Ayon kay Juan 6:1-71

6  Pagkatapos, tumawid si Jesus sa kabila ng Lawa ng Galilea, o Tiberias.+ 2  At patuloy siyang sinundan ng isang malaking grupo ng mga tao,+ dahil nakikita nila na makahimala niyang pinagagaling ang mga maysakit.+ 3  Kaya umakyat si Jesus sa isang bundok at umupo roon kasama ang mga alagad niya. 4  Malapit na noon ang Paskuwa,+ ang kapistahan ng mga Judio. 5  Nang makita ni Jesus na may malaking grupo na papalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe:+ “Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?”+ 6  Pero sinabi lang niya ito para malaman ang nasa isip ni Felipe, dahil alam na niya ang gagawin niya. 7  Sumagot si Felipe: “Kahit tinapay na halagang 200 denario ay hindi sapat para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” 8  Sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya, si Andres na kapatid ni Simon Pedro: 9  “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?”+ 10  Sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Dahil madamo sa lugar na iyon, umupo sila roon, at may mga 5,000 lalaki sa grupong iyon.+ 11  Kinuha ni Jesus ang tinapay, at pagkatapos magpasalamat, ipinamahagi niya iyon sa mga nakaupo; gayon din ang ginawa niya sa maliliit na isda, at nakakain sila hanggang sa mabusog. 12  Nang mabusog sila, sinabi niya sa mga alagad niya: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.” 13  Kaya tinipon nila iyon, at 12 basket ang napuno ng mga natira nila mula sa limang tinapay na sebada. 14  Nang makita ng mga tao ang tanda* na ginawa niya, sinabi nila: “Ito talaga ang Propeta na darating sa mundo.”*+ 15  Kaya dahil alam ni Jesus na papalapit na sila para kunin siya at gawing hari, muli siyang umalis+ na nag-iisa papunta sa bundok.+ 16  Nang gumabi na, ang mga alagad niya ay pumunta sa lawa,+ 17  sumakay sa bangka, at tumawid papuntang Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa rin nila kasama si Jesus.+ 18  At ang lawa ay naging maalon dahil sa malakas na hangin.+ 19  Pero nang makalayo na sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at papalapit sa bangka, kaya natakot sila. 20  Pero sinabi niya sa kanila: “Ako ito; huwag kayong matakot!” + 21  Kaya pinasakay nila siya agad sa bangka, at di-nagtagal, nakarating sila sa lugar na pupuntahan nila.+ 22  Kinabukasan, nakita ng mga taong hindi umalis sa kabila ng lawa na wala na sa pampang ang nag-iisang maliit na bangka. Sumakay roon ang mga alagad ni Jesus at umalis nang hindi siya kasama. 23  Ngayon, ang mga bangka mula sa Tiberias ay dumating malapit sa lugar kung saan nila kinain ang tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24  Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus o ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka nila at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. 25  Nang makita nila siya sa kabila ng lawa, sinabi nila: “Rabbi,+ kailan ka dumating dito?” 26  Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda,* kundi dahil sa kumain kayo ng tinapay at nabusog.+ 27  Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira,+ kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan,+ na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao; dahil sa isang ito inilagay ng Ama, ng Diyos mismo, ang kaniyang tatak ng pagsang-ayon.”+ 28  Kaya sinabi nila sa kaniya: “Ano ang dapat naming gawin para maisakatuparan ang mga gawain ng Diyos?” 29  Sumagot si Jesus: “Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, dapat kayong manampalataya sa isinugo niya.”+ 30  Sinabi nila: “Kung gayon, anong tanda* ang ipapakita mo sa amin+ para maniwala kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31  Kinain ng mga ninuno namin ang manna sa ilang,+ gaya ng nasusulat: ‘Binigyan niya sila ng tinapay na mula sa langit.’”+ 32  Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na mula sa langit. Ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa langit. 33  Ang tinapay na ibinibigay ng Diyos ay ang isa na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sangkatauhan.”+ 34  Kaya sinabi nila: “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.” 35  Sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi na kailanman magugutom, at ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mauuhaw.+ 36  Pero gaya ng sinabi ko sa inyo, nakita na ninyo ako pero hindi pa rin kayo naniwala.