Ayon kay Juan 4:1-54

4  Nang malaman ng Panginoon na nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami siyang nagiging alagad* at binabautismuhan+ kaysa kay Juan— 2  pero ang totoo, hindi si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya— 3  umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.+ 4  Pero kinailangan niyang dumaan sa Samaria. 5  Nakarating siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar; malapit ito sa parang na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose.+ 6  Naroon din ang balon ni Jacob.+ Ngayon, si Jesus, na pagod sa paglalakbay, ay nakaupo sa tabi ng balon. Mga ikaanim na oras noon. 7  Isang babaeng taga-Samaria ang dumating para sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?” 8  (Ang mga alagad niya ay wala noon dahil pumunta sila sa lunsod para bumili ng pagkain.) 9  Sinabi ng Samaritana: “Isa kang Judio, kaya bakit ka humihingi sa akin ng maiinom kahit isa akong Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikihalubilo sa mga Samaritano.)+ 10  Sumagot si Jesus: “Kung alam mo lang ang walang-bayad na regalo ng Diyos+ at kung sino ang nagsasabi sa iyo, ‘Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?’ humingi ka sana sa kaniya ng tubig, at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”+ 11  Sinabi ng Samaritana: “Ginoo, wala ka man lang panalok ng tubig, at malalim ang balon. Kaya saan mo kukunin ang ibibigay mong tubig na nagbibigay-buhay? 12  Nakahihigit ka ba sa ninuno naming si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balong ito, at uminom siya rito, pati na ang kaniyang mga anak at mga alagang baka.” 13  Sumagot si Jesus: “Ang lahat ng umiinom ng tubig na mula rito ay muling mauuhaw. 14  Ang sinumang iinom sa tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw kailanman,+ at ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig sa loob niya na magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”+ 15  Sinabi ng babae: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauhaw o paulit-ulit na pumunta rito para sumalok ng tubig.” 16  Sinabi niya sa babae: “Tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.” 17  Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus: “Tama ang sinabi mo, ‘Wala akong asawa.’ 18  Nagkaroon ka ng limang asawa, at ang lalaking kasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Kaya totoo ang sinabi mo.” 19  Sinabi ng babae: “Ginoo, isa kang propeta!+ 20  Ang mga ninuno namin ay sumamba sa bundok na ito, pero sinasabi ninyo na sa Jerusalem dapat sumamba ang mga tao.”+ 21  Sinabi ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na hindi na ninyo sasambahin ang Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem man. 22  Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala;+ sinasamba namin ang aming nakikilala, dahil unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan.+ 23  Pero ngayon, nagsisimula na ang panahon kung kailan sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.+ 24  Ang Diyos ay Espiritu,+ at ang mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”+ 25  Sinabi ng babae: “Alam kong darating ang Mesiyas, na tinatawag na Kristo. Kapag dumating na siya, ihahayag niya sa amin ang lahat ng bagay.”+ 26  Sinabi ni Jesus: “Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon.”+ 27  Nang pagkakataong ito, dumating ang mga alagad niya, at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero walang nagtanong sa kaniya kung bakit niya kinakausap ang babae o kung ano ang kailangan niya rito. 28  Iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao: 29  “Sumama kayo sa akin para makita ninyo ang taong nakapagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Hindi kaya siya ang Kristo?” 30  Umalis sila sa lunsod at pumunta kay Jesus. 31  Samantala, pinipilit siya ng mga alagad: “Rabbi,+ kumain ka.” 32  Pero sinabi niya: “May pagkain ako na hindi ninyo alam.” 33  Kaya sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “May nagbigay ba sa kaniya ng pagkain?” 34  Sinabi ni Jesus: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin+ at tapusin ang gawain niya.+ 35  Hindi ba sinasabi ninyo na may apat na buwan pa bago ang pag-aani? Pero tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.+ 36  Ang manggagapas ay tumatanggap na ng kabayaran at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan para ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.+ 37  Kaya totoo ang kasabihan: Ang isa ay manghahasik at ang isa naman ay manggagapas. 38  Isinugo ko kayo para gapasin ang hindi ninyo inihasik. Iba ang nagtrabaho, pero nakinabang din kayo sa ginawa nila.” 39  Marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa kaniya dahil sa patotoong ito ng babae: “Nasabi niya sa akin ang lahat ng ginawa ko.”+ 40  Kaya nang pumunta sa kaniya ang mga Samaritano, hiniling nila sa kaniya na huwag muna siyang umalis, at nanatili siya roon nang dalawang araw. 41  Dahil dito, marami pa ang naniwala sa mga sinabi niya, 42  at sinabi nila sa babae: “Naniniwala kami ngayon, hindi lang dahil sa mga sinabi mo, kundi dahil kami na mismo ang nakarinig sa kaniya, at sigurado kami na ang taong ito ang tagapagligtas ng sangkatauhan.”+ 43  Pagkaraan ng dalawang araw, pumunta siya sa Galilea. 44  Pero sinabi mismo ni Jesus na ang isang propeta ay hindi pinahahalagahan sa kaniyang sariling bayan.+ 45  Kaya pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng ginawa niya sa kapistahan sa Jerusalem+ nang magpunta sila sa kapistahan.+ 46  Pagkatapos, bumalik siya sa Cana ng Galilea, kung saan niya ginawang alak ang tubig.+ At may isang opisyal ng hari sa Capernaum, at ang anak na lalaki nito ay may sakit. 47  Nang mabalitaan ng lalaking ito na dumating si Jesus sa Galilea galing sa Judea, pinuntahan niya si Jesus at pinakiusapang sumama sa kaniya para pagalingin ang anak niya dahil malapit na itong mamatay. 48  Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at di-pangkaraniwang mga bagay, hindi kayo kailanman maniniwala.”+ 49  Sinabi ng opisyal ng hari: “Panginoon, sumama ka na sa akin bago pa mamatay ang anak ko.” 50  Sinabi ni Jesus: “Umuwi ka na; magaling na ang anak mo.”+ Pinaniwalaan ng lalaki ang sinabi ni Jesus, at umuwi siya. 51  Habang nasa daan pa siya, sinalubong siya ng mga alipin niya para sabihing magaling na ang anak niya. 52  Tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila: “Nawala ang lagnat niya kahapon nang ikapitong oras.”+ 53  Naalaala ng ama na iyon ang mismong oras nang sabihin ni Jesus: “Magaling na ang anak mo.”+ Kaya nanampalataya siya at ang kaniyang buong sambahayan. 54  Ito ang ikalawang pagkakataon na gumawa ng himala+ si Jesus sa Galilea pagkagaling sa Judea.

