa lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang isa na galing sa langit ay nakahihigit sa lahat ng tao.*+ 32  Pinapatotohanan niya ang kaniyang nakita at narinig,+ pero walang taong naniniwala sa kaniyang patotoo.+ 33  Ang sinumang naniniwala sa kaniyang patotoo ay nagpapatunay na tapat ang Diyos.+ 34  At ang sinasabi ng isinugo ng Diyos ay mga pananalita ng Diyos,+ dahil hindi Siya maramot* sa pagbibigay ng espiritu. 35  Mahal ng Ama ang Anak,+ at ibinigay niya ang lahat ng bagay sa kamay ng Anak.+ 36  Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan;+ ang sumusuway sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na iyon,+ kundi mananatili sa kaniya ang poot ng Diyos.+

Talababa

Lit., “tandang.”
O “kung hindi sumasakaniya ang Diyos.”
O “ng kaisa-isang Anak na ang Diyos mismo ang gumawa.”
O “sanlibutan.”
O “masaway.”
O “bagay.”
Lit., “gumagamit ng pantakal.”

Study Notes

Nicodemo: Isang Pariseo at tagapamahala ng mga Judio, o miyembro ng Sanedrin. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”) Karaniwang pangalan ng mga Griego ang Nicodemo, na nangangahulugang “Mananakop ng Bayan,” at ginamit din ito ng ilang Judio. Sa Ebanghelyo lang ni Juan nabanggit si Nicodemo (Ju 3:4, 9; 7:50; 19:39), at sa Ju 3:10, tinawag siya ni Jesus na “guro sa Israel.”—Tingnan ang study note sa Ju 19:39.

ipanganganak-muli: Isiniwalat ni Jesus kay Nicodemo na para makita ng isang tao ang Kaharian ng Diyos, kailangan siyang ipanganak-muli. Makikita sa sagot ni Nicodemo sa talata 4 na akala niya, ang ibig sabihin ni Jesus ay literal na ipanganganak-muli ang isang tao. Pero ipinaliwanag ni Jesus na ang ikalawang kapanganakang ito ay “mula . . . sa espiritu.” (Ju 3:5) Ang mga magiging “anak ng Diyos” ay ipanganganak, “hindi ng kanilang mga magulang o dahil sa kagustuhan ng mga ito, kundi dahil sa kagustuhan ng Diyos.” (Ju 1:12, 13) Sa 1Pe 1:3, 23, gumamit si Pedro ng isang ekspresyon na kasingkahulugan nito; sinabi niya na ang pinahirang mga Kristiyano ay ‘muling isisilang.’ Kahit “ipanganganak-muli” ang mababasa sa karamihan ng Bibliya, may mga Bibliya na ang ginamit na ekspresyon ay “ipanganganak mula sa itaas,” na angkop pa rin na salin, dahil ang salitang Griego na aʹno·then ay karaniwan nang nangangahulugang “galing [o, mula] sa itaas.” (Ju 3:31; 19:11; San 1:17; 3:15, 17) Ang dalawang salin ay parehong nangangahulugan na ang mga papasok sa Kaharian ay makakaranas ng panibagong pagsilang bilang mga “anak ng Diyos,” kaya masasabing isisilang sila mula sa itaas. (1Ju 3:9) Pero kung pagbabatayan ang sagot ni Nicodemo, lumilitaw na ang terminong Griego sa kontekstong ito ay puwedeng mangahulugang “muli.”

Kaharian ng Diyos: Dalawang beses lang lumitaw ang ekspresyong ito sa Ebanghelyo ni Juan.—Ju 3:5; tingnan ang study note sa Mat 3:2; Mar 1:15.

ipanganganak siya mula sa tubig at sa espiritu: Malamang na pamilyar si Nicodemo sa pagbabautismo ni Juan Bautista. (Mar 1:4-8; Luc 3:16; Ju 1:31-34) Kaya nang banggitin ni Jesus ang tubig, makatuwirang isipin na naunawaan ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tubig na ginagamit sa pagbabautismo. Malamang na pamilyar din si Nicodemo sa pagkakagamit ng Hebreong Kasulatan sa terminong “espiritu ng Diyos,” o aktibong puwersa ng Diyos. (Gen 41:38; Exo 31:3; Bil 11:17; Huk 3:10; 1Sa 10:6; Isa 63:11) Kaya nang gamitin ni Jesus ang salitang “espiritu,” malamang na naintindihan ni Nicodemo na tumutukoy ito sa banal na espiritu. Makikita sa sariling karanasan ni Jesus ang mga itinuro niya kay Nicodemo. Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, kaya ‘ipinanganak siya mula sa tubig at sa espiritu.’ (Mat 3:16, 17; Luc 3:21, 22) Nang pagkakataong iyon, ipinakilala ng Diyos si Jesus bilang Anak niya, na malamang na nagpapakitang si Jesus ay naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at may pag-asang bumalik sa langit. Kapag ang isang tagasunod ni Jesus ay sinabing ‘ipinanganak mula sa tubig,’ ibig sabihin, tinalikuran na niya ang dati niyang pamumuhay, pinagsisihan niya ang mga kasalanan niya, at binautismuhan siya sa tubig. Ang mga ipinanganak mula “sa tubig at sa espiritu” ay ang mga isinilang para maging anak ng Diyos at may pag-asang mabuhay sa langit bilang espiritu at mamahala sa Kaharian ng Diyos.—Luc 22:30; Ro 8:14-17, 23; Tit 3:5; Heb 6:4, 5.