+ 37  Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at hindi ko kailanman itataboy ang lumalapit sa akin;+ 38  dahil bumaba ako mula sa langit+ para gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.+ 39  Kalooban ng nagsugo sa akin na wala akong maiwalang sinuman sa lahat ng ibinigay niya sa akin,+ kundi ang buhayin ko silang muli+ sa huling araw. 40  Kalooban ng aking Ama na ang bawat isa na nakakakilala sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan,+ at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw.” 41  At nagbulong-bulungan ang mga Judio tungkol sa kaniya dahil sinabi niya: “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.”+ 42  Sinabi nila: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kaniyang ama at ina.+ Kaya bakit niya sinasabi ngayon, ‘Ako ay bumaba mula sa langit’?” 43  Sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong magbulong-bulungan. 44  Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin,+ at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.+ 45  Nakasulat sa mga Propeta: ‘Silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’+ Ang bawat isa na nakinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin. 46  Hindi ibig sabihin nito na may taong nakakita sa Ama;+ ang nakakita lang sa Ama ay ang isa na nanggaling sa Diyos.+ 47  Tinitiyak ko sa inyo, ang sinumang nananampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.+ 48  “Ako ang tinapay ng buhay.+ 49  Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang pero namatay pa rin sila.+ 50  Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit para ang sinuman ay makakain nito at hindi mamatay. 51  Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay* na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan* ay ang aking katawan.”+ 52  Kaya nagtalo-talo ang mga Judio: “Paano maibibigay ng taong ito ang katawan niya para kainin natin?” 53  Sinabi ni Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang katawan ng Anak ng tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.+ 54  Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw; 55  dahil ang katawan ko ay tunay na pagkain at ang dugo ko ay tunay na inumin. 56  Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako naman ay kaisa niya.+ 57  Kung paanong isinugo ako ng buháy na Ama at ako ay nabubuhay dahil sa Ama, ang kumakain sa aking katawan ay mabubuhay dahil sa akin.+ 58  Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito gaya ng kinain ng inyong mga ninuno, na namatay rin nang bandang huli. Ang sinumang kumakain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”+ 59  Sinabi niya ang mga ito habang nagtuturo siya sa sinagoga sa Capernaum. 60  Nang marinig nila ito, marami sa mga alagad niya ang nagsabi: “Nakakakilabot ang mga sinabi niya; sino ang makikinig sa ganiyang pananalita?” 61  Pero alam ni Jesus na nagbubulong-bulungan ang mga alagad niya, kaya sinabi niya: “Nagulat ba kayo rito? 62  Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?+ 63  Ang espiritu ang nagbibigay-buhay;+ walang kabuluhan ang pagsisikap ng tao. Ang mga sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.+ 64  Pero may ilan sa inyo na hindi nananampalataya.” Nasabi ito ni Jesus dahil mula pa sa pasimula ay alam na niya kung sino ang mga hindi nananampalataya at kung sino ang magtatraidor sa kaniya.+ 65  Sinabi pa niya: “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyo, walang sinumang makalalapit sa akin malibang pahintulutan siya ng Ama.”+ 66  Dahil dito, marami sa mga alagad niya ang bumalik sa mga bagay na dati nilang iniwan+ at hindi na sumunod sa kaniya. 67  Kaya sinabi ni Jesus sa 12 apostol: “Gusto rin ba ninyong umalis?” 68  Sumagot si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta?+ Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.+ 69  Naniwala kami at alam namin na ikaw ang isinugo ng Diyos.”*+ 70  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ako ang pumili sa inyong 12?+ Pero ang isa sa inyo ay maninirang-puri.”+ 71  Ang totoo, ang tinutukoy niya ay si Hudas na anak ni Simon Iscariote, dahil magtatraidor ito sa kaniya kahit isa ito sa 12 apostol.+

Talababa

O “himala.”
O “sanlibutan.”
O “himala.”
O “himala.”
Lit., “tinapay na buháy.”
O “sanlibutan.”
Lit., “ang Banal ng Diyos.”