Talababa

Lit., “mas maraming nagiging alagad si Jesus.”

Study Notes

Samaria: Noong panahon ni Jesus, Samaria ang pangalan ng Romanong distrito na dinadaanan ni Jesus paminsan-minsan. Nang maglaon, ipinangaral doon ng mga alagad niya ang Kristiyanismo. Hindi alam ang eksaktong hangganan nito ngayon, pero nasa pagitan ito ng Galilea sa hilaga at Judea sa timog; at mula sa Ilog Jordan pakanluran, umaabot ito hanggang sa baybayin ng Dagat Mediteraneo. Ang malaking bahagi ng distrito ay dating teritoryo ng tribo ng Efraim at kalahati ng teritoryo ng tribo ng Manases (kanluran ng Jordan). Kahit dumadaan si Jesus paminsan-minsan sa Samaria papunta at paalis sa Jerusalem (Ju 4:3-6; Luc 9:51, 52; 17:11), sinabihan niya ang mga apostol na huwag mangaral sa anumang lunsod ng mga Samaritano dahil ang pangunahin nilang atas ay hanapin ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel,” ang mga Judio (Mat 10:5, 6). Pero hindi nagtagal ang pagbabawal na ito. Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad niya na dapat nilang ipangaral sa “Samaria” ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8, 9) Nang pag-usigin ang mga alagad sa Jerusalem, ang ilan sa kanila, partikular na si Felipe, ay nangaral ng mabuting balita sa buong Samaria. Pagkatapos, isinugo sina Pedro at Juan sa Samaria para tumanggap ng banal na espiritu ang mga Samaritano.​—Gaw 8:1-17, 25; 9:31; 15:3.