espiritu: O “aktibong puwersa.” Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa aktibong puwersa ng Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Ang ipinanganak sa laman ay laman: Dito, ang salitang Griego para sa “laman” (sarx) ay tumutukoy sa isang buháy na nilalang na may katawang laman, isang tao na may mga limitasyon.—Tingnan ang study note sa Ju 17:2.

ay espiritu: Lumilitaw na tumutukoy sa isa na pinahiran ng espiritu ng Diyos.

hangin . . . espiritu: Dalawang beses lumitaw sa talatang ito ang salitang Griego na pneuʹma, na kadalasang isinasaling “espiritu.” Ang unang paglitaw nito ang nag-iisang pagkakataon na isinalin itong “hangin” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pero ang katumbas nitong salitang Hebreo na ruʹach ay isinaling “hangin” nang mga 100 beses. (Gen 8:1; Exo 10:13; 1Ha 18:45; Job 21:18; Zac 2:6, tlb.; tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ang dalawang terminong ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang bagay na hindi nakikita ng tao, pero kadalasan nang may patunay na kumikilos ito. Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito para magturo ng isang malalim na espirituwal na katotohanan. Sa dulo ng talata, ang pneuʹma ay ginamit sa ekspresyong bawat isa na ipinanganak sa espiritu, ibig sabihin, ipinanganak sa pamamagitan ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Ju 3:5.) Sinabi ni Jesus kay Nicodemo na ang pagsilang sa pamamagitan ng espiritu ay maikukumpara sa paghihip ng hangin. Maririnig, mararamdaman, at makikita ni Nicodemo ang epekto ng paghihip ng hangin, pero hindi niya maiintindihan kung saan ito galing at kung saan ito papunta. Ganiyan din ang mga hindi nakakaunawa sa espirituwal na mga bagay. Hindi nila maiintindihan kung paano maipanganganak-muli ang isang tao sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, at hindi rin nila maiintindihan ang kamangha-manghang pag-asa ng taong iyon.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

kailangan ding itaas ang Anak ng tao: Dito, ang pagpatay kay Jesus sa tulos ay inihalintulad niya sa paglalagay ng tansong ahas sa isang poste sa ilang. Para mabuhay ang mga Israelitang natuklaw ng makamandag na mga ahas, kailangan nilang tumingin sa tansong ahas na inilagay ni Moises sa poste. Ang makasalanang mga tao ay dapat ding tumingin kay Jesus, o manampalataya sa kaniya, para magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Bil 21:4-9; Heb 12:2) Inisip ng marami na masama at makasalanan si Jesus nang patayin siya sa tulos; sa Kautusang Mosaiko, ang isang taong ibinitin sa tulos ay isinumpa. (Deu 21:22, 23) Sinipi ni Pablo ang bahaging ito ng Kautusan at ipinaliwanag na kinailangang ibitin si Jesus sa tulos para mapalaya ang mga Judio “mula sa sumpa ng Kautusan.” Siya ay naging “isang sumpa sa halip na [sila].”—Gal 3:13; 1Pe 2:24.