Study Notes

Lawa ng Galilea, o Tiberias: Ang Lawa ng Galilea ay tinatawag kung minsan na Lawa ng Tiberias dahil nasa kanlurang baybayin nito ang lunsod ng Tiberias, na kinuha sa pangalan ng Romanong emperador na si Tiberio Cesar. (Ju 6:23) Ang Lawa ng Tiberias ay binanggit dito at sa Ju 21:1.—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

ang Paskuwa: Lumilitaw na ang Paskuwa noong 32 C.E., ang ikatlong Paskuwa noong ministeryo ni Jesus sa lupa.—Tingnan ang study note sa Ju 2:13; 5:1; 11:55 at Ap. A7.

Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?: Ito lang ang himala ni Jesus na pare-parehong iniulat ng apat na Ebanghelyo.—Mat 14:15-21; Mar 6:35-44; Luc 9:10-17; Ju 6:1-13.

denario: Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

Paupuin ninyo ang mga tao: O “Pahiligin ninyo ang mga tao.” Dito, ang salitang “tao” ay ipinanumbas sa isang anyo ng salitang Griego na anʹthro·pos, na karaniwang tumutukoy sa mga lalaki at babae. Ang terminong “lalaki” naman sa talatang ito ay ipinanumbas sa isang anyo ng salitang Griego na a·nerʹ, na batay sa konteksto at sa ulat ng Mat 14:21 ay tumutukoy lang sa adultong mga lalaki.—Tingnan ang study note sa Mat 14:21.

umupo sila roon, at may mga 5,000 lalaki sa grupong iyon: Si Mateo lang ang nag-ulat na may “mga babae at mga bata” nang mangyari ang himalang ito. (Mat 14:21) Kaya posibleng mahigit 15,000 ang lahat ng makahimalang pinakain.

ang Propeta: Inaasahan ng maraming Judio noong unang siglo C.E. na isang propetang gaya ni Moises, na binanggit sa Deu 18:15, 18, ang magiging Mesiyas. Sa kontekstong ito, ang ekspresyong darating sa mundo ay lumilitaw na tumutukoy sa inaasahang pagdating ng Mesiyas. Si Juan lang ang nag-ulat ng mga pangyayaring nasa talatang ito.—Tingnan ang study note sa Ju 1:9.

gawing hari: Si Juan lang ang nag-ulat ng pangyayaring ito. Ayaw na ayaw ni Jesus na masangkot sa politika ng sarili niyang bayan. Tatanggapin niya lang ang pagiging hari kung mula ito sa Diyos at ayon sa itinakdang panahon Niya. Nang maglaon, idiniin ni Jesus sa mga tagasunod niya na kailangan din nilang magkaroon ng ganiyang paninindigan.—Ju 15:19; 17:14, 16; 18:36.

mga lima o anim na kilometro: Mga 3 o 4 mi. Lit., “mga 25 o 30 estadyo.” Ang salitang Griego na staʹdi·on ay isang yunit ng pagsukat na katumbas ng 185 m (606.95 ft), o sangkawalo ng milyang Romano. Dahil mga 12 km (8 mi) ang lapad ng Lawa ng Galilea, malamang na ang mga alagad ay nasa kalagitnaan ng lawa noon.—Mar 6:47; tingnan ang study note sa Mat 4:18 at Ap. A7 at B14.