Sicar: Isang lunsod ng Samaria na sinasabing ang nayon ng ʽAskar, malapit sa lugar na tinatawag na Nablus ngayon, mga 1 km (0.6 mi) sa hilagang-silangan ng Sikem at 0.7 km (0.4 mi) sa hilagang-silangan ng balon ni Jacob. (Tingnan ang Ap. B6 at B10.) Sinasabi ng ilan na iisa ang Sicar at Sikem batay sa ilang sekular na manunulat noon at sa “Sikem” na mababasa sa Codex Syriac Sinaiticus. Pero ang mababasa sa pinakamaaasahang mga manuskritong Griego ay “Sicar,” at pinatunayan ng mga arkeologo na walang nakatira sa Sikem (Tell Balata) noong nangyari ang nakaulat sa tekstong ito.

balon ni Jacob: Sinasabing ang lokasyon ng balong ito ay sa Bir Yaʽqub (Beʼer Yaʽaqov), mga 2.5 km (1.5 mi) sa timog-silangan ng Nablus ngayon, na malapit sa Tell Balata (dating Sikem). Malalim ang balong ito; hindi ito napupuno ng tubig. Ayon sa pagsukat noong ika-19 na siglo, ang lalim ng balon ay mga 23 m (75 ft). May naipong dumi sa ilalim nito, kaya malamang na mas malalim pa ito noon. (Ju 4:11) Karaniwan nang walang tubig ang balon mula katapusan ng Mayo hanggang sa magsimula nang umulan sa taglagas, kaya sinasabi ng ilan na nagkakatubig ito dahil sa ulan at sa pagsipsip ng lupa sa tubig. Naniniwala naman ang iba na ang tubig sa balong ito ay nanggagaling din sa bukal. (Tingnan ang study note sa balon sa talatang ito.) Hindi direktang sinasabi ng Bibliya na si Jacob ang naghukay ng balong ito, pero ipinapakita nito na may lupain si Jacob sa lugar kung saan makikita ang balon. (Gen 33:18-20; Jos 24:32) Malamang na si Jacob ang humukay o nagpahukay nito, posibleng para mapagkunan ng tubig ng malaki niyang sambahayan at mga alagang hayop. Sa gayon, maiiwasan niya ang mga di-pagkakaunawaan, dahil siguradong may mga nagmamay-ari na ng ibang mapagkukunan ng tubig sa lugar na iyon. O baka kailangan niya ng ibang mapagkukunan ng tubig kapag tuyo ang ibang balon sa lugar na iyon.

pagod sa paglalakbay: Dito lang mababasa sa Kasulatan na “pagod” si Jesus. Mga 12:00 n.t. na noon, at nang umagang iyon, malamang na naglakbay siya sa matarik na daan mula sa Lambak ng Jordan sa Judea paakyat ng Sicar sa Samaria, na halos 900 m (3,000 ft) ang taas.​—Ju 4:3-5; tingnan ang Ap. A7.

balon: O “bukal.” Sa kontekstong ito, dalawang salitang Griego ang ginamit para tukuyin ang balon ni Jacob sa Sicar. Ang salitang Griego na pe·geʹ, na dalawang beses na isinaling “balon” sa talatang ito, ay madalas na tumutukoy sa bukal, na posibleng pinagmumulan ng tubig ng balon ni Jacob. Sa San 3:11, ang terminong ito ay tumutukoy sa literal na “bukal,” at makasagisag naman ang paggamit nito sa Ju 4:14, kung saan isinalin din itong “bukal.” Sa Ju 4:12, ang salitang Griego na phreʹar ang ginamit para sa balon ni Jacob. Puwede itong tumukoy sa isang balon, imbakan ng tubig, o malalim na hukay. (1Sa 19:22, Septuagint; Luc 14:5; Apo 9:1) Madalas na ang tubig ng mga balon ay nagmumula sa bukal, na kung minsan ay hinahawan at pinapalalim. Ito ang posibleng dahilan kung bakit parehong ginagamit ang “bukal” at “balon” para tumukoy sa iisang pinagkukunan ng tubig.​—Tingnan ang study note sa balon ni Jacob sa talatang ito.