pag-ibig: Ito ang unang paglitaw ng pandiwang Griego na a·ga·paʹo (“umibig”) sa Ebanghelyo ni Juan. Ang pandiwang Griegong ito at ang kaugnay na pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig) ay ginamit sa Ebanghelyo niya nang 44 na beses—mas marami kaysa sa pinagsama-samang paglitaw nito sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Sa Bibliya, ang a·ga·paʹo at a·gaʹpe ay karaniwan nang tumutukoy sa mapagsakripisyong pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo. Makikita iyan sa pagkakagamit ng a·ga·paʹo sa talatang ito, dahil sinasabi rito na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, na kailangang tubusin mula sa kasalanan. (Ju 1:29) Ang pangngalan naman ang ginamit sa 1Ju 4:8, kung saan sinabi ni Juan na “ang Diyos ay pag-ibig.” Ang pag-ibig (a·gaʹpe) ang unang binanggit sa “mga katangian na bunga ng espiritu” (Gal 5:22), at detalyado itong inilarawan sa 1Co 13:4-7. Sa pagkakagamit nito sa Kasulatan, makikita na ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang hindi lang basta nadarama. Sa maraming konteksto, malawak ang kahulugan nito; ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang sadyang ipinadarama at pinag-iisipan kung paano ipapakita. (Mat 5:44; Efe 5:25) Kaya ang pag-ibig ng mga Kristiyano ay dapat na nakabatay rin sa pananagutan, prinsipyo, at sa kung ano ang tama. Pero ang nagpapakita nito ay karaniwan nang nakadarama rin ng pagkagiliw. (1Pe 1:22) Makikita iyan sa paggamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan. Nang isulat niya na “mahal ng Ama ang Anak” (Ju 3:35), ginamit niya ang isang anyo ng salitang a·ga·paʹo, pero nang iulat niya ang paglalarawan ni Jesus sa kaugnayan ding ito, ginamit niya ang isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw.—Ju 5:20.

sangkatauhan: O “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. (Tingnan ang study note sa Ju 1:10.) Sa kontekstong ito, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan na puwedeng tubusin at inilarawan sa Ju 1:29 na ‘makasalanan,’ dahil nagmana sila ng kasalanan mula kay Adan.

kaisa-isang Anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginagamit ang terminong ito. (Ju 1:14; 3:18; 1Ju 4:9; tingnan ang study note sa Ju 1:14.) Tinatawag din ang ibang espiritung nilalang na mga anak ng Diyos, pero si Jesus lang ang tinatawag na “kaisa-isang Anak.” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Si Jesus, ang panganay na Anak, ang kaisa-isang direktang nilalang ng kaniyang Ama, kaya wala siyang katulad; naiiba siya sa lahat ng iba pang anak ng Diyos. Nilalang sila ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak niya. Ganiyan din ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ nang sabihin niyang si Isaac ay ‘kaisa-isang anak’ ni Abraham. (Heb 11:17) Kahit naging anak ni Abraham si Ismael kay Hagar at may mga anak din siya kay Ketura (Gen 16:15; 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32), matatawag pa ring “kaisa-isa” si Isaac, dahil siya lang ang anak na ipinangako ng Diyos kay Abraham at ang nag-iisang anak ni Abraham kay Sara.—Gen 17:16-19.

nananampalataya sa kaniya: Lit., “naniniwala sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pi·steuʹo (kaugnay ng pangngalang piʹstis, na karaniwang isinasaling “pananampalataya”) ay pangunahin nang nangangahulugang “maniwala; magkaroon ng pananampalataya,” pero puwede itong magkaroon ng iba pang kahulugan depende sa konteksto at gramatika. Karaniwan na, ang kahulugan nito ay higit pa sa basta paniniwala o pagtanggap na umiiral ang isa. (San 2:19) May kasama itong pagtitiwala na makikita sa pagsunod. Sa Ju 3:16, ang pandiwang Griego na pi·steuʹo ay may kasamang pang-ukol na eis, “sa.” Sinabi ng isang iskolar tungkol sa pariralang Griego na ito: “Ang pananampalataya ay itinuturing na pagkilos, isang bagay na ginagawa ng mga tao, ang pagpapakita ng pananampalataya sa isa.” (An Introductory Grammar of New Testament Greek, ni Paul L. Kaufman, 1982, p. 46) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay hindi lang iisang gawa ng pananampalataya, kundi ang pagsasabuhay nito. Sa Ju 3:36, ipinakita na ang kabaligtaran ng “nananampalataya sa Anak” ay “sumusuway sa Anak.” Kaya sa kontekstong iyon, ang “pananampalataya” ay hindi lang matibay na paniniwala; nakikita ito sa pagsunod.

hatulan: Hindi isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak sa mundo, o sangkatauhan, para maglapat ng mabigat na hatol, kundi para magpakita ng pag-ibig at iligtas ang mga nananampalataya sa kaniya.—Ju 3:16; 2Pe 3:9.

hahatulan: Tingnan ang study note sa Ju 3:17.

ang liwanag: Ang unang paglitaw ng “liwanag” sa talatang ito ay nagpapakitang ang buhay at mga turo ni Jesus ay nagsilbing liwanag sa mga tao. Ang kaunawaan at liwanag na dala ni Jesus ay mula sa Diyos na Jehova. Tinawag din si Jesus na “liwanag” sa Ju 1:7-9.—Para sa ekspresyong dumating . . . sa mundo, tingnan ang study note sa Ju 1:9.