Tiberias: Isang lunsod sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea, mga 15 km (9.5 mi) sa timog ng Capernaum at nasa hilaga ng maiinit na bukal na kilalá noon. Itinayo ito ni Herodes Antipas sa pagitan ng 18 at 26 C.E. bilang bagong kabisera niya, at doon din siya tumira. Isinunod niya kay Tiberio Cesar ang pangalan ng lunsod bilang parangal sa Romanong emperador nang panahong iyon. At hanggang ngayon, tinatawag pa rin itong Tiberias (sa Hebreo: Teverya). Kahit ito ang pinakamalaking lunsod sa rehiyon, isang beses lang itong binanggit sa Kasulatan. Walang ulat na pumunta si Jesus sa Tiberias, posibleng dahil sa malaking impluwensiya rito ng mga banyaga. (Ihambing ang Mat 10:5-7.) Ayon kay Josephus, ang lunsod ng Tiberias ay itinayo kung saan may mga libingan, kaya marami sa mga Judio ang ayaw manirahan dito. (Bil 19:11-14) Matapos ang pagrerebelde ng mga Judio noong ikalawang siglo C.E., idineklara nang malinis ang Tiberias. Naging sentro ito ng edukasyon ng mga Judio, at dito rin nagpupulong ang Sanedrin. Dito tinipon ang nilalaman ng Mishnah at ng Palestinian (Jerusalem) Talmud. Dito rin nabuo ang tekstong Masoretiko na ginamit nang maglaon sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan.—Tingnan ang Ap. B10.

pagkaing nasisira . . . di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan: Alam ni Jesus na may ilang sumasama sa kaniya at sa mga alagad niya dahil lang sa materyal na pakinabang. Kailangan ng mga tao ng literal na pagkain para mabuhay bawat araw, pero “pagkain” mula sa Salita ng Diyos ang kailangan nila para mabuhay magpakailanman. Sinabi ni Jesus sa kanila na gumawa . . . para sa “di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan,” o magsikap para masapatan ang espirituwal na pangangailangan nila at manampalataya sa mga natututuhan nila.—Mat 4:4; 5:3; Ju 6:28-39.

Kinain ng mga ninuno namin ang manna: Gusto ng mga Judio ng Mesiyanikong Hari na makakapagbigay sa kanila ng literal na pagkain. Ikinatuwiran pa nga nila kay Jesus na ang Diyos ay naglaan ng manna sa mga ninuno nila sa ilang ng Sinai. Sinipi nila ang Aw 78:24 at tinawag na tinapay [o, “butil”] na mula sa langit ang manna na makahimalang inilaan ng Diyos. Isang araw pa lang ang nakakalipas nang makahimalang pakainin ni Jesus ang libo-libo sa pamamagitan lang ng limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda, kaya posibleng ito ang nasa isip ng mga Judio nang hilingan nila si Jesus na gumawa ng isang “tanda.”—Ju 6:9-12, 30.

sangkatauhan: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na koʹsmos ay pangunahin nang tumutukoy sa sangkatauhan o bahagi nito. (Tingnan ang study note sa Ju 1:10.) Sinasabi sa Ju 1:29 na si Jesus, na Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng “kasalanan ng sangkatauhan.” Sa Ju 6:33 naman, si Jesus ay inilalarawan bilang tinapay na ibinibigay ng Diyos, ang paraan ni Jehova para magbigay ng buhay at pagpapala sa mga tao.

ang tinapay ng buhay: Dalawang beses lang lumitaw sa Kasulatan ang ekspresyong ito. (Ju 6:35, 48) Sa kontekstong ito, ang buhay ay tumutukoy sa “buhay na walang hanggan.” (Ju 6:40, 47, 54) Sa ulat na ito, tinawag ni Jesus ang sarili niya bilang ang “tunay na tinapay na mula sa langit” (Ju 6:32), “ang tinapay na ibinibigay ng Diyos” (Ju 6:33), at “ang tinapay na nagbibigay-buhay” (Ju 6:51). Ipinakita niya na binigyan ng Diyos ng manna ang mga Israelita sa ilang (Ne 9:20), pero hindi ito nakapagbigay sa kanila ng buhay na walang hanggan (Ju 6:49). Ang tapat na mga tagasunod ni Kristo naman ay binigyan ng makalangit na manna, o “tinapay ng buhay” (Ju 6:48-51, 58), na makakapagbigay sa kanila ng buhay na walang hanggan. ‘Kinakain nila ang tinapay na ito’ kapag nananampalataya sila sa bisa ng isinakripisyo ni Jesus na laman at dugo para matubos ang mga tao.