Mga ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

ang mga Judio ay hindi nakikihalubilo sa mga Samaritano: Sa simula, ang mga Samaritanong binabanggit sa Bibliya ay ang mga Judio na nakatira sa 10-tribong kaharian bago ito sakupin ng mga Asiryano. (2Ha 17:29) Napabukod ang mga Samaritano sa mga Judio noong pasimulan ni Jeroboam sa 10-tribong kaharian ng Israel ang pagsamba sa idolo. (1Ha 12:26-30) Nang masakop ng mga Asiryano ang Samaria, ang “Samaritano” ay tumukoy na sa mga natira sa rehiyong iyon at sa mga dayuhang ipinatapon doon ng mga Asiryano. Sinasabi ng mga Samaritano na galing sila sa tribo nina Manases at Efraim, pero siguradong ang ilan sa kanila ay nalahian na ng mga dayuhan, at ipinapakita ng Kasulatan na ang mga taong ito ay lalo pang nagparumi sa pagsamba sa Samaria. (2Ha 17:24-41) Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, inaangkin ng mga Samaritano na sinasamba nila si Jehova, pero pinipigilan nila ang pagtatayong muli ng templo at ng mga pader ng Jerusalem. Pagkatapos, posibleng noong ikaapat na siglo B.C.E., nagtayo sila sa Bundok Gerizim ng sarili nilang templo, na winasak ng mga Judio noong 128 B.C.E. Pero patuloy pa ring sumamba ang mga Samaritano sa bundok na iyon, at noong unang siglo, nanirahan sila sa Romanong distrito ng Samaria na nasa pagitan ng Judea at Galilea. Ang unang limang aklat lang ng Bibliya ang tinatanggap nila, at posibleng pati ang aklat ng Josue, pero binago nila ang ilang teksto para suportahan ang lokasyon ng templo nila. Noong panahon ni Jesus, ang katawagang Samaritano ay tumutukoy na sa lahi at relihiyon, at kinamumuhian na ng mga Judio ang mga Samaritano.​—Ju 8:48.

. . . sa mga Samaritano: Hindi mababasa sa ilang manuskrito ang bahaging ito na nasa loob ng panaklong, pero mababasa ito sa maraming luma at maaasahang manuskrito.

tubig na nagbibigay-buhay: Lit., “tubig na buháy.” Sa literal, ang Griegong pananalitang ito ay tumutukoy sa umaagos na tubig, tubig sa bukal, o sariwang tubig sa balon na may bukal. Ibang-iba ito sa tubig na nakaimbak lang sa isang lalagyan. Sa Lev 14:5, ang ekspresyong Hebreo na “tubig na buháy” ay isinaling “sariwang tubig.” Sa Jer 2:13 at 17:13, inilalarawan si Jehova bilang “bukal [o, “pinagmumulan”] ng tubig na nagbibigay-buhay.” Noong kausap ni Jesus ang Samaritana, ginamit niya sa makasagisag na paraan ang terminong “tubig,” pero lumilitaw na literal ang unang intindi rito ng babae.​—Ju 4:11; tingnan ang study note sa Ju 4:14.

malalim ang balon: Tingnan ang study note sa Ju 4:6.

ninuno naming si Jacob: Sinasabi ng mga Samaritano na ninuno nila si Jacob kay Jose, pero malamang na hindi sang-ayon dito ang maraming Judio. Para idiin ang banyagang pinanggalingan ng mga Samaritano, tinatawag sila ng ilang Judio na “Cuthim,” o “Cuteano,” Hebreong termino para sa mga taga-Cut (o taga-Cuta). Ang Cut at Cuta ay parehong tumutukoy sa lupaing pinanggalingan ng mga taong ipinatapon ng hari ng Asirya sa mga lunsod ng Samaria pagkatapos ipatapon ang Israel noong 740 B.C.E. Ang lokasyon nito ay posibleng mga 50 km (30 mi) sa hilagang-silangan ng Babilonya.​—2Ha 17:23, 24, 30.