gumugol siya ng ilang panahon . . . at nagbautismo: Lumilitaw na pinangasiwaan lang ni Jesus ang pagbabautismo, dahil sinasabi sa Ju 4:2 na “hindi si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya.”

nagbabautismo: O “naglulubog.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sinasabi sa ulat na ito na nagbautismo si Juan sa Enon “dahil may malaking katubigan doon.” (Tingnan ang study note sa Enon sa talatang ito.) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

Enon: Isang lugar na may malaking katubigan. Malapit ito sa Salim, na lumilitaw na isang mas kilaláng lugar. Hindi matukoy ang eksaktong lokasyon ng mga lugar na ito; pero may binanggit si Eusebius na isang lugar sa Lambak ng Jordan na mga walong milyang Romano (12 km; 7.5 mi) sa timog ng Scythopolis (Bet-sean). Makikita sa lugar na ito ang Tell Ridgha (Tel Shalem), na sinasabing ang Salim. May malapit na mga bukal dito na umaayon sa deskripsiyon ni Eusebius sa lugar na tinatawag na Enon. Sa Bibliya, dito lang nabanggit ang dalawang lokasyong ito, ang Enon at Salim.

sa kabila ng Jordan: O “sa kabilang [silangang] panig ng Jordan.” Ang mga lugar na binanggit sa Ju 3:23, ang Enon at Salim, ay nasa kanlurang panig ng Jordan, pero binautismuhan ni Juan si Jesus sa “Betania sa kabila ng Jordan,” sa silangang panig.—Tingnan ang study note sa Ju 1:28 at Ap. B10.

kaibigan ng nobyo: Noong panahon ng Bibliya, isang malapít na kaibigan ng nobyo ang tumatayong legal na kinatawan nito at ang may pangunahing pananagutan sa paggawa ng mga kaayusan sa kasal. Para sa mga tao noon, napakahalaga ng papel niya para maikasal ang magkasintahan. Sa araw ng kasal, ang prusisyon ng kasal ay pupunta sa bahay ng nobyo o ng tatay nito, kung saan gaganapin ang pagdiriwang. Sa panahong ito, matutuwa ang kaibigan ng nobyo kapag narinig na niya ang tinig nito habang kausap ang asawa nito, dahil matagumpay na niyang natapos ang tungkulin niya. Itinulad ni Juan Bautista ang sarili niya sa “kaibigan ng nobyo.” Si Jesus ang nobyo at ang mga alagad niya ang bumubuo sa makasagisag na nobya. Para maihanda ang daan ng Mesiyas, ipinakilala ni Juan Bautista kay Jesu-Kristo ang unang mga miyembro na bubuo sa “nobya.” (Ju 1:29, 35; 2Co 11:2; Efe 5:22-27; Apo 21:2, 9) Matatapos ang tungkulin ng “kaibigan ng nobyo” kapag matagumpay na niyang naipakilala sa isa’t isa ang magkasintahan; wala na sa kaniya ang pokus. Sa katulad na paraan, sinabi ni Juan tungkol sa sarili niya at kay Jesus: “Ang isang iyon ay patuloy na darami, pero ako ay patuloy na kakaunti.”—Ju 3:30.

Ang isa na galing sa itaas: Lumilitaw na pananalita ng manunulat ng Ebanghelyo na si apostol Juan ang nasa Ju 3:31-36. Hindi ito karugtong ng sinabi ni Juan Bautista at hindi rin si Jesus ang nagsabi nito. Makikita sa konteksto na natapos makipag-usap si Jesus kay Nicodemo sa Ju 3:21, at ang sumunod na bahagi hanggang sa Ju 3:25 ay paglalahad ni apostol Juan ng ilang pangyayari. Nakaulat naman sa Ju 3:26-30 ang pag-uusap ni Juan Bautista at ng mga alagad niya. Kahit hindi si Jesus ang direktang nagsasalita sa Ju 3:31-36, maliwanag na sa kaniya natutuhan ni apostol Juan ang mga katotohanang iyon.

nagpapatunay: Lit., “naglagay ng kaniyang tatak.” Ang salitang Griego para sa “tatakan; lagyan ng tatak” na ginamit dito ay makasagisag at tumutukoy sa pagpapatunay na totoo ang isang kapahayagan, kung paanong pinapatunayan ng isang tatak na mapanghahawakan ang isang dokumento. Ang taong tumatanggap sa patotoo, o testimonya, ng Mesiyas ay naniniwala na tapat ang Diyos. Sa pagkakataong ito, tapat ang Diyos may kinalaman sa hula niya tungkol sa Mesiyas.—Ihambing ang Ro 3:4.

nananampalataya . . . sumusuway: Tingnan ang study note sa Ju 3:16.

Media