buhayin ko silang muli sa huling araw: Apat na beses sinabi ni Jesus na bubuhayin niyang muli ang mga tao sa huling araw. (Ju 6:40, 44, 54) Sa Ju 11:24, may binanggit din si Marta na ‘pagkabuhay-muli sa huling araw.’ (Ihambing ang Dan 12:13; tingnan ang study note sa Ju 11:24.) Makikita sa Ju 12:48 na ang “huling araw” na ito ay isang panahon ng paghatol, at lumilitaw na tumutukoy ito sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo kung kailan hahatulan niya ang mga tao, pati na ang mga binuhay-muli.—Apo 20:4-6.

buhay na walang hanggan: Sa pagkakataong ito, ang ekspresyong “buhay na walang hanggan” ay binanggit ni Jesus nang apat na beses (Ju 6:27, 40, 47, 54) at isang beses naman (Ju 6:68) ng isa sa mga alagad niya. Ang ekspresyong Griego para sa “buhay na walang hanggan” ay lumitaw nang 17 beses sa Ebanghelyo ni Juan kumpara sa 8 beses na pinagsama-samang paglitaw nito sa tatlong iba pang Ebanghelyo.

ilapit siya: Ang pandiwang Griego para sa “ilapit” ay ginagamit para tumukoy sa paghatak ng lambat na pangisda (Ju 21:6, 11), pero hindi ito nangangahulugan na pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gawin ang labag sa kalooban nila. Ang pandiwang ito ay puwede ring mangahulugang “akitin,” at nang sabihin ito ni Jesus, posibleng nasa isip niya ang Jer 31:3, kung saan sinabi ni Jehova sa bayan niya noon: “Inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig.” (Ito rin ang pandiwang Griego na ginamit ng Septuagint sa talatang ito.) Ipinapakita sa Ju 12:32 (tingnan ang study note) na sa ganitong paraan din inilalapit ni Jesus sa sarili niya ang lahat ng uri ng tao. Itinuturo ng Kasulatan na binigyan ni Jehova ang mga tao ng kalayaang magpasiya. Ang bawat isa ang magpapasiya kung gusto niyang paglingkuran ang Diyos. (Deu 30:19, 20) Dahan-dahang inilalapit ng Diyos sa sarili niya ang mga may pusong nakaayon sa katotohanan. (Aw 11:5; Kaw 21:2; Gaw 13:48) At ginagamit ni Jehova ang mensahe ng Bibliya at ang banal na espiritu sa paggawa nito. Ang hula sa Isa 54:13, na sinipi sa Ju 6:45, ay tumutukoy sa mga inilapit ng Ama.—Ihambing ang Ju 6:65.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 54:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Sa mga manuskritong Griego ng Ebanghelyo ni Juan na mayroon tayo sa ngayon, ang ginamit dito ay the·osʹ (posibleng ang terminong ginamit sa Isa 54:13 sa mga kopya ng Septuagint), kaya tinumbasan ito ng “Diyos” sa karamihan ng salin. Pero dahil sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng ekspresyong sinipi, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.—Tingnan ang Ap. C.