tubig na ibibigay ko: Makasagisag ang pagkakagamit dito ng mga terminong “tubig” at “bukal.” Sa simula ng pag-uusap ni Jesus at ng Samaritana, may binanggit si Jesus na “tubig na nagbibigay-buhay.” (Tingnan ang study note sa Ju 4:10.) Pagkatapos, ipinaliwanag niya na ang tubig na ibibigay niya ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig para sa tatanggap nito at magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan. Sa Salita ng Diyos, ang tubig ay sumasagisag sa mga paglalaan ng Diyos para maibalik ang perpektong buhay ng mga tao. Mahalagang bahagi ng makasagisag na tubig na ito ang haing pantubos ni Jesus. Sa kontekstong ito, nagpokus si Jesus sa espirituwal na pakinabang na makukuha ng mga makikinig sa kaniya at magiging alagad niya. Kapag ‘nakilala’ nila ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo at nanampalataya sila at kumilos ayon sa natutuhan nila, magkakaroon sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Ju 17:3) Sinabi ni Jesus na ang makasagisag na tubig na ito ay magiging tulad ng isang bukal na magbibigay ng buhay sa sinumang tatanggap nito. Mapapakilos din ang taong ito na ibahagi sa iba ang “tubig ng buhay.”​—Apo 21:6; 22:1, 17; tingnan ang study note sa Ju 7:38.

bundok na ito: Bundok Gerizim. (Tingnan ang Ap. B10.) Apat na beses binanggit ang bundok na ito sa Hebreong Kasulatan. (Deu 11:29; 27:12; Jos 8:33; Huk 9:7) Nagtayo ng templo sa bundok na ito ang mga Samaritano, posibleng noong ikaapat na siglo B.C.E., para ipantapat sa templo sa Jerusalem, at winasak ng mga Judio ang templo ng mga Samaritano noong 128 B.C.E. Ang tinatanggap lang ng mga Samaritano ay ang unang limang aklat ng Bibliya, at posibleng pati ang aklat ng Josue, pero may sariling bersiyon sila nito, na tinatawag na Samaritanong Pentateuch. Isinulat ito sa sarili nilang letra, na mula sa sinaunang mga letrang Hebreo. Mga 6,000 ang pagkakaiba ng nakasulat sa Samaritanong Pentateuch at ng tekstong Masoretiko ng Bibliyang Hebreo. Maliliit lang ang karamihan sa mga ito, pero may malalaking pagkakaiba rin. Halimbawa, sa Deu 27:4, pinalitan ng “Bundok Gerizim” ang “Bundok Ebal,” kung saan isinulat sa mga tapyas ng bato ang Kautusan ni Moises. (Deu 27:8) Maliwanag na pinalitan ito para suportahan ang paniniwala ng mga Samaritano na ang Gerizim ang banal na bundok ng Diyos.

unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan: O “magmumula sa mga Judio ang kaligtasan.” Ipinapakita ng sinabi ni Jesus na ipinagkatiwala sa mga Judio ang Salita ng Diyos, dalisay na pagsamba, at katotohanang aakay sa kaligtasan. (Ro 3:1, 2) Sa kanila rin magmumula ang Mesiyas, gaya ng ipinangako ng Diyos tungkol sa “supling” ni Abraham. (Gen 22:18; Gal 3:16) Noong panahong kausapin ni Jesus ang Samaritana, sa mga Judio lang malalaman ng mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos, ang mga kahilingan niya, pati na ang mga detalye tungkol sa Mesiyas. Israel pa rin ang piniling bayan ng Diyos noon, at sinumang gustong paglingkuran si Jehova ay dapat na makiisa sa bayan Niya.

