Liham ni Judas 1:1-25
1 Mula kay Judas, isang alipin ni Jesu-Kristo, pero kapatid ni Santiago,+ para sa mga tinawag+ na iniibig ng Diyos na Ama at iniingatan para kay Jesu-Kristo:+
2 Tumanggap nawa kayo ng higit pang awa at kapayapaan at pag-ibig.
3 Mga minamahal, noong una ay gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasan na pare-pareho nating taglay,+ pero nakita kong kailangan kong sumulat sa inyo para himukin kayong makipaglaban nang husto para sa pananampalataya+ na minsanang ibinigay sa mga banal.
4 Sumulat ako dahil may mga taong nakapuslit sa gitna ninyo na matagal nang itinalaga ng Kasulatan sa hatol na ito; sila ay mga taong di-makadiyos na ginagawang dahilan ang walang-kapantay* na kabaitan ng ating Diyos para gumawi nang may kapangahasan*+ at nagtataksil sa tanging may-ari sa atin at Panginoon natin, si Jesu-Kristo.+
5 Kahit alam na alam na ninyo ito, gusto ko pa ring ipaalaala sa inyo na bagaman iniligtas ni Jehova* ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto,+ pinuksa niya ang mga hindi nagpakita ng pananampalataya.+
6 At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng orihinal nilang kalagayan kundi umiwan sa sarili nilang tahanan+ ay iginapos niya ng di-mapuputol na mga kadena sa matinding kadiliman para sa paghuhukom sa dakilang araw.+
7 Ganoon din ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila na nagpakasasa sa seksuwal na imoralidad* at sumunod sa di-likas na pagnanasa ng laman;+ nagsisilbi silang babalang halimbawa sa atin sa dinanas nilang parusang hatol na walang-hanggang apoy.+
8 Sa kabila nito, ang mga taong ito ay mahilig ding mag-ilusyon, nagpaparungis ng laman, humahamak sa awtoridad, at nagsasalita nang mapang-abuso tungkol sa mga maluwalhati.+
9 Pero nang si Miguel+ na arkanghel+ at ang Diyablo ay magtalo tungkol sa katawan ni Moises,+ hindi nangahas si Miguel na hatulan ang Diyablo gamit ang mapang-abusong mga salita,+ kundi nagsabi: “Sawayin ka nawa ni Jehova.”*+
10 Gayunman, ang mga taong ito ay nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa lahat ng bagay na hindi naman nila naiintindihan.+ At may kinalaman sa lahat ng bagay na likas nilang naiintindihan gaya ng walang-isip na mga hayop,+ patuloy nilang pinasasamâ ang sarili nila.
11 Kaawa-awa sila dahil sumunod sila sa landas ni Cain+ at sumugod sa maling landasin ni Balaam+ para sa kabayaran, at nalipol sila dahil sa mapaghimagsik na pagsasalita+ gaya ni Kora!+
12 Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga salusalo*+ habang kumakain silang kasama ninyo, mga pastol na pinakakain ang sarili nila nang walang takot;+ mga ulap na walang tubig at ipinapadpad ng hangin nang paroo’t parito;+ mga punong walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na namatay nang dalawang beses* at binunot;
13 nagngangalit na mga alon sa dagat na nagpapaalimbukay ng sarili nilang kahihiyan;+ mga bituin na walang direksiyon na ilalagay sa matinding kadiliman magpakailanman.+
14 Oo, ang ikapito sa talaangkanan mula kay Adan, si Enoc,+ ay nanghula rin tungkol sa kanila at sinabi niya: “Si Jehova* ay dumating na kasama ang kaniyang napakaraming* banal+
15 para maglapat ng hatol laban sa lahat,+ at para hatulang nagkasala ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng di-makadiyos na mga bagay na ginawa nila sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na bagay na sinabi ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”+
16 Ang mga taong ito ay mahilig magbulong-bulungan,+ mga reklamador sa kalagayan nila sa buhay, at sumusunod sa sarili nilang pagnanasa,+ at lumalabas sa bibig nila ang sobrang kayabangan, habang pinupuri nila ang iba* para sa sarili nilang pakinabang.+
17 At kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga sinabi noon* ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Kristo,
18 kung paanong sinasabi nila noon sa inyo: “Sa mga huling araw* ay magkakaroon ng mga manunuya, na sumusunod sa sarili nilang pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay.”+
19 Sila ang mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi,+ mga taong makahayop,* na walang espirituwalidad.*
20 Pero kayo, mga minamahal, patibayin ninyo ang inyong kabanal-banalang pananampalataya, at manalangin kayo taglay ang banal na espiritu,+
21 para mapanatili ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos,+ habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo na umaakay sa buhay na walang hanggan.+
22 Gayundin, patuloy na magpakita ng awa+ sa ilan na may pag-aalinlangan;+
23 iligtas ninyo sila+ sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy. Pero patuloy na magpakita ng awa sa iba, na ginagawa iyon nang may takot, habang kinapopootan ninyo maging ang damit na narumhan ng laman.+
24 Ngayon, sa isa na makapagbabantay sa inyo para hindi kayo matisod at makapaghaharap sa inyo sa kaniyang kaluwalhatian* nang walang dungis+ at may malaking kagalakan,
25 sa tanging Diyos na Tagapagligtas natin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, kadakilaan, kalakasan, at awtoridad sa walang-hanggang panahon na nagdaan at ngayon at magpakailanman. Amen.
Talababa
^ O “di-sana-nararapat.”
^ O “gumawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari, “Paggawi nang may kapangahasan.”
^ Lit., “piging ng pag-ibig.”
^ O “na lubusang namatay.”
^ O “laksa-laksang; sampu-sampung libong.”
^ O “humahanga sa mga personalidad.”
^ O “mga inihula.”
^ Lit., “Sa huling panahon.”
^ O “pisikal.”
^ Lit., “espiritu.”
^ O “maluwalhating presensiya.”