buhay: Lit., “buhay sa sarili.” Sa Ju 5:26, sinabi ni Jesus na ang Ama ay “may kapangyarihang magbigay ng buhay [lit., “may buhay sa sarili”],” at ipinagkaloob din ng Diyos sa kaniya “ang kakayahang magbigay ng buhay [lit., “ang buhay sa sarili”].” (Tingnan ang study note sa Ju 5:26.) Pagkalipas ng mga isang taon, ginamit ni Jesus ang literal na ekspresyon para naman sa mga tagasunod niya. Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 6:54) Dito, sa halip na tumukoy sa kapangyarihang magbigay ng buhay, ang ekspresyong ito ay lumilitaw na nangangahulugang lubusan silang masisiyahan sa buhay. Mararanasan ito ng mga pinahirang Kristiyano kapag binuhay na silang muli sa langit bilang imortal. Mararanasan naman ito ng mga tapat na may makalupang pag-asa kapag nalampasan na nila ang huling pagsubok, na agad na mangyayari pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo.—1Co 15:52, 53; Apo 20:5, 7-10.

kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo: Makikita sa konteksto na ang pagkain at pag-inom na ito ay makasagisag at tumutukoy sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Ju 6:35, 40) Sinabi ito ni Jesus noong 32 C.E., kaya hindi ang Hapunan ng Panginoon ang tinutukoy niya; lumipas pa kasi ang isang taon bago niya ito pinasimulan. Sinabi niya ito noong malapit na “ang Paskuwa, ang kapistahan ng mga Judio” (Ju 6:4), kaya malamang na naipaalala nito sa mga tagapakinig niya ang nalalapit na kapistahan at ang halaga ng dugo ng kordero sa pagliligtas ng buhay noong gabing umalis sa Ehipto ang Israel (Exo 12:24-27). Idiniriin dito ni Jesus na magiging mahalaga rin ang dugo niya para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga alagad niya.

nananatiling kaisa ko: O “nananatili sa akin.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng malapít na ugnayan, magandang samahan, at pagkakaisa.

sinagoga: O posibleng “nagkakatipong mga tao.” Ang pangngalang Griego na sy·na·go·geʹ na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “pagtitipon; kapulungan.” Sa karamihan ng paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa gusali o lugar kung saan nagtitipon ang mga Judio para magbasa ng Kasulatan, maturuan, mangaral, at manalangin. (Tingnan sa Glosari.) Sa kontekstong ito, puwedeng tumukoy ang terminong ito sa anumang pagtitipon na bukás sa publiko, pero mas malamang na tumutukoy ito sa isang “sinagoga” kung saan mga Judiong nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang kinakausap ni Jesus.

Nagulat ba kayo rito?: O “Natisod ba kayo rito?” o “Nawalan ba kayo ng pananampalataya dahil dito?” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod. Madalas itong tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. Depende sa konteksto, ang skan·da·liʹzo ay puwedeng tumukoy sa paglabag sa kautusan ng Diyos sa moral, kawalan ng pananampalataya, pagtanggap sa huwad na mga turo, o paghihinanakit.—Tingnan ang study note sa Mat 5:29; 18:7.

espiritu: Lumilitaw na tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos. Sinabi ni Jesus na walang kabuluhan ang pagsisikap ng tao kung ikukumpara sa kapangyarihan at karunungan na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Ipinapakita nito na ang kakayahan ng mga tao, pati na ang karunungan nila na makikita sa kanilang mga akda, pilosopiya, at turo, ay hindi aakay sa buhay na walang hanggan.

tao: Lit., “laman.” Tumutukoy sa mga limitasyon ng mga tao, kasama na ang kaisipan nila at nagagawa. Walang kabuluhan ang pinagsama-samang karanasan at karunungan ng tao, pati na ang lahat ng kanilang akda, pilosopiya, at turo, dahil hindi iyon makakapagbigay ng buhay na walang hanggan.