Ang Diyos ay Espiritu: Ang salitang Griego na pneuʹma ay ginamit dito para tumukoy sa isang espiritung persona. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ipinapakita ng Kasulatan na ang Diyos, ang niluwalhating si Jesus, at ang mga anghel ay mga espiritu. (1Co 15:45; 2Co 3:17; Heb 1:14) Malaki ang kaibahan ng mga espiritu sa mga tao, at hindi natin sila nakikita. Ang mga espiritu ay may “espiritung katawan,” na di-hamak na nakakahigit sa “pisikal na katawan.” (1Co 15:44; Ju 1:18) Kahit sinasabi ng mga manunulat ng Bibliya na ang Diyos ay may mukha, mata, tainga, kamay, at iba pa, ang mga iyon ay mga paglalarawan lang para tulungan ang mga tao na mas makilala ang Diyos. Malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na may personalidad ang Diyos. Naninirahan din ang Diyos sa isang lugar na hindi bahagi ng pisikal na uniberso, kaya sinabi ni Kristo na “pupunta [siya] sa Ama.” (Ju 16:28) Sinabi sa Heb 9:24 na ang Kristo ay papasok “sa langit mismo,” sa “harap . . . ng Diyos para sa atin.”

sumamba sa espiritu: Gaya ng makikita sa “Ruach; Pneuma” sa Glosari, ang salitang Griego na pneuʹma ay may iba’t ibang kahulugan, gaya ng aktibong puwersa ng Diyos, o banal na espiritu; pati na ang puwersa, o takbo ng kaisipan, na nagpapakilos sa isang tao na sabihin o gawin ang isang bagay. Kahit iba-iba ang kahulugan ng terminong “espiritu,” ang lahat ng ito ay tumutukoy sa mga bagay na hindi nakikita ng tao. Ipinaliwanag ni Jesus sa Ju 4:21 na darating ang panahon na ang pagsamba sa Ama ay hindi na nakasentro sa isang pisikal na lokasyon, gaya ng Bundok Gerizim sa Samaria o ng templo sa Jerusalem. Dahil walang pisikal na katawan ang Diyos at hindi siya nakikita o nahahawakan, hindi na kakailanganing magpunta ng mga tao sa isang partikular na templo o bundok para sambahin siya. Sa ibang teksto sa Bibliya, itinuro ni Jesus na para maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin sa Diyos, kailangan nating magpagabay sa di-nakikitang banal na espiritu, na tinatawag ding “katulong.” (Ju 14:16, 17; 16:13) Dahil diyan, lumilitaw na ang ‘pagsamba sa espiritu’ ay tumutukoy sa pagsamba na ginagabayan ng espiritu ng Diyos, na tutulong sa isa na makuha ang kaisipan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsunod sa Salita Niya. Kaya nang sabihin ni Jesus na dapat sambahin ang Diyos “sa espiritu,” higit pa ito sa pagiging taimtim at pagkakaroon ng matinding debosyon sa paglilingkod sa Diyos.

sumamba sa . . . katotohanan: Ang pagsambang katanggap-tanggap sa Diyos ay hindi nakabatay sa imahinasyon, gawa-gawang kuwento, o kasinungalingan. Dapat na kaayon ito ng tumpak na impormasyon at ng “katotohanan” tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin na isiniwalat niya sa kaniyang Salita. (Ju 17:17) Ang ganitong pagsamba ay dapat na nakabatay sa mga bagay na sinasabi ng Salita ng Diyos na “totoo” kahit “hindi nakikita.”​—Heb 9:24; 11:1; tingnan din ang study note sa sumamba sa espiritu sa talatang ito.

Alam kong darating ang Mesiyas: Ang limang aklat lang ni Moises, na tinatawag ngayong Pentateuch, ang tinatanggap ng mga Samaritano. Posibleng tinatanggap din nila ang aklat ng Josue, pero hindi na nila pinaniniwalaan ang lahat ng iba pang aklat sa Hebreong Kasulatan. Gayunman, dahil tinatanggap ng mga Samaritano ang mga isinulat ni Moises, hinihintay rin nila ang pagdating ng Mesiyas, ang propetang mas dakila kay Moises.​—Deu 18:18, 19.

Mesiyas: O “Pinahiran.” Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (dito at sa Ju 1:41) ang salitang Griego na Mes·siʹas (transliterasyon ng salitang Hebreo na ma·shiʹach). Ang titulong ma·shiʹach ay mula sa pandiwang Hebreo na ma·shachʹ, na nangangahulugang “pahiran” at “atasan.” (Exo 29:2, 7) Noong panahon ng Bibliya, ang mga saserdote, tagapamahala, at propeta ay binubuhusan ng langis para atasan. (Lev 4:3; 1Sa 16:3, 12, 13; 1Ha 19:16) Ang titulong Kristo (sa Griego, Khri·stosʹ) ay lumitaw nang mahigit 500 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at katumbas ng titulong “Mesiyas,” na parehong nangangahulugang “Pinahiran.”​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1.

Ako siya: Lit., “Ako.” Sa Griego, e·goʹ ei·mi. Iniuugnay ng ilan ang ekspresyong ito sa Exo 3:14 sa salin ng Septuagint, at ginagamit nila ito para ikatuwiran na si Jesus ang Diyos. Pero magkaibang pananalita ang ginamit sa Exo 3:14 (e·goʹ ei·mi ho on, “Ako ang Isa na Umiiral”) at sa Ju 4:26. Isa pa, ginamit din ng Septuagint ang ekspresyong e·goʹ ei·mi para sa sinabi nina Abraham, Eliezer, Jacob, David, at ng iba pa. (Gen 23:4; 24:34; 30:2; 1Cr 21:17) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, hindi lang sa mga pananalita ni Jesus ipinanumbas ang pariralang e·goʹ ei·mi. Sa Ju 9:9, ito rin ang mga salitang Griego na ginamit para sa sinabi ng lalaking pinagaling ni Jesus. Ang ibig sabihin lang ng lalaki ay siya nga iyon. Ginamit din ni anghel Gabriel, pati nina Pedro, Pablo, at ng iba pa, ang mga salitang ito. (Luc 1:19; Gaw 10:21; 22:3) Maliwanag na ang mga ito ay hindi kaugnay ng nasa Exo 3:14. Kapag tiningnan ang magkakaparehong ulat sa Mateo, Marcos, at Lucas, makikita na ang pariralang e·goʹ ei·mi na nasa Mar 13:6 at Luc 21:8 (“Ako siya”) ay pinaikling paraan lang ng pagsasabi ng mababasa sa Mat 24:5, na isinaling “Ako ang Kristo.”

Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon: Lumilitaw na ito ang unang beses na hayagang ipinakilala ni Jesus ang sarili niya bilang ang Mesiyas, o Kristo. At nagpakilala siya sa isang babae na hindi man lang Judio kundi isang Samaritana. (Ju 4:9, 25) Hinahamak noon ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano, at ayaw man lang nilang batiin ang mga ito. Minamaliit din ng maraming lalaking Judio ang mga babae. Pero binibigyang-dangal ni Jesus ang mga babae. Mga babae rin ang pinili niya na maging unang saksi sa pagkabuhay niyang muli.​—Mat 28:9, 10.

nakikipag-usap siya sa isang babae: Hindi katanggap-tanggap sa tradisyong Judio na makipag-usap ang mga lalaki sa mga babae sa publiko, pero kabaligtaran ito ng gustong ituro ng Kautusang Mosaiko. Lumilitaw na laganap ang pananaw na ito noong panahon ni Jesus. Iyan ang dahilan kung bakit kahit ang mga alagad niya ay “nagtaka” nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ayon sa Talmud, pinapayuhan ng mga rabbi noon ang mga iskolar na “huwag makipag-usap sa isang babae sa kalsada.” At ayon naman sa Mishnah, sinabi ng isang rabbi: “Huwag masyadong makipag-usap sa mga babae. . . . Ang lalaking laging nakikipag-usap sa mga babae ay mapapahamak, mapapabayaan niya ang pag-aaral ng Kautusan, at mapupunta siya sa Gehenna.”​—Aboth 1:5.

may apat na buwan pa bago ang pag-aani: Nagsisimula ang pag-aani ng sebada sa buwan ng mga Judio na Nisan (Marso/Abril), panahon ng Paskuwa. (Tingnan ang Ap. B15.) Kapag nagbilang pabalik ng apat na buwan, makikita na sinabi ito ni Jesus noong buwan ng Kislev (Nobyembre/Disyembre). Malakas na ang pag-ulan sa buwang ito at mas lumalamig na ang panahon. Kaya lumilitaw na ang sinasabi ni Jesus na pag-aani na nagaganap na ay makasagisag at tumutukoy sa pag-aani, o pagtitipon, ng mga tao.​—Ju 4:36.