ay espiritu at buhay: Ginamit sa ekspresyong ito ang salitang Griego na e·stinʹ, at puwede itong isaling “nangangahulugang espiritu at buhay.” (Tingnan ang study note sa Mat 12:7; 26:26.) Lumilitaw na itinuturo ni Jesus na ang mga sinasabi niya ay mula sa banal na espiritu at na nagbibigay-buhay ang mga ito.

mula pa sa pasimula: Ang ekspresyong ito ay hindi tumutukoy sa kapanganakan ni Hudas o sa pagkapili sa kaniya bilang apostol, na nangyari matapos manalangin nang magdamag si Jesus. (Luc 6:12-16) Sa halip, tumutukoy ito sa pasimula ng pagiging di-tapat ni Hudas, na agad na nakita ni Jesus. (Ju 2:24, 25; Apo 1:1; 2:23; tingnan ang study note sa Ju 6:70; 13:11.) Ipinapakita rin nito na ang mga ginawa ni Hudas ay pinag-isipan at pinagplanuhan, hindi biglaan. Ang kahulugan ng terminong “pasimula” (sa Griego, ar·kheʹ) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nakadepende sa konteksto. Halimbawa, sa 2Pe 3:4, ang “pasimula” ay tumutukoy sa pasimula ng paglalang. Pero mas limitado ang kahulugan nito sa karamihan ng paglitaw nito. Halimbawa, sinabi ni Pedro na tumanggap ng banal na espiritu ang mga Gentil “gaya rin ng nangyari noon [lit., “noong pasimula”] sa atin.” (Gaw 11:15) Hindi tinutukoy ni Pedro ang kapanganakan niya o ang pagkapili sa kaniya bilang apostol. Ang tinutukoy niya rito ay ang araw ng Pentecostes 33 C.E., o ang “pasimula” ng pagbubuhos ng banal na espiritu para sa isang espesipikong layunin. (Gaw 2:1-4) Para sa iba pang halimbawa na nagpapakitang ang kahulugan ng “pasimula” ay nakadepende sa konteksto, tingnan ang Luc 1:2; Ju 15:27; at 1Ju 2:7.

alam na niya . . . kung sino ang magtatraidor sa kaniya: Ang tinutukoy ni Jesus ay si Hudas Iscariote. Magdamag na nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama bago piliin ang 12 apostol. (Luc 6:12-16) Kaya noong una, tapat si Hudas sa Diyos. Pero alam ni Jesus mula sa mga hula sa Hebreong Kasulatan na isang malapít na kaibigan ang magtatraidor sa kaniya. (Aw 41:9; 109:8; Ju 13:18, 19) Nang magsimula ang kasamaan ni Hudas, nakita ito ni Jesus dahil nakakabasa siya ng puso at isip. (Mat 9:4) Dahil kayang makita ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap, alam niyang isang pinagkakatiwalaang kasamahan ni Jesus ang magtatraidor sa anak niya. Pero hindi tamang isipin na itinakda na ng Diyos na si Hudas ang magtatraidor, dahil hindi ito kaayon ng mga katangian ng Diyos at ng pakikitungo Niya sa mga tao.

maninirang-puri: O “diyablo.” Ang salitang Griego na di·aʹbo·los, na karaniwang tumutukoy sa Diyablo, ay nangangahulugang “maninirang-puri.” Kapag hindi ito tumutukoy sa Diyablo, isinasalin itong “naninirang-puri” (1Ti 3:11; Tit 2:3) o “maninirang-puri” (2Ti 3:3). Sa Griego, kapag ginagamit ito para sa Diyablo, halos lagi itong nilalagyan ng tiyak na pantukoy. (Tingnan ang study note sa Mat 4:1 at Glosari, “Tiyak na pantukoy.”) Dito, ginamit ang terminong ito para ilarawan si Hudas Iscariote, na naging masama. Posible na sa pagkakataong ito, nakita ni Jesus na nagsisimula nang maging masama si Hudas. At nang maglaon, nagamit siya ni Satanas para maipapatay si Jesus.—Ju 13:2, 11.

Media