maputi: Ibig sabihin, hinog. Ang salitang Griego na leu·kosʹ ay puwedeng tumukoy sa kulay puti at iba pang mapusyaw na kulay, gaya ng dilaw, na nagpapakitang ang mga tanim sa bukirin ay hinog na at puwede nang anihin. Ayon kay Jesus, “may apat na buwan pa bago ang pag-aani,” kaya malamang na ang bukirin ay berde pa—ang kulay ng bagong-sibol na sebada. Kaya nang sabihin ni Jesus na ang bukirin ay handa na para sa pag-aani, siguradong ang tinutukoy niya ay espirituwal na pag-aani, hindi literal. Sinasabi ng ilang iskolar na nang sabihin ni Jesus sa mga tagapakinig niya na tingnan . . . ang bukirin, posibleng ang tinutukoy niya ay ang mga Samaritano na paparating, at malamang na ginamit niya ang terminong “maputi” para tumukoy sa puting damit na posibleng suot ng mga Samaritano. O posibleng idyoma lang ito na nagpapakitang handa na nilang tanggapin ang mensahe.​—Ju 4:28-30.

Marami sa mga Samaritano . . . ang nanampalataya sa kaniya: Kitang-kita ang epekto ng pakikipag-usap ni Jesus sa Samaritana. Dahil sa patotoo niya, maraming Samaritano ang nanampalataya kay Jesus. Pangunahin nang para sa mga Judio ang unang espirituwal na pag-aani, pero may mas malawak na pag-aani pang magaganap kung saan kasama na ang mga Samaritano, gaya ng mababasa sa Kasulatan. Siguradong malaki ang naitulong ng pangangaral ni Jesus sa Samaritana kaya tinanggap ng maraming Samaritano ang mensaheng ipinangaral ni Felipe.​—Ju 4:34-36; Gaw 1:8; 8:1, 14-17.

tagapagligtas ng sangkatauhan: Lit., “tagapagligtas ng mundo.” Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw at sa 1Ju 4:14, ay nagpapakitang ililigtas ni Jesus mula sa kasalanan ang “sangkatauhan” na nananampalataya sa kaniya.​—Tingnan ang study note sa Ju 1:29; 3:17.

kaniyang sariling bayan: Lit., “lugar ng kaniyang ama.” Ang salitang Griego na isinasaling “sariling bayan” ay ginamit din sa Mat 13:54; Mar 6:1; at Luc 4:24, kung saan tumutukoy ito sa bayang kinalakhan ni Jesus, ang Nazaret. Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa buong Galilea.​—Ju 4:43.

Cana ng Galilea . . . Capernaum: Ang layo ng Cana (Khirbet Qana) sa Capernaum ay mga 40 km (25 mi).​—Tingnan ang study note sa Ju 2:1.

opisyal ng hari: O “tagapaglingkod ng hari.” Ang terminong Griego na ba·si·li·kosʹ ay puwedeng tumukoy sa isa na kadugo ng hari (ba·si·leusʹ) o sa opisyal niya. Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa tagapaglingkod, o opisyal sa palasyo, ni Herodes Antipas, ang tetrarka ng Galilea. Kilalá siya bilang “hari.”​—Tingnan ang study note sa Mat 14:9; Mar 6:14.

sumama sa kaniya: O “bumabang kasama niya” papuntang Capernaum. Noon, may isang kalsada na dumadaan sa Khirbet Qana (malamang na ang Cana noong panahon ng Bibliya; tingnan ang study note sa Ju 2:1) pababa sa Lawa ng Galilea at bumabaybay sa kahabaan ng baybayin nito papuntang Capernaum, na mahigit 200 m (650 ft) ang baba sa lebel ng dagat; kaya sa Griego, ginamit ang terminong “bumaba.”

ikapitong oras: Mga 1:00 n.h.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

ikalawang pagkakataon na gumawa ng himala: Ang unang himala ni Jesus ay nasa Ju 2:11. May iba pang himala na ginawa si Jesus sa Jerusalem pagkatapos nito. Pero ang himalang tinutukoy rito ay ang ikalawang himala niya sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.​—Ju 2:23.

Media